Doktrina at mga Tipan 2021
Enero 18–24. Doktrina at mga Tipan 3–5: “Ang Aking Gawain ay Magpapatuloy”


“Enero 18–24. Doktrina at mga Tipan 3–5: ‘Ang Aking Gawain ay Magpapatuloy’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Enero 18–24. Doktrina at mga Tipan3–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
kalalakihang nagtatrabaho sa bukid

Tag-ani sa France, ni James Taylor Harwood

Enero 18–24

Doktrina at mga Tipan 3–5

“Ang Aking Gawain ay Magpapatuloy”

Isulat kung ano ang natutuhan at nadama mo habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan. Matutulungan ka nitong maalala ang mga impresyong iyon at ibahagi ang mga ito sa iba.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa unang ilang taon niya bilang propeta ng Panginoon, hindi pa alam ni Joseph Smith ang lahat tungkol sa “kagila-gilalas na gawain” na ipinagagawa sa kanya. Ngunit ang isang bagay na itinuro sa kanya ng mga nauna niyang karanasan ay na maging karapat-dapat para sa gawain ng Diyos, ang kanyang mata ay kailangang “nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 4:1, 5). Halimbawa, kung pinayuhan siya ng Panginoon na salungat sa sarili niyang mga naisin, kinailangan niyang sundin ang payo ng Panginoon. At kahit tumanggap siya ng “maraming paghahayag, at … kapangyarihang makagawa ng maraming makapangyarihang gawa,” kung sarili niyang kalooban ang naging mas mahalaga sa kanyang paningin kaysa sa kalooban ng Diyos, siya ay “tiyak na babagsak” (Doktrina at mga Tipan 3:4). Ngunit may natutuhan pang iba si Joseph na kasinghalaga ng paggawa ng gawain ng Diyos: “Ang Diyos ay maawain,” at kung taos-pusong nagsisi si Joseph, siya ay “pinili pa rin” (talata 10). Ang gawain ng Diyos, sa kabila ng lahat, ay gawain ng pagtubos. At ang gawaing iyan ay “hindi mabibigo” (talata 1).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 3:1–15

Dapat akong magtiwala sa Diyos sa halip na matakot sa tao.

Noong mga unang araw ng ministeryo ni Joseph Smith, mahirap makahanap ng mabubuting kaibigan—lalo na ng mga kaibigang tulad ni Martin Harris, isang respetado at mayamang tao, na may kakayahang maglaan ng mahalagang suporta. At maluwag sa loob na sinuportahan ni Martin si Joseph, kahit nawalan ng respeto sa kanya ang kanyang mga kaibigan at kinailangan niyang magsakripisyo ng pera.

Kaya madaling maunawaan kung bakit gustong pagbigyan ni Joseph ang kahilingan ni Martin na dalhin ang unang bahagi ng naisalin mula sa Aklat ni Mormon upang ipakita sa kanyang asawa, na nagduda sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Patuloy itong hiniling ni Joseph sa Panginoon, kahit ipinagbawal Niya ito, hanggang sa huli, matapos itong hilingin sa ikatlong pagkakataon, pumayag ang Panginoon. Ang malungkot, nawala ang manuskrito habang nasa pag-iingat ito ni Martin, at tahasang pinagsabihan ng Panginoon sina Joseph at Martin (tingnan sa Mga Banal, kabanata 5, huling 15 talata).

Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 3:1–15, pagnilayan kung paano maaaring nakakaimpluwensya sa iyo ang mga opinyon ng ibang tao. Maaari mo ring mapansin na bukod pa sa pinagsabihan ng Panginoon si Joseph Smith, nangusap din Siya ng mga salitang puno ng awa. Ano ang natututuhan mo sa paraan ng pagtutuwid at paghihikayat ng Panginoon kay Joseph? Anong payo ang nakita mo na makakatulong sa iyo kapag natutukso kang matakot sa ibang tao kaysa sa Diyos?

Doktrina at mga Tipan 4

Hiniling ng Panginoon na paglingkuran ko Siya nang buong puso.

Ang bahagi 4 ay madalas umangkop sa mga full-time missionary. Gayunman, kawili-wiling pansinin na ang paghahayag na ito ay orihinal na ibinigay kay Joseph Smith Sr., na hindi tinawag na magmisyon ngunit may “mga naising maglingkod sa Diyos” (talata 3).

