Lumang Tipan 2022
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tipan


“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
icon ng kaisipan

Mga Kaisipan na Dapat Tandaan

Ang Tipan

Sa buong Lumang Tipan, madalas mong mababasa ang salitang tipan. Ngayo’y karaniwan nating iniisip na ang mga tipan ay mga sagradong pangako sa Diyos, ngunit sa sinaunang mundo, ang mga tipan ay mahalagang bahagi rin ng pakikisalamuha ng mga tao sa isa’t isa. Para maging ligtas sila at manatiling buhay, kinailangang magtiwala ng mga tao sa isa’t isa, at ang mga tipan ay isang paraan upang matamo ang tiwalang iyon.

Kaya nang kausapin ng Diyos sina Noe, Abraham, o Moises tungkol sa mga tipan, inanyayahan Niya silang magkaroon ng tiwala sa Kanya. Ang isa sa pinakamagagandang halimbawa ng isang tipan sa Lumang Tipan ay ang ginawa ng Diyos kina Abraham at Sara—at pagkatapos ay pinanibago ito sa kanilang mga inapong sina Isaac at Jacob (na tinawag ding Israel). Madalas natin itong tawaging tipang Abraham, bagama’t sa Lumang Tipan ay tinawag lamang itong “ang tipan.” Makikita mo na ang Lumang Tipan ay kuwento pala ng mga taong itinuring ang kanilang sarili bilang mga tagapagmana ng tipang ito—ang pinagtipanang mga tao.

Ang tipang Abraham ay mahalaga pa rin ngayon, lalo na sa mga Banal sa mga Huling Araw. Bakit? Dahil mga pinagtipanang tao rin tayo, direktang inapo man tayo nina Abraham, Isaac, at Jacob o hindi (tingnan sa Mga Taga Galacia 3:27–29). Dahil dito, mahalagang maunawaan kung ano ang tipang Abraham at kung paano ito naaangkop sa atin ngayon.

Ano ang Tipang Abraham?

Gusto ni Abraham na “maging isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan” (Abraham 1:2), kaya inanyayahan siya ng Diyos sa isang pakikipagtipan. Hindi si Abraham ang unang nagkaroon ng hangaring ito, at hindi siya ang unang tumanggap ng isang tipan. Hinangad niya “ang mga pagpapala ng mga ama” (Abraham 1:2)—mga pagpapalang inialok ng tipan kina Eva at Adan at pagkatapos niyon ay sa mga taong masigasig na naghangad ng mga pagpapalang ito.

Ang tipan ng Diyos kay Abraham ang nangako ng magagandang pagpapala: isang pamanang lupain, malaking angkan, pagkakaroon ng karapatan na tumanggap ng mga ordenansa ng priesthood, at isang pangalang igagalang sa darating na mga henerasyon. Ngunit ang tuon ng tipang ito ay hindi lamang sa mga pagpapalang matatanggap ni Abraham at ng kanyang pamilya kundi sa magiging pagpapala rin ng mga ito sa iba pang mga anak ng Diyos. “Ikaw ay [magiging] isang [pagpapala],” ipinahayag ng Diyos, “at pagpapalain sa iyo ang lahat ng angkan sa lupa” (Genesis 12:2–3).

Nagbigay ba ang tipang ito kina Abraham, Sara, at sa kanilang mga inapo ng malaking pribilehiyo sa mga anak ng Diyos? Sa diwa lamang na isang pribilehiyo ang pagpalain ang iba. Ang pamilya ni Abraham ay “dadalhin … ang pangangaral na ito at Pagkasaserdote sa lahat ng bansa,” na ibinabahagi “ang mga pagpapala ng Ebanghelyo, na mga pagpapala ng kaligtasan, maging ng buhay na walang hanggan” (Abraham 2:9, 11).

Ang tipang ito ang pagpapalang inasam-asam ni Abraham. Matapos itong matanggap, taos-pusong sinabi ni Abraham, “Ang Inyong tagapaglingkod ay masigasig na naghanap sa inyo; ngayon, aking natagpuan kayo” (Abraham 2:12).

