Doktrina at mga Tipan 2021
Pebrero 15–21. Doktrina at mga Tipan 14–17: “Makatayo Bilang Isang Saksi”


“Pebrero 15–21. Doktrina at mga Tipan 14–17: ‘Makatayo Bilang Isang Saksi,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Pebrero 15–21. Doktrina at mga Tipan 14–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
si Joseph Smith at ang Tatlong Saksi na nakaluhod at nagdarasal

Pebrero 15–21

Doktrina at mga Tipan 14–17

“Makatayo Bilang Isang Saksi”

Kung minsan ay hinihilingan noon si Joseph Smith ng kanyang mga kapamilya at kaibigan na humingi siya ng paghahayag kung ano ang nais ng Diyos na ipagawa sa kanila. Habang binabasa mo ang mga paghahayag na ito, isipin kung ano ang tagubilin ng Diyos para sa iyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Bagama’t maayos na nagpatuloy ang pagsasalin, pagsapit ng Mayo 1829 naging mas mahirap ang sitwasyon sa Harmony para kina Joseph, Emma, at Oliver. Tumitindi noon ang pagkapoot ng mga kapitbahay samantalang nababawasan ang suporta ng pamilya ni Emma. Nadaramang hindi na sila ligtas sa Harmony, kinontak ni Oliver ang isang kaibigang interesado sa gawain ni Joseph: si David Whitmer. Si David ay nakatira sa Fayette, New York, mga 100 milya ang layo, kasama ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Nakilala niya si Oliver isang taon bago iyon, at ilang beses na siyang sinulatan ni Oliver mula noon, at ikinuwento ang kanyang mga karanasan sa pagtulong sa Propeta. Hindi pa nakikita ni David o ng sinuman sa kanyang pamilya si Joseph. Ngunit nang magtanong si Oliver kung maaari silang tumira ni Joseph sa tahanan ng mga Whitmer para tapusin ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, agad pumayag ang mga Whitmer. At alam ng Panginoon na marami pang mahahalagang bagay ang mangyayari para sa mga Whitmer bukod sa simpleng pagpapatira sa Propeta. Mayroon Siyang partikular na tagubilin para sa kanila, na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 14–17, at kalaunan ay magiging isa sila sa mga pamilyang magtatatag ng Simbahan at magiging mga saksi sa nagsisimulang Pagpapanumbalik.

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa pamilya Whitmer, tingnan sa Mga Banal, 1:74–86.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 14

Maaari akong makibahagi sa “dakila at kagila-gilalas na gawain” ng Diyos.

Nang makilala niya si Joseph Smith, si David Whitmer ay isang kabataan na masipag magtrabaho sa sakahan ng pamilya. Ngunit iba ang nasa isip ng Panginoon na ipagawa kay David—bagama’t sa ilang paraan ay medyo para itong pagsasaka. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 14:1–4, pansinin kung paano ikinukumpara ng Panginoon ang Kanyang gawain sa uri ng gawain na alam ni David. Ano ang natututuhan mo tungkol sa gawain ng Panginoon mula sa pagkukumparang ito?

Paano ka “hahawak ng [iyong] panggapas”? (talata 4). Pansinin ang mga pangakong ibinigay sa buong bahaging ito sa mga taong may “hangaring ipahayag at itatag ang … Sion” (talata 6).

Doktrina at mga Tipan 14:2

Ang salita ng Diyos ay “buhay at mabisa.”

Ikinumpara ng Panginoon ang Kanyang salita sa isang “espadang may dalawang talim” (Doktrina at mga Tipan 14:2). Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng pagkukumparang ito tungkol sa salita ng Diyos? Halimbawa, paano naging buhay, mabisa, at matalas ang Kanyang salita? Paano mo naranasan ang bisa ng salita ng Diyos?

Isipin ang iba pang mga paraan na inilalarawan ng Diyos ang Kanyang salita. Halimbawa, ano ang natututuhan mo tungkol sa salita ng Diyos mula sa mga pagkukumpara sa sumusunod na mga talata?

Awit 119:105 

Isaias 55:10–11 

Mateo 4:4 

1 Nephi 15:23–24 

Alma 32:28 

Larawan
espada sa ibabaw ng mga banal na kasulatan

Ikinumpara ng Panginoon ang Kanyang salita sa isang espada.