Ang isang paraan ng pagbasa sa bahaging ito ay ang isipin na kunwari’y isa itong job description para sa isang taong gustong gawin ang gawain ng Panginoon. Ano ang mga kwalipikasyon? Bakit kailangan ang mga kasanayan o katangiang ito? Marahil ay maaari mong mapanalanging piliin ang isang bagay na maaari mong gawin para maging mas “karapat-dapat [ka mismo] sa gawain” (talata 5).

Doktrina at mga Tipan 5

Maaari akong magtamo ng sarili kong patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.

Larawan
Martin Harris

Martin Harris, ni Lewis A. Ramsey

Kung tinawag ka upang tumestigo sa korte tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon, anong katibayan ang ibibigay mo? Ganito ring tanong ang nasa isipan ni Martin Harris nang magsampa ng kaso ang kanyang asawang si Lucy na niloloko ni Joseph Smith ang mga tao sa pagkukunwari na isinalin niya ang mga laminang ginto (tingnan sa Mga Banal, kabanata 6, talata 12–22). Kaya humingi si Martin kay Joseph ng iba pang katibayan na totoo ang mga laminang ginto. Ang Doktrina at mga Tipan 5 ay isang paghahayag bilang tugon sa hinihingi ni Martin.

Ano ang natututuhan mo sa Doktrina at mga Tipan 5 tungkol sa mga sumusunod:

Doktrina at mga Tipan 5:1–10

Tatanggapin ng henerasyong ito ang salita ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith.

Ano ang itinuturo sa iyo ng Doktrina at mga Tipan 5:1–10 tungkol sa mahalagang papel ni Joseph Smith sa ating dispensasyon—at sa iyong buhay? Pagnilayan kung paano mo natanggap ang salita ng Diyos sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Isiping isulat sa journal o ibahagi sa isang tao ang iyong pasasalamat para sa mga katotohanang ipinanumbalik o nilinaw sa pamamagitan niya.

Tingnan din sa 2 Nephi 3:6–24.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 3:1–4.Hilingin sa isang miyembro ng pamilya na lumakad nang “paliku-liko” at pagkatapos ay lumakad nang “tuwid.” Ano ang kahulugan sa ating pamilya na malaman na ang mga “landas [ng Diyos] ay tuwid”?

Doktrina at mga Tipan 3:7–10.Kapag pinipilit tayo ng isang tao na suwayin ang Diyos, anong mga katotohanan sa mga talatang ito ang makakatulong sa atin na manatiling tapat? Marahil ay maaaring isadula ng mga miyembro ng pamilya ang isang sitwasyon kung saan nananatiling tapat ang isang tao sa kabila ng pamimilit sa kanya na suwayin ang Diyos.

Doktrina at mga Tipan 4.Habang tinatalakay ng inyong pamilya ang kahulugan ng gumawa sa bukid ng Diyos, maaari silang magtanim sa isang hardin (o magkunwaring nagtatanim). Anong mga kagamitan ang kailangan para sa paghahalaman? Ano ang inilalarawan ng Diyos sa bahagi 4 na maaaring ituring na mga kagamitang kailangan para magawa ang Kanyang gawain? Maaaring talakayin ng inyong pamilya kung bakit mahalaga ang bawat kagamitan sa paggawa ng gawain ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 5:7.Ano ang ilang halimbawa ng mga katotohanang pinaniniwalaan natin ngunit hindi nakikita? Paano tayo maaaring tumugon sa isang kaibigang humihingi ng katibayan na ang Aklat ni Mormon ay totoo?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Ako’y Magiging Magiting,” Aklat ng mga Awit Pambata, 85.

Pagpapahusay ng Personal na Pag-aaral

Magsaulo ng isang talata. “Ang pagsasaulo ng isang talata ay pagbubuo ng [bagong] pagkakaibigan. Ito’y parang pagkakaroon ng bagong kakilala na makatutulong sa oras ng pangangailangan, makapagbibigay ng inspirasyon at kapanatagan, at pagmumulan ng panghihikayat para sa kinakailangang pagbabago” (Richard G. Scott, “Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 6).

Larawan
si Joseph Smith kasama ang kanyang mga magulang

Malaking Pasanin sa Pagkawala ng 116 na Pahina], ni Kwani Povi Winder