Lumang Tipan 2022
Enero 24–30. Moises 7: “Tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga Tao na Sion”


“Enero 24–30. Moises 7: ‘Tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga Tao na Sion,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Enero 24–30. Moises 7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
maraming tao na nakikisalamuha sa mapagmahal na paraan

Mahalin ang Isa’t Isa, ni Emma Donaldson Taylor

Enero 24–30

Moises 7

“Tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga Tao na Sion”

Habang binabasa at pinagninilayan mo ang Moises 7, itala ang iyong mga espirituwal na impresyon. Sa paggawa nito, ipinapakita mo na pinahahalagahan mo ang patnubay ng Panginoon at na nais mo pang makatanggap ng Kanyang patnubay.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa buong kasaysayan, sinikap na ng mga tao na magawa ang naisagawa ni Enoc at ng kanyang mga tao: ang makabuo ng isang ulirang lipunan kung saan walang kahirapan o karahasan. Bilang mga tao ng Diyos, ganito rin ang ating hangarin. Ang tawag natin dito ay pagtatayo ng Sion, at kinabibilangan ito—bukod pa sa pangangalaga sa mga maralita at pagtataguyod ng kapayapaan—ng paggawa ng mga tipan, sama-samang paninirahan sa kabutihan, at pakikipagkaisa sa isa’t isa at kay Jesucristo, “ang Hari ng Sion” (Moises 7:53). Dahil patuloy ang gawain ng pagtatatag ng Sion sa ating panahon, makakatulong na itanong, Paano ito ginawa ni Enoc at ng kanyang mga tao? Paano sila nagkaroon ng “isang puso at isang isipan” (Moises 7:18) sa kabila ng kasamaan sa kanilang paligid? Kasama sa maraming detalyeng ibinibigay sa atin ng Moises 7 tungkol sa Sion, maaaring ang isang partikular na bagay na mahalaga para sa mga Banal sa mga Huling Araw ay ito: Ang Sion ay hindi lamang isang lungsod—ito ay isang kalagayan ng puso at espiritu. Ang Sion, tulad ng itinuro ng Panginoon, ay “ang dalisay na puso” (Doktrina at mga Tipan 97:21). Kaya ang pinakamainam na paraan marahil upang maitayo ang Sion ay ang magsimula sa sarili nating puso at tahanan.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Moises 7:16–21, 27, 53, 62–69

Ang mga pagsisikap ni Enoc ay isang huwaran para sa pagtatayo ng Sion sa sarili nating buhay.

Dahil ang Moises 7 ay isang talaan ng kung paano matagumpay na naitayo ng mga tagasunod ng Diyos ang Sion, matuturuan at mahihikayat tayo nito ngayon habang nagsisikap tayong gawin din iyon. Isiping gumamit ng isang table na katulad ng isang ito para itala ang natutuhan mo tungkol sa Sion sa Moises 7:16–21, 27, 53, 62–69.

Talata

Ano ang natutuhan mo tungkol sa Sion?

Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa iyong mga pagsisikap na itayo ang Sion?

Talata

7:18

Ano ang natutuhan mo tungkol sa Sion?

Ang mga tao ng Sion ay “may isang puso at isang isipan.”

Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa iyong mga pagsisikap na itayo ang Sion?

Kailangan nating magkaisa bilang mga pamilya at bilang isang Simbahan.

Talata

7:21

Ano ang natutuhan mo tungkol sa Sion?

“Sa paglipas ng panahon, [ang Sion] ay dinala sa langit.”

Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa iyong mga pagsisikap na itayo ang Sion?

Ang pagtatayo ng Sion ay isang dahan-dahang proseso.

Talata

Ano ang natutuhan mo tungkol sa Sion?

Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa iyong mga pagsisikap na itayo ang Sion?

Talata

Ano ang natutuhan mo tungkol sa Sion?

Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa iyong mga pagsisikap na itayo ang Sion?

Moises 7:18–19, 53

Dapat magsikap ang mga tao ng Diyos na maging “isang puso at isang isipan.”

Nakalista sa Moises 7:18–19 ang mahahalagang katangian ng mga taong tinawag ng Panginoon na Sion. Sa palagay mo, bakit mahalaga ang mga katangiang ito para maitayo ang Sion? Paano naiiba ang Sion, na inilarawan sa kabanatang ito, sa iba pang mga nagkakaisang grupo o organisasyon sa mundo? Habang pinagninilayan mo ang tanong na ito, maaari mong pag-isipan ang mga salitang ito ni Jesucristo sa talata 53: “Ako ang Mesiyas, ang Hari ng Sion.” Ano ang ibig sabihin ng maging Hari natin si Jesucristo? Paano Niya tayo tinutulungang magkaroon ng mga katangian ng Sion?

Tingnan din sa Mga Taga Filipos 2:1–5; 4 Nephi 1:15–18; Doktrina at mga Tipan 97:21; 105:5.

Larawan
mga taong nagbabatian

Dapat nating sikaping maging “isang puso at isang isipan” (Moises 7:18).

