2009
Kapatid, Damdamin ay Turuan
Nobyémbre 2009


Kapatid, Damdamin ay Turuan

Kung hangad nating magkaroon ng tamang saloobin sa lahat ng oras, dapat nating ipasiya na iwasang magalit.

Larawan
President Thomas S. Monson

Mga kapatid, nakatipon tayo bilang isang malakas na grupo ng priesthood, kapwa dito sa Conference Center at sa iba’t ibang lugar sa buong mundo. Nakarinig na tayo ng mga inspiradong mensahe ngayong gabi, at nagpapasalamat ako sa mga Kapatid na nagsalita sa atin. Karangalan ko ang pribilehiyong ito, ngunit napakumbaba ako, na magsalita sa inyo, at nawa’y bigyang-inspirasyon ako ng Panginoon.

Kamakailan habang nanonood ako ng balita sa telebisyon, nalaman ko na iisa ang tema ng marami sa nangungunang mga balita, dahil mababakas sa lahat ng trahedyang iniulat ang iisang damdamin: galit. Inaresto ang ama ng isang sanggol dahil sa pisikal na pang-aabuso sa sanggol. Di umano’y nagalit siya sa pag-iyak ng sanggol kaya binalian niya ng isang biyas at ilang tadyang ang bata. Nakakatakot ang ulat tungkol sa pagdami ng karahasan ng mga gang, at lubhang dumami ang mga patayang may kinalaman dito. May isa pang kuwento noong gabing iyon tungkol sa pagbaril sa isang babae ng kanyang hiniwalayang asawa, na iniulat na nagselos matapos siyang makita na may kasamang ibang lalaki. At, siyempre pa, may karaniwang pag-uulat tungkol sa mga digmaan at alitan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Naisip ko ang mga salita ng may-akda ng Mga Awit: “Maglikat ka ng pagkagalit, at bayaan mo ang poot.”1

Maraming taon na ang nakararaan, isang bata pang mag-asawa ang tumawag sa opisina ko at nagtanong kung maaari silang pumunta para humingi ng payo. Sinabi nila na dumanas sila ng isang trahedya sa buhay nila at nanganganib ang kanilang pagsasama. Nagtakda kami ng petsa ng aming pag-uusap.

Kitang-kita ang tensyong namamagitan sa mag-asawang ito pagpasok nila sa opisina ko. Unti-unti muna nilang inilahad ang sitwasyon, habang patigil-tigil na nagsasalita ang lalaki at tahimik na umiiyak ang babae at babahagyang nakihalo sa usapan.

Nakabalik ang lalaki mula sa misyon at natanggap sa isang kilalang unibersidad sa silangang bahagi ng Estados Unidos. Doon, sa university ward, niya nakilala ang kanyang mapapangasawa. Estudyante rin ito sa unibersidad. Matapos magdeyt nang isang taon, nagpunta sila sa Utah at ikinasal sa Salt Lake Temple, at nagbalik sa silangan pagkaraan upang tapusin ang kanilang pag-aaral.

Nang makatapos ng pag-aaral at makabalik sa sarili nilang bayan, buntis na ang babae sa panganay nilang anak at may trabaho na ang lalaki sa napili niyang larangan. Nagsilang ang babae ng isang sanggol na lalaki. Napakaganda ng buhay.

Nang halos 18 buwan na ang kanilang anak, nagpasiya silang magbakasyon sandali para bumisita sa mga kapamilyang ilang daang milya ang layo ng tirahan sa kanila. Wala pang mga car seat noon para sa mga bata at seatbelt para sa matatanda, kaya hindi pa ito ginagamit noon. Ang tatlong miyembro ng pamilya ay sumakay lahat sa harapang upuan, at pinagitnaan ang bata.

Habang naglalakbay, nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa. Dahil napakatagal na nito, hindi ko na maalala ang naging dahilan. Pero naaalala ko na lumala ang pagtatalo nila at nagkainitan nang husto kaya kalaunan ay nagsigawan na sila. Siyempre pa, naging dahilan ito para umiyak ang batang anak nila, na sabi ng lalaki ay lalong nagpatindi sa kanyang galit. Dahil hindi nakapagtimpi, dinampot niya ang isang laruang nalaglag ng bata sa upuan at ibinato sa asawa niya.

