2016
Ang Pagbabayad-sala ng Ating Tagapagligtas
Marso 2016


Ang Pagbabayad-sala ng Ating Tagapagligtas

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2004.

Kung tunay na mauunawaan natin ang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, matatanto natin kung gaano kahalaga ang bawat anak ng Diyos.

Larawan
Christ in Gethsemane

Detalye mula sa Getsemani ni Simon Dewey.

Nitong nakaraang Enero namighati ang aming pamilya sa pagkamatay ng aming apong si Nathan sa pagbagsak ng eroplanong sinasakyan niya. Si Nathan ay naglingkod sa Baltic Mission na ang wika ay Ruso. Mahal niya ang mga tao at alam niyang isang pribilehiyo ang maglingkod sa Panginoon. Tatlong buwan matapos ko silang ikasal ni Jennifer sa templo, siya’y namatay sa aksidenteng ito. Ang biglaang pagkawala ni Nathan ang nagbaling sa aming puso at isipan sa Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Bagama’t imposibleng masabi ko ang buong kahulugan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, dalangin ko na maipaliwanag ko ang kahulugan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa akin at sa aming pamilya at kung ano rin ang maaaring kahulugan nito sa inyo at sa inyong pamilya.

Ang mahalagang pagsilang, buhay, Pagbabayad-sala sa Halamanan ng Getsemani, ang paghihirap sa Krus ng Tagapagligtas, ang paglibing sa Kanya sa puntod ni Jose, at ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, lahat ng ito’y naging panibagong katotohanan para sa amin. Tinitiyak sa ating lahat ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas na tayo rin ay susunod sa Kanya balang-araw at mabubuhay na muli. Mapayapa at nakapapanatag ang kaaliwang dulot ng dakilang kaloob na ito na dulot sa atin ng mapagmahal na biyaya ni Jesucristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan. Dahil sa Kanya alam naming makakapiling namin muli si Nathan.

Wala nang mas dakila pang pagpapakita ng pagmamahal kaysa Pagbabayad-sala na isinagawa ng Anak ng Diyos. Kung hindi dahil sa plano ng ating Ama sa Langit, na itinatag bago pa nilikha ang daigdig, ang buong sangkatauhan—noon, ngayon, at sa hinaharap—ay maiiwang walang pag-asa sa walang hanggang pag-unlad. Bunga ng pagkakasala ni Adan, ang mga tao’y nawalay sa Diyos (tingnan sa Mga Taga Roma 6:23) at habampanahon maliban kung may makikitang paraan para madaig ang kamatayan. Hindi ito magiging madali, dahil kailangan dito ang sakripisyo alang-alang sa iba ng Taong walang bahid-dungis at maaaring umako sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan.

Salamat at magiting na isinagawa ni Jesucristo ang sakripisyong ito sa sinaunang Jerusalem. Doon sa Halamanan ng Getsemani sa tahimik na pag-iisa, Siya ay lumuhod sa mga nakapilipit na puno ng olibo, at sa paraang hindi natin lubos na mauunawaan, inako ng Tagapagligtas ang mga kasalanan ng daigdig. Kahit ang Kanyang buhay ay dalisay at walang kasalanan, binayaran Niya ang kahuli-hulihang kaparusahan para sa mga kasalanan—ang sa inyo, sa akin, at sa lahat ng nabuhay at mabubuhay dito sa mundo. Ang pagdurusa ng Kanyang isipan, damdamin, at kaluluwa ay napakabigat kung kaya’t lumabas sa maliliit na butas ng Kanyang balat ang dugo (tingnan sa Lucas 22:44; D at T 19:18). Gayunman si Jesus ay kusang nagdusa nang sa gayon lahat tayo’y magkaroon ng oportunidad na mahugasan at maging malinis—dahil sa ating pananampalataya sa kanya, pagsisisi sa ating mga kasalanan, pagkabinyag sa wastong awtoridad ng priesthood, sa pagtanggap sa nakadadalisay na kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng kumpirmasyon, at pagtanggap sa lahat ng iba pang mahahalagang ordenansa. Kung walang Pagbabayad-sala ng Panginoon, hindi natin matatanggap ang kahit isa sa mga biyayang ito, at hindi tayo magiging karapat-dapat at handang bumalik upang makapiling ang Diyos.

