2016
Ang Digmaan ay Nagdulot sa Akin ng Kapayapaan
Marso 2016


Ang Digmaan ay Nagdulot sa Akin ng Kapayapaan

Robert Swenson, Alabama, USA

Larawan
soldier reading scriptures

Mga paglalarawan ni Allen Garns

Limang araw mula nang magtapos ako sa hayskul, nagpalista ako sa militar. Bago pa man ako lumisan patungong Vietnam, nagkaroon ako ng malinaw na impresyon na ang aking pagpapalista ay simula ng isang espirituwal na paglalakbay.

Dalawang oras matapos kaming dumating sa aking bagong yunit, sumabog ang mga bomba ng kaaway sa kampo. Isang pag-atake ng mortar ang sumunod nang gabing iyon. Parang nakakabigla ang lahat ng ito hanggang nang ikalawang linggo, nang namatay ang ilang sundalo. Nang mapayapa ako, sinimulan kong pagnilayan ang kahulugan ng buhay.

Hindi nagtagal nakilala ko ang helicopter crew chief na si Graig Stephens. Isang araw naging paksa namin ang relihiyon. Sinabi niya sa akin na siya ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nagtanong kung gusto kong malaman pa ang iba. Kahit hindi miyembro ng Simbahan ang mga magulang ko, tinuruan nila akong manampalataya kay Jesucristo.

Noong gabing iyon sa isang walang-lamang kanlungan sa ilalim ng lupa, binasa sa akin ni Graig ang unang talakayan. Ang nakintal sa aking isipan ay hindi ang lohika ng talakayan o ang paraan ng kanyang paglalahad dito kundi ang katapatan at pagpapakumbaba ng binatang sundalong ito.

Nang sumunod na ilang araw, itinuro sa akin ni Graig ang iba pang mga talakayan. Pagkatapos ng bawat talakayan lumuluhod kami sa panalangin. Lagi niya akong hinihilingang manalangin, pero parang hindi ko ito magawa. Naaalala ko na naging balisa ako tungkol sa isang alituntunin ng doktrina at nagpasiya akong huwag nang pakinggan pa ang iba tungkol sa Simbahan. Ginugol ni Graig ang sumunod na araw sa paghahanap ng taong makakasagot sa aking mga katanungan.

Nang magdapit-hapon isinama niya ang isang piloto ng helicopter—na isang returned missionary—mula sa isa pang pangkat para kausapin ako. Sinagot ng kapatid na ito ang mga tanong ko at pinatotohanan na alam niya na ang Simbahan ay totoo. Pagkatapos ay sinabi niya sa akin na handa na akong mabinyagan na gaya ng ibang nakita niya. Hindi ako makapagsalita. Pagkatapos niyang magsalita, naisip ko, “Alam mo, tama siya.”

Hindi naglaon, habang nakaupo sa kanlungan ko sa ilalim ng lupa at nagbabasa ng Aklat ni Mormon, nagpasiya akong gawin ang sinasabi sa mga banal na kasulatan na magtanong sa Diyos kung ang Aklat ni Mormon ay totoo (tingnan sa Moroni 10:4–5). Habang nakayuko, ipinarating ko ang aking kahilingan sa Panginoon. Hindi pa natatagalan matapos ko itong gawin ay nakadama ako ng di-maikakailang sigla at kapayapaan na noon ko lang naranasan. Alam kong sinagot na ng Diyos ang aking panalangin. Nalaman ko na totoo ang Aklat ni Mormon. Batid na ang Aklat ni Mormon ay totoo, nalaman ko na kailangan ay propeta si Joseph Smith. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nabinyagan ako sa Gulf of Tonkin.

Pag-ahon ko mula sa mga tubig ng binyag, nadama ko na malinis na malinis na ako. Ang buhay ay hindi kailanman naging ganoon katamis. Kinailangan kong lakbayin ang libu-libong milya papunta sa digmaan, ngunit sa huli ay natagpuan ko ang kapayapaang hinanap-hanap ng aking kaluluwa.