Lumang Tipan 2022
Pebrero 7–13. Genesis 12–17; Abraham 1–2: “Maging Isang Higit na Dakilang Tagasunod ng Kabutihan”


“Pebrero 7–13. Genesis 12–17; Abraham 1–2: ‘Maging Isang Higit na Dakilang Tagasunod ng Kabutihan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Pebrero 7–13. Genesis 12–17; Abraham 1–2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
Abraham at Sara

Paglalarawan kina Abraham at Sara, ni Dilleen Marsh

Pebrero 7–13

Genesis 12–17; Abraham 1–2

“Maging Isang Higit na Dakilang Tagasunod ng Kabutihan”

Habang nagbabasa ka tungkol kina Abram at Sarai (kalaunang tinawag na Abraham at Sara) at sa kanilang pamilya, pagnilayan kung paano nagbibigay-inspirasyon sa iyo ang kanilang mga halimbawa. Itala ang mga impresyon kung ano ang magagawa mo upang “maging isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan” (Abraham 1:2).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Dahil sa tipang ginawa ng Diyos sa kanya, tinawag na si Abraham na “ang ama ng matatapat” (Doktrina at mga Tipan 138:41) at “kaibigan ng Dios” (Santiago 2:23). Milyun-milyon ngayon ang gumagalang sa kanya bilang kanilang direktang ninuno, at ang iba ay inampon na sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Subalit si Abraham mismo ay nagmula sa isang magulong pamilya—ang kanyang ama, na tinalikuran ang tunay na pagsamba sa Diyos, ay tinangkang ialay si Abraham sa mga diyus-diyusan. Sa kabila nito, ang hangarin ni Abraham ay “maging isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan” (Abraham 1:2), at ipinapakita sa salaysay ng kanyang buhay na iginalang ng Diyos ang kanyang hangarin. Ang buhay ni Abraham ay nagsisilbing patotoo na kahit anuman ang naging kasaysayan ng pamilya ng isang tao, maaaring mapuno ng pag-asa ang hinaharap.

Larawan
Learn More image
Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Abraham 1:1–19

Pagpapalain ako ng Diyos dahil sa aking pananampalataya at mabubuting hangarin.

Gaya ng marami sa atin, nanirahan si Abraham sa isang masamang kapaligiran, subalit hinangad niyang maging matwid. Itinuro ng Pangulong Dallin H. Oaks ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matwid na mga hangarin: “Bagamat mahalagang iwaksi ang lahat ng hangaring magkasala, higit pa riyan ang hinihingi para sa buhay na walang-hanggan. Upang makamtan ang ating walang-hanggang tadhana, nanaisin at pagsisikapan nating taglayin ang mga katangiang kailangan upang maging walang-hanggang nilalang. … Kung tila napakahirap nito—at tiyak na hindi madali para sa sinuman sa atin—dapat nating simulang naisin ang gayong mga katangian, at manawagan sa ating mapagmahal na Ama sa Langit na baguhin ang ating damdamin [tingnan sa Moroni 7:48]” (“Hangarin,” Liahona, Mayo 2011, 44–45). Habang binabasa mo ang Abraham 1:1–19, isipin kung paano ipinamamalas ng mga talatang ito ang itinuro ni Pangulong Oaks. Maaaring makatulong ang mga tanong na tulad nito:

  • Ano ang ninais at hinangad ni Abraham? Ano ang ginawa niya para ipamalas ang kanyang pananampalataya?

  • Ano ang iyong mga hangarin? Sa palagay mo ba, may dapat kang gawin upang mapadalisay ang iyong mga hangarin?

  • Anong mga hamon ang nakaharap ni Abraham dahil sa kanyang matwid na mga hangarin? Paano siya tinulungan ng Diyos?

  • Anong mensahe ang nasa mga talatang ito para sa mga yaon na ang mga miyembro ng pamilya ay umaayaw sa kabutihan?

Tingnan din sa Mateo 7:7; “Educate Your Desires, Elder Andersen Counsels” (ChurchofJesusChrist.org).

Abraham 2:10–11

Sino ang kasama sa tipang Abraham?

Nang makipagtipan ang Panginoon kay Abraham, nangako Siya na ang tipang ito ay magpapatuloy sa angkan, o “binhi,” ni Abraham, at na “kasindami ng tatanggap ng Ebanghelyong ito ay … ibibilang sa iyong mga binhi” (Abraham 2:10–11). Nangangahulugan ito na ang mga pangako ng tipang Abraham ay angkop sa mga miyembro ng Simbahan ngayon, literal man silang mga inapo ni Abraham o inampon sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng binyag at pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Mga Taga Galacia 3:26–29; Doktrina at mga Tipan 132:30–32). Para mapabilang sa binhi ni Abraham, kailangang sundin ng isang tao ang mga batas at ordenansa ng ebanghelyo.

