2009
Kaligtasan para sa Kaluluwa
Nobyémbre 2009


Kaligtasan para sa Kaluluwa

Gusto kong pakatiyakin na kapag ako ay nakatayo na sa harapan ng hukuman ng Diyos ay naipahayag ko sa sanlibutan … na ang Aklat ni Mormon ay totoo.

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

Ang mga propesiya tungkol sa mga huling araw ay kadalasang tumutukoy sa malalaking kalamidad tulad ng lindol o taggutom o mga pagbaha. Na nauugnay naman sa malawakang mga kaguluhan sa ekonomiya o pulitika.

Ngunit may isang uri ng kapahamakan sa mga huling araw na tila mas personal kaysa hayagan, mas ukol sa bawat isa kaysa lahatan—isang babala, na siguro mas angkop sa loob ng Simbahan kaysa sa labas nito. Nagbigay-babala ang Tagapagligtas na sa mga huling araw maging ang mga “nakipagtipan,” ang hinirang, ay malilinlang ng kaaway ng katotohanan.1 Kung ipapalagay nating espirituwal na pagkawasak ito, maaaring magbigay-liwanag ito sa isa pang makabagong propesiya. Isipin ang puso bilang simbolo ng sentro ng ating pananampalataya, ang kinalalagyan ng ating katapatan at mga pinahahalagahan, pagkatapos ay isipin ang pahayag ni Jesus na sa mga huling araw ay, ”magsisipanglupaypay ang [puso ng] mga tao.”2

Ang nakalalakas ng loob, mangyari pa, ay alam ng ating Ama sa Langit ang lahat ng panganib na ito sa mga huling araw, ang pagkabalisa ng puso at kaluluwa, at nagbigay ng payo at proteksyon laban sa mga ito.

Dahil diyan, napakahalaga sa akin noon pa man na ang Aklat ni Mormon, isa sa mga makapangyarihang saligang bato3 ng Panginoon na panlaban sa mga problemang ito sa mga huling araw, ay nagsimula sa dakilang talinghaga ng buhay, dagdag na alegoriya ng pag-asa laban sa takot, ng liwanag laban sa kadiliman, ng kaligtasan laban sa kapahamakan, isang alegoriya na binanggit ni Sister Ann M. Gibb kaninang umaga.

Sa panaginip ni Lehi, ang mahirap na paglalakbay ay lalo pang humihirap kapag limilitaw ang abu-abo ng kadiliman na sagabal sa pagtanaw sa ligtas ngunit makitid na landas na susundan ng kanyang pamilya at ng iba pa. Mahalagang pansinin na ang abu-abo ng kadilimang ito ay lumalambong sa lahat ng manlalakbay—sa matatapat at masigasig (masasabi nating ang mga hinirang) gayundin sa mas mahihina at mabubuway ang pundasyon. Ang pangunahing punto ng kuwento ay na ang matatagumpay na manlalakbay ay nalalampasan ang lahat ng hadlang, pati ang pang-aakit ng ipinagbabawal na mga landas at pangungutya ng mga mapagmalaki at palalong nagsipaglakbay doon. Sinasabi ng ulat na ang pinangangalagaan ay “nagpatuloy sa kanilang paglalakad, patuloy [at masasabi kong, masigasig] na humahawak nang mahigpit” sa gabay na bakal na tumutunton sa tamang landas.4 Gaano man kadilim ang araw o gabi, itinuturo ng gabay na bakal ang nag-iisang ligtas na daan.

“Namasdan ko,” sabi ni Nephi kalaunan, “na ang gabay na bakal … ay salita ng Diyos, [tungo] … sa punungkahoy ng buhay; … [na] sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos.” Nang mamasdan ang ipinakitang pag-ibig na ito ng Diyos, sinabi ni Nephi:

“Tumingin ako at namasdan ang Manunubos ng sanlibutan, … [na] humayo [siyang] nangangaral sa mga tao… .

“… At namasdan ko ang maraming tao na may karamdaman, at yaong mga naghihirap sa lahat ng sakit, at nasasapian ng mga diyablo at masasamang espiritu; … at pinagaling sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kordero ng Diyos; at pinalayas ang mga diyablo at ang masasamang espiritu.”5

Pag-ibig. Paggaling. Tulong. Pag-asa. Ang kapangyarihan ni Cristo na labanan ang lahat ng kaguluhan sa lahat ng panahon—pati na sa wakas ng panahon. Iyan ang ligtas na kanlungang nais ng Diyos para sa atin sa sarilinan man o sa hayagang kawalan ng pag-asa. Sa mensaheng iyan nagsisimula ang Aklat ni Mormon at sa mensaheng iyan ito nagtatapos, tinatawag ang lahat na “lumapit kay Cristo at maging ganap sa kanya.”6 Ang talatang iyan na kinuha mula sa huling patotoo ni Moroni, na isinulat 1,000 taon matapos ang pangitain ni Lehi—ay patotoo ng isang taong malapit nang mamatay tungkol sa tamang daan.

