2009
Kumapit Kayo
Nobyémbre 2009


Kumapit Kayo

Hindi tayo iniwang nag-iisa ng Ama sa Langit sa ating buhay sa lupa. Ibinigay na Niya sa atin ang lahat ng “proteksyon” na kailangan natin upang matagumpay na makabalik sa Kanya.

Larawan
Ann M. Dibb

Ilang taon na ang nakararaan, isang maikling balita sa pahayagang lokal ang napansin ko, at hindi ko na ito nalimutan mula noon: “Apat na katao ang namatay at pitong trabahador ang nailigtas matapos mangunyapit nang mahigit isang oras sa gilid ng ilalim ng tulay na 125 talampakan ang taas [38-m] sa St. Catharines, Ontario, [Canada] matapos bumagsak ang andamyong tinatapakan nila” (“News Capsules,” Deseret News, Hunyo 9, 1993, A2).

Namangha ako, at patuloy na namamangha, sa maikling balitang ito. Pagkabasa ko sa ulat na ito, tinawagan ko ang isang kaibigan ng pamilya namin na nakatira sa St. Catharines. Ipinaliwanag niya na halos isang taon nang pinipinturahan ng mga trabahador ang Garden City Skyway Bridge at dalawang linggo na lang ay tapos na sana ito nang mangyari ang aksidente. Matapos ang aksidente, tinanong ang mga opisyal kung bakit walang suot na anumang proteksyon ang mga lalaking ito. Simple lang ang sagot: mayroon silang proteksyon; pinili lang nilang huwag isuot ito. Matapos bumigay ang andamyo, kumapit ang mga nakaligtas sa isang-pulgadang (2.5-cm) labi ng tahilang bakal at tumayo sa walong-pulgadang (20-cm) tuntungang bakal nang mahigit isang oras hanggang sa maabot sila ng mga sumagip. Ikinuwento ng isang nakaligtas na habang nakakapit siya sa tulay, naisip niya nang husto ang kanyang pamilya. Sabi niya, “Pinasasalamat ko lang ang Panginoon na narito ako ngayon… . Nakakatakot talaga iyon, baka akala ninyo” (sa Rick Bogacz, “Skyway Horror,” Standard, Hunyo 9, 1993).

Napakaraming aral na matututuhan at maihahambing sa insidenteng ito. Bagaman marami sa atin ang hindi kailanman mararanasang mabingit sa kamatayan na katulad niyon, marami sa atin ang nakadarama na nagdaraan tayo sa nakakatakot na panahon sa ating sariling buhay.

Maaari nating madama na para tayong nakakapit sa tila isang-pulgadang labi ng tahilang bakal. Ang buhay natin sa mundo ay hindi madali, at hindi maikli. Mapalad tayong maparito sa mundong ito at magkaroon ng katawang mortal. Ang buhay na ito ang pagkakataon upang patunayan ang ating sarili at gamitin ang ating kalayaan (tingnan sa Abraham 3:25). Mapipili nating sundin ang walang hanggang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit (tingnan sa Jarom 1:2; Alma 42:5; Moises 6:62) at ng pagtubos (tingnan sa Jacob 6:8; Alma 12:25; 42:11), o maaari nating subukang humanap ng sarili nating daan. Maaari tayong maging masunurin at sundin ang Kanyang mga utos, o maaari nating tanggihan ang mga ito at harapin ang mga bungang tiyak na darating.

Dahil dito, tayo man ay may mapanganib na trabaho at tungkulin. Dapat nating harapin ang mga hamon. Maaari tayong dumanas ng kalungkutan, mga problema sa relasyon, pagtataksil, tukso, adiksyon, limitasyon ng ating katawang pisikal, o pagkatanggal sa trabahong kailangang-kailangan. Maaari tayong dumanas ng kabiguan dahil hindi nangyari ang mga matwid nating inaasam at pangarap sa panahong itinakda natin. Maaari nating pagdudahan ang ating mga kakayahan at katakutan ang posibilidad na mabigo, maging sa mga tungkulin natin sa Simbahan at sa pamilya. Ang mga hamon at panganib na kasama natin sa buhay ngayon, kabilang na ang pangungunsinti ng lipunan sa kasalanan, ay ipinropesiya na ng mga sinauna at mga nabubuhay na propeta. Ang mga ito ay mapanganib at totoo tulad ng nagbabantang pagkahulog sa tiyak na kamatayan mula sa tulay na 125 talampakan (38 m) ang taas.

