Doktrina at mga Tipan 2021
Pebrero 22–28. Doktrina at mga Tipan 18–19: “Ang Kahalagahan ng mga Kaluluwa ay Dakila”


“Pebrero 22–28. Doktrina at mga Tipan 18–19: ‘Ang Kahalagahan ng mga Kaluluwa ay Dakila,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Pebrero 22–28. Doktrina at mga Tipan 18–19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
sakahan ni Martin Harris

Sakahan ni Martin Harris, ni Al Rounds

Pebrero 22–28

Doktrina at mga Tipan 18–19

“Ang Kahalagahan ng mga Kaluluwa ay Dakila”

Ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ay ibinigay bilang tugon sa mga partikular na kalagayan halos 200 taon na ang nakararaan, ngunit ang mga alituntuning itinuturo ng mga ito ay pang-habampanahon. Hanapin ang mga alituntuning ito habang nagbabasa ka, at isipin kung paano naaangkop ang mga ito sa iyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sina Martin at Lucy Harris ay nagmamay-ari ng isa sa pinakamagagandang sakahan sa Palmyra, New York. Ilang taon ang ginugol nila para mabili ito, napalaki nila ang kanilang pamilya, at naging maganda ang reputasyon nila sa komunidad. Ngunit noong 1829 naging malinaw na maaari lamang ilathala ang Aklat ni Mormon kung isasangla ni Martin ang kanyang sakahan para ipambayad sa maglilimbag. May patotoo si Martin sa Aklat ni Mormon, ngunit hindi si Lucy. Kung itinuloy ni Martin ang pagsasangla at di-gaanong bumenta ang Aklat ni Mormon, mawawala sa kanya ang kanyang sakahan at masisira ang pagsasama nilang mag-asawa. Darating ang panahon na lahat tayo ay mahaharap sa mga tanong na katulad ng mga nakaharap ni Martin: Ano ang kahalagahan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa akin? Ano ang handa akong isakripisyo upang makatulong na maitayo ang kaharian ng Diyos? Maaaring makatulong sa atin ang alalahanin na walang sinumang nakabayad ng mas malaking halaga para pagpalain ang mga anak ng Diyos kaysa kay Jesucristo, “ang pinakamakapangyarihan sa lahat” (Doktrina at mga Tipan 19:18).

Nagpasiya si Martin na isangla ang kanyang sakahan. Dahil sa kanyang sakripisyo, nabayaran ang pagpapalimbag ng unang 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon. At ngayon, pagkaraan ng mahigit 190 milyong kopya, milyun-milyong kaluluwa sa buong mundo ang napagpala.

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa paglalathala ng Aklat ni Mormon, tingnan sa Mga Banal, kabanata 8.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 18:10–16

Nagagalak ang Panginoon kapag tayo ay nagsisisi.

Pansinin kung gaano kadalas ginamit ang mga salitang magsisi at pagsisisi sa buong Doktrina at mga Tipan 18 at 19, at pagnilayan ang natutuhan mo mula sa mga salitang ito tuwing ginagamit ang mga ito. Isipin lalo na ang Doktrina at mga Tipan 18:10–16; paano nakakaapekto ang mga talatang ito sa nadarama mo tungkol sa pagsisisi—sa sarili mong pagsisisi at sa tungkulin mong anyayahan ang iba na magsisi?

Tingnan din sa Alma 36:18–21; Dale G. Renlund, “Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 121–24.

Doktrina at mga Tipan 18:34–36

Naririnig ko ang tinig ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan.

Kung may magtanong sa iyo kung ano ba ang tinig ng Panginoon, ano ang sasabihin mo? Pag-isipan ang tanong na ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 18:34–36. Ano ang natutuhan mo tungkol sa tinig ng Panginoon mula sa pagbabasa ng Doktrina at mga Tipan? Ano ang magagawa mo para marinig ang Kanyang tinig nang mas malinaw?

Doktrina at mga Tipan 19:15–20

Si Jesucristo ay nagdusa upang makapagsisi ako at makalapit sa Kanya.

Inilalarawan sa Bagong Tipan ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani ayon sa pananaw ng mga taong nakakita nito. Sa Doktrina at mga Tipan 19:15–20, ikinuwento ni Jesucristo ang Kanyang pagdurusa sa sarili Niyang mga salita. Habang binabasa mo ang sagrado at personal na salaysay na ito, maghanap ng mga salita at parirala na naglalarawan sa pagdurusa ng Tagapagligtas. Isipin kung ano ang itinuturo sa iyo ng bawat salita o parirala. Bakit handang magdusa ang Tagapagligtas? Isiping itala ang nadarama mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang sakripisyo para sa iyo.