Maaari ko bang tukuyin ang isang patotoo “sa mga huling araw”? Noong papunta na si Joseph Smith at ang kanyang kapatid na si Hyrum sa Carthage para harapin ang alam nilang nalalapit nilang kamatayan bilang martir, binasa ni Hyrum ang mga salitang ito upang panatagin ang puso ng kanyang kapatid:

“Ikaw ay naging matapat; kaya nga… ikaw ay gagawing malakas, maging hanggang sa pag-upo sa lugar na inihanda ko sa mga mansiyon ng aking Ama.

“At ngayon ako, si Moroni, ay nagpapaalam … hanggang sa muli tayong magkita sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo.”7

Ilang maiikling talata mula sa ika-12 kabanata ng Eter sa Aklat ni Mormon. Bago isara ang aklat, itinupi ni Hyrum ang gilid ng pahina na kanyang binasa, bilang tanda ng walang hanggang patotoo na magiging dahilan ng kamatayan ng magkapatid na ito. Hawak ko ang aklat na iyan, ang mismong kopyang binasa ni Hyrum, ang mismong itinuping bahagi ng pahina ay mababakas pa rin. Kalaunan, habang nakapiit sa kulungan, binalingan ni Propetang Joseph ang mga tanod na humuli sa kanya at nagbigay ng kanyang malakas na patotoo sa tunay na kabanalan ng Aklat ni Mormon.8 Di nagtagal pagkatapos noon ang dalawang saksing ito ay namatay sa tama ng bala ng baril.

Bilang isa sa isang libong elemento ng aking sariling patotoo sa kabanalan ng Aklat ni Mormon, ipinahahayag ko ang isa pang katibayan ng katotohanan nito. Sa pinakadakila—at pinakahuling— oras ng kanilang pangangailangan, itatanong ko sa inyo: gagawa ba ng kalapastanganan ang mga lalaking ito sa harapan ng Diyos sa patuloy na pagtutuon ng kanilang buhay, dangal, at sariling pagsasaliksik para sa walang hanggang kaligtasan sa isang aklat (at kasunod nito sa isang simbahan at isang ministeryo) na kanilang binuo mula sa haka-haka lamang?

Huwag nang isipin ang mga kabiyak nilang mababalo at mga anak nilang mauulila sa ama. Huwag nang isipin ang kanilang maliit na grupo ng mga tagasunod na “mawawalan ng tirahan, pamilya, at kaibigan” at ang kanilang mga anak na mag-iiwan ng mga bakas ng dugo sa pagtawid sa mga nagyeyelong ilog at masukal na parang.9 Kalimutan na napakarami ang mamamatay at ang iba’y mabubuhay at ipapahayag sa apat na sulok ng mundo na alam nilang ang Aklat ni Mormon at ang Simbahan na tumatangkilik dito ay totoo. Kalimutang lahat iyan, at sabihin ninyo sa akin kung sa oras na ito ng kamatayan ay papasok ang dalawang ito sa kinaroroonan ng kanilang Walang Hanggang Hukom na bumabanggit at humahanap ng kapanatagan sa isang aklat na, kung hindi salita ng Diyos, ay mababansagan silang mga impostor at huwad hanggang sa huling sandali? Hindi nila gagawin iyan! Pinili nilang mamatay sa halip na itatwa ang banal na pinagmulan at walang hanggang katotohanan ng Aklat ni Mormon.

Sa loob ng 179 na taon ang aklat na ito ay sinuri at kinutya, itinatwa at pinag-aralan upang pabulaanan, tinuligsa at pinagwatak-watak na hindi pa ginawa marahil sa alinmang aklat sa kasaysayan ng relihiyon—sa makabagong panahon. At ito ay nananatili pa ring naririto. Ang mga bigo at kadalasang hangal na mga teoriya tungkol sa pinagmulan nito ay lumabas, inulit-ulit, at naglaho—mula kina Ethan Smith hanggang kay Solomon Spaulding at sa hangal o manlilinlang na henyo. Wala ni isa man sa masasabing walang kabuluhang pahayag sa aklat ang nakapasa sa pagsubok dahil walang ibang pahayag maliban sa ibinigay ni Joseph, ang bata at di nakapag-aral na tagapagsalin nito. Dito’y sang-ayon ako sa aking lolo sa tuhod na nagsabing, “Walang masamang tao na makasusulat ng ganitong aklat, at walang mabuting lalaking makasusulat nito, maliban na ito ay tunay at inutusan siya ng Diyos na gawin ito.”10

