2009
Mga Mag-ama: Isang Kalugud-lugod na Ugnayan
Nobyémbre 2009


Mga Mag-ama: Isang Kalugud-lugod na Ugnayan

Ang mga mag-ama ay may mahalagang papel na gagampanan para matulungan ang isa’t isa na maging pinakamabuti.

Larawan
Elder M. Russell Ballard

Napakagandang tingnan kayong lahat na mga ama na katabi sa upuan ang inyong mga anak upang makinig sa mga turo ng Panginoon at tumanggap ng payo mula sa mga General Authority ng Simbahan. Isang kagalakan ang palaging makasama ang kalalakihan at kabinataan ng priesthood, ngunit espesyal ang makita ang mga ama at anak na magkasama. Ito ay malinaw na paalala sa dalawa sa pinakamabisang elemento ng ating teolohiya: priesthood at pamilya. Ang priesthood ay banal na kapangyarihan na nagbubuklod sa mga pamilya magpakailanman. Lahat ng nasa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, pati na ang mga ordenansa ng banal na templo, ay nakatuon sa posibilidad na ang mga pamilya ay magiging bahagi ng walang hanggang pamilya ng Diyos.

Sa gabing ito gusto kong magsalita sa inyong mga mag-aama tungkol sa paraan ng inyong pakikipag-usap sa isa’t isa. Walang ibang ugnayan na katulad nito na maaari at nararapat umiral sa pagitan ng isang batang lalaki at ng kanyang ama. Maaaring isa ito sa lubos na nangangalaga, at nagbibigay galak na ugnayan sa buhay, na may malaking epekto sa mararating ng mga batang lalaki at gayundin ng mga ama. Ngayon, nauunawaan ko na ang ilan sa inyong kabinataan ay walang ama na maaari ninyong makausap sa ganitong paraan. At ang ilan sa inyong kalalakihan ay walang mga anak o nawalan ng anak dahil sa sakuna o karamdaman. Ngunit karamihan ng sasabihin ko ngayong gabi ay aangkop sa mga tiyo at lolo at mga lider ng priesthood at iba pang tao na kung minsan ay pumupuno sa kakulangan ng mahalagang ugnayang ito ng mag-ama.

Alam ninyo, tayong lahat ay naglalakbay. Ang mga ama ay medyo nauuna nang kaunti, ngunit wala pang nakarating sa ating huling patutunguhan. Lahat tayo ay nasa proseso ng pagiging kung sino tayo balang-araw. Ang mga mag-ama ay may mahalagang papel na gagampanan para matulungan ang isa’t isa na maging pinakamabuti.

Alam kong hindi kailanman perpekto ang ugnayan ng mag-ama, ngunit ang lahat ng imumungkahi ko ngayong gabi ay posible kung sisikapin ninyong gawin ito.

Mga kabataan, kayo ay nagdudulot ng karangalan at kagalakan sa inyong ama. Nakikita nila sa inyo ang magandang kinabukasan at umaasa silang mas mabuti at mas mahihigitan ninyo sila. Ang mga nagagawa ninyo ay kagalakan nila. Ang mga alalahanin at problema ninyo ay mga alalahanin at problema rin nila.

Mga ama, kayo ang pangunahing huwaran ng pagkalalaki para sa inyong mga anak na lalaki. Kayo ang pinakamakabuluhang tagapagturo nila, at sa maniwala kayo’t sa hindi, kayo ay hinahangaan nila sa maraming paraan. Ang inyong mga salita at halimbawa ay malaking impluwensya sa kanila.

Ngayong gabi may ibibigay ako sa inyong mga kabataan na tatlong simpleng mungkahi kung paano kayo makikinabang nang husto sa pakikipag-ugnayan sa inyong ama. At may ibibigay rin ako sa inyong mga ama na tatlong mungkahi tungkol sa pakikipag-ugnayan at pakikipag-usap sa inyong mga anak na lalaki.

Sa inyong mga mayhawak ng Aaronic Priesthood, naniniwala ako na sa paggawa ng tatlong bagay na ito ay mas mapapabuti pa ninyo ang ugnayan ninyo ngayon sa inyong ama.