Genesis 12:1–3; 13:15–16; 15:1–6; 17:1–8, 15–22; Abraham 2:8–11

Ang tipang Abraham ay pinagpapala ako at ang aking pamilya.

Dahil lahat ng miyembro ng Simbahan ay kasama sa tipang Abraham, maaari kang mag-ukol ng kaunting panahon sa pagninilay kung bakit makabuluhan ang tipang ito sa iyong buhay. Itala ang iyong mga iniisip tungkol sa sumusunod na mga tanong:

Paano ako mapagpapala ng mga pangakong matatagpuan sa Abraham 2:8–11 at ang aking pamilya? (tingnan din sa Genesis 12:1–3; 13:15–16).

Ano ang natututuhan ko tungkol sa tipang Abraham sa Genesis 15:1–6; 17:1–8, 15–22?

Ano ang nahihikayat akong gawin para tumulong na matupad ang pangako na “lahat ng mag-anak sa mundo ay pagpapalain”? (Abraham 2:11).

Maaari mong isipin na ang ilan sa mga pagpapala sa mundo na ipinangako kina Abraham at Sara, tulad ng pagmamana ng isang lupang pangako at pagiging mga magulang ng isang dakilang angkan, ay may katulad na mga pagpapala sa kawalang-hanggan. Kabilang dito ang isang pamana sa kahariang selestiyal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:29) at ang walang-hanggang kasal kasama ang walang-hanggang mga inapo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:20–24, 28–32). Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa loob ng templo natin matatanggap ang ating pinakamataas na mga pagpapala, bilang binhi nina Abraham, Isaac, at Jacob” (“Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Liahona, Nob. 2006, 80).

Tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 15:9–12; 17:3–12 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan); Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipang Abraham”; “Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tipan,” sa resource na ito.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Genesis 13:5–12.Ano ang ginawa ni Abraham upang lumikha ng kapayapaan sa kanyang pamilya? Marahil ay maaaring magpraktis ang mga miyembro ng inyong pamilya na maging tagapamayapang tulad ni Abraham sa pamamagitan ng pagdudula-dulaan kung paano lutasin ang mga alitang maaaring sumapit sa inyong pamilya.

Genesis 13:16; 15:2–6; 17:15–19.Paano mo maipauunawa sa inyong pamilya ang pangako ng Panginoon sa mga talatang ito—na kahit wala pang mga anak sina Abraham at Sara, ang kanilang angkan ay magiging kasindami ng alabok ng lupa, mga bituin sa langit, o buhangin sa dalampasigan? (tingnan din sa Genesis 22:17). Marahil ay maaari mong ipakita sa mga miyembro ng pamilya ang isang lalagyang may buhangin, tingnan ang mga bituin, o gamitin ang larawang kasama sa outline na ito. Paano natin mapagkakatiwalaan ang mga pangako ng Diyos kahit tila imposible ang mga ito?

Genesis 14:18–20.Ano ang matututuhan natin tungkol kay Melquisedec mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:25–40? (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan; tingnan din sa Alma 13:13–19). Paano tayo maaaring “[magtatag] ng kabutihan” na tulad ni Melquisedec? (talata 36). Ano pa ang nakahihikayat sa atin tungkol sa ministeryo ni Melquisedec?

Larawan
si Melquisedec na binabasbasan si Abram

Melchizedek Blesses Abram [Binabasbasan ni Melquisedec si Abram], ni Walter Rane

Genesis 16.Ang pagbabasa tungkol kay Hagar ay maaaring maging isang pagkakataon na talakayin kung paano tayo tinutulungan ng Panginoon kapag nadama natin na ginawan tayo ng masama. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “Ismael” ay “naririnig ng Diyos.” Kailan natin nadama na dininig at tinulungan tayo ng Panginoon nang madama natin na ginawan tayo ng masama? (tingnan sa Genesis 16:11).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maging bukas at madaling lapitan. Ang ilan sa pinakamagagandang sandali para makapagturo ay nagsisimula sa isang tanong o problema na nasa puso ng isang miyembro ng pamilya. Ipaalam sa mga miyembro ng inyong pamilya sa iyong pananalita at kilos na sabik kang marinig sila. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 16.)

Larawan
si Sara na nakatingala sa langit na puno ng mga bituin

Nangako ang Diyos na ang mga inapo nina Abraham at Sara ay magiging kasindami na “gaya ng mga bituin ng langit” (Genesis 22:17). Pondering God’s Promise [Pagninilay sa Pangako ng Diyos] ni Courtney Matz.