2005
Ang Kahalagahan ng Kabaitan
Mayo 2005


Ang Kahalagahan ng Kabaitan

Ang kabaitan ang pinakadiwa ng selestiyal na buhay. Mabait makitungo sa kapwa ang taong may katangiang tulad ng kay Cristo.

Maraming taon na ang nakalilipas, noong matawag akong bishop, hinangad ko sa bishopric na bisitahin ang mga di-gaanong aktibo sa Simbahan at tingnan kung may magagawa kami para maihatid ang mga biyaya ng ebanghelyo sa kanilang buhay.

Isang araw, binisita namin ang isang lalaki na nasa edad 50 na at respetadong mekaniko. Sinabi niya sa akin na ang huling pagsisimba niya ay noong bata pa siya. May nangyari nang araw na iyon. Naging magulo siya sa klase at mas maingay kaysa dati nang magalit ang kanyang guro, inilabas siya sa klase, at sinabihan siyang huwag nang bumalik.

Hindi na nga siya bumalik.

Nagulat ako na ang isang binitiwang masakit na salita mahigit 40 taon na ang lumipas ay nagkaroon ng gayon kalaking epekto. Pero nangyari nga. Bunga nito, hindi na kailanman nagbalik ang lalaking ito sa Simbahan. Ni ang kanyang asawa o mga anak.

Humingi ako sa kanya ng paumanhin at ipinakita ang aking kalungkutan sa gayong pagtrato sa kanya. Sinabi ko sa kanyang nakakalungkot na ang isang salitang di pinag-isipan at matagal nang binigkas ay naging dahilan ng hindi pagtamasa ng kanyang pamilya ng mga biyayang dulot ng pagiging aktibo sa Simbahan.

“Pagkatapos ng 40 taon,” sabi ko sa kanya, “panahon na para itama ng Simbahan ang pagkakamaling ito.”

Ginawa ko ang lahat ng magagawa ko. Tiniyak ko sa kanya na tinatanggap at kailangan siya. Nagalak ako nang magbalik sa wakas ang lalaking ito at ang kanyang pamilya sa simbahan at naging matatatag at matatapat na miyembro. Higit sa lahat, ang butihing brother na ito ay naging epektibong home teacher sapagkat nauunawaan niya ang maaaring idulot habambuhay at marahil hanggang sa kabilang buhay ng maliit na bagay tulad ng masakit na salita.

Ang kabaitan ang pinakadiwa ng kadakilaan at ang mahalagang katangian ng mga kilala kong pinakamararangal na kalalakihan at kababaihan. Ang kabaitan ay susi na nagbubukas ng pintuan at lumilikha ng mga kaibigan. Nagpapalambot ito ng puso at humuhubog ng panghabambuhay na mga samahan.

Ang mabubuting salita ay hindi lamang nagpapasigla ng ating mga espiritu sa sandaling sabihin ito, kundi nananatili rin ito sa atin sa paglipas ng mga taon. Isang araw, noong nasa kolehiyo ako, isang lalaking mas matanda sa akin nang pitong taon ang bumati sa akin sa paglalaro ko ng football. Hindi lamang niya pinuri ang husay ko sa paglalaro, kundi napansin din niya na maginoo ako. Bagama’t ang pag-uusap na ito ay nangyari mahigit 60 na taon na ang nakalilipas, at kahit mas malamang na hindi na ito maalala ng taong pumuri sa akin, naaalala ko pa rin ang mabuting salitang sinabi sa akin nang araw na iyon ni Gordon B. Hinckley, na kalaunan ay naging Pangulo ng Simbahan.

Ang pagiging maalalahanin at mabait ay parehong iniuugnay kay Pangulong Hinckley. Nang mamatay ang aking ama noong 1963, si Pangulong Hinckley ang unang taong dumating sa aming tahanan. Hindi ko kailanman malilimutan ang kanyang kabaitan. Binasbasan niya ang aking ina at, bukod pa riyan, nangakong lubos siyang makakaasa at magiging maganda ang buhay. Ang mga salitang ito ay nagbigay-aliw sa aking ina at sa akin, at hindi ko malilimutan kahit kailan ang kanyang kabaitan.

Ang kabaitan ang pinakadiwa ng selestiyal na buhay. Mabait makitungo sa kapwa ang taong may katangiang tulad ng kay Cristo. Dapat makita ang kabaitan sa ating salita at kilos, sa trabaho, sa simbahan at lalo na sa ating tahanan.

Si Jesus, na ating Tagapagligtas, ang pinakamagandang halimbawa ng kabaitan at awa. Pinagaling Niya ang mga maysakit. Ginugol niya halos ang Kanyang panahon sa paglilingkod sa isang tao o kahit sa maraming tao. May habag Niyang kinausap ang babaing taga Samaria na nilalait ng marami. Sinabihan Niya ang Kanyang mga disipulo na hayaang magsilapit ang maliliit na bata sa Kanya. Mabait Siya sa lahat ng nagkasala, isinusumpa lamang ang kasalanan, hindi ang nagkasala. Magiliw Niyang pinahintulutan ang libu-libong Nephita na lumapit at hipuin ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa. Gayunpaman, ang pinakadakila Niyang ginawa ay natagpuan sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, na nagpapalaya sa lahat mula sa mga bunga ng kamatayan, at mula sa epekto ng kasalanan, sa kundisyong tayo’y magsisisi.

