2020
Pananalangin para kay Tito Dan
Marso 2020


Pananalangin para kay Tito Dan

Larawan
Praying for Uncle Dan

Mahilig manalangin si Isabelle! Paggising niya, nananalangin siya. Pinasasalamatan niya ang Ama sa Langit para sa sikat ng araw at isang bagong umaga.

Sa oras ng tanghalian, ikinukuwento ni Isabelle sa Ama sa Langit kung ano ang nangyari sa kanya sa buong umaga. Nananalangin siya na tulungan siyang maging mabait sa kanyang mga kapatid kapag nakauwi na sila mula sa paaralan.

Sa oras ng pagtulog, magkakasamang nananalangin ang pamilya ni Isabelle. Palagi silang nagsisimula sa pananalangin para sa mga tao na maaaring nangangailangan ng mga karagdagang pagpapala.

Ngayong gabi, sabi ni Itay, “Manalangin tayo para kay Tito Dan. Nawalan ng trabaho si Tito Dan.”

Nalungkot si Isabelle. Wala siyang masyadong alam tungkol sa trabaho ng matatanda, pero alam niya na hindi maganda na mawalan ng trabaho. Mahal niya si Tito Dan. Mahilig magluto ng masarap na popcorn si Tito Dan. At noong huling bumisita si Tito Dan, ipinakita nito sa kanya kung paano mag-cartwheel!

“Mananalangin po ako na makahanap ng trabaho si Tito Dan,” sabi ni Maria. Isa si Maria sa mga nakatatandang kapatid ni Isabelle. Noong gabing iyon, si Maria ang nakatokang manalangin nang malakas para sa pamilya.

Kinabukasan, itinanong ni Isabelle kay Itay kung nakahanap na ng trabaho si Tito Dan.

“Hindi pa,” sabi ni Itay. “Kung minsan, hindi kaagad sinasagot ang mga panalangin.”

“Dapat po ba patuloy tayong manalangin para kay Tito Dan?” tanong ni Isabelle.

Tumango si Itay. “Malaki ang maitutulong niyon kay Tito Dan.”

Araw-araw, patuloy na nanalangin si Isabelle at ang kanyang mga kapatid para kay Tito Dan. Nanalangin sila na makahanap na ng trabaho si Tito Dan. Nanalangin sila na magkaroon ng sapat na pera si Tito Dan para sa mga pangangailangan nito. Nanalangin sila na makadama ng pagmamahal si Tito Dan.

Natuwa si Isabelle na natulungan niya si Tito Dan sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin. Ang pananalangin para kay Tito Dan ay nagpasaya at nagpalakas sa kanya.

Tinulungan din nila si Tito Dan sa ibang mga paraan. Isang araw, tinulungan nila si Tito Dan na linisin ang bahay nito. Noong isa pang araw, bumisita sina Isabelle at Inay para manood ng isang pelikula kasama si Tito Dan.

Lumipas ang mga linggo. Sa wakas, may magandang balita si Itay.

“May dalawang interbyu para sa trabaho si Tito Dan ngayong linggo!” sabi ni Itay.

Natuwa si Isabelle. Natuwa siya na maaari siyang manalangin para sa mga taong mahal niya. ●

Mga paglalarawan ni Holly Jones