2005
Ang Sagradong Tawag na Maglingkod
Mayo 2005


Ang Sagradong Tawag na Maglingkod

Ang pagganap sa tungkulin ng isang tao ay nagdudulot ng kaligayahan at kapayapaan.

Nais ko ring batiin yaong mga tinawag sa bagong tungkulin sa kumperensyang ito at taos-puso ko ring binabati yaong mga tumanggap ng marangal na release sa kanilang paglilingkod. Sumusulong ang gawain. Mahal namin ang bawat isa sa inyo.

Mahal na mga kapatid, karangalan ko ang pribilehiyong magsalita sa inyo ngayong gabi. Nakatutuwang makita ang maringal na Conference Center na ito na puno ng mga bata’t matandang may priesthood ng Diyos. Malaking responsibilidad ang hatid sa akin ng kaalaman na nagtitipon din sa buong mundo ang ganitong mga grupo. Dalangin ko na gabayan ng Panginoon ang aking isipan at bigyang-inspirasyon ang aking sasabihin.

Ito ang pahayag ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa priesthood. Sabi niya, “Ang Banal na Priesthood ay awtoridad na ipinagkaloob ng Diyos sa tao, kung saan masasabi niya ang kalooban ng Diyos… . Ito ay sagrado at dapat itong ituring ng mga tao na sagrado. Dapat itong igalang at pagpitaganan ng sinumang may hawak nito.”1

Ang sumpa at tipan ng priesthood ay nauukol sa ating lahat. Sa mga may Melchizedek Priesthood, ito ay pagpapahayag ng pangangailangan nating maging tapat at masunurin sa mga batas ng Diyos, at gampanan ang mga tungkuling dumarating sa atin. Sa mga may Aaronic Priesthood, ito ang pagpapahayag ng mga magiging tungkulin at responsibilidad ninyo, upang maihanda nila ang kanilang sarili ngayon mismo.

Sabi ni Pangulong Marion G. Romney, dating miyembro ng Unang Panguluhan: “Bawat lalaking may Melchizedek Priesthood ay dapat tumalima nang masigasig at tapat sa mga pahiwatig ng sumpa at tipang ito na kanyang tinanggap. Ang di pagsunod sa mga obligasyong itinakda nito ay tiyak na magdudulot ng kabiguan, lungkot, at dusa.”2

Dagdag pa ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Sinisira ng isang lalaki ang [kanyang] tipan sa priesthood sa paglabag sa mga utos—pero gayundin sa hindi pagganap sa kanyang mga tungkulin. Kaya nga, masisira niya ang tipang ito kung hindi siya kikilos.”3

Naobserbahan ng isang bantog na ministro: “Magpapagod ang mga tao para kumita. Lalo silang magpapagod para sa ibang tao. Pero magpapagod sila nang husto kapag dedikado sila sa isang adhikain… . Kailanma’y hindi marapat na nagagampanan ang tungkulin ng isang tao hangga’t hindi ito ginagampanan ng isang taong handang gumawa ng higit pa kung kaya lang niya.”4

Ang pagganap sa tungkulin ng isang tao ay nagdudulot ng kaligayahan at kapayapaan. Isinulat ng makata:

Natulog ako’t nanaginip na buhay ay galak.

Nagising ako’t nakitang buhay ay tungkulin.

Kumilos ako, at masdan—

Tungkulin ay galak.5

Maaaring dumating nang tahimik ang tawag ng tungkulin kapag tayong may priesthood ay gumaganap ng tungkuling tinanggap natin. Ipinahayag ng simple ngunit mahusay na lider na si Pangulong George Albert Smith, “Tungkulin ninyo una sa lahat na malaman ang nais ng Panginoon at pagkatapos sa kapangyarihan at lakas ng [inyong] banal na Priesthood ay magampanan ninyo ang inyong tungkulin sa harapan ng inyong kapwa … upang matuwang sumunod sa inyo ang mga tao.”6

Ano ang ibig sabihin ng gampanan ang tungkulin? Ibig sabihi’y bigyan ito ng dignidad at halaga, gawin itong marangal at kalugud-lugod sa mga mata ng lahat ng tao, palawakin at patatagin ito, ipakita sa iba ang impluwensya ng langit sa ating tungkulin.

At paano ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin? Sa pagganap lang sa paglilingkod na ukol dito. Ginagampanan ng elder ang tungkulin ng elder sa pag-alam sa mga tungkulin niya bilang elder at pagsasagawa ng mga ito. Ganoon din ang dapat gawin ng deacon, teacher, priest, bishop, at bawat lalaking may tungkulin sa priesthood.

Ipinaalala sa atin ng makata at awtor na si Robert Louis Stevenson, “Alam ko kung ano ang kasiyahan, dahil maganda ang ginawa ko.”

