Lumang Tipan 2022
Oktubre 31–Nobyembre 6. Daniel 1–6: “Walang Ibang Diyos na Makapagliligtas”


“Oktubre 31–Nobyembre 6. Daniel 1–6: ‘Walang Ibang Diyos na Makapagliligtas,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Oktubre 31–Nobyembre 6. Daniel 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
binigyang kahulugan ni Daniel ang panaginip ng hari

Binigyang-kahulugan ni Daniel ang Panaginip ni Nebukadnezar, ni Grant Romney Clawson

Oktubre 31–Nobyembre 6

Daniel 1–6

“Walang Ibang Diyos ang Makapagliligtas”

Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott na ang pagtatala ng inspirasyon ay “nagpapakita sa Diyos na sagrado sa atin ang Kanyang mga pakikipag-ugnayan. Ang pagtatala ay magdaragdag din sa kakayahan nating maalala ang paghahayag” (“Paano Makatatanggap ng Paghahayag at Inspirasyon sa Iyong Personal na Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 46).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Malamang na walang sinumang magbabanta na ihahagis ka sa isang nagniningas na hurno o yungib ng mga leon dahil sa iyong pananampalataya kay Jesucristo. Ngunit walang sinuman sa atin ang dumadaan sa buhay na ito nang walang pagsubok sa pananampalataya. Lahat tayo ay maaaring makinabang sa halimbawa ng mga taong tulad nina Daniel, Shadrac, Meshac, at Abednego, na dinalang bihag ng makapangyarihang Imperyo ng Babilonia noong kabataan nila (tingnan sa 2 Mga Hari 24:10–16). Ang mga kabataang ito ay naligiran ng di-pamilyar na kultura na iba ang mga pinahahalagahan, at naharap sila sa malalaking tukso na talikuran ang kanilang paniniwala at mabubuting tradisyon. Gayunman nanatili silang tapat sa kanilang mga tipan. Tulad nina Jose sa Egipto at Esther sa Persia, iningatan ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan sa Babilonia ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at gumawa ng mga himala ang Diyos na nagbibigay-inspirasyon pa rin sa mga mananampalataya hanggang sa araw na ito.

Paano sila nagkaroon ng lakas na manatiling tapat? Ginawa nila ang maliliit at mga karaniwang bagay na iyon na ipinagagawa ng Diyos sa ating lahat—pagdarasal, pag-aayuno, pagpili ng mabubuting kaibigan, pagtitiwala sa Diyos, at pagiging liwanag sa iba. Sa pagkakaroon natin ng lakas sa paggawa ng maliliit at simpleng bagay na ito, maaari nating harapin nang may pananampalataya ang mga leon at nagniningas na mga hurno sa ating buhay.

Para sa buod ng aklat ng Daniel, tingnan sa “Daniel,” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Daniel 1; 3; 6

Mapagkakatiwalaan ko ang Panginoon kapag sinusubukan ang aking pananampalataya.

Sa isang banda, lahat tayo ay nakatira sa Babilonia. Ang mundong nakapaligid sa atin ay puno ng maraming tukso na ikompromiso ang ating mga pamantayan at pagdudahan ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Habang binabasa mo ang Daniel 1, 3, at 6, pansinin ang mga paraan kung saan pinilit sina Daniel, Shadrac, Meshac, at Abednego na gawin ang mga bagay na alam nilang mali. Nakadama ka na ba ng pamimilit na ikompromiso ang iyong paniniwala? Ano ang natutuhan mo mula sa mga lalaking ito na makatutulong sa iyo na magtiwala sa Panginoon kapag ikaw ay nahaharap sa oposisyon?

Nakatala sa aklat ni Daniel at sa marami pang mga banal na kasulatan kung saan ang malaking pananampalataya ay humantong sa malalaking himala. Ngunit paano kung ang ating pananampalataya ay hindi hahantong sa mga himalang hangad natin? (tingnan, halimbawa, sa Alma 14:8–13). Batay sa nabasa mo sa Daniel 3:13–18, ano sa palagay mo ang isasagot nina Shadrac, Meshac, at Abednego sa tanong na ito? Paano makakaapekto ang kanilang halimbawa sa pagharap mo sa mga pagsubok ng iyong pananampalataya? Para sa iba pa tungkol sa mga talatang ito, tingnan sa mensahe ni Elder Dennis E. Simmons na “Ngunit Kung Hindi…” (Ensign o Liahona, Mayo 2004, 73–75).

Ipinapakita rin sa aklat ni Daniel kung paano maaakay ng matwid na mga pagpili ang isang tao para higit na manampalataya sa Panginoon. Anong mga halimbawa nito ang nakikita mo sa mga kabanata 1, 3, at 6? Isiping mabuti ang mga epekto sa ibang tao ng iyong mga pagpili (tingnan sa Mateo 5:16).

Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Huwag Kang Matakot, Manampalataya Ka Lamang,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 76–79; David R. Stone, “Sion sa Gitna ng Babilonia,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 90–93.

Larawan
apat na batang lalaki sa may mesa na tumatanggi sa karne na alok ng lalaki

Paglalarawan kay Daniel at sa kanyang mga kaibigan na tinatanggihan ang pagkain ng hari, ni Brian Call

Daniel 2

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos sa mundo.

Sa pamamagitan ng paghahayag, nakita ni Daniel na ipinropesiya ng panaginip ni Nebukadnezar ang mga makamundong kaharian, gayundin ang magiging kaharian ng Diyos, na “hindi kailanman mawawasak” (Daniel 2:44). “Ang Simbahan ay ang ipinropesiyang kaharian sa mga huling araw,” pagtuturo ni Elder D.Todd Christofferson, “hindi gawa ng tao kundi itinatag ng Diyos ng langit at lalaganap gaya ng batong ‘natibag sa bundok, hindi ng mga kamay’ para punuin ang mundo” (“Bakit Kailangan ang Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 111). Isipin ang tungkol sa kaharian ng Diyos sa mga huling araw habang binabasa mo ang mga paglalarawan ng bato sa Daniel 2:34–35, 44–45. Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa pagitan ng bato at ng kaharian? Paano mo nakikita ang kaharian ng Diyos na pinupuno ang mundo ngayon?

Tingnan din sa Gordon B. Hinckley, “Ang Batong Tinibag mula sa Bundok,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 83–86; L.Whitney Clayton, “Darating ang Panahon,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 11–13.

Daniel 3:19–28

Susuportahan ako ng Tagapagligtas sa aking mga pagsubok.

Ano ang mga kabatirang pumapasok sa isip mo habang binabasa mo ang tungkol sa ikaapat na nilalang na makikita sa nagniningas na hurno na kasama nina Shadrac, Meshac, at Abednego? Paano makatutulong sa iyo ang talang ito sa kinakaharap mong mga pagsubok? Maaari kang magkaroon ng karagdagang mga kaalaman sa Mosias 3:5–7; Alma 7:11–13; Doktrina at mga Tipan 61:36–37; 121:5–8.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Daniel 1–2.Habang binabasa mo ang Daniel 1 at 2, makikita mo ang mga pagpapalang natanggap ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagkain ng karne at alak ng hari. (Panoorin ang video na “God Gave Them Knowledge,” ChurchofJesusChrist.org.) Maaari mong ikumpara ang mga pagpapalang iyon sa mga pangako ng Panginoon sa atin kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos, tulad ng Word of Wisdom (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:18–21). Paano tayo pinagpala ng Panginoon sa pagsunod natin sa Word of Wisdom?

Daniel 3.Paano mo matutulungan ang inyong pamilya na matutuhan ang tungkol sa kuwento sa Daniel 3? Ang “Sina Shadrac, Meshac, at Abednego” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan ay makatutulong. Ano ang hinahangaan natin kina Shadrac, Meshac, at Abednego? Anong mga sitwasyon ang dinaranas natin na sumusubok sa ating pananampalataya at nangangailangan na ipakita natin na nagtitiwala tayo sa Diyos?

Daniel 6:1–23.Maaaring masiyahan ang inyong pamilya na isadula ang mga bahagi ng kuwento sa Daniel 6:1–23 (halimbawa, mga talata 10–12 o 16–23). Ano ang natututuhan natin mula sa halimbawa ni Daniel? Ano ang magagawa natin upang maging mas katulad niya?

Daniel 6:25–27.Ayon sa mga talatang ito, paano naapektuhan si Haring Dario nang iligtas ng Panginoon si Daniel mula sa mga leon? Maaari mo ring basahin sa Daniel 2:47; 3:28–29 kung paano naapektuhan si Haring Nebukadnezar sa gayunding paraan. Ano ang mga oportunidad na mayroon tayo para maimpluwensyahan ang iba? Talakayin ang mga halimbawang nakita mo sa kung paano nakaimpluwensya ang pananampalataya ng ibang tao, kabilang na ang mga miyembro ng pamilya, para sa kabutihan.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Nais Kong Ipamuhay ang Ebanghelyo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 72.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ituro ang doktrina. Ang ebanghelyo ng Panginoon ay maganda sa kapayakan nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:57). Ang mga simpleng aktibidad at talakayan na nakatuon sa doktrina ay mag-aanyaya sa Espiritu Santo na dalhin ang mensahe ng ebanghelyo sa puso ng inyong pamilya.

Larawan
si Daniel sa yungib ng mga leon

Si Daniel sa Yungib ng mga Leon, 1872. Rivière, Briton (1840–1920). Credit: Walker Art Gallery, National Museums Liverpool/Bridgeman Images