Libu-libong taon nang nakalipas iyon, ngunit ang tipang ito ay ipinanumbalik na sa ating panahon (tingnan sa 1 Nephi 22:8–12). At ito ay kasalukuyang natutupad sa buhay ng mga tao ng Diyos. Sa katunayan, ang katuparan ng tipan ay bumibilis sa mga huling araw habang sumusulong ang gawain ng Diyos, na nagpapala sa mga pamilya sa buong mundo. At sinumang nagnanais, tulad ni Abraham, na maging isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan, sinumang masigasig na naghahanap sa Panginoon, ay maaaring maging bahagi nito.

Larawan
pamilya sa harap ng templo

Ano ang Kabuluhan sa Akin ng Tipang Abraham?

Ikaw ay isang anak ng tipan. Nakipagtipan ka sa Diyos nang ikaw ay binyagan. Pinaninibago mo ito tuwing tumatanggap ka ng sakramento. At gumagawa ka ng mga sagradong tipan sa templo. Magkakasama, ginagawa kang kalahok ng mga tipang ito sa tipang Abraham, na ang kabuuan ay matatagpuan sa mga ordenansa sa templo. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa huli, sa banal na templo, maaari tayong maging kapwa mga tagapagmana sa mga pagpapala ng walang-hanggang pamilya, gaya ng minsang ipinangako kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa kanilang mga inapo.”1

Sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansang ito, tayo ay nagiging mga tao ng Diyos (tingnan sa Exodo 6:7; Deuteronomio 7:6; 26:18; Ezekiel 11:20). Nagiging kaiba tayo sa mundong ginagalawan natin. Ginagawang posible ng ating mga tipan na maging tunay at tapat na mga disipulo tayo ni Jesucristo. “Ang ating mga tipan,” paliwanag ni Pangulong Nelson, “ang nagbubuklod sa atin sa Kanya at nagbibigay sa atin ng lakas mula sa Diyos.”2 At kapag pinagpapala ng Diyos ng Kanyang kapangyarihan ang Kanyang mga tao, may kasama itong paanyaya at pag-asa na pagpapalain nila ang iba—na sila ay “magiging isang pagpapala” sa “lahat ng mag-anak sa mundo” (Abraham 2:9, 11).

Ito ang mahalagang pagkaunawang ipinagkaloob sa atin dahil sa Pagpapanumbalik ng tipang Abraham sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Kaya habang nagbabasa ka tungkol sa mga tipan sa Lumang Tipan, huwag mo lamang isipin ang kaugnayan ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob. Isipin mo rin ang kaugnayan Niya sa iyo. Habang nagbabasa ka tungkol sa pangakong di-mabilang na mga inapo (tingnan sa Genesis 28:14), huwag mo lamang isipin ang milyun-milyong tumatawag ngayon kay Abraham na kanilang ama. Isipin mo rin ang pangako ng Diyos sa iyo na mga walang-hanggang pamilya at walang-hanggang pag-unlad (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:20–24). Habang nagbabasa ka tungkol sa pangakong isang lupaing mana, huwag mo lamang isipin ang lupaing ipinangako kay Abraham. Isipin mo rin ang selestiyal na tadhana ng daigdig mismo—isang pamanang ipinangako sa “maaamo” na “nagsi[si]paghintay sa Panginoon” (Mateo 5:5; Mga Awit 37: 9, 11; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:17–20). At habang nagbabasa ka tungkol sa pangakong pagpapalain ng mga pinagtipanang tao ng Diyos “ang lahat ng mag-anak sa mundo” (Abraham 2:11), huwag mo lamang isipin ang ministeryo ni Abraham o ng mga propetang sumunod sa kanya. Isipin mo rin kung ano ang magagawa mo—bilang isang pinagtipanang alagad ni Jesucristo—upang maging pagpapala sa mga pamilya sa iyong paligid.