2009
Sikaping Gawin ang Imposible
Nobyémbre 2009


Sikaping Gawin ang Imposible

Ang buhay na walang hanggan ay ang makapiling ang ating Ama at ang ating pamilya magpakailanman. Hindi ba dapat ay ang pangakong ito ang pinakamalakas na maghikayat sa ating gawin ang lahat sa abot ng ating makakaya?

Larawan
Elder Jorge F. Zeballos

Nang tumawag ng labindalawang disipulo sa Amerika, iniutos ng Panginoong Jesucristo sa kanila na: “Anupa’t nais ko na kayo ay maging ganap na katulad ko, o ng inyong Ama na nasa langit ay ganap.”1 Katatapos pa lamang magawa ng Tagapagligtas ang kanyang matagumpay, marangal, at pinakadakilang misyon sa lupa. Itinulot nito na sabihin Niya nang may karapatan na Siya at ang Kanyang Ama, ang ating Ama, ay mga huwarang dapat sundan ng bawat isa sa atin.

Sa pananaw ng pangkaraniwang tao, sa una ay tila imposible ang gawaing ito. Gayunman, nagsisimula itong magmukhang posible kapag naunawaan na upang makamtan ito, hindi tayo nag-iisa. Ang pinakakagila-gilalas at napakalakas na tulong na maaaring hingin ng isang tao ay palaging naririyan. Una ay ang mapagbigay at mapagmahal na haplos ng Amang Walang Hanggan, na naghahangad na makabalik tayo sa Kanyang piling magpakailanman. Bilang ating Ama, lagi Siyang handa at hangad Niyang patawarin ang ating mga kamalian at kahinaan at nagawa nating mga kasalanan, na mangyayari lamang kung ganap at tapat tayong magsisisi. At kaugnay niyan—at bilang lubusang pagpapamalas ng Kanyang matinding pagmamahal para sa bawat isa sa Kanyang mga anak—ibinigay Niya ang mga bunga ng natatanging gawa ng Tagapagligtas, ang Pagbabayad-sala, na isinakatuparan ng isang masunuring Anak na laging handang gawin ang kagustuhan ng Ama para sa kapakanan ng bawat isa sa atin.

Inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang sumusunod: “At, kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”2 Ang pangakong ito ng Diyos ay posibleng makamtan. Ang buhay na walang hanggan ay ang makapiling ang ating Ama at ang ating mga pamilya magpakailanman.3 Hindi ba dapat ang pangakong ito ang pinakamalakas na maghikayat sa ating gawin ang lahat sa abot ng ating makakaya sa pagkakamit ng mga ipinangako sa atin?

Sa pagsisimula ng Panunumbalik, nang papalitaw na ang kagila-gilalas na gawang ito sa mga anak ng tao, sinabi ng Panginoon, “Samakatwid, O ikaw na humaharap sa paglilingkod sa Diyos, tiyaking pinaglilingkuran mo siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas, upang ikaw ay makatayong walang-sala sa harapan ng Diyos sa huling araw.”4 Nang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas—ibig sabihin, buong pagkatao natin.

Sinabi ni Pangulong David O. McKay na ang masaganang pagpapala ay dumarating lamang sa kanila na masikap na gumagawa.”5 Ang mga gantimpalang ito ay para sa kanila na pinatitibay ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sumusunod sa Kanyang kagustuhan na sila ay magtrabaho, magsakripisyo, at ibigay ang lahat ng kanilang natanggap para patatagin at itayo ang kaharian ng Diyos.

Ang katuparan ng pangako ng Diyos na magkaroon ng buhay na walang hanggan, makamit ang pagiging ganap, at ang maging maligaya magpakailanman sa pamilya ay nakabatay sa tapat na pagpapakita ng ating pananampalataya kay Jesucristo, pagsunod sa mga kautusan, pagtitiis, at pagsisikap natin habambuhay.

Hindi inaasahan ng Panginoon na gawin natin ang hindi natin kayang kamtin. Ang utos na maging ganap na tulad Niya ay naghihikayat sa ating kamtin ang lahat ng makakaya natin, upang matuklasan at mapaunlad ang mga talento at katangiang ibinigay sa atin ng isang mapagmahal na Amang Walang Hanggan, na nag-aanyaya sa ating alamin ang ating potensiyal bilang mga anak ng Diyos. Kilala Niya tayo; Alam Niya ang ating mga kakayahan at ating mga limitasyon. Ang paanyaya at hamon na maging ganap, na kamtin ang buhay na walang hanggan, ay para sa lahat ng tao.

