Doktrina at mga Tipan 2021
Enero 25–31. Doktrina at mga Tipan 6–9: “Ito ang Diwa ng Paghahayag”


“Enero 25–31. Doktrina at mga Tipan 6–9: ‘Ito ang Diwa ng Paghahayag,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Enero 25–31. Doktrina at mga Tipan 6–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
eskriba na nagsusulat sa papel

Enero 25–31

Doktrina at mga Tipan 6–9

“Ito ang Diwa ng Paghahayag”

Inihahayag ng Panginoon ang mga katotohanan sa ating puso’t isipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3). Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 6–9, itala ang mga impresyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Noong taglagas ng 1828, isang bata pang guro na nagngangalang Oliver Cowdery ang tumanggap ng trabahong magturo sa Manchester, New York, at nakitira siya sa pamilya nina Lucy at Joseph Smith Sr. Nabalitaan ni Oliver ang tungkol sa kanilang anak na si Joseph, na nakatira na noon sa Harmony, Pennsylvania, at ginusto ni Oliver, na itinuring ang kanyang sarili na isang taong naghahanap ng katotohanan, na marami pang malaman. Inilarawan ng mga Smith ang mga pagdalaw ng mga anghel, ang sinaunang talaan, at ang kaloob na magsalin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Namangha si Oliver. Totoo kaya ito? Binigyan siya nina Lucy at Joseph Sr. ng payo na angkop din sa sinumang naghahanap ng katotohanan: manalangin at magtanong sa Panginoon.

Ginawa ito ni Oliver, at sumagot ang Panginoon, na nangungusap ng kapayapaan at kapanatagan sa isipan ni Oliver. Natuklasan ni Oliver na ang paghahayag ay maaaring personal—isang bagay na matututuhan pa niya nang mas malalim sa mga susunod na buwan. Ang paghahayag ay hindi lamang para sa mga propeta; ito ay para sa sinumang nagnanais at humihingi nito. Hindi pa alam ni Oliver ang lahat ng bagay, ngunit sapat na ang alam niya para isagawa ang susunod niyang hakbang. May ginagawang mahalaga noon ang Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith, at nais ni Oliver na maging bahagi nito.

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa kasaysayan sa likod ng Doktrina at mga Tipan 6–9, tingnan sa Mga Banal, kabanata 6.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 6; 8–9

Ang Ama sa Langit ay nangungusap sa akin sa pamamagitan ng “Espiritu ng katotohanan.”

Noong tagsibol ng 1829, naglakbay si Oliver Cowdery patungong Harmony at nagboluntaryong maging tagasulat ni Joseph Smith nang isalin ng huli ang Aklat ni Mormon. Nakita na ngayon ni Oliver nang malapitan ang proseso ng pagsasalin sa pamamagitan ng paghahayag. Natuwa siya sa kanyang naranasan, at inisip niya kung maaari din siyang biyayaan ng kaloob na magsalin. Tinulutan siya ng Panginoon na magsalin, ngunit ang pagtanggap ng paghahayag ay bago para kay Oliver, at hindi naging maayos ang pagtatangka niyang magsalin. Marami pa siyang dapat matutuhan, at ipinapakita sa Doktrina at mga Tipan 6, 8, at 9 na handa ang Panginoon na turuan siya.

Habang binabasa mo ang mga bahaging ito, pansinin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa personal na paghahayag. Paano nauugnay ang Kanyang mga salita sa mga naranasan mo—o gustong maranasan?

Halimbawa, ano ang ipinahihiwatig sa Doktrina at mga Tipan 6:5–7; 8:1; 9:7–8 tungkol sa ipinagagawa sa iyo ng Panginoon bago Niya ihayag ang Kanyang kalooban?

Ano ang natututuhan mo sa Doktrina at mga Tipan 6:14–17, 22–24; 8:2–3; 9:7–9 tungkol sa iba’t ibang paraan na maaaring dumating ang paghahayag?

May iba ka pa bang natutuhan tungkol sa paghahayag sa mga bahaging ito?

Para malaman ang iba pa tungkol sa paghahayag, tingnan sa Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 93–96; Julie B. Beck, “At sa mga Lingkod na … Babae Naman ay Ibubuhos Ko sa mga Araw na Yaon ang Aking Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 10–12. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa “kaloob ni Aaron” na inilarawan sa bahagi 8, tingnan sa “Oliver Cowdery’s Gift,” Revelations in Context, 15–19.

Para malaman ang iba pa tungkol sa itinuturo ng mga buhay na propeta at apostol tungkol sa paghahayag, tingnan sa koleksyon ng mga video na “Pakinggan Siya!.”

Doktrina at mga Tipan 6:18–21, 29–37

Isaalang-alang si Cristo sa bawat pag-iisip.