Naniniwala ako na kung tunay na mauunawaan natin ang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, matatanto natin kung gaano kahalaga ang bawat isang anak ng Diyos. Naniniwala ako na ang walang hanggang layunin ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak ay karaniwang natatamo sa pamamagitan ng paggawa ng maliliit at simpleng bagay sa isa’t isa. Ang pagbabayad-sala ni Cristo ay para sa bawat nilalang. Kung mauunawaan ito ng buong sangkatauhan, walang sinuman na hindi natin pahahalagahan, anuman ang edad, lahi, kasarian, relihiyon, o katayuan nito sa lipunan at kabuhayan. Sisikapin nating tularan ang Tagapagligtas at di kailanman magiging masama, walang malasakit, walang paggalang, o di-sensitibo sa iba.

Larawan
Christ with sheep

Detalye mula sa Getsemani ni Simon Dewey.

Kung tunay na nauunawaan natin ang Pagbabayad-sala at ang walang hanggang halaga ng bawat kaluluwa, hahanapin natin ang mga naliligaw na mga bata at ang bawat naliligaw na anak ng Diyos. Tutulong tayo para malaman nila ang pagmamahal ni Cristo para sa kanila. Gagawin natin ang lahat para makatulong at maihanda sila sa pagtanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo.

Kapag naiisip ko ang apo kong si Nathan at kung gaano siya kahalaga sa amin, nakikita at nadarama ko nang mas malinaw kung gaano ang nadarama ng ating Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang mga anak. Hindi natin ibig na manangis ang Diyos dahil hindi natin ginawa ang lahat ng ating makakaya upang ibahagi ang mga inihayag na katotohanan ng ebanghelyo. Dalangin ko na hangarin nawa ng bawat kabataan natin na malaman ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala at magsikap silang maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos sa misyon. Si Jesus ang nagsabing, “At kung … kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakan kasama niya sa kaharian ng aking Ama!” (D at T 18:15; idinagdag ang pagbibigay-diin). Hindi lang iyan, kaylaki rin ng kagalakan ng Panginoon sa kaluluwang nagsisisi! Sapagkat napakahalaga sa Kanya ng bawat isa.

Ipinakita ng ating Ama sa Langit ang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas. Inaanyayahan niya ang lahat na “lumapit kay Cristo, na siyang Banal ng Israel, at makibahagi sa kanyang kaligtasan, at sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos” (Omni 1:26). Itinuro Niya sa atin na sa pamamagitan ng ating matapat na pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo, sa pagtanggap ng nakapagliligtas na ordenansa na ipinanumbalik, sa patuloy na paglilingkod, at pagtitiis hanggang wakas, ay makababalik tayo sa Kanyang piling. Mayroon pa bang bagay sa daigdig na kasinghalaga ng kaalamang ito?

Nakalulungkot na sa daigdig ngayon, ang kahalagahan ng isang tao ay kadalasang nahuhusgahan sa dami ng manonood sa kanyang pagtatanghal. Ganoon inihahanay ang mga programa sa media at isport, kung paano magkaminsan itinatakda ang kabantugan ng isang samahan at madalas kung paano natatamo ang ranggo sa gobyerno. Iyan marahil ang dahilan kung bakit ang tungkuling gaya ng ama, ina, at missionary, ay bibihirang makatanggap ng papuri ng tao. Kakaunti ang nakapupuna sa “ginagawa” ng mga ama, ina, at missionary. Gayunman, sa paningin ng Panginoon iisa lamang ang mahalagang manonood—at iyon ay isang tao lang, ang bawat isa, ikaw at ako, at bawat isa sa mga anak ng Diyos. Ang Pagbabayad-sala ay walang katapusan at walang hanggan, gayunman ito’y angkop sa bawat indibiduwal, nang isa-isa.

Huwag na huwag maliitin ang kahalagahan ng isangtao. Alalahanin tuwina ang simpleng payo ng Panginoon: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Sikapin tuwina na mamuhay nang karapat-dapat sa mga banal at lubos na pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Sa aming kalungkutan sa pagkawalay ng aming mahal na si Nathan ay dumating ang kapayapaang tanging ang ating Tagapagligtas at Manunubos ang makapagbibigay. Bumaling ang aming pamilya sa Kanya, bawat isa; at ngayo’y umaawit nang may higit na pagpapahalaga at pag-unawa:

O, kahanga-hangang minahal N’ya ako’t

Buhay N’ya’y ‘binigay!

O kahanga-hanga para sa akin!(

“Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115.)

Nawa’y ipagkaloob ninyo sa iba at tanggapin sa inyong sarili ang lahat ng pagpapalang inilaan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo.