Doktrina at mga Tipan 2021
Pebrero 1–7. Doktrina at mga Tipan 10–11: “Nang Ikaw ay Magtagumpay”


“Pebrero 1–7. Doktrina at mga Tipan 10–11: ‘Nang Ikaw ay Magtagumpay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Pebrero 1–7. Doktrina at mga Tipan 10-11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
manuskrito ng Aklat ni Mormon

Replika ng orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon.

Pebrero 1–7

Doktrina at mga Tipan 10–11

“Nang Ikaw ay Magtagumpay”

Ang pagtatala ng mga impresyon habang nagbabasa ng mga banal na kasulatan ay parang pagtatanim ng mga binhi; kahit ang maliliit na impresyon ay maaaring humantong sa makabuluhang personal na paghahayag.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Habang patuloy ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, likas na lumabas ang isang tanong: Ano ang dapat gawin nina Joseph Smith at Oliver Cowdery doon sa mga pahinang naisalin na nawala? Maaaring ang makatwirang gawin ay balikan at muling isalin ang bahaging iyon, ngunit nakita ng Panginoon ang hindi nila nakita—binabalak noon ng masasamang tao na palitan ang mga salita sa mga pahinang iyon para pagdudahan ang inspiradong gawain ni Joseph. May plano ang Diyos para mahadlangan ang balak ni Satanas at mapalitan ang nawala. Sinimulan ang planong ito libu-libong taon na ang nakalipas nang magkaroon ng inspirasyon si Nephi na gumawa ng pangalawang talaan na sumaklaw sa panahon ding iyon. Kalaunan, nagkaroon ng inspirasyon si Mormon na isama ang talaang ito sa Aklat ni Mormon “para sa isang matalinong layunin” na alam ng Panginoon (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:3–7).

“Ang aking karunungan,” sabi ng Panginoon kay Joseph, “ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo” (Doktrina at mga Tipan 10:43). Nakakapanatag ang mensaheng iyan sa isang panahong tulad ng sa atin, kung kailan tumitindi ang patuloy na pagsusumikap ng kaaway na pahinain ang pananampalataya. Tulad ni Joseph, maaari tayong maging “matapat at magpatuloy” sa gawaing ipinagagawa sa atin ng Diyos (talata 3). Sa gayon ay makikita natin na naglaan na Siya ng paraan upang “ang pintuan ng impiyerno ay hindi [manaig]” laban sa atin (talata 69).

Tingnan sa Mga Banal, kabanata 6.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 10:1–33

Hinahangad ni Satanas na wasakin ang gawain ng Diyos.

Mas gusto ni Satanas na kalimutan natin na nariyan siya—o na hindi natin napapansin ang mga pagtatangka niyang impluwensyahan tayo (tingnan sa 2 Nephi 28:22–23). Ngunit ang mga salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 10 ay naghahayag na si Satanas ay patuloy at aktibong kumakalaban sa gawain ng Diyos. Habang binabasa mo ang mga talata 1–33, tukuyin kung paano hinangad ni Satanas na wasakin ang gawain ng Diyos noong panahon ni Joseph Smith (tingnan din sa mga talata 62–63). Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa mga paraan ng panunukso ni Satanas ngayon? Maaari mong hilingin sa Panginoon na tulungan kang makita kung paano ka tinutukso ni Satanas. Ano ang natututuhan mo sa bahagi 10 na makakatulong sa iyo na paglabanan ang mga tukso ni Satanas?

Doktrina at mga Tipan 10:34–52

“Ang karunungan [ng Panginoon] ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo.”

Mahigit 2,400 taon na ang nakalipas, pinaghandaan na ng Panginoon na palitan ang mga nawalang pahina ng Aklat ni Mormon (tingnan sa 1 Nephi 9). Ano ang natututuhan mo tungkol sa Panginoon mula sa Doktrina at mga Tipan 10:34–52? Anong katibayan ng karunungan at maagang kaalaman ng Panginoon sa mga mangyayari ang nakita mo sa iyong buhay?

Ang talaang inihanda ng Diyos na pumalit sa nawalang manuskrito ay matatagpuan ngayon sa 1 Nephi hanggang Omni. Paano “[nag]bigay ng mas malawak na pananaw sa ebanghelyo” ang mga kuwento at turo sa talaang ito para sa iyo? (Doktrina at mga Tipan 10:45).

Larawan
si Mormon na pinaiikli ang mga laminang ginto

Si Mormon na Pinaiikli ang mga Lamina, ni Tom Lovell

Doktrina at mga Tipan 11

Kung hihingi ako sa Diyos, tatanggap ako.