Si Propetang Joseph Smith ay nagpakita ng kabaitan sa lahat, bata at matanda, noong nabubuhay pa siya. Ito ang naalala ng isang bata na nagawan ng mabuti ng Propeta:

“Kami ng kuya ko ay pumapasok sa eskuwelahan na malapit sa gusaling kilala bilang tindahan ni Joseph na yari sa ladrilyo. Umulan noong isang araw, kaya’t masyadong maputik ang lupa, lalo na sa daang iyon. Lumubog ang mga paa namin ng kapatid kong si Wallace, at hindi makaalis at dahil bata, umiyak kami sa pag-aakalang hindi na kami makakaalis doon. Pagtingala ko, nakita ko ang mapagmahal na kaibigan ng mga bata, si Propetang Joseph Smith, na papalapit sa amin. Kaagad niya kaming dinala sa mas mataas at tuyong lupa. Pagkatapos ay yumuko siya at inalis ang putik sa maliliit naming sapatos na mabigat na sa putik, kinuha ang panyo sa kanyang bulsa, at pinunasan ang aming luha. Magaganda at masasayang salita ang binigkas niya at pinapunta na niya kami sa paaralan na nagsasaya.”1

Walang hahalili sa kabaitan sa tahanan. Ang aral na ito ang natutuhan ko sa aking ama. Palagi siyang nakikinig sa payo ng aking ina. At ang resulta, siya’y mas naging mahusay, matalino, at mabait na tao.

Sinikap kong tularan ang halimbawa ng aking ama at makinig sa opinyon ng aking asawa. Mahalaga sa akin ang opinyon niya. Halimbawa, kapag nagsisimula siyang magsabi ng “Palagay ko nanaisin mong …” agad akong nakikinig at nag-iisip na baka may nagawa akong mali. Madalas bago pa matapos ng asawa ko ang sasabihin niya, nakakaisip na ako ng magandang paliwanag.

Sa katunayan, ang asawa ko ay huwaran ng kabaitan, kahinahunan, at awa. At ang kanyang ideya, payo, at suporta ay napakahalaga sa akin. Dahil sa kanya, ako rin ay naging mas matalino at mabait na tao.

Ang mga bagay na sinasabi ninyo, ang tono ng inyong pananalita, ang poot o hinahon ng inyong salita—ang mga bagay na ito ay napapansin ng inyong mga anak at ng ibang tao. Nakikita at natututuhan nila sa atin ang magaganda at mga pangit na bagay na sinasabi natin o ginagawa. Mas nakikita ang tunay nating pagkatao sa paraan ng pakikitungo natin sa isa’t isa sa tahanan.

Madalas akong nagtataka kung bakit iniisip ng iba na dapat silang mamintas ng kapwa. Sa palagay ko, nakagawian na nila ito, at nagiging natural na kaya kadalasa’y hindi na nila ito pinag-iisipan. Pinipintasan nila ang lahat ng bagay at kahit sino—kung paano kumumpas si Sister Jones, kung paano magturo ng lesson o magtanim ng halaman si Brother Smith.

Kahit na akala nati’y hindi tayo nakasasakit sa ating pamimintas, magbubunga ito nang di maganda. Naalala ko ang isang batang lalaki na nag-abot ng sobre ng donasyon sa kanyang bishop at sinabing ito’y para sa kanya. Ang bishop, na sinamantala ang pagkakataon para turuan ang bata, ay ipinaliwanag na dapat niyang sulatan ang sobre kung ito ay para sa ikapu, handog- ayuno, o iba pa. Iginiit ng bata na ang sobre ay para sa bishop talaga. Nang tanungin ng bishop kung bakit, sumagot ang bata na, “Sabi po kasi ng tatay ko kayo ang isa sa mga pinakamahirap na naging bishop namin.”

Ang Simbahan ay hindi isang lugar kung saan nagtitipon ang mga perpektong tao para magsalita ng mga perpektong bagay, o magkaroon ng perpektong kaisipan, o perpektong damdamin. Ang Simbahan ay lugar kung saan nagtitipon ang mga di perpektong tao para hikayatin, suportahan, at paglingkuran ang isa’t isa habang nagpapatuloy tayo sa ating paglalakbay pabalik sa ating Ama sa Langit.

Bawat isa sa atin ay iba ang lalakbaying landas sa buhay na ito. Bawat isa ay uunlad sa magkakaibang antas. Ang mga tuksong nagpapahirap sa iyong kapatid ay maaaring walang anuman sa iyo. Ang mga kalakasang taglay mo ay maaaring imposible sa iba.

Huwag kailanman kutyain ang mga taong di-kasing galing ninyo. Huwag kayong mainis kung di sila kasing- galing ninyong manahi, hindi kasing-husay ninyong maghagis, magsagwan o mag-asarol.

