2017
Humingi: Santiago 1:5–6
January 2017


Tema ng Mutwal para sa 2017

Humingi

Santiago 1:5–6

“Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.

“Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan. Sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila.”

Santiago 1:5–6

Bakit ang temang ito ang pinili, at ano ang kahulugan nito sa inyo? Ibinahagi nina Brother Stephen W. Owen, Young Men General President, at Sister Bonnie L. Oscarson, Young Women General President, ang kanilang iniisip.

Bakit pinili ang talatang ito?

Sister Oscarson: Alam ng Panginoon kung anong mensahe ang kakailanganin ninyo, at kahanga-hanga kung paano nasasagot ng tema ang ilang mga isyu na lumilitaw sa buong taon at kung paano ito talagang akma sa nangyayari sa inyong buhay.

Nang talakayin namin ang Santiago 1:5–6 bilang posibleng tema sa taong ito, napuspos ng Espiritu ang silid. At nagkasundo kaming lahat na magiging maganda ang talatang ito para sa ating mga kabataan dahil may ilang koneksyon ito. May koneksyon ito sa kasaysayan ng Simbahan—ito ang talatang binasa ni Joseph Smith na nag-udyok sa kanya na magpunta sa Sagradong Kakahuyan at manalangin. At ang pangalawang malaking koneksyon ay na nagpapatotoo ito sa banal na misyon ni Joseph Smith, isang bagay na kailangan natin sa panahon na ang kanyang reputasyon at ang kasaysayan ng Simbahan ay patuloy pa ring pinagdududahan ng mundo. Mensahe rin ito kung paano tayo tumatanggap ng personal na paghahayag sa ating buhay, na kailangang malaman ng lahat.

Brother Owen: Napakaraming nangyayari sa inyong buhay sa ngayon, at napakarami ninyong tanong. Sa dinami-dami ng social media at mga search engine natin, napakarami ninyong mapagbabalingan para mahanap ang mga sagot sa inyong mga tanong ukol sa pananampalataya. Ipinakikita ng pangunahing talatang ito ang proseso ng paghahayag kay Joseph Smith, na isang huwarang maaari nating sundan.

Paano magagawang personal at magagamit ng mga kabataan ang Santiago 1:5–6?

Sister Oscarson: Napakaraming mensahe ng talatang ito. Sinasabi nito na, “Humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan” (Santiago 1:6). Isa itong matinding sandali. Nguni’t kailangan kayong humingi nang may pananampalataya, nang walang anomang pagaalinlangan.

Brother Owen: At ang ibig sabihin ng humingi nang may pananampalataya ay magtanong nang may tunay na layunin. Nang matanggap ni Joseph Smith ang sagot kung aling simbahan ang aaniban, hindi lamang niya sinabing, “Sabagay, magandang malaman iyan, pero …” Humayo siya nang may pananampalataya.

Sister Oscarson: Alalahanin na ang matwid na panalangin ay hindi paghiling ng gusto natin kundi pag-alam kung ano ang gusto ng Diyos para sa atin.

Ano ang ibibigay ninyong payo sa mga kabataan tungkol sa paggamit ng panalangin sa kanilang buhay?

Sister Oscarson: Ugaliin ito. Hindi ninyo ito maaaring kalimutan. Hindi ninyo ito maaaring kaligtaan. Binigyan tayo ng kapatid ni Jared ng halimbawa niyan (tingnan sa Eter 2:14).

Brother Owen: Ang madalas na pagkalimot na manalangin ay ibang usapan, ngunit higit na nakababahala ang pagtalikod sa Panginoon at pagtangging manalangin. Kapag nadarama ninyo na hindi kayo dapat manalangin, iyon ang oras na talagang kailangan ninyong manalangin. At kung nagdarasal kayo at nagbabasa ng mga banal na kasulatan, maaayon kayo sa Espiritu. At kung hindi, ilalayo ninyo ang inyong sarili sa Espiritu.

Sister Oscarson: Maaari tayong tuwirang makipag-usap sa Diyos. Wala Siyang ibinigay na limitasyon sa oras. Napakagandang kaloob ang malaman na magagawa natin iyan at na palagi Siyang nariyan.

Paano kayo natutong manalangin sa makabuluhang paraan?

Sister Oscarson: Wala akong maisip na partikular na karanasan; bunga ito ng mga karanasan ko mula noon hanggang ngayon. Ang pagdarasal ay naging isa sa mga pinakamakabuluhang bahagi ng araw ko dahil sinisikap kong gawin ito palagi. Mas natuto akong makinig at tumanggap ng mga sagot. Natututo tayo at humuhusay tayo habang ginagawa natin ito. Basta’t palagi ko itong ginagawa bawat araw, na tinitiyak na hindi ko pinalilipas ang pagkakataong makipag-usap sa aking Ama sa Langit. Kapag mas madalas tayong nagdarasal, mas natututo tayong makinig sa mga sagot na iyon.

Brother Owen: Noong bata pa ako, kapag may kailangan talaga akong malaman, naaaIala ko ang Unang Pangitain at naiisip kong, “Ginawa iyon ni Joseph Smith. Hindi ko kailangan ng malaking pagpapamalas, pero kailangan ko ng sagot.” Kaya may pananampalataya kong sinunod ang huwarang iyon. Naaalala ko na lumuhod ako at nagyuko ng ulo at nanalangin nang malakas. Ang patuloy na pagsunod sa huwarang iyon ay maraming beses na nagpala sa aking buhay upang makatanggap ng personal na paghahayag.

Ano ang isa sa pinakamahahalagang bagay na matututuhan ng mga kabataan mula sa talatang ito?

Brother Owen: Gusto ko lang muling bigyang-diin ang huwaran ng panalangin na pinasimulan ni Joseph Smith. Sa edad lamang na 14 anyos, litung-lito siya, kaya binasa niya ang kanyang mga banal na kasulatan. Ang Unang Pangitain ay hindi isang saglit lang kung saan basta lumuhod lang si Joseph. Marami siyang ginawang paghahanda bago iyon. Paulit-ulit niyang pinagnilayan ang kanyang tanong. Nang matagpuan niya ang Santiago 1:5–6, sinabi niya, “Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:12). Tumimo ito sa kanyang puso, at kumilos siya ayon dito. Nanalangin siya nang may tunay na hangarin at sumulong nang may pananampalataya. At iyan ang inaasahan naming madama ninyo sa talatang ito sa buong 2017.