Hiniling ng ilan sa mga kapamilya at kaibigan ni Joseph Smith na tanungin niya ang kalooban ng Panginoon para sa kanila. Masayang ginawa ito ni Joseph, ngunit handa rin ang Panginoon na bigyan sila ng personal na paghahayag. Sa Doktrina at mga Tipan 11, isang paghahayag na natanggap ni Joseph para sa kanyang nakatatandang kapatid na si Hyrum, sinabi ng Panginoon, “Ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, … at pagkatapos ay iyong malalaman … ang lahat ng bagay anuman ang naisin mo sa akin” (Doktrina at mga Tipan 11:13–14).

Sinabi ng Panginoon na ang Kanyang mga salita ay para sa “lahat ng may mabuting hangarin, at humahawak sa kanyang panggapas upang gumapas” (talata 27). Sa Doktrina at mga Tipan 11, ano ang sinisikap na sabihin sa iyo ng Panginoon tungkol sa personal na paghahayag? tungkol sa pakikibahagi sa gawain ng Diyos? Ano ang iba pang mga mensahe Niya para sa iyo?

Doktrina at mga Tipan 11:15–26

Kapag hinangad kong “matamo ang salita [ng Diyos],” tatanggapin ko ang Kanyang Espiritu at kapangyarihan.

Bago pa man naisalin ang Aklat ni Mormon, sabik na si Hyrum Smith na ipangaral ang ebanghelyo. Habang binabasa mo ang tugon ng Panginoon sa kanyang mga hangarin, isipin kung ano ang kahulugan sa iyo ng “matamo ang salita [ng Diyos]” (talata 21). Paano nakakatulong ang pagtatamo ng salita ng Diyos sa paglilingkod mo sa Simbahan? Paano ito naghahatid ng kapangyarihan ng Diyos sa iyong buhay?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 10:5.Ano ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa kapangyarihan ng panalangin? Paano tayo “mana[na]langin tuwina”? (Para sa ilang ideya, tingnan sa David A. Bednar, “Laging Manalangin,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 41–44.)

Doktrina at mga Tipan 10:38–46.Para matulungan ang inyong pamilya na talakayin kung paano pinalitan ng Panginoon ang mga nawalang pahina ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon, marahil ay maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng pamilya ang isang bagay na nawala sa kanila kamakailan. Ano ang pakiramdam nila nang matuklasan nila na nawala ito? Ano ang pakiramdam nila nang mahanap ito? Bagama’t hindi na nahanap kailanman ang mga nawalang pahina ng Aklat ni Mormon, paano pinalitan ng Panginoon ang nawala, ayon sa Doktrina at mga Tipan 10:38–46?

Doktrina at mga Tipan 10:55–70.Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na hanapin o markahan ang mga pariralang nagsisimula sa “Ako” o “Aking.” Ano ang natutuhan natin mula sa pariralang nagsisimula sa “Ako” kung sino si Jesucristo at kung ano ang pagkatao Niya? Ano ang natutuhan natin mula sa mga pariralang nagsisimula sa “Aking” kung ano ang ginagawa Niya? Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi kung paano pinalakas ng mga katotohanang ito ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 11:12–14.Ang pagbasa sa mga talatang ito ay makakatulong sa inyong pamilya na mapansin kapag nangungusap ang Espiritu sa kanila. Maaari mong itutok ang liwanag ng isang flashlight sa sahig at anyayahan ang isang miyembro ng pamilya na pumunta kung saan naroon ang liwanag ng flashlight. Paano ito katulad ng pagsunod sa patnubay ng Espiritu Santo? Anong mga personal na karanasan ang maaari mong ibahagi?

Doktrina at mga Tipan 11:15–30.Isiping gumawa ng listahan ng mga bagay na ipinagawa ng Panginoon kay Hyrum Smith para maging handa siyang ibahagi ang ebanghelyo. Ano ang dapat nating pagsikapan bilang isang pamilya?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 66; tingnan sa “Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya.”

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Iangkop ang mga banal na kasulatan sa iyong buhay. Matapos basahin ang isang talata sa banal na kasulatan, hilingin sa mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga paraan na naaangkop ang mensahe sa buhay nila. Halimbawa, maaari nilang ibahagi kung paano nakaimpluwensya sa kanila ang Espiritu sa mga paraang inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 11:12–13.

Larawan
Joseph at Hyrum Smith

Joseph at Hyrum Smith, ni Ken Corbett