Lumang Tipan 2022
Enero 31–Pebrero 6. Genesis 6–11; Moises 8: “Si Noe ay Nakatagpo ng Biyaya sa Paningin ng Panginoon”


“Enero 31–Pebrero 6. Genesis 6–11; Moises 8: ‘Si Noe ay Nakatagpo ng Biyaya sa Paningin ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Enero 31–Pebrero 6. Genesis 6–11; Moises 8,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
si Noe, ang kanyang pamilya, mga hayop, ang arka, at isang bahaghari

Paglalarawan kay Noe na nakalabas na ng arka, ni Sam Lawlor

Enero 31–Pebrero 6

Genesis 6–11; Moises 8

“Si Noe ay Nakatagpo ng Biyaya sa Paningin ng Panginoon”

Ang mga kuwento sa mga banal na kasulatan ay madalas makapagturo sa atin ng maraming espirituwal na aral. Habang nagbabasa ka tungkol sa Malaking Baha at Tore ng Babel, maghangad ng inspirasyon kung paano umaangkop sa iyo ang mga kuwentong ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang mga mambabasa ng Biblia sa maraming henerasyon ay nabigyang-inspirasyon ng kuwento ni Noe at ng Baha. Ngunit tayo na nabubuhay sa mga huling araw ay may espesyal na dahilan para pagtuunan ito ng pansin. Nang ituro ni Jesucristo kung paano natin dapat abangan ang Kanyang Ikalawang Pagparito, sinabi niya, “Gaya noong mga araw ni Noe, ito ay gayon din naman sa pagparito ng Anak ng Tao” (Joseph Smith—Mateo 1:41). Bukod pa rito, ang mga pariralang naglalarawan sa panahon ni Noe, tulad ng “tiwali” at “puno ng karahasan,” ay tulad din ng paglalarawan sa ating panahon (Genesis 6:12–13; Moises 8:28). Ang kuwento ng Tore ng Babel ay tila angkop din sa ating panahon, sa paglalarawan nito sa kapalaluan na sinundan ng pagkalito at pagkakahati ng mga anak ng Diyos.

Ang mga sinaunang salaysay na ito ay mahalaga hindi lamang dahil sa ipinapakita sa atin ng mga ito ang kasamaang paulit-ulit na nangyayari sa buong kasaysayan. Ang mas mahalaga, itinuturo nito sa atin kung ano ang gagawin tungkol dito. Si Noe “ay nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Panginoon” (Moises 8:27) sa kabila ng kasamaan sa kanyang paligid. At ang mga pamilya ni Jared at ng kanyang kapatid ay bumaling sa Panginoon at inakay palayo sa kasamaan sa Babel (tingnan sa Eter 1:33–43). Kung iniisip natin kung paano pananatilihing ligtas ang ating sarili at ating pamilya sa ating sariling panahon ng katiwalian at karahasan, maraming maituturo sa atin ang mga pamilyar na kuwento sa mga kabanatang ito.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Genesis 6; Moises 8

May espirituwal na kaligtasan sa pagsunod sa propeta ng Panginoon.

Salamat sa ipinanumbalik na ebanghelyo, mas marami na tayong alam tungkol kay Noe kaysa sa matatagpuan sa Lumang Tipan. Inihahayag sa inspiradong pagsasalin ni Joseph Smith ng Genesis 6, na matatagpuan sa Moises 8, na si Noe ay isa sa mga dakilang propeta ng Diyos. Siya ay inorden at isinugo upang ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo, siya ay lumakad at nakipag-usap sa Diyos, at siya ang piniling muling magtatag sa mga anak ng Diyos sa lupa pagkatapos ng Baha (tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 121, 233). Ano ang natututuhan mo tungkol sa mga propeta mula sa mga karanasan ni Noe?

Habang nagbabasa ka tungkol sa panahon ni Noe, maaari kang makapansin ng mga pagkakatulad sa ating panahon. Halimbawa:

Ano ang itinuturo ng mga propeta ngayon tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo na maaaring mapanatili kang ligtas sa mundo ngayon? Habang nagbabasa ka tungkol sa mga karanasan ni Noe, ano ang naghihikayat sa iyo na sundin ang mga propeta ng Panginoon ngayon?

Tingnan din sa Mosias 13:33; Doktrina at mga Tipan 21:4–7.

Genesis 9:8–17

Ang mga tanda o simbolo ay nagpapaalala sa atin ng ating mga tipan sa Panginoon.

