2018
Pagharap sa Mahihirap na Tanong: Tatlong Alituntunin na Makakatulong
Hulyo 2018


Pagharap sa Mahihirap na Tanong: 3 Alituntunin na Makakatulong

Heto ang paraan ng paghahanap ng mga sagot sa paraang makapagpapalakas sa iyong pananampalataya.

Larawan
young man contemplating scriptures

Nagkaroon ka na ba ng tanong tungkol sa ebanghelyo o tungkol sa Simbahan? Nag-alala ka na ba kung ang tanong mo ay nangangaluhugang wala kang sapat na pananampalataya o na hindi gaanong malakas ang patotoo mo?

Normal at mahalagang bahagi ang mga tanong sa paglalakbay mo dito sa mundo. Aakayin ka ng mga ito sa mas malawak na kaalaman at pananampalataya. Gayunpaman, ang iyong saloobin, motibasyon, at proseso sa paghahanap ng mga sagot ay nakakaapekto sa kalalabasan.

Matututuhan mo sa seminary ang tatlong alituntunin ng doctrinal mastery na makakatulong sa paggabay sa iyo sa mga walang-hanggang katotohanan.

  1. Kumilos nang may Pananampalataya

    Kapag mayroon kang tanong, maaari kang kumilos nang may pananampalataya sa pamamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos at pagbaling sa Kanya para sa mga sagot. Nagbibigay ng mga sagot ang Diyos nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Mahalagang umasa sa patotoong mayroon ka na sa oras ng pagdududa.

    “Pagdudahan muna ang inyong pagdududa bago ninyo pagdudahan ang inyong pananampalataya.”1 —Elder Dieter F. Uchtdorf

    “Manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman.”2 —Elder Jeffrey R. Holland

  2. Suriin ang mga Konsepto at mga Tanong sa Pananaw ng Ebanghelyo

    Kung isasaalang-alang mo ang mga tanong sa konteksto ng plano ng kaligtasan at sa mga turo ng Tagapagligtas, makikita mo ang mga bagay-bagay sa paraang nakikita ang mga ito ng Diyos. Matutulungan ka nito na suriing muli ang mga tanong mo gamit ang pamantayan ng Diyos sa halip na pamantayan ng mundo.

    “Ang pag-angkla sa walang-hanggang katotohanan … ay magbibigay sa atin ng kapayapaan na nagmumula sa pananampalataya kay Jesucristo at sa kaalaman na tayo ay nasa daan patungo sa buhay na walang-hanggan.”3 —Pangulong Dallin H. Oaks

    “Kung may matuklasan kayong anuman na tila nakaharang sa inyong kagalakan at sa liwanag ng ebanghelyo sa inyong buhay, inaanyayahan ko kayong ilagay ito sa pananaw ng ebanghelyo. Tumingin gamit ang salamin ng ebanghelyo at maging maingat na huwag tulutan ang walang-kabuluhan at walang-halagang mga bagay sa buhay na palabuin ang inyong walang-hanggang pananaw tungkol sa dakilang plano ng kaligayahan.”4 —Elder Gary E. Stevenson

  3. Hangarin na Mas Makaunawa sa Pamamagitan ng mga Tulong na Galing sa Diyos

    Binigyan ka ng Diyos ng maraming tulong na magagamit mo sa paghahanap ng katotohanan. Kabilang na rito ang Banal na Espiritu, mga banal na kasulatan, ang pamilya mo, mga lider ng Simbahan, at pati na ang mga tulong sa labas ng Simbahan na nakapagpapalakas ng pananampalataya mo kay Jesucristo. Kapag naghahanap ng mga sagot, tiyaking nakikita ang kaibhan sa pagitan ng di-maaasahang tulong at maaasahang tulong, na makapagpapalakas ng iyong pananampalataya at mag-aanyaya sa Banal na Espiritu sa buhay mo.

    “Maraming kabutihan … ang nanggagaling sa iyong mga pagsisikap na mapalago, mapalawak, at madagdagan ang iyong pagkaunawa sa katotohanan. Gamitin ang mga banal na kasulatan at mga paghahayag ng mga propeta upang palawakin ang iyong kaalaman.”5 —Elder Richard G. Scott (1928–2015)

    “Patuloy tayong naghahanap ng katotohanan sa mabubuting babasahin at iba pang mga kapaki-pakinabang na bagay. ‘Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito’ (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).”6 —Elder Dieter F. Uchtdorf

Subukan mo ito!

Tutulungan ka ng mga sumusunod na halimbawa na maunawaan kung paano ito magagawa. Tandaan na hindi kumpleto ang mga sagot na ito, halimbawa lamang kung paanong ang isang kabataang lalaki o kabataang babae ay magsisikap na sagutin ang mga tanong na ito sa kanilang sarili. Maaari kang magpatuloy sa pag-aaral at pagdarasal tungkol sa mga paksang may katanungan ka upang maghanap ng mga sagot at mapalakas ang iyong patotoo.

