2020
Pakikipag-usap sa Iyong mga Magulang tungkol sa Sex
Agosto 2020


Pakikipag-usap sa Iyong mga Magulang tungkol sa Sex

Oo, maaaring nakakaasiwa. Ngunit ang iyong mga magulang ang mas magandang pagmulan ng impormasyon kaysa sa internet o mga kaibigan mo.

OK lang na magkaroon ng mga tanong tungkol sa seksuwalidad. At OK lang na kausapin ang iyong mga magulang tungkol sa mga tanong na iyon. Baka magulat ka kung gaano sila makakaugnay sa iyo at sa mga tanong at karanasan mo.

Pagdating sa sex, ang masasagupa mo sa internet, sa media, at sa mga kaibigan at kaklase mo ay maaaring nakakalito—kapwa sa impormasyon at sa moralidad. Ang iyong mga magulang ang pinakamainam na pagkatiwalaan at pagmulan ng maaasahang mga sagot tungkol sa seksuwalidad. Hangad nila ang pinakamabuti para sa iyo. Malamang ay matutuwa sila na gusto mo silang kausapin tungkol dito.1

Kung hindi pa kayo nagkausap ng iyong mga magulang kahit kailan tungkol sa sex, narito ang ilang tip:

Larawan
conceptual image of brain

Mga paglalarawan ni Andrew Robert

Espirituwal at Mental na Paghahanda

  • Manalangin. Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang malaman ang sasabihin para mabanggit ang paksa sa iyong mga magulang.

  • Maging matapang. Nakagawa ka man ng isang pagkakamali o hindi, huwag mag-atubiling magpatulong sa iyong mga magulang. Nagmamalasakit sila sa iyo at nais nila ang pinakamainam para sa iyo.

  • Alalahanin na nagdaan ang iyong mga magulang sa edad mo. Nagkaroon din sila ng mga pagsubok sa kanilang paglaki. Mauunawaan nila at makakaugnay sila sa iyong karanasan.

  • Maging positibo sa magiging reaksyon ng iyong mga magulang. Mag-isip ng isang pagkakataon na tinulungan ka nila noon. Isiping maganda ang magiging takbo ng pag-uusap.

Larawan
checklist and clock

Praktikal na Paghahanda

  • Magpasiya kung sinong magulang ang gusto mong kausapin. Bagama’t nadadalian ang ilang kabataan na kausapin nang sabay ang kanilang mga magulang, ang ilan ay mas komportableng kausapin muna nang sarilinan ang isang magulang. Normal ito, lalo na sa isang paksang tulad ng seksuwalidad.

  • Magtakda ng oras para mag-usap. Hilingin sa iyong mga magulang na maglaan ng panahon na magkausap kayo. Pareho kayong binibigyan nito ng oras para maghanda.

  • Ilista ang mga bagay na nais mong ipaalam sa iyong mga magulang at ang iyong mga tanong. Ang pagkakaroon ng listahan ng mga ideya o problema ay magpapaalala sa iyo kung ano ang nais mong pag-usapan ninyo. At kung may isang bagay kayong hindi mapag-usapan, hilingin sa kanila na magkausap kayong muli.

  • Magpraktis ng pagsisimula ng pag-uusap. Gusto mo sigurong magsimula sa pagtatanong. O gusto mo sigurong magsimula sa paghiling sa iyong mga magulang na makinig lamang hanggang sa maging handa ka na sa pagsagot nila. (Tingnan sa sidebar na “Mga Panimula sa Pag-uusap”.)

  • Kausapin ang iyong mga magulang tungkol sa iba pang mga paksa sa karaniwang mga sitwasyon. Magpraktis na maging bukas tungkol sa iyong normal at pang-araw-araw na buhay at mga aktibidad. Magagawa mo ito anumang oras na magkasama kayo, tulad sa mga oras ng pagkain o bago matulog.

Larawan
conversation

Pagkatapos Ninyong Magsimulang Mag-usap

  • Mag-usap tungkol sa batas ng kalinisang puri. Makakatulong na tanungin ang iyong mga magulang tungkol sa pagkaunawa nila sa batas ng kalinisang-puri. Kung nalabag mo ang batas ng kalinisang-puri, maaaring pagkunan ng suporta ang iyong mga magulang habang nagsisisi ka at nakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas. Tanungin ang iyong mga magulang tungkol sa kanilang karanasang makasumpong ng kagalakan sa pagsisisi.

  • Pagpasensyahan sila. Maaaring medyo maasiwa rin sa simula ang iyong mga magulang na kausapin ka tungkol sa seksuwalidad. Ngunit gusto ka nilang tulungan, at magiging mas madali iyon habang patuloy kayong nag-uusap.

  • Huwag matakot na kausapin nang madalas ang iyong mga magulang. Sa paglipas ng panahon, maaari kang magkaroon ng iba pang mga tanong. Hindi ito kailangang maging minsanan.

Magagawa Mo Ito

Sa simula maaaring maasiwa kang kausapin ang iyong mga magulang o isa pang pinagkakatiwalaang adult. Tandaan, mahal ka ng iyong Ama sa Langit at nais Niyang maghanda kang magkaroon ng magandang pakikipagrelasyon bilang adult. Bahagi ng iyong paghahanda ang pag-unawa sa malusog at angkop na seksuwalidad at pagkatutong makipag-usap tungkol dito ngayon. Matutulungan ka ng Ama sa Langit na kausapin ang iyong mga magulang tungkol sa sex at iba pang mahihirap na paksa kapag nagpatulong ka sa Kanya.

Tala

  1. Maaaring may makatwirang mga dahilan kaya pakiramdam mo ay hindi mo kayang kausapin ang sinuman sa iyong mga magulang. Sa ganitong sitwasyon, subukang makipag-usap sa isa pang pinagkakatiwalaang adult tulad ng isang lider ng Simbahan.