Hindi perpekto ang buhay ko. Marami rin akong mga pagsubok na tulad ng sa inyo. Tayong lahat ay mayroon nito. Alam ko na ang mga panunukso ng kaaway at mga paghihirap ng mortalidad ay laging nariyan at dumarating sa ating lahat. Sang-ayon ako sa sinabi ng naligtas na trabahador sa mapanganib na karanasan niya sa pagkapit sa metal na tahilang iyon: “Nakakatakot talaga iyon, baka akala ninyo.”

Gayunman, mahalagang pansinin na sa mga banal na kasulatan kakaunti lamang ang mga kuwento tungkol sa mga taong nabuhay nang maligaya at hindi dumanas ng problema. Tayo ay natututo kapag humaharap tayo sa mga pagsubok nang may pananampalataya, tiyaga, at kabutihan. Napalakas ako ng walang-katapusang pagtitiwala ni Pangulong Thomas S. Monson sa ating Ama sa Langit at sa atin. Sabi niya: “Tandaan na may karapatan kayo sa pagpapala ng ating Ama [sa Langit] sa gawaing ito. Hindi Niya kayo tinawag sa inyong katungkulan para maglingkod nang nag-iisa, walang patnubay, at umaasa sa suwerte. Ang totoo, alam Niya ang inyong kasanayan, alam Niya ang inyong katapatan, at gagawin Niyang mga kalakasan ang inaakala ninyong mga kakulangan ninyo. Nangako Siya: ‘Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo’ ” (“Sugar Beets at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” Liahona, Hulyo 2009, 3–4).

Hindi tayo iniwang nag-iisa ng Ama sa Langit sa ating buhay sa lupa. Ibinigay na Niya sa atin ang lahat ng “proteksyon” na kailangan natin upang matagumpay na makabalik sa Kanya. Ibinigay Niya tayo sa atin ang pansariling panalangin, mga banal na kasulatan, mga buhay na propeta, at ang Espiritu Santo para gabayan tayo. Kung minsan, ang paggamit nito ay parang mahirap, nakakaasiwa, at walang-wala sa uso. Kailangan dito ang ating kasigasigan, pagsunod, at tiyaga. Pero ako, pinili ko mismong gamitin ito. Dapat piliin nating lahat na gamitin ito.

Sa mga banal na kasulatan nalalaman natin ang tungkol sa isa pang mahalagang piraso ng proteksyon—isang “gabay na bakal.” Ang mga disipulo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay inaanyayahang kumapit sa bakal na ito upang ligtas silang makarating sa buhay na walang hanggan. Ang pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay ang tinutukoy ko, na mababasa sa Aklat ni Mormon.

Sa pamamagitan ng paghahayag ng langit sa tao, ipinakita sa propetang si Lehi sa Aklat ni Mormon at sa anak niyang si Nephi ang magiging buhay natin sa mundo at ang mga panganib na kaakibat nito. Sabi ni Lehi, “At ito ay nangyari na, na may lumitaw na abu-abo ng kadiliman; oo, maging isang napakalaking abu-abo ng kadiliman, kung kaya nga’t sila na mga nagsimula sa landas ay nangaligaw, at sila ay nagpagala-gala at nangawala” (1 Nephi 8:23). Subalit “nakakita [rin] siya ng marami pang tao na nagpapatuloy sa paglalakad; at nakarating sila at mahigpit na humawak sa dulo ng gabay na bakal; at nagpatuloy sila sa kanilang paglalakad, patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal, hanggang sa makarating sila at napatiluhod at makakain ng bunga ng punungkahoy,” na ibig sabihin ay punungkahoy ng buhay (1 Nephi 8:30).

Mula sa pangitain ni Lehi natutuhan natin na dapat tayong kumapit sa ligtas na bakal na ito—ang gabay na bakal, na makikita sa tabi ng ating kani-kanyang makipot at makitid na daan—at humawak nang mahigpit hanggang sa marating natin ang pinakamimithi nating buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit. Nangako si Nephi na ang mga taong mahigpit na nakakapit sa gabay na bakal “kailanman ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila tungo sa pagkabulag, upang akayin sila sa pagkalipol” (1 Nephi 15:24).