Hindi niya tinamaan ang asawa niya. Sa halip, tumama ito sa anak nila, at bunga nito ay nagkadiperensya sa utak ang bata at magiging inutil na habambuhay.

Isa ito sa pinakagrabeng sitwasyong nakaharap ko. Pinayuhan at hinikayat ko sila. Pinag-usapan namin ang katapatan at responsibilidad, ang pagtanggap at pagpapatawad. Pinag-usapan namin ang pagmamahal at respeto na kailangang maibalik sa kanilang pamilya. Nagbasa kami ng mga salita ng pag-alo mula sa mga banal na kasulatan. Sama-sama kaming nanalangin. Kahit napakatagal ko nang walang nababalitaan sa kanila mula noon, nakangiti sila kahit umiiyak nang lisanin nila ang opisina ko. Sa pagdaan ng mga taon sana ay nagpasiya silang manatiling magkasama, at napanatag at pinagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Naiisip ko sila tuwing mababasa ko ang mga salitang: “Walang nalulutas ang galit. Wala itong nabubuo, ngunit kaya nitong sirain ang lahat.”2

Lahat tayo ay nakaramdam na ng galit. Madarama ito kapag hindi umayon sa gusto natin ang mga bagay-bagay. Maaaring reaksyon ito sa isang bagay na sinabi tungkol sa atin. Maaari natin itong madama kapag hindi umayon sa gusto natin ang kilos ng mga tao. Siguro dumarating ito kapag kailangan nating maghintay sa isang bagay nang mas matagal kaysa inaasahan natin. Maaari tayong magalit kapag hindi maunawaan ng iba ang ating pananaw. Tila napakaraming posibleng dahilan para magalit.

May mga pagkakataong umiinit ang ulo natin sa inaakala nating mga pasakit o kawalan ng katarungan. Ikinuwento ni Pangulong Heber J. Grant, ikapitong Pangulo ng Simbahan, na noong binata pa siya ay nagtrabaho siya sa isang tao na nagpadala sa kanya ng tseke na halagang $500 at may lakip na liham ng paumanhin dahil hindi siya nabayaran ng higit pa roon. Pagkatapos ay nagtrabaho si Pangulong Grant sa isa pang lalaki—trabahong ayon sa kanya ay 10 beses ang hirap, at 10 beses ang pagod at mas mahaba ang oras. Pinadalhan siya ng pangalawang lalaking ito ng tseke na halagang $150. Nadama ng binatang si Heber na dinaya siya nang husto. Nainsulto muna siya at pagkatapos ay nagalit.

Ikinuwento niya ang karanasang ito sa isang nakatatandang kaibigan, na nagtanong, “Ginusto ba ng lalaking iyon na insultuhin ka?”

Sagot ni Pangulong Grant, “Hindi. Sinabi niya sa mga kaibigan ko na malaki ang ibinayad niya sa akin.”

At sumagot ang nakatatandang kaibigan, “Hangal ang isang taong naiinsulto sa isang bagay na di naman sinadya.”3

Itinatanong ni Apostol Pablo sa Mga Taga Efeso, kabanata 4, talata 26 sa Pagsasalin ni Joseph Smith: “Magagalit ba kayo, at hindi magkakasala? huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit.” Ang tanong ko, posible bang madama ang Espiritu ng ating Ama sa Langit kapag galit tayo? Wala akong alam na nangyari ang gayon.

Mula sa 3 Nephi sa Aklat ni Mormon mababasa natin:

“Hindi dapat magkaroon ng mga pagtatalu-talo sa inyo… .

“Sapagkat katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa.

“Masdan, hindi ito ang aking doktrina, na pukawin sa galit ang mga puso ng tao, isa laban sa isa; kundi ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi.”4

Ang magalit ay pagsuko sa impluwensya ni Satanas. Walang makakapagpagalit sa atin. Tayo ang nagpapasiya. Kung hangad nating magkaroon ng tamang saloobin sa lahat ng oras, dapat nating ipasiya na iwasang magalit. Pinatototohanan ko na posible iyan.

Ang galit, na kasangkapan ni Satanas, ay nakasisira sa napakaraming paraan.

Naniniwala ako na karamihan sa atin ay pamilyar sa malungkot na kuwento ng mag-asawang Thomas B. Marsh at Elizabeth. Si Brother Marsh ay isa sa mga unang makabagong Apostol na tinawag matapos ipanumbalik ang Simbahan sa lupa. Kalaunan ay naging Pangulo siya ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Habang nasa Far West, Missouri, ang mga Banal, nagpasiya si Elizabeth Marsh, asawa ni Thomas, at ang kaibigan nitong si Sister Harris na magpalitan ng gatas para makagawa ng mas maraming keso kaysa dati nilang nagagawa. Para makatiyak na walang lamangan, nagkasundo sila na hindi nila dapat itabi ang tinatawag na latak, kundi dapat pagsamahin ang gatas at latak. Nakukuha ang mga latak sa katapusan ng paggagatas at mas makrema ito.

Tapat si Sister Harris sa kasunduan, pero si Sister Marsh, sa hangaring makagawa ng mas masarap na keso, ay nagtabi ng dalawang tasang latak mula sa bawat baka at ipinadala kay Sister Harris ang gatas na walang mga latak. Dahil dito nag-away ang dalawang babae. Nang hindi nila maayos ang kanilang sigalot, isinangguni ito sa mga home teacher para ayusin. Nalaman nilang nagkasala si Elizabeth Marsh sa pagkabigong sumunod sa kasunduan. Nagalit silang mag-asawa sa desisyon, at isinangguni ang bagay na ito sa bishop para litisin sa Simbahan. Ipinasiya ng bishop’s court na mali ang pagtatabi ng mga latak at lumabag si Sister Marsh sa kasunduan nila ni Sister Harris.

Nag-apela si Thomas Marsh sa high council, at pinagtibay ng kalalakihang bumubuo sa kapulungang ito ang desisyon ng bishop. Pagkatapos ay nag-apela siya sa Unang Panguluhan ng Simbahan. Pinag-usapan ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo ang kaso at sinuportahan nila ang desisyon ng high council.

Lalong nagalit si Elder Thomas B. Marsh, na pumanig sa kanyang asawa sa buong kaso, sa magkakasunod na desisyon—sa katunayan ay galit na galit, kaya pumunta siya sa mahistrado at sumumpa na ang mga Mormon ay kalaban ng estado ng Missouri. Ang sinumpaan niyang pahayag ay humantong sa—o kahit paano ay naging dahilan ng—malupit na utos ng panlilipol ni Gobernador Lilburn Boggs, na nagtaboy sa mahigit 15,000 mga Banal mula sa kanilang tahanan, lakip ang lahat ng matinding pagdurusa at nasundan ng kamatayan. Lahat ng ito ay nangyari dahil sa di-pagkakasundo tungkol sa palitan ng gatas at krema.5

Pagkaraan ng 19 na taon ng matinding hinanakit at kawalan, nagpunta si Thomas B. Marsh sa Salt Lake Valley at humingi ng tawad kay Pangulong Brigham Young. Sumulat din si Brother Marsh kay Heber C. Kimball, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, tungkol sa natutuhan niyang aral. Sabi ni Brother Marsh: “Ang Panginoon ay lubos pa ring magtatagumpay nang wala ako, at Siya … ay di nawalan kahit naalis ako sa aking katayuan; Subalit ano ang nawala sa akin? Mga kayamanan, higit na dakilang mga kayamanan kaysa sa maibibigay ng mundong ito o maraming planetang tulad nito.”6

Angkop ang mga salita ng makatang si John Greenleaf Whittier: “Sa malulungkot na katagang sinambit o isinulat, ito ang pinakamalungkot sa lahat: ‘Sana ito ang naganap!’ ”7

Mga kapatid ko, lahat tayo ay maaaring madama iyon, at kung hindi natin kokontrolin, mauuwi ito sa galit. Naiinis tayo o nayayamot o namumuhi at, kung pipiliin natin, hindi tayo nakapagtitimpi at nagagalit tayo sa iba. Ang nakakatawa, ang ibang iyon kadalasan ay sarili nating mga pamilya —mga taong talagang pinakamamahal natin.

