2005
Sino’ng Panig sa Diyos?
Mayo 2005


Sino’ng Panig sa Diyos?

Kailangang malaman ng Panginoon kung kanino Siya makakaasa.

Ngayong gabi gusto kong ituon ang mensahe ko sa isang paboritong himno na nananawagang maglingkod, “Sino’ng panig sa Diyos? Ipabatid ngayon” (Mga Himno, blg. 162.)

Dito, sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon, habang naghahanda tayo para sa huling pakikidigma sa kasamaan sa paghihintay sa pagbalik ni Cristo sa lupa, napakahalagang malaman kung sino ang panig sa Diyos. Kailangang malaman ng Panginoon kung kanino Siya makakaasa.

Aasamin ninyo na sana’y maasahang lumantad ang lahat ng may priesthood para maglingkod sa hukbo ng Panginoon. Ngayon mga tatlong milyon na ang may priesthood sa Simbahan, na pantay na nahahati sa Aaronic at Melchizedek Priesthood.

Sa kasamaang-palad, marami sa mga lalaking ito, bata’t matanda, ang nawawala, lumiban nang walang paalam, nag-AWOL.

Minsa’y mapakumbaba silang nakaupong lahat habang nakapatong ang mga kamay ng kalalakihang may awtoridad sa kanilang ulunan at ipinagkaloob sa kanila ang priesthood. Sa araw na iyon lahat sila’y nakipagtipan na susunod at maglilingkod sa Panginoon.

Upang maunawaan ang kahalagahan ng mga tipang ito dapat nating itanong sa ating sarili, “Ano ba ang priesthood?” Alam ng bawat listong deacon ang sagot sa tanong na ito: Ang priesthood ay kapangyarihang kumilos sa ngalan ng Diyos.

Ano ang kahulugan nito sa inyo na mga deacon, teacher, at priest? Una, ibig sabihin nito’y awtorisado kayong magpasa, maghanda, at magbasbas ng sakrament. Malaking bagay? Talaga!

Sino ang nangasiwa sa unang naitalang sakrament? Siyempre pa ang sagot diyan ay ang Panginoong Jesucristo. Noong gabi bago Siya nagdusa sa Halaman ng Getsemani, inihanda, binasbasan, at ipinasa ni Cristo ang sakrament sa Kanyang mga disipulo. Kaya tuwing isasagawa natin ang sagradong ordenansang ito ang Tagapagligtas Mismo ang kinakatawan natin. Espesyal iyan!

Ipinatong ni Juan Bautista ang kanyang mga kamay sa ulunan nina Joseph Smith at Oliver Cowdery at iginawad sa kanila ang priesthood ni Aaron at sinabing, “Aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (D at T 13:1). Mahalagang responsibilidad iyan ng mga lalaki anuman ang edad nila. Sa utos na iyan, malinaw na nasa panig tayo ng Panginoon.

Ano naman ang Melchizedek Priesthood? Sa ika-84 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan mababasa, “At ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito ang nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos” (t. 84:19). Ang priesthood na ito ay may kapangyarihang mangasiwa at mamuno, magbasbas at magpagaling, magturo at magbuklod. Malinaw na nasa panig ng Panginoon ang kalalakihang naglilingkod sa priesthood na ito.

Isa sa mga pinakadakilang halimbawa ng kapangyarihang magbuklod ng priesthood ay ang kuwento tungkol kay Nephi, anak ni Helaman. Dahil sa sipag niyang ipahayag ang salita ng Diyos, binigyan siya ng Panginoon ng kapangyarihang magbuklod na “anuman ang ibubuklod mo sa lupa ay mabubuklod din sa langit; at anuman ang paghihiwalayin mo sa lupa ay mahihiwalay rin sa langit” (Helaman 10:7). Naging magiting na lider sana si Nephi sa hukbo ng Panginoon sa alinmang dispensasyon.

Napakalaki ng tiwala ng ating Ama sa Langit para ibahagi sa atin ang Kanyang kapangyarihan, para matulungan natin Siya sa malaking gawaing ito sa paglaganap nito sa daigdig.

