2018
7 Payo sa Pagbibigay ng Mensahe
Hulyo 2018


7 Payo sa Pagbibigay ng Mensahe

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Malapit ka na bang magbigay ng mensahe sa sacrament meeting? Subukan ang mga payong ito.

Larawan
young man giving talk

Hindi ko alam sa inyo, pero tuwing nakatakda akong magbigay ng mensahe sa sacrament meeting, kinakabahan talaga ako—hindi sa pagsusulat ng mensahe kundi sa mismong pagbibigay ng mensahe. Inaalala ko lagi, “Paano kung nakakabagot ako? Paano kung may malimutan akong sabihin? Paano kung magkamali ako sa isang salita?”

Naranasan n’yo rin ba ang mga ito? (Sana hindi ako nag-iisa.) Kung oo, hindi ito ang katapusan ng mundo! Tingnan ang pitong payo na ito upang pahusayin ang galing mo sa pagsasalita sa pagbibigay ng nakawiwiling mensahe.

Paghahanda ng Mensahe

  1. Gamitin ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga makabagong propeta (tingnan D at T 52:9). Ito ang sentro ng iyong mensahe. Kaya nga, ito’y isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit tayo nasa simbahan—upang magturo at matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo. Maaari mong pag-aralan ang iyong paksa sa tulong ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan (sa www.lds.org/scriptures?lang=tgl) at sa mga mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya (hanapin ayon sa paksa sa www.lds.org/general-conference/conferences?lang=tgl Siguraduhing nauunawaan mo ang mga banal na kasulatan at mga sipi na binabalak mong gamitin sa iyong mensahe. Kung kailangan mo ng tulong, magpatulong sa iyong mga magulang o sa mga lider ng Simbahan.

  2. Anyayahan ang Espiritu. Tunay na magandang ideya ang mag-umpisa sa pagdarasal at paghahanda para mapasaiyo ang Espiritu habang nagsasalita ka. Hindi ka lamang pinapanatag ng Espiritu kundi pinapatotohanan Niya ang katotohanan (tingnan sa D at T 42:14). Anyayahan ang Espiritu sa inyong sacrament meeting sa pagpapatotoo sa mga pinapaniwalaan mong totoo.

  3. Mag-isip ng personal na kuwento. Isa sa pinakamabisang paraan upang makaugnay sa iba ay sa pamamagitan ng mga kuwento. Gusto nating marinig ang mga karanasan ng iba at kung papaano ang mga buhay nila. Kaya subukang umisip ng masaya, kakaiba, o nakakahamon na karanasan na mayroon ka na kaugnay ng alituntunin ng ebanghelyo na inatas sa mensaheng ibibigay mo. Ano ang natutuhan mo sa karanasang ito? Paano ito nakatulong sa iyo? Isa ito sa pinakamagandang paraan kung nahihirapan kang simulan ang mensahe mo.

  4. Magsanay, magsanay, magsanay! Matapos mong maisulat ang iyong mensahe, maaari mong sanayin na bigkasin ito na malakas sa sarili mo, at pagkatapos ay sa harapan ng iyong pamilya o mga kaibigan. Malalaman mo kung ang iyong mensahe ay pasok sa ibinigay sa iyo na oras o kung may mga bahagi na kailangan mong liwanagin. Kung OK sa iyong bishop, maaari mong subukang pumunta sa simbahan at pasadahan ang iyong mensahe sa podium!

Pagbibigay ng Mensahe

  1. Iwasan ang pambungad na “Hindi ko talaga gustong magsalita.” Maraming anyo ang pambungad na ito, ngunit natutunugan ito agad ng mga nakikinig. Ito ay kadalasang ganito, “Noong tinawag ako ni bishop para magbigay ako ng mensahe, sinikap kong mag-isip ng paraan para makatakas.” Halos lahat ng mga miyembro ng Simbahan ay mauunawaan kung gaano kahirap ang pagbibigay ng mensahe, pero kapag sinasabi mong, “Hindi ko talaga gustong magsalita,” ang naririnig ng mga tao ay “Huwag kayong makinig sa akin.” Magandang iwasan ang mga pambungad na ganoon—maging ganado sa iyong paksa!

  2. Magsalita nang malinaw. Hindi kakaiba sa isang tao na magsalita nang mabilis o mahina dahil sa kaba. Nauunawaan ko ito nang husto! Ngunit mahalagang magsalita nang malinaw habang nagbibigay ng mensahe upang maunawaan ka ng kongregasyon. Sikaping isiping bagalan, bigkasin ang iyong mga salita, at ayusin ang iyong boses (oo, kahit may mikropono, posibleng maging matahimik). Gustong marinig ng mga tao ang sasabihin mo!

  3. Palaging tumingin sa mga tao. Ang pagtingin sa mata ng kausap ay napakahalagang bahagi ng magandang komunikasyon. Ipinapakita nito na nakatuon at nasa puso mo ang usapan. Ngayon, hindi mo kailangang tingnan sa mata ang bawat isa sa kongregasyon habang nagsasalita ka, pero kung madalas kang mapapatingin sa likuran o sa harapan ng silid, mas interesante ang dating mo bilang tagapagsalita. Iwasang ituon ang iyong mga mata sa iyong binabasa! Gusto ng mga tagapakinig na makita ang iyong ngiti, hindi ang tuktok ng ulo mo.

Sa pitong nabanggit na mga payo, maaari ka pang madulas sa sasabihin mo o mapansin na may inaantok sa may likuran. Ibig sabihin ba nito ay hindi ka mahusay na tagapagsalita? Siyempre hindi!

Sa tuwing wala tayo sa ating comfort zone, normal lang na makaramdam ng kaba o makagawa ng maliliit na pagkakamali. Ngunit habang ibinibigay mo ang lahat sa abot-kaya mo at inaanyayahan ang Espiritu, hindi na mahalaga kung ikaw ay mautal o makalimot ng ilang sasabihin. Ginagawa mo ang trabaho ng Diyos at tumutulong sa Kanyang mga anak na mas matuto tungkol sa ebanghelyo!

Kung ituturo mo at papatotohanan ang mga pinaniniwalaan mo, magiging maayos ang lahat.