Ang mga tipan ng ebanghelyo ay maaaring katawanin ng isang senyas, simbolo, o “tanda” (Genesis 9:12). Halimbawa, pag-isipan kung paano ipinapaalala ng tinapay at tubig ng sakramento o ng mga tubig ng binyag ang mga sagradong katotohanang may kaugnayan sa iyong mga tipan. Ayon sa Genesis 9:8–17, ano ang maaaring ipaalala sa iyo ng isang bahaghari? Ano ang idinaragdag ng Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 9:21–25 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) sa iyong pang-unawa? Bakit nais ng Panginoon na maalala mo Siya at ang mga tipang nagawa mo?

Tingnan din sa Gerrit W. Gong, “Lagi Siyang Aalalahanin,” Liahona, Mayo 2016, 108–11.

Genesis 11:1–9

Ang tanging paraan para makarating sa langit ay sa pagsunod kay Jesucristo.

Ang sinaunang Babel, o Babilonia, ay matagal nang ginagamit bilang simbolo ng kasamaan at kamunduhan (tingnan sa Apocalipsis 18:1–10; Doktrina at mga Tipan 133:14). Habang pinag-aaralan mo ang Genesis 11:1–9, pagnilayan ang mga kabatirang ibinigay ng propetang si Mormon, na sumulat na si Satanas ang “siyang naglagay sa puso ng mga tao na magtayo ng isang tore na may sapat na taas upang sila ay makarating sa langit” (Helaman 6:28; tingnan din sa mga talata 26–27). Ano ang mga babala ng kuwento ng Tore ng Babel para sa iyo?

Tingnan din sa Mga Awit 127:1.

Larawan
ang tore ng Babel

Paglalarawan ng Tore ng Babel, ni David Green

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Genesis 6–8.Paano mo magagamit ang kuwento tungkol sa arka ni Noe upang ituro sa inyong pamilya kung paano tayo mapapanatiling espirituwal na ligtas ng pagsunod sa propeta? (tingnan sa “Si Noe,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Maaari sigurong magtulungan ang inyong pamilya sa pagbubuo ng isang simpleng laruang bangka na gawa sa papel o blocks. Habang binabasa mo ang Genesis 6–7, maaari mong ikumpara ang kaligtasang laan ng bangka sa kaligtasang natatagpuan natin sa pagsunod sa propeta. Maaari mong talakayin ang payo ng propeta kamakailan at isulat ang mga salita ng kanyang payo sa iyong bangka.

Ano pa ang naibigay ng Diyos sa atin na maaaring ikumpara sa arkang nagligtas sa pamilya ni Noe? Ang mga resource na ito ay nagmumungkahi ng ilang sagot, bagama’t marami pang ibang mga resource: 2 Nephi 9:7–13; Doktrina at mga Tipan 115:5–6; at ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Pagiging Ulirang Banal sa mga Huling Araw” (Liahona, Nob. 2018, 113–14).

Moises 8:17.Ano ang ibig sabihin ng “pananatili” sa atin ng Espiritu ng Panginoon? (tingnan sa 1 Nephi 7:14; Doktrina at mga Tipan 1:33). Kailan natin naranasan na nananatili sa atin ang Espiritu?

Genesis 9:8–17.Maaaring masiyahan ang mga bata na magdrowing o magkulay ng isang bahaghari habang pinag-uusapan ninyo kung ano ang kinakatawan nito (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 9:21–25 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Maaari mo ring talakayin ang mga bagay na nagpapaalala sa atin ng ating mga tipan, tulad ng sakramento, na nagpapaalala sa atin ng ating tipan sa binyag na sundin si Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:75–79).

Genesis 11:1–9.Maaaring makatulong na basahin ang Eter 1:33–43 habang pinag-aaralan ng inyong pamilya ang Genesis 11 at natututo tungkol sa Tore ng Babel. Ano ang natututuhan natin mula sa mga pamilya ni Jared at ng kanyang kapatid na makakatulong sa ating pamilya na makasumpong ng espirituwal na kaligtasan sa kabila ng kasamaan sa mundo? Anong karagdagang mga aral ang natututuhan natin mula kay Noe at sa kanyang pamilya nang maharap sila sa isang hamon na katulad niyon? (tingnan sa Moises 8:13, 16–30).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Propeta’y Sundin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59 (ika-3 taludtod).

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Ibahagi ang mga nababatid ng iyong isip. Kapag ibinabahagi mo ang natututuhan mo mula sa mga banal na kasulatan, hindi mo lamang pinagpapala ang iba kundi pinalalalim mo rin ang iyong sariling pang-unawa. Ano ang nahihikayat kang ibahagi mula sa mga banal na kasulatan sa iyong pamilya, mga kaibigan, o mga miyembro ng ward?

Larawan
arka ni Noe

Paglalarawan ng arka ni Noe, ni Adam Klint Day