Moises 7:21, 23–24, 27, 69

Ano ang nangyari sa lungsod ni Enoc?

Ang mga pariralang “dinala” (Moises 7:21, 23), “dinakila” (Moises 7:24), “natangay” (Moises 7:27), at “naglaho” (Moises 7: 69) ay tumutukoy sa Sion at sa mga tao ni Enoc na nagbagong-anyo at dinala sa langit. Ang mga taong nagbagong-anyo “ay binago kaya hindi sila nagdaranas ng sakit o kamatayan” bilang mga mortal (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Translated Beings,” “Sion,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa 3 Nephi 28:4–9, 15–18, 39–40).

Moises 7:28–69

Ang Dios ay tumatangis para sa Kanyang mga anak.

Ang tingin ng ilang tao sa Diyos ay isang malayong nilalang na ang damdamin ay hindi apektado ng nangyayari sa atin. Ngunit nakita ni Enoc ang isang pangitain kung saan umiyak ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Habang binabasa mo ang Moises 7:28–40, alamin ang mga dahilan kung bakit nanangis ang Diyos. Sa natitirang bahagi ng pangitain ni Enoc, na inilarawan sa Moises 7:41–69, anong katibayan ang nakikita mo na ang Diyos ay “maawain at mabait magpakailanman”? (Moises 7:30; tingnan sa mga talata 43, 47, at 62 para sa mga halimbawa).

Moises 7:62

Sa mga huling araw titipunin ng Diyos ang Kanyang mga hinirang.

Ang talata 62 ay naglalarawan ng mga kaganapan sa mga huling araw. Isipin kung ano ang maaaring ibig sabihin ng mga pariralang tulad nito: “kabutihan ang aking ipadadala mula sa langit,” “katotohanan ay aking ipadadala sa lupa,” “kabutihan at katotohanan ay papapangyarihin kong umabot sa mundo gaya ng isang baha.” Ano ang itinuturo sa iyo ng mga katagang ito tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Moises 7:18–19.Para mailarawan ng mga miyembro ng pamilya sa kanilang isipan kung ano ang kahulugan ng maging “isang puso,” maaari ka sigurong gumawa ng isang pusong papel at gupit-gupitin ito para gawing mga piraso ng puzzle, na sapat ang dami para magkaroon ng isang piraso ang bawat miyembro ng pamilya. Maaaring isulat ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang pangalan sa kanilang papel at pagkatapos ay magtulungan ang bawat isa na buuin ang puso. Habang kinukumpleto ang puzzle maaari ninyong pag-usapan ang mga bagay na gustung-gusto ninyo tungkol sa bawat miyembro ng pamilya.

Moises 7:28–31, 35.Ano ang natututuhan natin tungkol sa Diyos mula sa mga talatang ito?

Moises 7:32.Bakit tayo binigyan ng Diyos ng kalayaan? Ano ang maaari nating sabihin sa isang taong nadarama na nililimitahan ng mga utos ng Diyos ang ating kalayaan? Maaaring makatulong ang pagbasa sa 2 Nephi 2:25–27 sa talakayang ito.

Moises 7:59–67.Habang binabasa ng inyong pamilya ang Moises 7:59–67, subukang markahan o itala ang mga bagay na sinasabi ng Panginoon kay Enoc tungkol sa mga huling araw—halimbawa, na ang Diyos ay “[ti]tipunin ang [Kanyang] mga hinirang” (talata 62) at na magkakaroon ng “matinding paghihirap sa masasama” (talata 66). Paano tayo magkakaroon ng pananampalataya at pag-asa sa kabila ng kasamaan sa mga huling araw? Bilang bahagi ng talakayang ito, isiping basahin ang mga salitang ito mula kay Elder Ronald A. Rasband: “Lakasan ninyo ang inyong loob, mga kapatid. Oo, nabubuhay tayo sa mapanganib na panahon, ngunit habang nananatili tayo sa landas ng tipan, hindi natin kailangang matakot. Binabasbasan ko kayo na sa paggawa nito, hindi kayo mababagabag ng panahon kung kailan tayo nabubuhay o ng mga problema na darating sa inyo. Binabasbasan ko kayo na piliing tumayo sa mga banal na lugar at huwag matinag. Binabasbasan ko kayo na maniwala sa mga pangako ni Jesucristo, na Siya ay buhay at Siya ay nagbabantay sa atin, nagmamalasakit at nakatayong kasama natin” (“Huwag Kayong Mabagabag,” Liahona, Nob. 2018, 21).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Pag-ibig sa Tahanan,” Mga Himno, blg. 183.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maging mapagmasid. Habang nagtutuon ka ng pansin sa nangyayari sa buhay ng iyong mga anak, makakahanap ka ng magagandang pagkakataong magturo. Ang mga puna at tanong ng iyong mga anak sa maghapon ay maaari ding humantong sa posibleng mga sandali ng pagtuturo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 16.)

Larawan
Ipinintang larawan ni Enoc at ng mga taong nakatingala sa liwanag

City of Zion Translated [Lungsod ng Sion na Nagbagong-Anyo], ni Del Parson