Inaanyayahan ko kayong basahing muli ang buong kuwento ng inspiradong pangitaing ito. Pag-aralan ito, pagnilayin ito, at iangkop ito sa buhay ninyo araw-araw. Sa mga makabagong kataga masasabi natin na hinihikayat tayong “higpitan ang hawak.” Dapat tayong kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal at huwag bumitaw.

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee, ang propeta noong tinedyer ako, na, “Kung may isang bagay na kailangang-kailangan sa panahong ito ng kaguluhan at kabiguan, kung kailan ang mga lalaki at babae at kabataan at young adult ay pilit na naghahanap ng mga sagot sa mga problema ng sangkatauhan, ito ay ang ‘gabay na bakal’ bilang ligtas na gabay sa tuwid na landas tungo sa buhay na walang hanggan, sa gitna ng kakaiba at mapanlinlang na landasing hahantong sa kapahamakan at sa pagkawasak ng lahat ng ‘marangal, kaaya-aya, o magandang balita’ ” (“The Iron Rod,” Ensign, Hunyo 1971, 7).

Ang siping ito ay mahalaga noong tinedyer ako, at marahil ay lalong mahalaga ngayon. Ang mga salita ng mga propeta ay nagbababala, nagtuturo, at naghihikayat ng katotohanan, sinabi man nila ito noong 600 B.C., noong 1971, o noong 2009. Hinihikayat ko kayong makinig, maniwala, at kumilos ayon sa inspiradong mga salita ng mga taong sinang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Hindi palaging madaling humawak sa gabay na bakal. Maaari tayong makabitaw dahil sa pamimilit ng kaibigan o kahambugan, iniisip na mahahanap natin ang sarili nating daan pabalik—kalaunan. Kapag ginagawa natin iyan, iniiwan natin ang proteksyon natin. Sa pangitain ni Lehi nakita niyang marami ang bumitaw sa gabay na bakal. Sabi ni Nephi, “At marami ang nangawala sa kanyang paningin, nagpagala-gala sa mga di kilalang daan” (1 Nephi 8:32). Sa mga panahon ng paghihirap sa ating buhay, maaari din nating maranasang “magpagala-gala sa di-kilalang daan.” Titiyakin ko sa inyong muli na laging posibleng matagpuan natin ang daan pabalik. Sa pamamagitan ng pagsisisi, na ginawang posible ng nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, maibabalik at maipapangako nating muli na kakapit tayo nang mahigpit sa gabay na bakal at madarama nating muli ang mapagmahal na paggabay ng ating Ama sa Langit. Ang Tagapagligtas ay nag-aanyaya sa ating lahat: magsisi, kumapit, at huwag bumitaw.

Tulad ni Nephi, pinapayuhan ko kayo nang buong lakas ng aking kaluluwa na kayo ay “makinig sa salita ng Diyos at tandaang sundin ang kanyang mga kautusan sa tuwina sa lahat ng bagay” (1 Nephi15:25) Gamitin ang proteksyong ibinigay Niya sa inyo. Kumapit nang mahigpit, at maniwala na pagpapalain kayo ng Ama sa Langit sa inyong pagsusumigasig.

Alam kong totoo ang ipinanumbalik na ebanghelyo, at alam kong pinamumunuan tayo ng isang buhay na propeta ng Diyos, si Pangulong Thomas S. Monson. Malaking pribilehiyo at pagpapala ang maging anak niya ako. Mahal na mahal ko ang aking mga magulang.

Isang gabi medyo pinanghinaan ako ng loob at sinabi ko, “Itay, ang mga pagpapalang nararanasan natin bilang mga miyembro ng Simbahan at ang pangakong pagpapala ng templo ay napakaganda, kung makikinig lang tayo at pipiliin nating tanggapin ang mga ito.” Sumagot siya nang walang alinlangan, “Ann, iyan na ang lahat.”

Nawa’y kumapit tayo sa mga walang hanggang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo dahil ang mga ito ay talagang ito na ang lahat, ang siyang taimtim kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.