Doktrina at mga Tipan 2021
Disyembre 28–Enero 3. Doktrina at mga Tipan 1: “Makinig, O Kayong mga Tao”


“Disyembre 28–Enero 3. Doktrina at mga Tipan 1: ‘Makinig, O Kayong mga Tao’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Disyembre 28–Enero 3. Doktrina at mga Tipan 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
pamilyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Disyembre 28–Enero 3

Doktrina at mga Tipan 1

“Makinig, O Kayong mga Tao”

Isipin na ang Doktrina at mga Tipan 1 ang personal na pagpapakilala ng Panginoon sa aklat na ito ng Kanyang mga paghahayag sa mga huling araw. Ano ang nais Niyang malaman mo tungkol sa Doktrina at mga Tipan? Pagnilayan ang tanong na ito, at isulat ang anumang impresyong dumarating sa iyo habang binabasa mo ang bahagi 1.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Noong Nobyembre 1831, isa’t kalahating taon pa lamang ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Bagama’t lumalago, isa pa rin itong di-kilalang grupo ng mga mananampalataya na naninirahan sa isang di-mataong hangganan, na pinamumunuan ng isang propeta na mga 25 taong gulang pa lamang. Ngunit itinuring ng Diyos ang mga mananampalatayang ito na Kanyang mga lingkod at sugo, at nais Niyang ihayag sa mundo ang mga paghahayag na ibinigay Niya sa kanila.

Ang Doktrina at mga Tipan bahagi 1 ang paunang salita ng Panginoon sa tinipong mga paghahayag na ito, at malinaw na ipinapakita nito na kahit maliit ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan, hindi maliit ang halaga ng mensaheng nais ng Diyos na ibahagi ng Kanyang mga Banal. Ito ay isang “tinig ng babala” para sa lahat ng “naninirahan sa mundo,” na tinuturuan silang magsisi at itatag ang “walang hanggang tipan” ng Diyos (mga talata 4, 8, 22). Ang mga lingkod na nagdadala ng mensaheng ito ay ang “mahihina at mga pangkaraniwang tao,” ngunit mapagpakumbabang mga lingkod mismo ang kailangan ng Diyos—noon at ngayon—upang ilabas ang Kanyang Simbahan “mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman” (mga talata 23, 30).

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa kasaysayan sa likod ng Doktrina at mga Tipan 1, tingnan sa Mga Banal, 159–62.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 1

Inaanyayahan ako ng Panginoon na “saliksikin ang mga kautusang ito.”

Ang paunang salita ay nagpapakilala sa isang aklat. Tinutukoy nito ang mga tema at layunin ng aklat at tinutulungang maghanda ang mga tao na basahin ito. Habang binabasa mo ang bahagi 1—ang “paunang salita” ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan (talata 6)—hanapin ang mga tema at layuning ibinigay ng Panginoon para sa Kanyang mga paghahayag. Ano ang natututuhan mo sa bahagi 1 na tutulong sa iyo na makinabang nang husto sa pag-aaral mo ng Doktrina at mga Tipan? Halimbawa, maaari mong pagnilayan ang ibig sabihin ng “makikinig sa tinig ng Panginoon” sa mga paghahayag na ito (talata 14) o “saliksikin ang mga kautusang ito” (talata 37).

Tingnan din ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan.

Doktrina at mga Tipan 1:1–6, 23–24, 37–39

Nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, at ang Kanyang mga salita ay matutupad.

Ang bahagi 1 ay nagsisimula at nagtatapos sa pahayag ng Diyos na Siya ay nangungusap sa pamamagitan ng Kanyang piniling mga lingkod (tingnan sa mga talata 4–6, 23–24, 38). Isulat ang natututuhan mo sa paghahayag na ito tungkol sa Panginoon at sa Kanyang tinig. Ano ang natututuhan mo tungkol sa mga tagapaglingkod ng Panginoon? Kailan mo narinig ang tinig ng Panginoon sa tinig ng Kanyang mga tagapaglingkod? (tingnan sa talata 38).

Larawan
sesyon ng pangkalahatang kumperensya

Itinuturo sa atin ng mga propeta at apostol ang mga utos ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 1:3, 24–28, 31–33

Kung ako ay mapagpakumbaba, maaakay ako ng pagpaparusa ng Panginoon na magsisi.

