Lumang Tipan 2022
Pebrero 14–20. Genesis 18–23: “May Anomang Bagay Kayang Napakahirap sa Panginoon?”


“Pebrero 14–20. Genesis 18–23: ‘May Anomang Bagay Kayang Napakahirap sa Panginoon?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Pebrero 14–20. Genesis 18–23,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
kalong ni Sara ang sanggol na si Isaac

Sarah and Isaac [Sara at Isaac], ni Scott Snow

Pebrero 14–20

Genesis 18–23

“May Anomang Bagay Kayang Napakahirap sa Panginoon?”

Basahin at pagnilayan ang Genesis 18–23, at itala ang iyong mga impresyon. Maaari mong gamitin ang mga ideya sa outline na ito para tulungan kang pag-aralan ang mga kabanatang ito, at maaari ka ring mahikayat na maghanap ng iba pang mga mensahe ng Panginoon sa mga banal na kasulatan na para lamang sa iyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang buhay ni Abraham, na puno ng mga kaganapang kapwa masakit at makabagbag-damdamin, ay katibayan ng isang katotohanang natutuhan ni Abraham sa isang pangitain—na tayo ay nasa lupa para subukin, “upang makita kung [ating] gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa [atin] ng Panginoon [nating] Diyos” (Abraham 3:25). Mapatunayan kaya ni Abraham mismo na siya ay matapat? Patuloy kaya siyang mananampalataya sa pangako ng Diyos na malaking angkan, kahit wala pa rin silang anak ni Sara sa kanilang katandaan? At kapag isinilang si Isaac, matiis kaya ng pananampalataya ni Abraham ang isang bagay na hindi niya sukat-akalain—isang utos na ialay ang mismong anak na siyang ipinangako ng Diyos para tuparin ang tipang iyon? Napatunayan nga ni Abraham na siya ay tapat. Nagtiwala si Abraham sa Diyos, at nagtiwala ang Diyos kay Abraham. Sa Genesis 18–23, makikita natin ang mga kuwento mula sa buhay ni Abraham at ng iba pa na maaaring maghikayat sa atin na pag-isipan ang sarili nating kakayahang maniwala sa mga pangako ng Diyos, na lumayo sa kasamaan at huwag lumingon kailanman, at magtiwala sa Diyos anuman ang sakripisyong kailangan.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Genesis 18:9–14; 21:1–7

Tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa Kanyang sariling panahon.

Gumawa na ang Panginoon ng maluluwalhating pangako sa matatapat, ngunit kung minsan, dahil sa sitwasyon natin sa buhay, nagtataka tayo kung paano posibleng matupad ang mga pangakong iyon. Maaaring ganyan ang naramdaman noon nina Abraham at Sara kung minsan. Ano ang natututuhan mo mula sa kanilang mga karanasan? Maaaring makatulong na simulan ang iyong pag-aaral sa pagrebyu sa naipangako ng Panginoon kay Abraham sa Genesis 17:4, 15–22. Paano tumugon sina Abraham at Sara? (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 17:23; Genesis 18:9–12). Paano tumugon ang Panginoon para tulungan silang magkaroon ng mas malakas na pananampalataya sa Kanyang mga pangako? (tingnan sa Genesis 18:14).

Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na nagpapalakas ng iyong pananampalataya? Anong iba pang mga karanasan—sa iyong buhay o sa buhay ng ibang tao—ang nagpalakas sa iyong pananampalataya na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa iyo sa Kanyang sariling panahon at paraan?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:68.

Genesis 19:12–29

Inuutusan tayo ng Panginoon na lumayo sa kasamaan.

Anong mga aral ang natututuhan mo tungkol sa paglayo sa kasamaan habang nagbabasa ka tungkol kay Lot at sa kanyang pamilya? Halimbawa, ano ang tumatak sa isipan mo tungkol sa sinabi at ginawa ng mga anghel para tulungan si Lot at ang kanyang pamilya na makatakas sa kapahamakan? (tingnan sa Genesis 19:12–17). Paano tumutulong ang Panginoon sa iyo at sa inyong pamilya na lumayo o maprotektahan mula sa masasamang impluwensya sa mundo?

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa mga kasalanan ng Sodoma at Gomorra, tingnan sa Ezekiel 16:49–50 at Judas 1:7–8.

Tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 19:9–15 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).

Larawan
paglalarawan kay Lot at sa kanyang pamilya na tumatakas mula sa Sodoma at Gomorra

Fleeing Sodom and Gomorrah [Pagtakas mula sa Sodoma at Gomorra], ni Julius Schnorr von Carolsfeld

Genesis 19:26

Ano ang maling ginawa ng asawa ni Lot?