Tingnan sa Juan 15:13; Mosias 3:7; Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 18:10–13.

Larawan
si Jesus na may kargang batang lalaki

Kahalagahan ng Isang Kaluluwa, ni Liz Lemon Swindle

Doktrina at mga Tipan 19:26–27, 34–41

Ang mga pagpapala ng Diyos ay nakahihigit sa mga kayamanan ng mundo.

Di-gaanong bumenta ang Aklat ni Mormon sa Palmyra, at dahil dito, kinailangang ipagbili ni Martin Harris ang malaking bahagi ng kanyang sakahan para mabayaran ang utang (tingnan sa “The Contributions of Martin Harris,” Revelations in Context, 7–8). Pagnilayan ang sakripisyong iyon—at ang mga pagpapalang natanggap mo dahil doon—habang binabasa mo ang mga talatang ito. Maaari mo ring pag-isipan ang sakripisyong ipinagagawa sa iyo ng Panginoon. Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na naghihikayat sa iyo na gawin ang mga sakripisyong ito nang “nagagalak” at may “kasiyahan”? (tingnan din sa mga talata 15–20).

Doktrina at mga Tipan 19:23

Ang kapayapaan ay nagmumula sa pag-aaral tungkol kay Jesucristo at pagsunod sa Kanya.

Isipin ang paanyaya ng Tagapagligtas na “Matuto ka sa akin.” Ano ang natututuhan mo tungkol kay Jesucristo sa Doktrina at mga Tipan 19? Itala ang mga naisip mo, at pagnilayan kung paano nakakatulong sa iyo ang mga katotohanang ito tungkol sa Tagapagligtas na makasumpong ng kapayapaan. Ano ang kahulugan sa iyo ng “lumakad sa kaamuan ng [Kanyang] Espiritu”?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 18:1–5.Marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng ilan sa “maraming pagkakataon” (talata 2) kung saan naghayag sa kanila ang Espiritu na ang mga banal na kasulatan ay totoo, tulad ng ginawa Niya para kay Oliver Cowdery. Paano maaaring “manalig sa mga bagay na nakasulat” (talata 3) sa mga banal na kasulatan ang inyong pamilya? Paano mo maitatatag ang pundasyon ng inyong pamilya sa “bato” (talata 4) ng ebanghelyo?

Doktrina at mga Tipan 18:10–13; 19:16–19.Maaaring basahin ng bawat miyembro ng pamilya ang Doktrina at mga Tipan 18:10–13 at ipalit ang kanyang pangalan sa mga salitang “kaluluwa,” “mga kaluluwa,” at “lahat ng tao.” Pagkatapos ay maaari ninyong talakayin kung paano ipinaunawa sa atin ng mga talatang ito ang ating kahalagahan sa Ama at sa Anak (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:16–19).

Doktrina at mga Tipan 18:21–25.May espesyal na kahulugan ba ang mga pangalan ng mga miyembro ng inyong pamilya? Marahil ay maaari ninyong pag-usapan kung bakit mahalaga ang mga pangalan at kung ano ang kahulugan sa atin ng taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 5:7). Maaaring magandang pagkakataon ito para tulungan ang mga miyembro ng pamilya na maghandang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo kapag nabinyagan sila.

Doktrina at mga Tipan 19:15–20.Para matulungan ang inyong pamilya na magkaroon ng makabuluhang karanasan sa mga talatang ito, marahil ay maaari mong basahin ang mga ito habang ipinapakita ang larawan ni Jesucristo (may isang kasama sa outline na ito). Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang nadarama tungkol sa Tagapagligtas. Maaari ding mag-anyaya sa Espiritu ang isang paboritong himno tungkol sa Tagapagligtas.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115.

Pagpapahusay ng Personal na Pag-aaral

Magtanong. Ang Doktrina at mga Tipan ay katibayan na ang mga tanong ay humahantong sa paghahayag. Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, itala ang mga tanong na naiisip mo. Pagkatapos ay pagnilayan at ipagdasal na mahanap ang mga sagot.

Larawan
si Cristo na nagdarasal sa Halamanan ng Getsemani

Si Cristo na Nagdarasal sa Halamanan ng Getsemani, ni Hermann Clementz