2017
Matatag sa Ating Patotoo sa Tagapagligtas
January 2017


Matatag sa Ating Patotoo TUNGKOL SA Tagapagligtas

Mula sa mensaheng, “Being Valiant,” na ibinigay sa LDS Business College noong Hunyo 17, 2014. Para sa buong mensahe sa Ingles, magpunta sa ldsbc.edu.

Bawat isa sa atin ay hihilingang kumilos sa mahihirap ngunit mahahalagang sandali. Ang mga sandaling ito ang magpapasiya kung sino tayo at kung ano ang ating kinahinatnan.

Larawan
Soliders in South Africa

Mga paglalarawan ni Dan Burr

Noong binata ako maraming taon na ang nakalipas, tinawag akong magsundalo—o ang tawag natin dito ay, “conscripted”—sa South African military. Itinalaga ako sa isang squad ng mga sundalong mabubuting tao ngunit may kagaspangan ang pananalita at kilos na kung minsan ay nakikita sa mga lalaking naglilingkod sa militar.

Naliligiran ng gayong mga impluwensya, natuklasan ko na hindi laging madaling ipamuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo. Ngunit sa simula pa lang ng paglilingkod ko sa militar, nalugod akong panindigan ang aking mga pinaniniwalaan. Nilinaw ko na hindi ako makikisali sa gawain na alam kong mali. Natutuwa akong sabihin na ang mga sundalo sa aming squad—bagama’t noong una’y atubili ang ilan—ay natutong igalang ang mga pamantayan ko.

Minsan, sa isang military training camp, ang grupo namin ay nakatayo sa paligid ng campfire sa isang maganda, madilim, walang ulap, at mabituing gabi. Ang ilan sa mga sundalo sa aming squad ay umiinom ng serbesa habang sumisipsip ako ng soft drink. Nakakawili ang usapan, at walang masagwang pananalita.

Habang nag-uusap-usap kami, nakisali ang ilang sundalo mula sa isa pang unit sa masayang grupo namin. Bumaling sa akin ang isa sa mga sundalong ito at, nang mapansin ang hawak kong soft drink, kinutya ako sa hindi ko pagsali sa mga sundalo sa pag-inom ng serbesa. Bago pa ako nakasagot, nagulat ako sa isa sa mga kaibigan ko nang pagsabihan niya ang sundalo.

“Umalis na po kayo, sir,” sabi niya. “Hindi namin papayagang pagsalitaan ng sinuman si Chris nang ganyan! Katunayan, siya lang ang sundalong kasama natin na tunay na Kristiyano ang pamumuhay.”

Sa gayon, tahimik na umalis ang taong pinagsabihan patungo sa kadiliman ng gabi. Sa sandaling iyon, bagama’t medyo napahiya sa di-inaasahang papuri, tahimik akong nagpasalamat na napili kong sundin ang payo ni Pablo na maging “uliran ng mga nagsisisampalataya” (I Kay Timoteo 4:12).

Kayo man ay nahaharap sa mga pagpili, lalo na sa panahong ito ng inyong buhay, na ang inyong espiritu ay nakatuon at bukas sa malalaking pagkakataong naghihintay sa inyo. Ang tanong ay, ano ang gugustuhin ninyong isulat tungkol sa inyong sarili makalipas ang 5, 10, o 20 taon—o maging sa katapusan ng inyong buhay?

Ano ang Ibig Sabihin ng Maging Matatag?

Sa isa sa pinaka-pambihirang pangitaing nakatala sa banal na kasulatan, inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang kalagayan ng mga taong magmamana ng kahariang selestiyal matapos silang mabuhay na mag-uli at mahatulan. Inihahayag din ng bahaging ito sa Doktrina at mga Tipan (bahagi 76) ang mga kalagayan at sitwasyon ng mga taong hindi angkop para sa kahariang selestiyal kundi sa halip ay piniling magmana ng terestriyal at telestiyal na kaharian.