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:

“Malinaw na ang kamalian ng asawa ni Lot ay hindi lamang paglingon sa likuran; sa puso niya ay gusto niyang bumalik. Siguro bago pa man siya makalampas sa hangganan ng lungsod, nangungulila na siya sa naibibigay ng Sodoma at Gomorra sa kanya. … Wala siyang pananampalataya. Pinagdudahan niya ang kakayahan ng Panginoon na mabigyan siya ng isang bagay na mas mainam kaysa sa nasa kanya na. …

“Sa lahat [ng tao sa bawat henerasyon], ang samo ko, ‘Alalahanin ang asawa ni Lot’ [Lucas 17:32]. Ang pananampalataya ay para sa hinaharap. Nakabatay ang pananampalataya sa nakaraan ngunit hinding-hindi nito gustong mamalagi roon. Nagtitiwala ang pananampalataya na maraming bagay ang inilalaan sa atin at si Cristo ang tunay na ‘dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating’ (Sa Mga Hebreo 9:11)” (“Ang Pinakamaganda ay Darating Pa,” Ensign, Ene. 2010, 24, 17–18, 21).

Genesis 22:1–19

Ang kahandaan ni Abraham na ialay si Isaac ay kahalintulad ng Diyos at ng Kanyang Anak.

Hindi natin alam ang lahat ng dahilan kung bakit inutusan ng Diyos si Abraham na ialay si Isaac bilang sakripisyo; ang alam natin ay isa itong pagsubok sa kanyang pananampalataya sa Diyos (tingnan sa Genesis 22:12–19). Habang binabasa mo ang Genesis 22:1–19, ano ang natututuhan mo mula sa karanasan ni Abraham?

Ang kahandaan ni Abraham na ialay ang kanyang anak ay “isang kahalintulad ng Diyos at ng kanyang Bugtong na Anak” (Jacob 4:5). Habang pinagninilayan mo ang mga pagkakatulad sa pagitan ng pagsubok kay Abraham at ng pag-aalay ng Diyos Ama sa Kanyang Anak bilang sakripisyo para sa atin, ano ang nadarama mo para sa iyong Ama sa Langit?

May mga pagkakatulad din sa pagitan ni Isaac at ng Tagapagligtas. Isiping basahing muli ang Genesis 22:1–19, na hinahanap ang mga pagkakatulad na ito.

Larawan
family study icon

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Genesis 18:14.May mga kuwento ba mula sa mga banal na kasulatan, mula sa kasaysayan ng inyong pamilya, o mula sa sarili mong buhay na nakapagturo sa iyo na walang bagay na napakahirap sa Panginoon?

Genesis 18:16–33.Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagkatao ni Abraham mula sa mga talatang ito? Paano natin masusundan ang kanyang halimbawa? (Tingnan din sa Alma 10:22–23.)

Genesis 19:15–17.Ang mga talatang ito ay makakatulong sa mga miyembro ng inyong pamilya na maghanda para sa mga panahon na kailangan nilang lumayo mula sa masasamang sitwasyon. Ano kaya ang ilan sa mga sitwasyong ito? Halimbawa, maaari kayong magtalakayan tungkol sa di-angkop na media o sa tuksong magtsismisan. Paano tayo makakalayo mula sa gayong mga sitwasyon?

Genesis 21:9–20.Ano ang tumatatak sa isipan ng inyong pamilya tungkol sa paraan ng pagtrato ng Diyos kina Agar at Ismael matapos silang itaboy nina Sara at Abraham?

Genesis 22:1–14.Paano mo maipapakita sa inyong pamilya ang kaugnayan sa pagitan ng kuwento noong utusan ng Diyos si Abraham na ialay si Isaac at ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas? Maaari mong ipakita ang mga larawan nina Abraham at Isaac at ng Pagpapako sa Krus (tingnan sa “Abraham at Isaac,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan) habang tinatalakay ng mga miyembro ng pamilya ang mga pagkakatulad na nakikita nila sa pagitan ng mga kaganapang ito. Maaari din ninyong kantahin ang isang himno o awitin tungkol sa sakripisyo ng Tagapagligtas, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21), at hanapin ang mga katagang naglalarawan sa sakripisyo ng Tagapagligtas.

Ano na ang hiniling sa atin na isakripisyo bilang pamilya? Paano tayo mas nailapit ng mga sakripisyong ito sa Diyos?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Dahil Tayo’y Mahal ng Diyos,” Mga Himno, blg. 110.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Makinig sa Espiritu. Habang nag-aaral ka, pag-ukulan ng pansin ang iyong mga iniisip at nadarama, kahit tila walang kaugnayan ang mga ito sa binabasa mo. Maaaring ang mga impresyong iyon ang mga bagay mismo na nais ipaalam ng Diyos sa iyo.

Larawan
sina Abraham at Isaac na naglalakad

Paglalarawan kina Abraham at Isaac, ni Jeff Ward