Una, magtiwala sa inyong ama. Hindi siya perpekto, pero mahal niya kayo at hindi gagawa ng anumang bagay na hindi makabubuti para sa inyo. Kaya’t kausapin ninyo siya. Sabihin ang inyong iniisip at nadarama, ang inyong mga pangarap at pangamba. Kapag mas marami siyang alam tungkol sa inyong buhay, mas mauunawaan niya ang mga alalahanin ninyo at makapagbibigay sa inyo ng mabuting payo. Kapag nagtiwala kayo sa inyong ama, madarama niya ang pananagutan sa pagtitiwalang iyon at lalo pang sisikaping unawain at tulungan kayo. Bilang ama ninyo, may karapatan siyang tumanggap ng inspirasyon para sa inyo. Ang payo niya sa inyo ay mula sa taos-pusong pagmamalasakit ng isang taong nakakikilala at nagmamahal sa inyo. Higit sa lahat ang gusto ng Itay ninyo ay maging maligaya at matagumpay kayo, kaya bakit hindi ninyo gugustuhing magtiwala sa isang katulad niya? Mga bata, magtiwala sa inyong ama.

Pangalawa, pag-ukulan ninyo ng pansin ang buhay ng inyong ama. Magtanong tungkol sa kanyang trabaho, mga kinawiwilihan, kanyang mga mithiin. Paano siya nagdesisyong gawin ang trabahong ginagawa niya? Ano ba siya noong kaedad ninyo siya? Paano niya nakilala ang inyong ina? At habang nalalaman ninyo ang tungkol sa kanya, makikita ninyong nakatutulong ang kanyang mga karanasan upang mas maunawaan ninyo kung bakit ganoon ang ikinikilos niya. Pagmasdan ang inyong ama. Pagmasdan kung paano niya tratuhin ang inyong ina. Pagmasdan kung paano niya gampanan ang mga tungkulin niya sa Simbahan. Pagmasdan kung paano siya makitungo sa ibang tao. Magugulat kayo sa malalaman ninyo tungkol sa kanya sa pagmamasid at pakikinig lamang sa kanya. Isipin kung ano ang hindi ninyo alam tungkol sa kanya at alamin ito. Ang inyong pagmamahal, paghanga, at pag-unawa ay madaragdagan batay sa mga bagay na malalaman ninyo. Mga bata, maging interesado sa buhay ng inyong ama.

At pangatlo, hingin ang payo ng inyong ama. Maging tapat tayo: malamang na payuhan niya kayo hingin man ninyo ito o hindi, pero mas mainam kapag humingi kayo ng payo! Hingin ang payo niya tungkol sa aktibidad sa Simbahan, tungkol sa mga klase, mga kaibigan, paaralan, pakikipagdeyt, isports o iba pang mga libangan. Hingin ang kanyang payo sa mga tungkulin ninyo sa Simbahan, sa paghahanda para sa inyong misyon, sa gagawin ninyong mga desisyon o pagpili. Walang ibang makapagpapakita ng paggalang sa isang tao maliban sa paghingi ng payo sa kanya dahil ang talagang sinasabi ninyo kapag humihingi ng payo ay, “Salamat po sa nalalaman ninyo at mga naging karanasan ninyo, at pinahahalagahan ko ang inyong mga ideya at mungkahi.” Napakagagandang bagay iyan na maririnig ng isang ama mula sa kanyang anak.

Batay sa karanasan ko, ang mga amang hinihingan ng payo ay lalong nagsisikap na magbigay ng mabuti, makabuluhan at kapaki-pakinabang na payo. Sa paghingi ng payo sa inyong ama, hindi lamang kayo nakikinabang sa sinasabi niya, kundi lalo pa ninyo siyang hinihikayat na sikaping maging mas mabuting ama at tao. Mas pag-iisipan niyang mabuti ang ibibigay niyang mga payo, at lalo pang sisikaping “gawin ang sinasabi.” Mga kabataan, hingin ang payo ng inyong ama!

Okey, kayo namang mga ama. Pag-usapan natin ang ilang magagawa ninyo para pagandahin pa ang samahan ninyo ng inyong mga anak na lalaki. Mapapansin ninyong medyo magkakaugnay ang tatlong mungkahing ibibigay ko sa inyo at ang mga iminungkahi ko sa inyong mga anak. Hindi ito nagkataon lang.