Punahin kung gaano kaingat tayong pinagbilinan sa paggagawad ng awtoridad ng priesthood. Nang mag-12 anyos ako, ipinatong ng aking amang si Charles Oaks at ng bishop kong si George Collard ang mga kamay nila sa aking ulunan at iginawad sa akin ang Aaronic Priesthood at inorden akong deacon.

Pagkaraan ng ilang taon, ginamit ni Elder Gordon B. Hinckley noon ang banal na proseso ring ito upang iorden ako sa Pitumpu. Bawat ordenasyon ay nagbabadya ng karagdagang banal na pagtitiwala at bagong oportunidad para makapaglingkod sa panig ng Diyos.

Kapag bumubuo ng mga hukbo, karaniwa’y malawak ang sakop ng digmaan. Pero medyo kakaiba ang digmaan para sa mga kaluluwa. Araw-araw ang paglalaban sa buhay ng tao at napapalaban ang mga kawal ng Panginoon sa mga puwersa ni Satanas na tulad ng kasakiman, pagkamakasarili, at pagnanasa.

Ang 2,060 maskuladong kabataang mandirigma ni Helaman, na magkakatabi, ay nagpapahiwatig na kailangan ang lakas ng katawan para mapabilang sa kanilang grupo. Pero may puwang pa sa gawaing ito para sa matatapang na kaluluwa.

May 11-taong-gulang kaming apo, si Andrew, na siguro’y habambuhay nang gagamit ng wheelchair. Ioorden siyang deacon sa taglagas at mapapabilang sa hukbo ng priesthood ng Panginoon. Hindi sagabal ang kapansanan niya sa digmaang ito, dahil ang mga sandatang gagamitin sa magulong larangan ng digmaan ay hindi mga sibat at espada.

Bagkus, ang mga sandata ng kawalang-hanggan na sagisag ng buong kagayakan ng Diyos ay ang katotohanan, katuwiran, pananampalataya, panalangin, at salita ng Diyos (Mga Taga Efeso 6:13–18). Ang mga sandata ay nasa ating isipan, bibig, at kilos. Bawat mabuting kaisipan, salita, at gawa ay tagumpay sa Panginoon.

Kaya nga walang kapansanan si Andrew sa digmaang ito. Tinuruan siyang mabuti ng kanyang mga magulang. Handa siyang sumali sa grupo ng kalalakihang may priesthood.

Kaylaki ng nakataya. Ang gantimpala ay mga kaluluwa mismo ng mga anak ng Diyos, ang walang-hanggan nilang kaligtasan. At pagkapanalo o pagkatalo ng mga kaluluwang ito ay ibabatay sa kabutihan at kalinisan, pag-ibig sa kapwa at paglilingkod, at pananampalataya at pag-asa.

Sasapi si Andrew sa korum ng mga deacon sa home ward niya. Tuturuan nila siyang magpasa ng sakrament at mangolekta ng mga handog. Aalagaan nila siya, dahil iyan ang talagang dahilan kaya may mga korum ng priesthood—para alagaan ang isa’t isa. Katunayan ganyan binubuo ang hukbo ng priesthood ng Panginoon, sa mga korum.

Malaking bahagi ng buhay ko ang naukol sa pagkapiloto ko sa United States Air Force. Buung-buo pa rin ang kalalakihan ng squadron ko hanggang ngayon at nag-uugnayan pa rin kami makalipas ang 40 taon.

Sa pagsasanay namin bilang mga fighter pilot, isa sa una at pinakapangunahing patakaran ay, “Alagaan ang pilotong kasunod mo. Laging tumingin sa likod para matiyak na wala siyang kasunod na kalaban.”

Kung mabuting payo ang protektahan ang mga kasama ninyo sa isang fighter squadron, mabuting payo rin na huwag lalayo, at protektahan ang mga miyembro ng ating korum sa pagsisikap na tumatag sa panig ng Panginoon. Dapat tayong masabik na lumabas at hanapin sila kapag sila ay naligaw.

