2018
Ano ang Ginagawa Natin sa Templo?
Hulyo 2018


Paghahanda sa Buhay

Ano ang Ginagawa Natin sa Templo?

Larawan
baptismal font

Ang templo ay isang banal na lugar kung saan mas mapapalapit tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sa templo, tinuturuan tayo ng mahahalagang katotohanan, nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood (mga sagradong seremonya), at gumagawa ng mga tipan (mga sagradong pangako) sa Diyos na naghahanda sa atin na makabalik sa Kanyang piling.

Makakatanggap tayo ng mga ordenansa sa templo para sa atin at gayon din sa ating mga ninuno. Halimbawa, ang mga kabataan ay makakalahok sa mga pagbibinyag sa ngalan ng kanilang mga ninuno at sa ibang mga hindi nagkaroon ng pagkakataon na mabinyagan gamit ang wastong awtoridad noong nabubuhay pa sila. Para sa mga nasa hustong gulang, ang endowment at pagbubuklod (tulad ng kasal sa templo) ay kabilang sa mga ordenansa sa templo.

Binyag at Kumpirmasyon para sa Ating mga Ninuno

Ang pagbibinyag at kumpirmasyon ay mahalaga para sa kaligtasan ng bawat taong may pananagutan na nabuhay sa mundo (tingnan sa Juan 3:5). Gayunpaman, maraming tao ang namatay nang hindi nagkaroon ng pagkakataon na marinig ang ebanghelyo o matanggap ang mga ordenansang ito. Sa pamamagitan ng kabutihang-loob at awa ni Jesucristo, may paraang inihanda para sa lahat para matanggap ang mga biyayang ito. Sa mga templo, makakalahok ang mga karapat-dapat na miyembro ng Simbahan sa mga pagbibinyag sa ngalan ng mga yumao na. Sa daigdig ng mga espiritu, ang ebanghelyo ay ipinangangaral (tingnan sa D at T 138), at ang mga nakakinig noon ay makakapili kung tatanggapin ang mga ito at ang mga ordenansang isinagawa para sa kanila.

Endowment

Ang salitang endowment ay nangangahulugang “regalo o kaloob.” Ang endowment sa templo ay isang kaloob mula sa Diyos kung saan ibinibigay Niya ang mga espesyal na basbas sa iyo, kabilang na ang “kapangyarihan mula sa itaas” (D at T 95:8).

Noong sumapi ka sa Simbahan, nakatanggap ka ng dalawang ordenansa—binyag at kumpirmasyon. Ang endowment sa templo ay matatanggap rin sa dalawang bahagi. Una, natatanggap mo ang panimulang ordenansa, kung saan “nahuhugasan” ka sa paraang simboliko at payak upang matanggap ang mga espesyal na basbas hinggil sa iyong banal na pamana at walang-hanggang potensyal. Sa ikalawang bahagi, natatanggap mo ang nalalabi sa iyong endowment habang mas natututo ka sa plano ng kaligtasan, kabilang ang Paglikha, ang ating layunin sa mundo, at ang misyon at Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Habang nasa endowment, gumagawa tayo ng mga dakilang pangako na sumunod sa Diyos, sumunod kay Jesucristo, panatilihin ang kalinisang-puri, at tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Kung tutuparin natin ang ating mga tipan, mapapasaatin ang pangako na matatanggap natin ang lahat ng mga walang-hanggang biyaya ng Diyos.

Mga Pagbubuklod

Ang mga pamilya ay sentro sa plano ng kaligayahan ng Diyos. Ang pagkakabuklod ng pamilya nang walang-hanggan ay ang pinakatampok na biyaya na mayroon sa templo sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood na magbuklod—ang parehong awtoridad na binanggit ni Jesus sa Kanyang mga Apostol (tingnan sa Mateo 16:19). Itinutulot ng mga pagbubuklod sa templo na magkasama ang mga mag-asawa at mga magulang sa kawalang-hanggan sa pamamagitan ng pagiging tapat nila sa kanilang mga tipan.