Kahit nakaranas na si Joseph ng “mahirap na kalagayan” habang ginagawa ang gawain ng Panginoon (Doktrina at mga Tipan 6:18), wala silang ideya ni Oliver kung gaano kahirap ang magiging kalagayang iyon sa susunod na ilang taon. Ngunit alam iyon ng Panginoon, at alam Niya rin ang mga pagsubok na darating sa iyo. Makakatulong din sa iyo ang payo Niya kina Joseph at Oliver sa Doktrina at mga Tipan 6:18–21, 29–37. Ano kaya ang naramdaman nina Joseph at Oliver matapos marinig ang mga salitang ito? Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na nakakatulong sa iyo na magtiwala sa Panginoon? Paano mo higit na maisasaalang-alang si Cristo sa iyong buhay?

Larawan
Oliver Cowdery

Oliver Cowdery, ni Lewis A. Ramsey

Doktrina at mga Tipan 6–7; 9:3, 7–14

“Maging anuman ang naisin mo sa akin ito ay mapapasaiyo.”

Pansinin kung ilang beses lumilitaw ang mga salitang “naisin” o “hangarin” sa mga bahagi 6 at 7. Ano ang natututuhan mo sa mga bahaging ito tungkol sa pagpapahalaga ng Diyos sa iyong mga naisin? Itanong sa iyong sarili ang tanong ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 7:1: “Ano ang ninanais mo?”

Ang isa sa mga matwid na naisin ni Oliver Cowdery—ang magsalin na tulad ni Joseph Smith—ay hindi natupad. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 9:3, 7–14, anong mga impresyon ang natanggap mo na maaaring makatulong sa iyo kapag hindi natutupad ang iyong mga matwid na hangarin?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 11:8; Dallin H. Oaks, “Hangarin,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 42–45.

Larawan
Doctrine and Covenants Historical Resources banner

Panoorin ngayon

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Doktrina at mga Tipan 6:7, 13.Paano mo maipapaunawa sa inyong pamilya na ang tunay na “mga yaman” ay matatagpuan sa buhay na walang-hanggan? (talata 7). Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na gumawa ng pera-perahan at sulatan o drowingan ito ng ilan sa maraming biyayang natanggap ng inyong pamilya dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

Doktrina at mga Tipan 6:15, 22–23; 8:2–3; 9:7–9.Ang pagbasa sa mga talatang ito kung paano nangungusap ang Diyos sa Kanyang mga anak ay maaaring maging magandang pagkakataon para maibahagi sa inyong pamilya kung paano Siya nangungusap sa inyo.

Doktrina at mga Tipan 6:33–37.Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga paraan para “gumawa ng mabuti,” kahit kapag natatakot sila. Maaari ding makatulong na panoorin ang buo o ilang bahagi ng mensahe ni Elder Ronald A. Rasband na “Huwag Kayong Mabagabag” (Ensign o Liahona, Nob. 2018, 18–21). Ano ang ibig sabihin ng “isaalang-alang [si Cristo] sa bawat pag-iisip”? (talata 36). Ano ang ilan pang halimbawa ng mga taong bumaling sa Panginoon upang madaig ang pag-aalinlangan at takot? (tingnan, halimbawa, sa Esther 4; Alma 26:23–31).

Doktrina at mga Tipan 8:10.Maaaring magandang pagkakataon ito upang ibahagi kung paano nagpalakas sa iyo at sa inyong pamilya ang pagsampalataya kay Jesucristo. Bakit mahalaga na tayo ay “humingi nang may pananampalataya”? Anong mga pagpapala ang nakita ninyo sa paghingi ng mga sagot o tulong nang may pananampalataya?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Maglakas-loob, Tama’y Gawin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 80.

Larawan
icon ng mga tinig ng panunumbalik

Mga Tinig ng Panunumbalik

Pagsasalin ng Aklat ni Mormon

Noong Abril 1829, ang buwan kung kailan natanggap ang mga bahagi 6–9 ng Doktrina at mga Tipan, ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ang pangunahing gawain ni Joseph Smith. Nang hilingan siya kalaunan na ikuwento kung paano isinalin ang talaang ito, sinabi ni Joseph “na hindi nilayon na sabihin sa sanlibutan ang buong detalye.”1 Madalas lang niyang sinasabi noon na ito ay isinalin “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”2

Maraming detalye tungkol sa mahimalang proseso ng pagsasalin ang hindi natin alam, ngunit alam natin na si Joseph Smith ay isang tagakita, na may tulong ng mga kasangkapang inihanda ng Diyos: dalawang malilinaw na bato na tinatawag na Urim at Tummim at isa pang bato na tinatawag na bato ng tagakita.3

Ang sumusunod na mga pahayag, mula sa mga nakasaksi sa proseso ng pagsasalin, ay sumusuporta sa patotoo ni Joseph.

