Lumang Tipan 2022
Enero 17–23. Genesis 5; Moises 6: “Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak”


“Enero 17–23. Genesis 5; Moises 6: ‘Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Enero 17–23. Genesis 5; Moises 6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
sina Adan at Eva sa labas ng Halamanan ng Eden

Better than Paradise [Mas Mainam kaysa sa Paraiso], ni Kendal Ray Johnson

Enero 17–23

Genesis 5; Moises 6

“Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak”

Habang binabasa at pinagninilayan mo ang Genesis 5 at Moises 6, itala ang mga espirituwal na impresyong natatanggap mo. Anong mga mensahe ang nakikita mo na mahalaga sa iyo at sa inyong pamilya?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Karamihan sa Genesis 5 ay listahan ng mga henerasyon sa pagitan nina Adan at Eva at ni Noe. Marami tayong nababasang pangalan, ngunit wala tayong gaanong alam tungkol sa kanila. Pagkatapos ay mababasa natin ang tungkol kay Enoc, na anim na henerasyon mula kay Adan, na inilarawan sa nakaiintriga ngunit di-maipaliwanag na linyang ito: “At lumakad si Enoc na kasama ng Dios: at di siya nasumpungan sapagka’t kinuha ng Dios” (Genesis 5:24). Tiyak na may kuwento sa likod niyan. Ngunit nang walang iba pang paliwanag, nagpapatuloy ang listahan ng mga henerasyon.

Mabuti na lamang at inihahayag sa Moises 6 ang mga detalye ng kuwento ni Enoc—at magandang kuwento iyon. Nalaman natin ang kapakumbabaan ni Enoc, ang kanyang mga pangamba, ang potensyal na nakita ng Diyos sa kanya, at ang dakilang gawaing isinagawa niya bilang propeta ng Diyos. Nagkaroon din tayo ng mas malinaw na pagkakaunawa sa pamilya nina Adan at Eva sa pagprogreso nito sa mga henerasyon. Mababasa natin ang “malaking kapangyarihan” ni Satanas gayundin ang mga magulang na itinuro sa mga anak ang “landas ng Diyos” at ang “mga mangangaral ng kabutihan” na “nangusap at nagpropesiya” (Moises 6:15, 21, 23). Lalong katangi-tangi ang natututuhan natin tungkol sa doktrinang itinuro ng mga magulang at mangangaral na ito: pananampalataya, pagsisisi, binyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo (tingnan sa Moises 6:50–52). Ang doktrina, tulad ng priesthood na kaakibat nito, ay “naroroon na sa simula pa [at] siya ring naroroon sa wakas ng daigdig” (Moises 6:7).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Moises 6:26–36

Ang isang propeta ay isang tagakita.

Habang pinag-aaralan mo ang Moises 6:26–36, ano ang natututuhan mo tungkol sa mga mata, kadiliman, at pagkakita? Sa panahon ni Enoc, sino ang hindi “makakita sa malayo”? Bakit hindi makita ng mga taong ito ang katotohanan? Ano ang nakita ni Enoc? Ano ang nakabuo sa iyong pananampalataya na ang mga makabagong propeta ay mga tagakita? (tingnan sa talata 36; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tagakita,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Moises 6:26–47

Tinatawag tayo ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa kabila ng ating mga kakulangan.

Hindi karaniwan ang magulumihanan sa ipinagagawa sa atin ng Panginoon. Gayon din ang nadama ni Enoc nang tawagin siya ng Panginoon na maging isang propeta. Habang binabasa mo ang Moises 6:26–36, alamin kung bakit nagulumihanan si Enoc at kung ano ang sinabi ng Panginoon para palakasin ang kanyang loob. Sa mga talata 37–47, hanapin ang mga paraan na sinuportahan ng Panginoon si Enoc at binigyan siya ng kapangyarihang gawin ang Kanyang gawain (tingnan din sa Moises 7:13). Maaari mong ikumpara ang karanasan ni Enoc sa karanasan ng iba pang mga propeta na nakadama ng kakulangan, tulad nina Moises (tingnan sa Exodo 4:10–16), Jeremias (tingnan sa Jeremias 1:4–10), Nephi (tingnan sa 2 Nephi 33:1–4), at Moroni (tingnan sa Eter 12:23–29). Ano sa palagay mo ang nais ng Diyos na matutuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa gawaing ipinagagawa Niya sa iyo?

Tingnan din sa Jacob 4:6–8.

Moises 6:48–68

Ang doktrina ni Cristo ang pinakamahalaga sa plano ng kaligtasan ng Diyos.