Ang katatagan sa panig ng Panginoon ay lalong mahalaga ngayon. Lagi nang itinuturo ng ating propeta na ito na ang mga huling araw. Alam natin sa mga palatandaan ng panahon na malapit na ang wakas. At alam din ito ni Satanas. Tila hindi sila natutulog ng kanyang mga alagad.

Sa isang pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno, sinabi ni Pangulong Hinckley, sa pagpuna sa imoralidad sa mundo, “Di ko alam na mas malala pa pala noong kapanahunan ng Sodom at Gomora.”

Sabi pa niya, “Sila at ang masasamang naninirahan ay nangalipol. Ganito rin ang nakikita nating nangyayari sa ngayon. Laganap ito sa buong mundo. Palagay ko’y tumatangis ang ating Ama habang nakatunghay Siya sa mga suwail Niyang anak” (“Pagiging Matatag at Di Natitinag,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Ene. 10, 2004, 20).

Hindi ko alam kung ano pa ang kailangang sabihin sa atin ng ating propeta para ituring itong isang babala.

Sa isang mensahe sa kumperensya kamakailan, sabi ni Elder Dallin H. Oaks: “Ang mga palatandaang ito ng Ikalawang Pagparito ay nasa buong paligid natin at tila lalong dumadalas at tumitindi… . Bagama’t wala tayong kapangyarihang baguhin ang katotohanan ng Ikalawang Pagparito at di natin alam ang mismong oras, mapapabilis natin ang sarili nating paghahanda at mapagsisikapang impluwensyahan ang paghahanda ng mga nasa paligid natin. Dapat tayong maghanda kapwa sa temporal at sa espirituwal para sa mga kaganapang ipinropesiya sa oras ng Ikalawang Pagparito” (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Mayo 2004, 7–9).

At ang mga babalang ito ay dumating bago pa nangyari ang pinsalang dulot ng bagyo sa pook ng Caribbean at ng tsunami sa East Asia.

Pinagbibilinan tayo ng himnong, “Sino’ng Panig sa Diyos?” na, “Ipabatid ngayon.” Ngayon ang panahon para manindigan sa ating pananampalataya at mga prinsipyo, tulad ni Kapitan Moroni. Kailangan tayo ngayon, mga deacon, teacher, priest, bishop, elder, high priest, at patriarch. Panahon na para ipakita ang pasasalamat natin sa nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Panginoong Jesucristo. Panahon na para ipakita ang ating pananampalataya sa pagsunod sa napakasimpleng mga utos tulad ng mga batas ng kalinisang-puri at ikapu, Word of Wisdom at pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath.

Panahon na para balaan ang ating mga kapitbahay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mensahe ng ebanghelyo sa kanila. Panahon na para maging halimbawa ng pagkadisente at kahinhinan, ng kabutihan at kalinisan sa mundo. Huwag nating sayangin kailanman ang ating kapangyarihan sa priesthood, sa paglublob sa tiwali at nakasisirang dumi at putik ng pornograpiya.

Panahon na para rebyuhin ang mga tipang ginawa natin sa Panginoon sa tubig ng binyag, mga tipang ginawa natin nang tanggapin natin ang panunumpa at tipan ng priesthood, at mga tipang ginawa natin sa Kanyang mga banal na templo.

Panahon na nga para ipakita na tayo’y nasa panig ng Diyos.

Mga kapatid, ito ang Kanyang gawain. Ipinanumbalik ang kaganapan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw na ito sa tulong ni Propetang Joseph Smith. Si Cristo ang nasa ulo ng simbahang ito, at isinusulong ito sa tulong ng Kanyang buhay na propetang si Gordon B. Hinckley. Babalik si Cristo sa lupa upang mamahala at maghari, at balang-araw, bawat isa sa atin ay haharap sa Kanya upang hatulan ayon sa ating kaisipan, gawa, at mga hangarin ng ating puso. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos, at iyan ang aking patotoo, sa Kanyang banal na pangalan, amen.