Bakit hinayahayaan ng mapagmahal na Ama sa Langit na may mangyaring masasama?

Kumilos nang may Pananampalataya: Nadama ko na ang pagmamahal ng Diyos sa akin at alam ko na Siya ay nariyan, kahit na hindi ko maunawaan kung bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari ang masasamang bagay.

Suriin ang mga konsepto at mga tanong sa pananaw ng ebanghelyo: Ang kalayaang pumili ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan. Ipinadala tayo ng Diyos dito sa mundo upang maranasan ang mga pagsubok, gumawa ng mga desisyon, at makatanggap ng pisikal na katawan. Ngunit ang pagtutulot sa mga tao na gumawa ng mga desisyon ay nangangahulugan na paminsan-minsan ay magkakamali ang mga tao at maaapektuhan ang mga buhay ng ibang tao. Ang mga pagsubok na hindi bunga ng maling pagpili—katulad ng mga sakuna, kapansanan, at kamatayan—ay maaaring magbigay ng pagkakataon para palakasin natin ang ating mga patotoo at tiwala sa Diyos.

Hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng mga tulong o mga bagay na galing sa Diyos: Ano ang sinasabi sa mga banal na kasulatan at ng mga propeta tungkol sa dahilan ng ating mga pagsubok? “Ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; at muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas” (D at T 121:7–8). Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi tayo kailanman iniiwan ng Diyos na mag-isa, na walang tulong sa pagharap sa ating mga pagsubok.”7 Hindi ko alam ang mga dahilan ng lahat ng pagsubok sa akin, ngunit naniniwala ako na isinagawa ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala para sa akin at para sa lahat. Maaari akong bumaling sa Kanya at sa Ama sa Langit para sa kapayapaan, kalakasan, at tulong sa aking mga pagsubok (tingnan sa Alma 7:11–12).

Paano ko malalaman kung nakikipag-usap sa akin ang Espiritu Santo?

Larawan
young woman reading scriptures

Kumilos nang may Pananampalataya: Kahit na kung minsan ay mahirap malaman kung nakakatanggap ako ng inspirasyon, alam ko na sa pakikinig sa mga patotoo ng iba at pagbabasa ng mga banal na kasulatan na tutulungan ako ng Espiritu na makaunawa kung magpapatuloy ako sa pagdinig sa Kanyang payo.

Suriin ang mga konsepto at mga tanong sa pananaw ng ebanghelyo: Binigyan tayo ng Diyos ng kaloob ng Espiritu Santo upang makatanggap tayo ng inspirasyon na gawin ang tama. Kapag nakakatanggap ako ng pahiwatig na gumawa ng mabuti, malalaman ko na galing ito sa Espiritu, kahit na parang iniisip ko lang ito.

Hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng mga tulong na galing sa Diyos: Itinuturo ng mga banal na kasulatan: “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (D at T 112:10). Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang tapat na hangarin at pagkamarapat ay nag-aanyaya ng diwa ng paghahayag sa ating buhay.”8 Kung susubukan kong maging mapagpakumbaba at gagawin ang lahat ng aking makakaya para maging karapat-dapat sa Espiritu, tuturuan ako ng Panginoon na mahanap ang mga sagot. Ituturo Niya sa akin kung paano makikipag-usap sa akin ang Espiritu.

Konklusyon

Ang mga tanong ay hindi tanda ng kakulangan sa pananampalataya; kadalasan sila ay palatandaan ng lumalagong patotoo. Kapag kumikilos ka nang may pananampalataya, sinusuri ang mga konsepto at mga tanong sa pananaw ng ebanghelyo, at hinahangad na mas makaunawa sa pamamagitan ng mga tulong, makakahanap ka ng mga sagot sa iyong mga tanong at mas matibay na pananampalataya kay Jesucristo.

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2013.

  2. Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” pangkalahatang kumperensya ng Abril 2013.

  3. Dallin H. Oaks, “As He Thinketh in His Heart” (Church Educational System devotional para sa mga young adult, Peb. 8, 2013), lds.org/prophets-and-apostles.

  4. Gary E. Stevenson, “Espirituwal na Eklipse,” pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2017.

  5. Richard G. Scott, “Acquiring Spiritual Knowledge,” pangkalahatang kumperensya ng Okt. 1993.

  6. Dieter F. Uchtdorf, “Ano ang Katotohanan?” (Church Educational System devotional para sa mga young adult, Ene. 13, 2013), broadcasts.lds.org.

  7. Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng mga Anghel,” pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2008.

  8. David A. Bednar, “Ang Diwa ng Paghahayag,” pangkalahatang kumperensya ng Abril 2011.