Pagkatapos ituro na “hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas,” tinukoy ni Haring Benjamin na “kinakailangang siya ay maging masigasig, nang sa gayon siya ay magkamit ng gantimpala.”6 Hindi hihilingin ng Diyos ang higit pa sa lahat ng maibibigay natin sapagkat hindi iyan magiging makatarungan, subalit hindi rin naman Niya tatanggapin ang kulang sa kaya nating ibigay dahil hindi rin makatarungan iyon. Kaya nga, lagi nating ibigay ang lahat ng makakaya natin sa paglilingkod sa Diyos at sa ating kapwa. Maglingkod tayo sa ating mga pamilya at sa ating mga tungkulin sa Simbahan sa pinakamainam na paraan hangga’t maaari. Gawin natin ang lahat ng makakaya natin at maging mas mabuti bawat araw.

Ang kaligtasan at buhay na walang hanggan ay hindi magiging posible kung hindi dahil sa Pagbabayad-sala na ginawa ng ating Tagapagligtas, na pinagkakautangan natin ng lahat. Ngunit bago natin mapakinabangan ang mga dakilang pagpapalang ito sa ating buhay, dapat muna nating gawin ang ating bahagi, “sapagkat nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”7 Tayo na at may pananampalataya, sigasig, dedikasyon, pananagutan, at pagmamahal na gawin ang lahat sa abot ng ating makakaya, at magagawa natin ang lahat ng posible para maisagawa ang imposible—ibig sabihin, kamtin ang iniisip ng tao na imposible ngunit dahil sa pamamagitan ng ating mapagmahal na Ama at sa walang hanggang sakripisyong ginawa ng ating Tagapagligtas, ay nagiging pinakadakilang handog, ang pinakamaluwalhating mga katotohanan, ang habampanahong makapiling ang Diyos at ating mga pamilya.

Dalangin ko na alalahanin natin at panibaguhin sa tuwina, sa pamamagitan ng pagtanggap ng sacrament nang karapat-dapat, ang pangakong ginawa natin sa ating Ama sa Langit noong tayo ay binyagan at noong matanggap natin ang bawat ordenansa ng naipanumbalik na ebanghelyo. Dalangin ko na gawin natin ang lahat sa ating mga ginagampanang papel bilang asawa, mga magulang, anak, kapatid; sa ating mga tungkulin; sa pagbabahagi ng ebanghelyo; sa pagsagip sa mga nanghihina; sa pagliligtas ng ating mga ninuno; sa ating mga trabaho; at sa ating araw-araw na pamumuhay.

Dalangin ko na ang pamumuhay natin ay magtulot sa ating ipahayag, tulad ni Apostol Pablo na, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya.”8

Sa paggawa niyan, makatutugon tayo sa mga gawaing ipinagagawa ng ating Ama sa Langit upang mapagpala tayo nang higit kaysa noon, sa buhay na ito at sa buhay na walang hanggan. Nais Niyang ibigay sa atin ang lahat ng mayroon Siya, pati na ang gawin tayong kabahagi ng Kanyang pinakadakilang kaloob na buhay na walang hanggan.

Kahit na sa simpleng pananaw ng tao ay tila imposible ang maging perpekto, nagpapatotoo ako na ipinaalam sa atin ng ating Ama at ng ating Tagapagligtas na posibleng makamit ang imposible. Oo posibleng makamtan ang buhay na walang hanggan. Oo, posibleng maging maligaya ngayon at magpakailanman.

Ang may-akda ng perpektong plano na naglalaman ng mga dakilang pangakong ito ay ang ating Ama sa Langit, at Siya ay buhay. Inako ng Kanyang Anak, si Jesucristo, ang bigat ng ating mga kasalanan at ang mga walang katarungang nagawa sa mundo upang tayo ay maligtas sa mga ibubunga nito. Alam kong buhay ang ating Panginoong Jesucristo. Ang ebanghelyo at ang priesthood ay naipanumbalik sa mundo sa huling pagkakataon, sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Nasa atin ngayon ang malaking pagpapala na magkaroon ng mga apostol at propetang tinawag ng Diyos para gabayan tayo sa landas pabalik sa ating Ama. Si Pangulong Thomas S. Monson ay tinawag upang pamunuan ang dakilang gawaing ito sa mga huling araw. Siya ay propeta ng Diyos. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. 3 Nephi 12:48.

  2. D at T 14:7.

  3. Tingnan sa Guide to the Scriptures, “Eternal Life,” scriptures.lds.org.

  4. D at T 4:2.

  5. Tingnan sa The Teachings of David O. McKay, tinipon ni Mary Jane Woodger (2004), 300.

  6. Mosias 4:27.

  7. 2 Nephi 25:23.

  8. II Kay Timoteo 4:7.