2016
Walong Maling Pag-unawa Tungkol sa Pagsisisi
Marso 2016


Walong Maling Pag-unawa Tungkol sa Pagsisisi

Kung hindi ka sigurado kung ano ang dapat mong pagsisihan at kailan ka dapat magsisi, narito ang ilang sagot.

Larawan
young man

Hindi madaling magsisi, at kung minsan ay masakit ito. Ngunit kaya mong gawin ito. Kailangan nito ng pagbabago at kababaang-loob, at magagawa mo ito! Narito ang ilang karaniwang maling pag-unawa tungkol sa pagsisisi at ilang talagang magagandang sagot.

Maling Pag-unawa #1: Naaalala ko pa ang kasalanan ko, kaya malamang na hindi pa ako napapatawad.

“Sisikapin ni Satanas na paniwalain tayo na ang ating mga kasalanan ay hindi pa napapatawad dahil natatandaan natin ang mga ito. Sinungaling si Satanas; sinisikap niyang palabuin ang ating isipan at ilayo tayo sa landas ng pagsisisi at kapatawaran. Hindi nangako ang Diyos na hindi na natin maaalaala ang ating mga kasalanan. Ang pag-alaala ay makatutulong sa atin na hindi na gawing muli ang gayong mga pagkakamali. Ngunit kung mananatili tayong tunay at tapat, ang alaala ng ating mga kasalanan ay hindi na magiging ganoon kasakit sa paglipas ng panahon.”1

—Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Maling Pag-unawa #2: Binabagabag pa rin ako, kaya di pa ako siguro napapatawad.

“Para sa mga tunay na nagsisisi ngunit tila hindi mapanatag: patuloy na sundin ang mga kautusan. Nangangako ako sa inyo, mapapanatag kayo sa takdang panahon ng Panginoon. Nangangailangan din ng panahon ang paghilom.”2

—Elder Neil L. Andersen

Maling Pag-unawa #3: Basta pumapasok na lang ang masasamang ideya sa isipan ko, kaya wala akong magagawa tungkol dito.

“Kusang pumapasok sa isipan ang ilang masasamang ideya. Ang iba ay pumapasok dahil pinapapasok natin ito sa pamamagitan ng mga bagay na tinitingnan at pinakikinggan natin. Ang pag-uusap tungkol sa at pagtingin sa mahahalay na larawan … ay makakapukaw sa masisidhing damdamin. Tutuksuhin ka nitong manood ng di-angkop na mga [video] o pelikula. Nakapaligid sa iyo ang mga bagay na ito, ngunit hindi ka dapat makilahok sa mga ito. Sikaping manatiling malinis ang iyong isipan sa pamamagitan ng pag-iisip ng mabuting bagay. Isang bagay lang ang maaaring pumasok sa isipan mo sa isang pagkakataon. Gamitin iyan para iwaksi ang masasamang kaisipan. Higit sa lahat, huwag pakainin ang isipan sa pagbabasa o panonood ng mga bagay na mali. Kung hindi mo kokontrolin ang iyong mga iniisip, patuloy kang tutuksuhin ni Satanas hanggang sa gawin mo na ito kalaunan.”3

—Elder Richard G. Scott (1928–2015)

Maling Pag-unawa #4: Hindi na ako mamahalin ng Diyos dahil sa aking mga pagkakamali.

“Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak, at hindi Siya kailanman titigil sa pagmamahal at pag-asam para sa atin. Malinaw ang plano ng ating Ama sa Langit, at dakila ang Kanyang mga pangako: ‘Sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas” (Juan 3:17).”4

—Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Maling Pag-unawa #5: Napakabigat ng mga kasalanan ko kaya hindi na ako mapapatawad.

“Gaano man karaming pagkakataon ang iniisip ninyong lumagpas sa inyo, gaano man karaming pagkakamali ang inaakala ninyong nagawa ninyo o mga talentong wala kayo, o gaano man kayo napalayo sa inyong tahanan at pamilya at sa Diyos, pinatototohanan ko na hindi pa rin kayo ganap na napalayo sa pag-ibig ng Diyos. Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”5

—Elder Jeffrey R. Holland

Maling Pag-unawa #6: Tumigil na akong gumawa ng mabigat na kasalanan, kaya hindi ko na kailangang makipagkita sa bishop. Mananalangin na lang ako at magiging maayos ang lahat, o sasabihin ko na lang sa mga magulang ko.