Una, mga ama, pakinggan ang inyong mga anak—pakinggan silang mabuti. Magtanong ng mga angkop na katanungan, at pakinggan ang sasabihin ng inyong mga anak sa tuwing magkasama kayo. Kailangang malaman ninyo—hindi hulaan kundi malaman—kung ano na ang nangyayari sa buhay ng inyong anak. Huwag ipagpalagay na alam ninyo ang nadarama niya dahil lamang minsan ay naging bata rin kayo. Ang inyong mga anak ay nabubuhay sa isang kakaibang mundo kumpara sa inyong kinalakihan noon. Habang sinasabi nila kung ano ang nangyayari, kailangang makinig kayong mabuti at huwag manghusga upang maunawaan ang iniisip at pinagdaraanan nila.

Alamin ang pinakamainam na paraan ng pakikipag-ugnayan. Gusto ng ilang ama na isinasama ang kanilang mga anak sa pangingisda o sa isang palaro. Gusto naman ng iba na magkasamang mamasyal o magtrabaho sa bakuran. Sa iba naman ay nasisiyahan ang kanilang mga anak na makipagkuwentuhan sa gabi bago sila matulog. Gawin ang pinakaepektibo para sa inyo. Ang sarilinang pag-uusap ay dapat maging regular na bahagi ng inyong pangangalaga sa inyong mga anak na lalaki. Bawat ama ay kailangang may isang masinsinan at makabuluhang pakikipag-usap sa kanyang mga anak sa bawat buwan tungkol sa paaralan, mga kaibigan, damdamin, video game, text messaging, pagiging karapat-dapat, pananampalataya, at patotoo. Ang saan o kailan ito nangyayari ay hindi kasing-halaga ng katotohanan na nangyayari ito.

At, talagang kailangang makinig ang mga ama. Tandaan na ang pag-uusap na kayo ang 90 porsiyentong nagsasalita ay hindi pakikipag-usap. Gamitin ang salitang “pakiramdam” nang madalas hangga’t maaari sa pakikipag-usap ninyo sa inyong mga anak. Itanong: “Ano ang pakiramdam mo tungkol sa natututuhan mo sa klaseng iyon?” “Ano ang pakiramdam mo sa sinabi ng kaibigan mo?” “Ano ang pakiramdam mo tungkol sa iyong priesthood at sa Simbahan?”

Huwag isiping dapat mong sikaping ayusin o lutasin ang lahat ng bagay sa mga pag-uusap na ito. Kadalasan, ang pinakamainam na magagawa mo ay makinig lamang. Nakikita ng mga ama na mas nakikinig kaysa nagsasalita na ang kanilang mga anak ay mas nakapagsasabi ng totoong nangyayari sa kanilang buhay. Mga ama, pakinggan ang inyong mga anak.

Pangalawa, manalanging kasama ang inyong mga anak at ipagdasal sila. Bigyan sila ng mga basbas ng priesthood. Ang anak na lalaking nag-aalala sa malaking pagsusulit o espesyal na okasyon ay tiyak na makikinabang mula sa basbas ng ama. Ang mga okasyong tulad ng pagsisimula ng bagong taon sa paaralan, kaarawan, o sa pagsisimula niyang makipagdeyt ay magagandang pagkakataon upang manawagan sa Panginoon na pagpalain ang inyong anak. Ang sarilinang pananalangin at pagbabahagi ng patotoo ay higit na maglalapit sa inyo sa isa’t isa gayundin sa Panginoon.

Alam kong marami sa inyong mga ama ang nasasaktan dahil sa mga anak ninyong naligaw ng landas at nabibihag ng mundo, tulad ng pag-aalala noon nina Alma at Mosias sa kanilang mga anak. Patuloy na gawin ang lahat ng makakaya ninyo upang mapanatiling matatag ang samahan ng pamilya. Huwag kailanman sumuko, kahit taimtim na panalangin na lamang ang magagawa ninyo para sa kanila. Ang minamahal ninyong mga anak na ito ay sa inyo magpakailanman! Mga ama, manalanging kasama ang inyong mga anak at basbasan sila.

Pangatlo, kausapin ang inyong mga anak tungkol sa “mahahalagang bagay.” Alam ninyo ang ibig kong sabihin: pag-uusap tungkol sa droga at pag-inom ng alak, mga panganib ng media ngayon–ang Internet, mga cyber technology, at pornograpiya–at tungkol sa pagiging karapat-dapat sa priesthood, paggalang sa mga babae, at kalinisan ng pagkatao. Bagamat hindi lamang ito ang mga paksang matatalakay ninyo sa inyong mga anak, huwag naman ninyong iwasan ang mga ito. Kailangan ng inyong mga anak ang inyong payo, paggabay, at palagay ukol sa mga paksang ito. Sa pag-uusap ninyo tungkol sa napakahalagang mga bagay na ito, makikita ninyong titibay ang pagtitiwala ninyo sa isa’t isa.