Maraming taon na ang nakararaan nabasa ko ang sumusunod na padala ng Associated Press na lumabas sa pahayagan: Ikinuwento ng isang matandang lalaki sa burol ng kanyang kapatid na lalaki, na kasa-kasama niya, mula pa sa pagbibinata nila, sa isang maliit na silid malapit sa Canisteo, New York, na nang mag-away sila, ginuhitan nila ng tisa ang gitna ng silid at walang lumampas sa linyang iyon o hindi na sila nag-usap mula noon—62 taon na ang nakaraan. Isipin na lang ninyo ang kinahinatnan ng galit na iyon. Napakalungkot na pangyayari!

Nawa’y pakaisipin natin, tuwing gagawa tayo ng gayong pasiya, na iwasang magalit at huwag magsalita nang mararahas at masasakit na bagay na matutukso tayong sabihin.

Gusto ko ang mga titik sa himnong isinulat ni Elder Charles W. Penrose, na naglingkod sa Korum ng Labindalawa at sa Unang Panguluhan noong mga unang taon ng ika-20 siglo:

Kapatid, damdamin ay turuan;

Huwag kang pabigla-bigla.

Sa inis huwag padadala,

Tinig ng karununga’y pakinggan.

Damdamin ay turuan; doon may kapangyarihan

Sa mahinahon, matinong isipan.

Damdamin ay daig ang katwiran,

Binubulag ang malinaw na isipan.8

Hawak ng bawat isa sa atin ang priesthood ng Diyos. Ang sumpa at tipan ng priesthood ay ukol sa ating lahat. Sa mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood, ito ay pahayag na kailangan nating maging tapat at masunurin sa mga batas ng Diyos at gampanan ang mga tungkuling ibinibigay sa atin. Sa mga mayhawak ng Aaronic Priesthood, ito ay pahayag tungkol sa darating na mga tungkulin at responsibilidad, para maihanda ang inyong sarili ngayon mismo.

Ang sumpa at tipang ito ay itinakda ng Panginoon sa mga salitang ito:

“Sapagkat kung sinuman ang matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito na aking sinabi, at ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin, ay pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan.

“Sila ay magiging mga anak na lalaki ni Moises at ni Aaron at binhi ni Abraham, at ng simbahan at kaharian, at ang hinirang ng Diyos.

“At gayon din lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap ako, wika ng Panginoon;

“Sapagkat siya na tumatanggap sa aking mga tagapaglingkod ay tinatanggap ako;

“At siya na tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang aking Ama;

“At siya na tumatanggap sa aking Ama ay tinatanggap ang kaharian ng aking Ama; kaya nga lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya.”9

Mga kapatid, mga dakilang pangako ang naghihintay sa atin kung tayo ay tunay at tapat sa sumpa at tipan ng natatanging priesthood na ito na hawak natin. Nawa’y maging karapat-dapat tayong mga anak ng ating Ama sa Langit. Nawa’y maging uliran tayo sa ating mga tahanan at tapat sa pagsunod sa lahat ng utos, nang hindi tayo mapoot kaninuman bagkus ay maging mga tagapamayapa, na laging inaalala ang payo ng Tagapagligtas, “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.”10 Ito ang isinasamo ko ngayong gabi sa pagtatapos ng magandang miting na ito ng priesthood, at ito rin ang aking mapagpakumbaba at taos-pusong panalangin, sapagkat mahal ko kayo, mga kapatid, nang buong puso ko at kaluluwa. At dalangin ko na ang pagpapala ng Ama sa Langit ay mapasa bawat isa sa inyo sa inyong buhay, inyong tahanan, inyong puso at kaluluwa, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Mga Awit 37:8.

  2. Lawrence Douglas Wilder, sinipi sa “Early Hardships Shaped Candidates,” Deseret News, Dis. 7, 1991, A2.

  3. Tingnan sa Heber J. Grant, Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1969), 288–89.

  4. 3 Nephi 11:28–30.

  5. Tingnan sa George A. Smith, “Discourse,” Deseret News, Abr. 16, 1856, 44.

  6. Thomas B. Marsh kay Heber C. Kimball, Mayo 5, 1857, Brigham Young Collection, Church History Library.

  7. “Maud Muller,” The Complete Poetical Works of John Greenleaf Whittier (1876), 206.

  8. “School Thy Feelings,” Hymns, blg. 336.

  9. D at T 84:33–38.

  10. Juan 13:35.