“Sinabi ng Panginoon na ang bishop ang pangkalahatang hukom sa Israel (tingnan sa D at T 107:72, 74). Responsibilidad niyang alamin ang pagkamarapat ng mga miyembro ng kanyang ward. Sa pamamagitan ng ordinasyon at matwid na pamumuhay, ang bishop ay may karapatan sa paghahayag mula sa Espiritu Santo tungkol sa mga miyembro ng kanyang ward, pati na sa iyo.

“Matutulungan ka ng bishop na magsisi sa paraang hindi kayang ibigay ng iyong mga magulang o iba pang mga lider. Kung mabigat ang kasalanan, maaari niyang ipasiya na dapat limitahan ang mga pribilehiyo mo sa Simbahan. Halimbawa, bilang bahagi ng iyong pagsisisi, maaari ka niyang sabihan na huwag kang makibahagi sa sakramento o huwag gamitin ang priesthood sa loob ng ilang panahon. Tutulungan ka niya at siya ang magpapasiya kapag karapat-dapat ka nang muling gawin ang mga sagradong aktibidad na iyon.”6

—Elder C. Scott Grow

Maling Pag-unawa #7: Hindi ko kayang kausapin ang bishop dahil bababa ang tingin niya sa akin.

“Ipinapangako ko sa iyo na hindi ka niya huhusgahan. Bilang lingkod ng Panginoon, magiging mabait siya at maunawain habang nakikinig sa iyo. Pagkatapos ay tutulungan ka niya sa proseso ng pagsisisi. Siya ang sugo ng awa ng Panginoon para tulungan kang maging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”7

—Elder C. Scott Grow

Maling Pag-unawa #8: Ginawa ko iyong muli, kaya hindi ako nararapat patawarin. Siguro hindi ko kayang magbago.

“Kung minsan sa ating pagsisisi, sa araw-araw nating pagsisikap na maging higit na katulad ni Cristo, paulit-ulit tayong nagpupunyagi sa pare-parehong mga kahirapan. Tulad ng pag-akyat sa bundok na maraming puno, minsan ay hindi natin makita ang ating pagsulong hangga’t hindi tayo nakararating sa tuktok at lilingon mula sa matatarik na bangin. Huwag panghinaan ng loob. Kung kayo ay nagpupursigi at nagsisikap na magsisi, nasa proseso kayo ng pagsisisi.

“Sa sandaling ito mismo, may nagsasabing, ‘Brother Andersen, hindi mo naiintindihan. Hindi mo nadarama ang nadama ko. Napakahirap magbago.’

“Tama ka; hindi ko lubos na naiintindihan. Pero may Isang nakakaintindi. Alam Niya. Nadama na Niya ang pasakit na dinaranas mo. Sinabi Niya, ‘Aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay’ (Isaias 49:16). Naroon ang Tagapagligtas, nakaunat ang mga kamay, sinasabi sa ating: ‘[Lumapit] sa akin’ [3 Nephi 9:14]. Maaari tayong magsisi. Kaya natin!”8

—Elder Neil L. Andersen

Binabago Ka ng Pagsisisi

Ang pagkaroon ng pagkakataong madama na napatawad ka na ay isang bagay na talagang mahalaga sa akin. Literal mong madarama na nakalaya ka mula sa mabigat na dalahin sa iyong puso, at nadarama mong ikaw ay minamahal at pinapanatag. Kung isang hamon ang magbago, ito ay sulit na subukan. Lubos nitong babaguhin ang pagkatao mo, ang uri ng taong nais ng Diyos na kahinatnan mo, ang uri ng taong siyang dahilan kaya ka narito sa lupa upang pilitin mong abutin ang gayon, at higit pa roon! Lakasan ang iyong loob!

Rodrigo Octavio A.