Doktrina at mga Tipan 14:7

Buhay na walang-hanggan ang “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”

Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 14:7, pagnilayan kung bakit buhay na walang-hanggan ang “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.” Maaaring makatulong ang kaalamang ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson: “Sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos, ang mga pamilya ay maaaring mabuklod sa mga templo at maging handa sa pagbalik sa Kanyang banal na presensya magpakailanman. Iyan ang buhay na walang-hanggan!” (“Salamat sa Diyos,” Liahona, Mayo 2012, 77).

Isiping magdagdag ng mga cross reference sa talata 7 na makakatulong sa iyo na mas maunawaan ang buhay na walang-hanggan (tingnan sa “Buhay na Walang Hanggan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ano ang natututuhan mo na naghihikayat sa iyo na pagsikapang magtamo ng buhay na walang-hanggan?

Doktrina at mga Tipan 15–16

Ang pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo ay napakahalaga.

Parehong gustong malaman nina John at Peter Whitmer kung ano “ang magiging pinakamahalaga” sa kanilang buhay (Doktrina at mga Tipan 15:4; 16:4). Naisip mo na ba ito sa iyong sarili? Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 15–16, pagnilayan kung bakit napakahalagang magdala ng mga kaluluwa kay Cristo. Paano mo maaanyayahan ang mga kaluluwa kay Cristo?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 18:10–16.

Doktrina at mga Tipan 17

Ang Panginoon ay gumagamit ng mga saksi upang itatag ang Kanyang salita.

Ano ang isang saksi? Bakit gumagamit ang Panginoon ng mga saksi sa Kanyang gawain? (tingnan sa II Mga Taga Corinto 13:1). Pagnilayan ang mga tanong na ito habang binabasa mo ang mga salita ng Diyos sa Tatlong Saksi sa Doktrina at mga Tipan 17. Makakatulong din na rebyuhin ang “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” sa Aklat ni Mormon. Paano tumutulong ang mga saksi na isakatuparan ang “mabubuting layunin” ng Diyos? (talata 4).

Alam mo ba na tumanggap din ng patotoo si Mary Whitmer tungkol sa mga laminang ginto? Ipinakita ng anghel na si Moroni ang mga ito sa kanya bilang pagkilala sa mga sakripisyong ginawa niya habang nakatira sina Joseph, Emma, at Oliver sa bahay nila (tingnan sa Mga Banal, 1:80–81). Ano ang natututuhan mo mula sa kanyang karanasan tungkol sa pagtanggap ng patotoo?

Tingnan din sa Mga Banal, 1:84–86; Ulisses Soares, “Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon,” Liahona, Mayo 2020, 32–35.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Doktrina at mga Tipan 14:1–4.Isiping anyayahan ang inyong pamilya na maghanap ng mga pariralang may kaugnayan sa pagsasaka sa mga talatang ito. Bakit kaya ikinukumpara ng Panginoon ang Kanyang gawain sa isang pag-aani? Ano ang magagawa natin para makatulong sa Kanyang gawain?

Doktrina at mga Tipan 14:2.Nakalista sa aktibidad para sa talatang ito sa “Mga ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan” ang ilang talata sa banal na kasulatan tungkol sa salita ng Diyos. Maaari sigurong basahin ng mga miyembro ng pamilya ang mga ito at ibahagi ang natutuhan nila. Paano tayo hinihikayat ng mga talatang ito na “tumalima” sa salita ng Diyos?

Doktrina at mga Tipan 15:6; 16:6.Ang mga talatang ito ay maaaring maghikayat na pag-usapan ang mga bagay na pinakamahalaga sa inyong pamilya (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 18:10).

Doktrina at mga Tipan 17.Maaaring masiyahan ang inyong pamilya na idrowing ang bawat isa sa mga bagay na nakita ng Tatlong Saksi (tingnan sa talata 1). Habang binabasa ninyo ang bahagi 17, hanapin ang mga pariralang nagtuturo tungkol sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon. Paano tayo maaaring maging mga saksi ng Aklat ni Mormon? Maaari ding panoorin ng inyong pamilya ang video na “A Day for the Eternities” (ChurchofJesusChrist.org).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno, blg. 171.