Larawan
kahon ni Hyrum Smith na yari sa kahoy na pinaglagyan ng mga laminang ginto

Pinaniniwalaan na ang kahong ito, na pag-aari ni Hyrum Smith, ay ginamit para pansamantalang itago ang mga laminang ginto.

Emma Smith

Larawan
Emma Smith

“Noong isinasalin ng asawa ko ang Aklat ni Mormon, ako ang sumulat ng ilang bahagi nito, habang idinidikta niya ang bawat pangungusap, bawat salita, at kapag may mga pangngalang pantangi na hindi niya mabigkas, o mahahabang salita, binabaybay niya ang mga ito, at habang isinusulat ko ang mga ito, kung nagkamali ako sa pagbaybay, patitigilin niya ako at itatama ang isinulat ko bagama’t imposibleng makita niya kung paano ko isinulat ang mga iyon. Kahit ang salitang Sarah ay hindi niya mabigkas noong una, kundi kinailangan niyang baybayin ito, at binibigkas ko ito para sa kanya.”4

“Ang mga lamina ay kadalasang nakapatong sa mesa nang walang anumang pagtatangkang itago ang mga ito, nakabalot sa maliit na mantel na lino, na ibinigay ko sa kanya para ipambalot sa mga ito. Kinapa kong minsan ang mga lamina, habang nakapatong ang mga ito sa mesa, at kinapa-kapa ang gilid at hugis nito. Tila malambot ang mga ito na parang makapal na papel, at may maririnig na tunog ng metal kapag ginalaw ng hinlalaki ang mga gilid, gaya ng paggalaw ng hinlalaki sa mga gilid ng isang aklat. …

“Naniniwala ako na ang Aklat ni Mormon ay totoong galing sa Diyos—wala ako ni katiting na pagdududa tungkol dito. Nasisiyahan ako na walang sinumang maaaring nagdikta sa pagsulat ng mga manuskrito maliban kung siya ay binigyang-inspirasyon; sapagkat, noong ako ang kanyang tagasulat, [si Joseph] ang nagdidikta sa akin oras-oras; at pagbalik namin matapos kumain, o pagkatapos maantala, agad siyang nagsisimula kung saan siya tumigil, nang hindi tinitingnan ang manuskrito o ipinapabasa ang anumang bahagi nito. Isa itong karaniwang bagay na ginagawa niya. Imposible itong magawa ng isang taong may pinag-aralan; at, para sa isang taong napakamangmang at hindi nakapag-aral na tulad niya, imposible talaga.”5

Larawan
si Emma Smith na tumutulong sa pagsasalin

Paglalarawan kina Emma at Joseph Smith ni Michael T. Malm

Oliver Cowdery

Larawan
Oliver Cowdery

“Isinulat ko gamit ang sarili kong panulat ang buong Aklat ni Mormon (maliban sa ilang pahina) habang idinidikta ito sa akin ng propeta, nang isalin niya ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng Urim at Tummim, o, tulad ng tawag dito sa aklat, ng mga sagradong kagamitan sa pagsasalin. Nakita ng aking mga mata, at nahawakan ng aking mga kamay, ang mga laminang ginto na pinagmulan ng pagsasalin nito. Nakita ko rin ang mga kagamitan sa pagsasalin.”6

Mga Tala

  1. Minutes, 25–26 October 1831,” Minute Book 2, 13, josephsmithpapers.org.

  2. Sa “Church History,” Times and Seasons, Mar. 1, 1842, 707; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 515.

  3. Para sa iba pang impormasyon, tingnan sa “Pagsasalin ng Aklat ni Mormon,” Mga Paksa ng Ebanghelyo, topics.ChurchofJesusChrist.org; Richard E. Turley Jr., Robin S. Jensen, at Mark Ashurst-McGee, “Si Joseph na Tagakita,” Liahona, Okt. 2015, 11–15.

  4. Sa Edmund C. Briggs, “A Visit to Nauvoo in 1856,” Journal of History, vol. 9, no. 4 (Okt. 1916), 454; binanggit sa Russell M. Nelson, “A Treasured Testament,” Ensign, Hulyo 1993, 62.

  5. Sa “Last Testimony of Sister Emma,” Saints’ Herald, Okt. 1, 1879, 290; ginawang makabago ang pagbabaybay.

  6. Sa Reuben Miller journal, Oct. 21, 1848, Church History Library, Salt Lake City; ginawang makabago ang pagbabaybay, pagbabantas, at pagpapalaki ng mga letra.

Larawan
sina Joseph Smith at Oliver Cowdery na isinasalin ang mga laminang ginto

Maraming natutuhan sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa pamamagitan ng proseso ng pagsasalin ng mga laminang ginto.