Pansinin na sa talata 3 at mga talata 24–28, sinabi ng Panginoon na ipapaalam ang mga kasalanan at pagkakamali ng mga tao. Sa isang banda ay masakit at malungkot ang karanasang ito, ngunit sa kabilang banda ay may aral ito. Bakit magkaibang-magkaiba ang mga sitwasyong ito? Isipin kung paano ka tutugon kapag nabatid mo ang iyong mga kasalanan at kahinaan. Anong mga katangian ang nakita mo sa mga talata 24–28 na makakatulong sa iyo na tumugon sa tamang paraan? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito, pati na ng mga talata 31–33, kung ano ang tingin ng Panginoon sa iyong mga kahinaan at kasalanan?

Tingnan din sa Mga Kawikaan 3:11–12; Eter 12:27; Moroni 6:8.

Doktrina at mga Tipan 1:12–30, 35–36

Ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo upang tulungan akong harapin ang mga hamon sa mga huling araw.

Bagama’t ang bahagi 1 ay nagbababala tungkol sa mahihirap na panahong darating, naglalaman din ito ng isang nakapapanatag na mensahe: “Ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit” (talata 17).

Pansinin ang mga kapahamakang ibinabala ng Panginoon (tingnan, halimbawa, sa mga talata 13–16, 35). Anong iba pang mga kalamidad ang napapansin mo sa mundo ngayon—o sa sarili mong buhay? Inilalarawan sa mga talata 17–30 kung ano ang nagawa ng Panginoon para sa iyo sa inaasahang pagdating ng mga kalamidad na ito. Isiping gumawa ng listahan ng mga nakita mo.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 1:1–6, 37–39.Para makapagsimula ng isang talakayan tungkol sa mga babala ng Panginoon, maaari ninyong pag-usapan ang tungkol sa mga babalang natatanggap natin mula sa iba tungkol sa mga panganib na hindi natin nakikita—tulad ng madulas na sahig, malakas na bagyo, o paparating na sasakyan. Ano ang itinuturo sa atin ng mga halimbawang ito tungkol sa mga babala ng Panginoon? Ayon sa Doktrina at mga Tipan 1:1–6, 37–39, paano tayo binabalaan ng Panginoon? Ano ang ibinabala Niya sa atin kamakailan? Marahil ay maaari ninyong panoorin o basahin ang mga bahagi ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan at maghanap kayo ng mga halimbawa ng “tinig ng babala” ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 1:16.Ano ang ibig sabihin ng “itatag ang kabutihan [ng Panginoon]”? Paano natin matitiyak na ginagawa natin iyan, sa halip na lumalakad o kumikilos tayo “sa sarili [nating] paraan”?

Doktrina at mga Tipan 1:30.Ano ang ibig sabihin ng ang Simbahan ay “tunay at buhay”? Para mapag-isipan ng inyong pamilya ang tanong na ito, marahil ay maaari kang magpakita sa kanila ng mga larawan ng mga bagay na may buhay at mga bagay na walang buhay. Maaari din ninyong talakayin kung ano ang magagawa ninyo bilang isang pamilya para makatulong na “[mailabas ang Simbahan] mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman.”

Doktrina at mga Tipan 1:37.Isiping magplano bilang isang pamilya kung paano ninyo “[sa]saliksikin ang mga kautusang ito” sa Doktrina at mga Tipan ngayong taon. Paano ninyo gagawing regular na bahagi ng buhay ng inyong pamilya ang pag-aaral ng banal na kasulatan? Anong mga ideya sa pag-aaral ang makakatulong sa inyo na matuto mula sa mga banal na kasulatan? (Tingnan sa ““Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya” sa simula ng resource na ito.)

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Propeta’y Sundin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59, lalo na ang huling talata.

Pagpapahusay ng Personal na Pag-aaral

Hanapin si Jesucristo. Ang layunin ng mga banal na kasulatan ay magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 1, isiping markahan o isulat ang mga talatang may itinuturo sa iyo tungkol kay Jesucristo.

Larawan
Book of Commandments [Aklat ng mga Kautusan]

Ang mga unang paghahayag sa ipinanumbalik na Simbahan ay tinipon sa Book of Commandments [Aklat ng mga Kautusan].