Sa pagsasalita tungkol sa mga magmamana ng kahariang terestriyal, itinuturo sa atin ng paghahayag na sila “ang … mararangal na tao sa lupa, na nabulag ng panlilinlang ng mga tao … [at] tumanggap ng kaluwalhatian [ng Diyos], subalit hindi ng kanyang kaganapan” (D at T 76:75–76). Pagkatapos ay natutuhan natin ang kamangha-manghang alituntuning ito: “Sila ang mga taong hindi matatatag ang pagpapatotoo kay Jesus; dahil dito, hindi nila natamo ang putong ng kaharian ng ating Diyos” (D at T 76:79; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Isipin iyan sandali. Hahayaan ba natin na mawalan tayo ng pagkakataong makapasok sa kaluwalhatian ng kahariang selestiyal, kasama ang lahat ng malalaki at walang-hanggang pagpapala nito, dahil lang sa hindi matatag ang ating patotoo kay Jesus dito sa lupa sa maikling panahon ng pagsubok sa ating buhay?

Ano ang ibig sabihin ng maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus? Ipinahayag ng makabagong Apostol ng Panginoon:

“Ito ay ang maging matapang at mapangahas; gamitin ang ating buong lakas, sigla, at kakayahan sa espirituwal na pakikibaka sa mundo; makipagbaka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya. … Ang dakilang pundasyon ng kagitingan alang-alang sa kabanalan ay pagsunod sa buong batas ng buong ebanghelyo.

“Ang maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay ang ‘lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya’; ito ay ang pagkaitan ang ating sarili ‘ng lahat ng kasamaan,’ at ‘ibigin ang Diyos’ nang buo nating ‘kakayahan, pag-iisip, at lakas.’ (Moroni 10:32.)

“Ang maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay ang maniwala kay Cristo at sa kanyang ebanghelyo nang may di-natitinag na pananalig. Ito ay ang malaman ang katunayan at kabanalan ng gawain ng Panginoon sa lupa. …

Larawan
Family studying scriptures

“Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa ‘paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.’ Ito ay ang ‘magtiis hanggang wakas.’ (2 Nephi 31:20.) Ito ay ang ipamuhay ang ating relihiyon, gawin ang ating ipinangangaral, sundin ang mga kautusan. Ito ay pagpapakita ng ‘dalisay na relihion’ sa buhay ng mga tao; ito ay pagdalaw sa ‘mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian’ at panatilihing ‘walang dungis ang [ating] sarili sa sanglibutan.’ (Santiago 1:27.)

“Ang maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay ang pigilin ang simbuyo ng ating damdamin, kontrolin ang ating mga pagnanasa, at iwaksi ang mga bagay na makamundo at masama. Ito ay ang madaig ang mundo tulad ng ginawa niya na ating huwaran at ang pinakamatatag sa lahat ng anak ng ating Ama. Ito ay ang maging malinis ang moralidad, magbayad ng ating mga ikapu at handog, igalang ang araw ng Sabbath, manalangin nang may buong layunin ng puso, ialay ang lahat sa altar kung ipagawa iyon sa atin.

“Ang maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay ang pumanig sa Panginoon sa lahat ng bagay. Ito ay ang pumili na katulad ng pagpili niya. Ito ay ang isipin ang iniisip niya, paniwalaan ang kanyang pinaniniwalaan, sambitin ang kanyang sasambitin at gawin ang kanyang gagawin sa iisang sitwasyon. Ito ay ang isipin ang nasa isipan ni Cristo at makiisa sa kanya tulad ng pakikiisa niya sa kanyang Ama.”1

Ngayo’y kailangan kong idagdag ang isang bagay na itinuro ng ating Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo, sa Kanyang ministeryo noong nabubuhay Siya sa lupa:

“Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak.

“Sapagka’t ako’y naparito upang papagalitin ang lalake laban sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenang babae.

“At ang magiging kaaway ng tao ay ang kaniya ring sariling kasangbahay.

“Ang umiibig sa ama o sa ina ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.

“Ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at hindi sumusunod sa akin, ay hindi karapatdapat sa akin.”

“Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:34–39).

Ang ating layunin sa buhay na ito humigit-kumulang ay maghandang makapiling na muli ang ating pinakamamahal na Ama sa Langit bilang pantay na tagapagmana ni Jesucristo. Ang maluwalhating buhay sa walang-hanggang mga pamilya katabi ang ating asawang babae o asawang lalaki at ang ating mga anak at kaanak ay para sa lahat bagaman daranasin ng ilan ang mga pagpapalang ito balang-araw sa kabilang-buhay.

Kinakailangan ng gayong mga pagpapala na pasanin natin ang ating krus at manatili tayong matatag hanggang wakas sa pagpapatotoo at paglilingkod sa ating Panginoon at Tagapagligtas.

Maghandang Kumilos

Ang landas na kailangang tahakin ng bawat isa sa atin ay puno ng napakaraming oportunidad at mga hamon. Maraming desisyong ipinagagawa sa atin araw-araw—na ang ilan ay maliliit at tila hindi mahalaga, at ang iba naman ay masidhi at nagtatagal ang mga epekto.

Totoo ngunit mahirap tanggapin na bawat isa sa atin ay hihilingang kumilos sa mahihirap at mahahalagang sandali. Ang mga sandaling ito ang magpapasiya kung sino tayo at kung ano ang ating kinahinatnan. Ang mga ito ay kadalasang dumarating kapag hindi maginhawa at popular na kumilos nang tama at buong tapang. Makikita ninyo habang isinusulat ninyo ang kuwento ng inyong buhay na ang pinakamahahalagang sandaling makakaharap ninyo ay nangyayari kapag kayo ay naninindigang mag-isa.

May kuwento ako rito tungkol sa paninindigang mag-isa sa gitna ng matinding oposisyon. Isang araw noong Nobyembre 1838, ikinadena at ikinulong si Propetang Joseph Smith at ang iba pa, pati na si Elder Parley P. Pratt (1807–57), sa Richmond, Missouri, USA.

Itinala ni Elder Pratt ang sumusunod na pangyayari habang sila ay nakakulong:

“Sa isa sa nakakapagod na mga gabing iyon nahimlay kami na parang tulog hanggang sa lumipas ang hatinggabi, at nasaktan ang aming mga tainga at puso, sa pakikinig nang maraming oras sa malalaswang biro, nakasusuklam na mga pagmumura, nakakatakot na mga paglapastangan sa Diyos at mahahalay na pananalita ng mga bantay namin, na si Colonel Price ang pinuno, habang ikinukuwento nila sa isa’t isa ang ginawa nilang mga pandarambong, pagpatay, pagnanakaw, atbp., na ginawa nila sa ‘mga Mormon’ habang nasa Far West [Missouri] at paligid. Ipinagyabang pa nila na sapilitan nilang ginahasa ang mga babaeng may-asawa, mga anak na babae at dalaga, at binaril o pinasabog ang utak ng mga lalaki, babae at bata.

Nakinig ako hanggang sa makaramdam ako ng pagkasuklam, sindak, takot, at dama ang poot sa di-makatarungang pagtratong iyon kung kaya’t di ko halos mapigilang tumayo at pagsalitaan ang mga bantay; ngunit wala akong sinabi kay Joseph, ni kaninuman, gayong katabi ko siya at alam kong siya ay gising. Maya-maya’y bigla siyang bumangon, at nagsalita sa tinig na parang kulog, o ng isang umaatungal na leon, at nagsalita, sa alaala ko, ng mga salitang ito:

“‘TUMAHIMIK, kayong mga diyablo ng impiyerno. Sa pangalan ni Jesucristo ay pinagsasabihan ko kayo, at inuutusang manahimik; hindi ko na hahayaan pang makarinig ng ganyang pananalita. Tumahimik kayo, o isa sa atin ang mamamatay SA ORAS NA ITO!’