Matapos Magtapat, Gaganda ang Pakiramdam Mo

Larawan
young woman with bishop

Maaaring nag-aalala ka kung ano ang sasabihin ng bishop mo, kung ano ang iisipin niya tungkol sa iyo. Pero huwag kang mag-alala dahil hindi mangyayari iyan. Gusto ka lang niyang tulungan. Hindi ka niya huhusgahan o parurusahan. Mauunawaan ka ng bishop mo. At matapos magtapat, gaganda ang pakiramdam mo nang isang milyong beses, at kapag malinis ka na, kamangha-mangha iyon. Kung may problema ka, lutasin na ito ngayon. Kapag mas maaga mo itong gagawin, mas maaga kang magiging malinis at magkakaroon ng kagalakan.

Molly Jeanette T.

Hindi Kailangang Makipagkita sa Bishop?

Noong nakaraan nakagawa ako ng kasalanan, pagkatapos ay nagdasal ako at akala ko nakapagsisi na talaga ako. Isang araw lumakas ang pakiramdam ko na dapat kong kausapin nang tapatan ang bishop. Kinausap ko ang bishop, at ginabayan niya ako kung ano ang dapat kong pagbutihin pa. Nag-ayuno ako at nanalangin nang taimtim. Sa pagkakataong ito nadama ko na talagang nakapagsisi na ako. Alam ko na nagmamalasakit ang Ama sa Langit sa atin at na ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay nagbibigay sa atin ng tunay na kapatawaran kapag nagsisisi tayo at ipinagtatapat ang ating mga kasalanan.

Awrellyano Gomes da S.

Gaano Man Kalaki ang Kasalanan, Maaari Kang Magsisi sa Tuwina

Tiniis ni Cristo ang Pagbabayad-sala para sa atin upang makapagsisi tayo sa ating mga kasalanan. Maraming beses nang sinabi ng mga propeta na gaano man kalaki o kaliit ang kasalanan, lagi kang maaaring magsisi. Nais ng Panginoon na magsisi ka, at gusto ka Niyang tulungan. Ngunit hindi Niya maipipilit ang Kanyang paraan sa iyong buhay; kailangan mo Siyang papasukin sa iyong buhay at ipaalam sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin na gusto o kailangan mo Siya sa iyong buhay. Sa lahat ng aking mga pagsubok, alam kong mahal ako ng Diyos.

Madison B.

Magagawa Mo Iyan

Sa mga taong nadapa, bumangon kayo. May mga lider at taong nagmamahal sa inyo at gusto nilang maabot ninyo ang pinakamainam na mararating ninyo. Mapagtutulungan ninyo ito. Laging alalahanin na mahal kayo ni Jesucristo at kasama ninyo Siya sa bawat hakbang.

Michael Lee T.

Nais ng Diyos na Magsisi Ka

Pagsisisi—kagila-gilalas na kaloob mula sa ating Ama sa Langit. Binigyan niya tayo ng pagkakataong maging katulad Niya sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Nais Niya tayong magsisi, na lumapit sa kanya. Tulad ni Corianton, lahat tayo ay magkakamali, ang ilan ay mas mabigat kaysa iba, ngunit LAHAT tayo ay nagkakamali. Gaya rin ni Corianton, maaari tayong magsisi at magbagong-buhay. (Tingnan sa Alma 39–42.) Sapat ang pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit kaya nais Niyang makabalik tayo sa Kanya. Anuman ang nagawa ninyo, may landas pabalik sa kapayapaan at kaligayahan.

McKayla J.

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Liahona, Mayo 2007, 101.

  2. Neil L. Andersen, “Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Liahona, Nob. 2009, 42.

  3. Richard G. Scott, “Making the Right Choices, Ensign, Nob. 1994, 37.

  4. Dieter F. Uchtdorf, “Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” 99.

  5. Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 33.

  6. C. Scott Grow, “Bakit Ko Kailangang Magtapat at Ano ang Kailangan Kong Ipagtapat sa Bishop Ko?” Liahona, Okt. 2013, 58.

  7. C. Scott Grow, “Bakit Ko Kailangang Magtapat at Ano ang Kailangan Kong Ipagtapat sa Bishop Ko?” 59.

  8. Neil L. Andersen, “Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” 41.