Pinatototohanan ko na walang makapagtataglay ng ganap na pananampalataya sa gawaing ito sa mga huling araw—at sa gayo’y magkakaroon ng ganap na kapayapaan at kaaliwan sa ating panahon—hangga’t hindi niya tinatanggap ang kabanalan ng Aklat ni Mormon at ang Panginoong Jesucristo na siyang pinatototohanan nito. Kung ang sinuman ay hangal o may maling pang-unawa na sapat para hindi tanggapin ang 531 pahina ng dati-rati’y di kilalang tekstong tigib ng kompleksidad ng wikang Semitic nang hindi tunay na tinatangkang alamin ang nilalaman ng mga pahinang iyon—lalo na kung hindi nila inihahayag ang kanilang malakas na patotoo kay Jesucristo at ang malalim na espirituwal na epekto ng pagsaksing iyon sa milyun-milyong mambabasa na ngayon—ang gayong klaseng tao, hinirang man o hindi, ay nalinlang at, kung iiwan nila ang Simbahang ito, dapat gawin iyon sa pamamagitan ng pagtanggi o pag-aalis ng kaugnayan nila sa Aklat ni Mormon. Sa puntong iyan ang aklat ayon na rin kay Cristo mismo ay magiging: “batong katitisuran, … bato na pangbuwal,”11 isang hadlang sa landas ng taong tatangging maniwala. Ang mga saksi, maging ang mga saksing minsan ay kumalaban kay Joseph, ay nagpatotoo hanggang sa kanilang kamatayan na nakakita sila ng anghel na nag-abot sa kanila ng mga lamina. “Ang mga ito ay ipinakita sa amin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at hindi ng sa tao,” pahayag nila. “Kung kaya’t nalalaman namin nang may katiyakan na ang gawa ay totoo.”12

Ngayon, hindi ako naglayag na kasama ng kapatid ni Jared sa pagtawid ng dagat, at nanirahan sa isang bagong daigdig. Hindi ko narinig ang maluwalhating pagbibigay ng sermon ni Haring Benjamin. Hindi ako kasama nina Alma at Amulek sa pagtuturo ni nasaksihan ang pagkamatay sa apoy ng mga walang kasalanang naniniwala. Hindi ako kabilang sa mga Nephitang humaplos sa mga sugat ng nabuhay na muling Tagapagligtas, ni nanangis kasama nina Mormon at Moroni dahil sa pagkawasak ng isang buong sibilisasyon. Ngunit ang aking patotoo sa talaang ito at ang kapayapaang dulot nito sa mga puso ng tao ay lagi nang may bisa at maliwanag tulad ng sa kanila. Tulad nila “Ibinibigay ko ang [aking pangalan] sa sanlibutan, upang patunayan sa sanlibutan ang aking nakita.” At tulad nila, “Hindi [ako] nagsisinungaling, Diyos ang nagpapatunay nito.”13

Hiling ko na ang aking patotoo sa Aklat ni Mormon at lahat ng ipinahihiwatig nito, na ibinigay sa ilalim ng aking sumpa at katungkulan, ay maitala ng mga tao sa lupa at ng mga anghel sa langit. Umaasa ako na may ilang taon pang natitira sa aking “mga huling araw,” ngunit mangyari man ito o hindi, gusto kong tunay na tiyakin na kapag ako ay tatayo na sa harapan ng hukuman ng Diyos ay naipahayag ko sa sanlibutan, sa pinakatuwirang salitang masasambit ko, na ang Aklat ni Mormon ay totoo, na dumating ito ayon sa paraang sinabi ni Joseph Smith na darating ito, at ibinigay upang maghatid ng pag-asa at kaligayahan sa lahat ng pagdurusang magaganap sa mga huling araw na ito.

Ang aking patotoo ay tulad ng sinabi ni Nephi, na sumulat sa ilang bahagi ng aklat sa kanyang “mga huling araw”:

“Makinig sa mga salitang ito at maniwala kay Cristo; at kung hindi kayo naniniwala sa mga salitang ito ay maniwala kay Cristo. At kung maniniwala kayo kay Cristo ay maniniwala kayo sa mga salitang ito, sapagkat ang mga salitang ito ay mga salita ni Cristo, … at nagtuturo sa lahat ng tao na nararapat silang gumawa ng mabuti.

“At kung ang mga ito ay hindi mga salita ni Cristo, hatulan ninyo—sapagkat ipakikita ni Cristo sa inyo, sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian, na ang mga ito ay kanyang mga salita, sa huling araw.”14

Mga kapatid, ang Diyos ay palaging naglalaan ng kaligtasan para sa kaluluwa, at sa Aklat ni Mormon ay muli Niyang gagawin ito sa ating panahon. Tandaan ang ipinahayag na ito ni Jesus mismo: “Sinuman ang magpapahalaga sa aking salita ay hindi malilinlang”15—at sa mga huling araw hindi kayo bibiguin ng inyong puso at ng inyong pananampalataya. Ito ang taos-puso kong patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Tingnan sa Mateo 24:24; tingnan din sa Joseph Smith—Mateo 1:22.

  2. Lucas 21:26.

  3. Tingnan sa History of the Church, 4:461.

  4. 1 Nephi 8:30.

  5. 1 Nephi 11:25, 27–28, 31.

  6. Moroni 10:32.

  7. Eter 12:37–38; tingnan din sa D at T 135:5.

  8. Tingnan sa History of the Church, 6:600.

  9. Joseph Smith, sa History of the Church, 4:539.

  10. George Cannon, sinipi sa “The Twelve Apostles,” sa Andrew Jenson, ed., The Historical Record, 6:175.

  11. I Ni Pedro 2:8.

  12. “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi,” Aklat ni Mormon.

  13. “Ang Patotoo ng Walong Saksi,” Aklat ni Mormon; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  14. 2 Nephi 33:10–11; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  15. Joseph Smith—Mateo 1:37.