Lahat tayo ay anak ng ating Ama sa Langit. At naririto tayo sa iisang layunin: ang matutuhan Siyang mahalin nang buong puso, kaluluwa, isip, at lakas, at ang mahalin ang ating kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili.2

Ang isang paraan para masukat ang inyong kahalagahan sa kaharian ng Diyos ay ang tanungin ang sarili, “Gaano kahusay ang nagawa ko sa pagtulong sa iba na maabot ang kanilang potensiyal? Sinusuportahan ko ba ang iba sa Simbahan, o pinipintasan sila?”

Kung pinipintasan ninyo ang ibang tao, pinahihina ninyo ang Simbahan. Kung pinatatatag ninyo ang iba, itinatatag ninyo ang kaharian ng Diyos. Dahil mabait ang Ama sa Langit tayo rin ay dapat maging mabait sa isa’t isa.

Si Elder James E. Talmage, isang taong naaalala dahil sa kanyang mga turo ng doktrina, ay nagpakita ng malaking kabaitan sa kapitbahay nilang pamilya na nangangailangan. Hindi niya sila talaga kilala. Bago siya naging Apostol, bilang isang batang ama, alam niya ang malaking hirap na dinaranas ng kanyang kapitbahay, isang malaking pamilya na tinamaan ng nakakatakot na diptheria. Wala siyang pakialam kung hindi man sila miyembro ng Simbahan; at ang kanyang kabaitan at pagmamahal ang nagtulak sa kanya para tumulong. Ang Relief Society ay masigasig sa paghahanap ng taong tutulong, subalit wala ni isa man dahil sa nakakahawa ang sakit na ito.

Nang dumating si James, nakita niyang patay na ang isang bata, at dalawang maliliit na bata ang hirap na hirap na sa sakit. Kaagad siyang kumilos, nilinis niya ang maruming bahay, inayos ang katawan ng bata para ilibing, naglinis at inasikaso ang iba pang maysakit na bata, ginugol ang buong araw sa paggawa nito. Bumalik siya kinabukasan at nalamang isa pang bata ang namatay nang gabing iyon. Hirap na hirap pa rin ang ikatlong bata. Isinulat niya sa kanyang journal: “Kumapit siya sa leeg ko, na madalas umuubo ng [mikrobyo] sa aking mukha at damit, … pero hindi ko siya mailayo sa akin. Sa loob ng kalahating oras bago siya mamatay, naglakad- lakad ako na karga ang bata. Namatay siyang naghihirap nang alas 10 ng umaga.” Tatlong bata ang namatay sa loob lamang ng 24 na oras.Tinulungan niya ang pamilya sa pag-aayos ng libing at nagsalita sa kanilang burol.3 Ang lahat ng ito ay ginawa niya para sa pamilya ng mga estranghero. Kaygandang halimbawa ng kabaitang tulad ng kay Cristo!

Kapag puno tayo ng kabaitan, hindi tayo mapanghusga. Itinuro ng Tagapagligtas, “Huwag kayong mangagsihatol, at hindi kayo hahatulan: at huwag kayong mangagparusa, at hindi kayo parurusahan: mangag[patawad] kayo, at kayo’y [patatawarin].”4 Kanya ring itinuro na, “sapagkat sa hatol na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo: at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.”5

“Pero,” tanong ninyo, “paano kung walang-galang ang mga tao?”

Mahalin sila.

“Paano kung nakakainis na sila?”

Mahalin sila.

“Eh, kung nakakasakit na sila? Siyempre kikilos na ako, di ba?”

Mahalin sila.

“Mga suwail?”

Ganoon pa rin ang sagot. Maging mabait. Mahalin sila.

Bakit? Sa mga banal na kasulatan itinuro ni Judas, “At ang ibang nagaalinlangan ay inyong kahabagan.”6

Sino ang makapagsasabi ng magiging impluwensiya natin kung magiging mabait lang tayo?

Mga kapatid, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hanggang sa kabilang buhay. Ang gawain natin dito ay anino lamang ng mas dakila at di mailalarawang bagay na darating.

Nabuksan ang kalangitan kay Propetang Joseph Smith. Nakita niya ang buhay na Diyos at ang Kanyang Anak, si Jesus ang Cristo.

Sa ating panahon, isang propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ang nabubuhay sa mundo at nagbibigay ng tagubilin sa ating panahon.

Dahil mahal tayo ng ating Ama sa Langit, nararapat din nating mahalin ang Kanyang mga anak.

Nawa’y maging huwaran tayo ng kabaitan. Nawa’y maipamuhay natin ang mga salita ng Tagapagligtas: “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.”7 Pinatototohanan ko ang lahat ng katotohanang ito sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Sa Juvenile Instructor, Ene. 15, 1892, 66–67 ni Margarette McIntire Burgess.

  2. Tingnan sa Marcos 12:30–31.

  3. Tingnan sa The Talmage Story: Life of James E. Talmage—Educator, Scientist, Apostle (1972), 112–14 ni John R. Talmage.

  4. Lucas 6:37.

  5. Mateo 7:2.

  6. Judas 1:22.

  7. Juan 13:35.