Larawan
Joseph Smith in jail

“Huminto siya sa pagsasalita. Tumayo siya nang matuwid na may nakasisindak na [karingalan]. Naka[kadena], at walang armas; mahinahon, hindi nababalisa at marangal na tulad ng isang anghel, tiningnan niya ang mga nanliliit sa takot na tanod, habang ibinababa ang mga armas at binitiwan ito sa lupa; na nangatiklop ang mga tuhod, at nanliit sa isang sulok, o yumukyok sa kanyang paanan, at hiningi ang kanyang patawad, at nanatiling tahimik hanggang sa magpalit ng mga tanod.”2

Ang lakas-ng-loob na ipinakita ni Propetang Joseph Smith ay hindi nakalaan sa mga propeta o nakatatandang mga miyembro ng Simbahan. Napatunayan ito sa isang pangyayari sa buhay ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918). Noong taglagas ng 1857, habang pabalik mula sa kanyang misyon sa Hawaii, USA, ang 19-na-taong-gulang na si Joseph F., sumama siya sa isang wagon train sa California, USA. Mahirap na panahon iyon para sa mga Banal. Naglalakad ang Johnston’s Army papuntang Utah, at masama ang loob ng marami sa Simbahan.

Isang gabi, sumakay ang ilang siga-siga sa wagon train camp, na nagmumura at nagbabantang saktan ang bawat Mormon na matagpuan nila. Nagtago ang karamihan ng nasa wagon train sa damuhan, ngunit naisip ni Joseph F. sa kanyang sarili: “Tatakas ba ako sa mga taong ito? Bakit ako matatakot sa kanila?”

Sa gayon, nilapitan niya ang isa sa mga pangahas, na nagtanong, habang hawak ang baril, “Ikaw ba ay ‘Mormon’?”

Sumagot si Joseph F., “[Opo; tunay na tunay; tapat na tapat, tagos sa kaluluwa.]”

Dahil diyan, sinunggaban ng siga-siga ang kanyang kamay at sinabing, “Aba, ikaw ang ——— ——— pinaka-nakalulugod na taong nakilala ko! [Magkamayan tayo, binata,] nasisiyahan akong makita ang isang taong naninindigan sa kanyang pinaniniwalaan.”3

Kabahagi kayo ngayon sa ilan sa pinakamahahalagang sandali ng inyong buhay! Isinusulat ninyo ngayon at isusulat pa, sa bawat sandali at sa bawat araw, ang inyong personal na kasaysayan. Magkakaroon ng mga pagkakataon na kakailanganin ninyong kumilos, samantalang sa ibang mga pagkakataon ay makabubuting manahimik na lang kayo. Darami ang mga pagkakataon, kakailanganing gumawa ng mga desisyon, at haharapin ang mga hamon!

Sa dakilang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit, laging tandaan na hindi kayo nag-iisa kailanman! Marami sa buhay na ito at mas marami pa sa kabilang-buhay, maging sa mismong araw na ito, ang sumasamo sa Panginoon para sa inyong kapakanan. Nabigyan na kayo ng dakilang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga ordenansang natanggap ninyo at mga tipang nagawa ninyo. Higit sa lahat, laging nariyan ang inyong pinakamamahal na Ama sa Langit at ang Kanyang Anak—ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, ang ating Tagapamagitan—upang tulungan kayong makaraos sa buhay. Sa isang lubhang nakaaantig na turo noong mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, nag-aanyaya siya sa lahat ng nabubuhay at samakatwid ay sa bawat isa sa atin:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30).

Idinaragdag ko ang aking taos na patotoo na ang ating Walang-Hanggang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo, ay buhay. Pinatototohanan ko rin na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng posibleng paraan ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon at ang kaharian ng Diyos sa lupa.

Nawa’y manatili ako—at ang mga nakikibahagi sa patotoong ito—na matatag sa dakilang layuning ito magpakailanman.

Mga Tala

  1. Bruce R. McConkie, “Be Valiant in the Fight of Faith,” Ensign, Nob. 1974, 35.

  2. Autobiography of Parley Parker Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. (1938), 210–11.

  3. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1998), 124.