2017
Sino ang Handa na Ngayon?
January 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Sino ang Handa na Ngayon?

Larawan
magnifying glass over family history screen

Paglalarawan ni Richard Mia

Isang Linggo kasunod ng huling sesyon ng pangkalahatang kumperensya, nakadama ako ng malakas na pahiwatig na mag-sign in sa aking FamilySearch account at gumawa ng kaunting family history. Atubili ako noong gawin ang aking family history dahil hindi naman naging matagumpay ang ibang mga pagtatangka kong gawin ito. Masipag gumawa ng family history ang pamilya ko, at naisip ko na wala na akong gagawin pa.

Sumandal ako at napabuntong-hininga sa kawalan ng pag-asa habang minamasdan ko ang hangganan ng pinagsikapan kong gawin nang ilang taon, na umaasa na ito na sana ang araw na may makukuha akong kaunting impormasyon. Sinimulan ko na regular na maghanap sa mga census, kasal, at mga rekord ng kapanganakan, at pagkaraan ng isang oras ay wala akong natagpuan. Pagkatapos ay hinikayat ako ng Espiritung bumubulong sa akin buong Sabado’t Linggo sa mga sesyon ng kumperensya na manalangin at alamin kung sino ang handa nang magawa ang kanilang gawain ngayon.

Pagkatapos kong manalangin, binalikan ko ang sarili kong pangalan at ipinagpatuloy ko ang linya. Damang-dama ko ang patnubay ng Espiritu nang daanan ko ang bawat linya hanggang sa marating ko ang panig ng lolo ko. Nang sumunod na oras napuspos ng Espiritu ang silid, at nakakuha ako ng anim na pangalan na madadala ko sa templo. Matapos kong hilingin ang mga pangalan para madala sa templo, tiningnan ko sandali ang ilan sa mga rekord na napagkunan ko ng impormasyon. Napuno ng luha ang aking mga mata at napuspos ng kagalakan ang aking puso—ang impormasyon ay nagmula sa mga indexer na nagboluntaryo ng kanilang oras para ipasok ang mga rekord para sa aking mga ninuno. Bilang pasasalamat, nag-index ako ng mga pangalan para sa iba nang sumunod na oras.

Noong araw na iyon puspos ng pasasalamat ang aking patotoo sa dalawang kadahilanan. Una, na sa oras ng pangkalahatang kumperensya, inakay ako ng Espiritu na gumawa ng gawain sa family history at alamin kung aling mga pangalan ang hahanapin. Ikalawa, dahil sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo na nag-iindex ng mga pangalan para mahanap ng mga taong kagaya ko ang aming mga ninuno nang malinaw at madali at mapabilis ang kanilang gawain. Isang malinaw at makapangyarihang patotoo iyon sa akin na ang gawain ng Diyos ay lumalaganap sa buong daigdig.