Dahil nasa atin ang aklat ni Moises, alam natin na noon pa man ay tinuturuan na ng Diyos ang Kanyang mga anak kung paano mapatawad at matubos sa simula pa lamang. Sa mga banal na kasulatan, ang mga turong ito ay tinatawag kung minsan na doktrina ni Cristo (tingnan sa 2 Nephi 31:13–21). Habang pinag-aaralan mo ang Moises 6:48–68, hanapin kung ano ang kailangan nating malaman at gawin upang matubos. Maaaring makatulong na isulat ang sarili mong buod ng itinuro ni Enoc. Bakit mahalagang malaman na ang mga katotohanang ito ay itinuro na noon pang panahon nina Adan at Eva? Ano ang nahihikayat kang gawin bilang resulta ng pag-aaral sa mga turong ito?

Moises 6:51–62

“Malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak.”

Itinuro kina Adan at Eva ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ngunit nililinaw ng mga salita ng Panginoon sa Moises 6:27–28 na sa mga henerasyong nauna kay Enoc, maraming taong hindi na ipinamumuhay ang mga katotohanang iyon. Nais ng Panginoon na ipanumbalik ni Enoc ang mga katotohanang nawala—pati na ang utos na ibinigay kay Adan: “Malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak” (Moises 6:58). Habang binabasa mo ang Moises 6:51–62, ano ang natututuhan mo tungkol kay Jesucristo? Ano ang nakikita mo na lalong magiging mahalaga sa susunod na henerasyon? Ano ang magagawa mo para tumulong na maipasa ang mga katotohanang ito sa darating na mga henerasyon?

Larawan
pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Dapat ituro ng mga magulang ang ebanghelyo sa kanilang mga anak.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Genesis 5; Moises 6:5–25, 46.Ang pagbabasa tungkol sa “aklat ng alaala” na iningatan ng pamilya nina Adan at Eva ay maaaring makahikayat sa inyong pamilya na gumawa ng sarili ninyong aklat ng alaala. Talakayin sa pamilya kung ano ang gusto ninyong isama. Mayroon siguro kayong mga retrato, kuwento, o dokumento mula sa kasaysayan ng inyong pamilya. Maaari ninyong piliing isama ang mga bagay na nangyayari sa inyong pamilya ngayon. Ano ang makikita ng darating na mga henerasyon na mahalaga? Maaari mo ring talakayin kung paano magagabayan ng mga pariralang “sa pamamagitan ng diwa ng inspirasyon” (Moises 6:5) at “ang huwarang ibinigay ng daliri ng Diyos” (Moises 6:46) ang inyong mga pagsisikap. Isiping i-save ang impormasyon mula sa inyong aklat ng alaala sa FamilySearch.org.

Moises 6:53–62.Paano natin sasagutin ang tanong ni Adan na matatagpuan sa Moises 6:53? Anong mga sagot ang makikita natin sa mga talata 57–62?

Moises 6:59.Ano ang ibig sabihin ng “isilang na muli sa kaharian ng langit”? Ano ang magagawa natin para patuloy na isilang na muli sa buong buhay natin? Para sa tulong, tingnan sa Alma 5:7–14, 26; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Isinilang na Muli, Isinilang sa Diyosscriptures.ChurchofJesusChrist.org; David A. Bednar, “Panatilihin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan” (Liahona, Mayo 2016, 59–62).

Moises 6:61.Ano ang natututuhan natin tungkol sa Espiritu Santo mula sa talatang ito?

Moises 6:63.Ano ang ilan sa mga bagay na “nagpapatotoo [kay Cristo]”? (tingnan din sa 2 Nephi 11:4). Isiping anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng isang bagay na nakikita nila “sa kalangitan sa itaas” o “sa [ibabaw ng] lupa” na tumutulong sa kanila na malaman ang tungkol kay Jesucristo. Halimbawa, paano ipinaaalala sa atin ng mga puno, bato, o araw ang Tagapagligtas? Ano ang itinuturo sa atin ng mga titulong “tubig na buhay” at “tinapay ng kabuhayan” tungkol sa Kanya? (Juan 4:10–14; 6:35).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno, blg. 171.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Maghanap ng mga simbolo. Sa mga banal na kasulatan, ang mga bagay o kaganapan ay maaaring madalas kumatawan o magsimbolo sa mga espirituwal na katotohanan. Mapagyayaman ng mga simbolong ito ang iyong pang-unawa sa doktrina. Halimbawa, ano ang natututuhan mo mula sa mga simbolo ng mga mata at putik sa Moises 6:35?

Larawan
sina Adan at Eva kasama ang mga anak

Adam and Eve Teaching Their Children [Tinuturuan nina Adan at Eva ang Kanilang mga Anak], ni Del Parson