Larawan
icon ng mga tinig ng pagpapanumbalik

Mga Tinig ng Pagpapanumbalik

Si Lucy Mack Smith at ang Tatlo at Walong Saksi

Ipinakita ng anghel na si Moroni ang mga laminang ginto kina Joseph Smith, Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris sa kakahuyan malapit sa tahanan ng mga Whitmer sa Fayette, New York. Bumibisita noon ang mga magulang ni Joseph sa mga Whitmer. Inilarawan ni Lucy Mack Smith, ina ni Joseph, ang epekto ng mahimalang karanasang ito sa mga saksi:

Larawan
Lucy Mack Smith

“Nasa pagitan iyon ng alas-tres at alas-kuwatro. Nakaupo kami nina Mrs. Whitmer at Mr. Smith sa isang kuwarto. Nakaupo ako sa tabi ng kama. Pagpasok ni Joseph, umupo siya sa tabi ko. ‘Itay! Inay!’ sabi niya. ‘Hindi ninyo alam kung gaano ako kasaya. Pumayag na ang Panginoon na ipakita ang mga lamina sa tatlo pang tao maliban sa akin, na nakakita rin ng isang anghel at kailangang sumaksi sa katotohanan ng aking sinabi. Sapagkat alam nila sa kanilang sarili na hindi ko nililinlang ang mga tao. At talagang nadarama ko na parang gumaan ang isang mabigat na pasanin, na halos hindi ko makayang tiisin. Ngunit ngayon ay magiging kabahagi na sila sa pasaning ito, at nagagalak ang aking kaluluwa na hindi na ako lubos na nag-iisa sa mundo.’ Pagkatapos ay pumasok si Martin Harris. Tila halos mapuspos siya ng labis na kagalakan. Pagkatapos ay nagpatotoo siya sa nakita at narinig niya, gayon din ang iba pa, sina Oliver at David. Ang kanilang patotoo ay kapareho ng nilalaman ng Aklat ni Mormon. …

“Si Martin Harris lalo na ay tila hindi lubos na maibulalas ang naramdaman niya. Sabi niya, ‘Nakakita na ako ngayon ng isang anghel mula sa Langit na tunay na nagpatotoo sa katotohanan ng lahat ng aking narinig hinggil sa talaan, at nakita siya ng aking mga mata. Nakita ko rin ang mga lamina at nahawakan ang mga ito ng aking mga kamay at makapagpapatotoo ako sa buong mundo tungkol dito. Ngunit nakatanggap ako sa aking sarili ng isang patotoo na hindi maipahayag sa mga salita, na hindi mailarawan ng dila, at nagpapasalamat ako sa Diyos nang buo kong kaluluwa na malugod niya akong ginawa, maging ako, na isang saksi sa kadakilaan ng kanyang gawain at mga plano para sa mga anak ng tao.’ Nakisali rin sa kanya sina Oliver at David sa taimtim na mga papuri sa Diyos para sa kanyang kabutihan at awa. Umuwi kami [sa Palmyra, New York,] kinabukasan na isang masaya at nagagalak na maliit na grupo.”1

Larawan
ang Tatlong Saksi

Mga larawan nina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris ni Lewis A. Ramsey

Naroon din si Lucy Mack Smith nang magbalik ang Walong Saksi mula sa kanilang karanasan:

“Nang makabalik sa bahay ang mga saksing ito, muling nagpakita ang anghel kay Joseph; sa panahong iyan ibinalik ni Joseph sa kanya ang mga lamina. Nang gabing iyon nagpulong kami, kung saan nagpatotoo ang lahat ng saksi sa mga katotohanan tulad ng nakasaad sa itaas; at lahat ng aming pamilya, maging si Don Carlos [Smith], na 14 na taong gulang pa lamang noon, ay nagpatotoo tungkol sa katotohanan ng dispensasyon sa mga huling araw—kaya noon iyon ganap na nagsimula.”2

Larawan
ipinapakita ni Joseph Smith ang mga lamina sa Walong Saksi

Larawan ni Joseph Smith at ng Walong Saksi na nililok ni Gary Ernest Smith

Larawan
ang anghel na si Moroni na ipinapakita ang mga laminang ginto kina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at David Whitmer

The Angel Moroni Showing the Gold Plates to Joseph Smith, Oliver Cowdery, and David Whitmer [Ang Anghel na si Moroni na Ipinapakita ang mga Laminang Ginto kina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at David Whitmer], ni Gary B. Smith