Gusto kong pagtuunan natin ng pansin ang bukas at malinaw na pakikipag-usap ninyo sa inyong mga anak sa mga bagay tungkol sa seks. Ang mga anak ninyo ay lumalaki sa isang mundong hayagang tinatanggap ang mga kabataang kakikitaan ng di mapigilang damdamin ukol sa seks. Hindi basta maiiwasan ng inyong mga anak ang lantarang paglalarawan, mga mensahe at panggaganyak sa seks na nakapaligid sa kanila. Ang mga ama at lider ng Simbahan ay kailangang magkaroon ng bukas at madalas na pakikipagtalakayan na nagtuturo at naglilinaw kung ano ang dapat gawin ng mga kabataang lalaki ng priesthood sa isyung ito. Maging positibo tungkol sa kagandahan ng pisikal na intimasiya kapag ginawa ito ayon sa itinakda ng Panginoon, pati na ang mga tipan sa templo at katapatan sa kasal na walang hanggan. Ayon sa pag-aaral ang pinakamalakas na pampigil sa mga gawain ukol sa seks ay ang magandang saloobin na nag-uugnay sa gayong personal na pakikipagrelasyon na may tapat na pangako at subok na pagmamahalan. Mga ama, kung hindi pa ninyo nakausap ang inyong mga anak tungkol sa “mahahalagang paksang ito,” sana gawin na ninyo, at gawin ito kaagad.

Ngayon, sa pagtatapos, gusto kong magsalita sa inyong lahat na mga returned missionary. Lahat ng binanggit ko ngayong gabi ay angkop din sa inyo. Magtiwala sa inyong ama. Maaari kayong mas mapalapit sa kanya ngayon higit kailanman anuman ang naging ugnayan ninyo sa kanya bago kayo nagmisyon. Sa susunod na ilang taon, gagawin ninyo ang pinakamahalagang desisyon sa inyong buhay. Kasabay ng panalangin sa inyong Ama sa Langit, ang payo mula sa inyong ama sa lupa ay makatutulong sa paggawa ninyo ng mga desisyon ukol sa inyong edukasyon, pagpili ng kurso, at pag-aasawa. Ang pinakamahalagang desisyon na gagawin ninyo sa buhay na ito ay ang desisyon na pakasalan ang tamang babae sa loob ng templo! Bagamat hindi dapat madaliin ng sinuman ang mahalagang desisyon na ito, dapat itong pagsikapan ng lahat ng returned missionary. Magpunta sa lugar kung saan makikilala ninyo ang mga tamang uri ng kaibigan. At makipagdeyt. Ang pagsama-sama sa mga kaibigan ay hindi ang paraan at hindi ito sapat! Ang pagliligawan ay tila naging isang laos na sining. Pag-aralan itong muli. Napakainam nito! Tanungin ang inyong mga ama—alam nila! Huwag magpatangay sa mga paraan ng mundo. Sa halip ay panatilihin ang dignidad at ang Espiritung napasainyo sa inyong misyon. Kakailanganin ng Simbahan ang inyong pamumuno sa hinaharap.

At mga ama, ang tatlong mungkahi ko kanina ay talagang akma sa inyong pakikipag-ugnayan sa inyong mga anak na returned missionary. Pakinggan sila, at makipag-ugnayan sa kanila sa regular at masinsinang pakikipag-usap. Kausapin sila nang masinsinan tungkol sa kanilang nadarama at mga hangarin. Manalanging kasama nila, at bigyan sila ng mga basbas sa pagharap nila sa mahahalagang desisyon sa hinaharap.

Nagpapasalamat ako sa aking mga anak at manugang na lalaki, na maraming naituro sa akin, at dalangin ko ngayon na pagpalain tayong lahat ng ating Ama sa Langit bilang mga ama at anak na igalang ang ating priesthood at mahalin natin ang isa’t isa at gawing isa sa mga dakila at walang hanggang priyoridad sa ating buhay ang ugnayan ng bawat isa. Ito ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.