Mga kapatid, alalahanin natin ang payo ni Haring Benjamin: “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod ng inyong Diyos.”7

Tumulong tayong iligtas ang mga nangangailangan ng ating tulong at iahon sila sa mas mataas na lugar at mas mainam na daan. Ituon natin ang ating isipan sa pangangailangan ng mga may priesthood at kanilang mga asawa’t anak na di-aktibo. Nawa’y pakinggan natin ang di-mabigkas na mensahe ng kanilang puso. Pamilyar ito sa inyo: “Akayin at patnubayan, sa tamang daan. Turuan ng gagawin nang siya’y makapiling.”8

Ang pagpapaaktibo ay hindi para sa mga tamad o mahilig mangarap. Lumalaki ang mga anak, tumatanda ang mga magulang, at lumilipas ang oras. Huwag ipagpaliban ang pagsunod sa inspirasyon; bagkus, kumilos, at gagawa ng paraan ang Panginoon.

Madalas kailanganin ang banal na katangiang pagtitiyaga, Bilang bishop isang araw ay nadama kong dapat kong tawagan ang isang lalaking medyo aktibo ang asawa’t mga anak. Gayunman, hindi tumugon ang lalaking ito kahit kailan. Isang araw ng tag-init iyon nang kumatok ako sa pintuang screen ni Harold G. Gallacher. Nakita kong nakaupo si Brother Gallacher at nagbabasa ng diyaryo. “Sino ‘yan?” tanong niya, na di tumitingin.

“Ang bishop mo,” sagot ko. “Naparito ako para makipagkilala at himukin kayong dumalo ng pamilya mo sa mga miting natin.”

“Hindi, masyado akong abala,” pagbabalewala nito. Ni hindi ito tumingin. Pinasalamatan ko siya sa pakikinig at umalis na.

Di naglao’y lumipat ang pamilyang Gallacher sa California. Lumipas ang maraming taon. Nang maging miyembro ako ng Korum ng Labindalawa, nagtatrabaho ako sa opisina nang tumawag ang sekretarya ko, at sabi’y, “May isang Brother Gallacher pong narito sa opisina na dati raw nakatira sa ward ninyo at gusto kayong kausapin.”

Sagot ko, “Itanong mo kung siya si Harold G. Gallacher, na tumirang kasama ng pamilya niya sa Vissing Place sa West Temple at Fifth South.”

Sabi niya, “Siya nga po.”

Sinabi ko sa sekretarya na papasukin siya. Masaya kaming nag-usap tungkol sa pamilya niya. Sabi niya sa akin, “Naparito ako para ihingi ng paumanhin ang di ko pagtayo para papasukin ka noong araw na iyon ng tag-init maraming taon na ang lumipas.” Itinanong ko kung aktibo siya sa Simbahan. Nakangiti siyang sumagot, “Pangalawang tagapayo ako ngayon sa ward bishopric namin. Nabagabag ako nang husto sa pagtanggi ko sa paanyaya mong magsimba, kaya nagpasiya akong remedyuhan ito.”

Maraming beses kaming nagkausap ni Harold bago siya pumanaw. Maraming naging katungkulan sa Simbahan ang mga Gallacher at kanilang mga anak.

Ipinahayag ni Pangulong Stephen L. Richards, na naging tagapayo kay Pangulong David O. McKay: “Ang karaniwang kahulugan ng Priesthood ay ‘kapangyarihan ng Diyos na itinalaga sa tao.’ ” Sabi pa niya: “Palagay ko, tumpak ang pakahulugang ito. Ngunit sa praktikal na paraan gusto kong ipaliwanag ang Priesthood ayon sa paglilingkod, at madalas ko itong tawaging ‘perpektong plano ng paglilingkod. ’… Ito’y kasangkapan sa paglilingkod … at malamang na mawala ito sa taong hindi gagamit nito, dahil malinaw ang pahayag sa atin na siya na kaliligtaan ito ay ‘di ituturing na marapat manungkulan.’ ”9

Nitong nakaraang Enero, nagkapribilehiyo akong saksihan ang tapat na paglilingkod sa buhay ng isang babaeng nanirahan sa ward ko noong ako ang bishop maraming taon na ang nakaraan. Adele ang pangalan niya, at sila ng dalawa niyang anak na dalaga—na ang isa’y may kapansanan—ay matagal na tumira sa Rose Park area ng Salt Lake Valley. Si Adele, na isang balo, ay naghihikahos, at madalas na nahihirapan sa buhay.

Inimbitahan ako sa telepono ng isang taong kasama sa Gingerboard House Project sa pasinaya ng bahay ni Adele, na tatlong araw at gabing inayos at pinaganda ng mababait at mapagbigay na mga tao na boluntaryong nagtrabaho gamit ang mga materyales na bigay ng maraming negosyante sa lugar. Pagkatapos mapaganda ang bahay niya, pinamalagi muna si Adele at kanyang mga anak sa isang malayong lungsod kung saan sila inasikaso nang husto.

Naroon ako nang dumating ang limousine na naghatid kay Adele at sa mga anak niya sa lugar. Hindi lang pamilya at mga kaibigan ang nasa grupong naghihintay sa kanila kundi marami sa mga nagtrabaho sa proyektong iyon araw at gabi. Malinaw na nasiyahan sila sa resulta at sabik nang makita ang reaksyon ni Adele at ng kanyang mga anak.

Bumaba ng kotse ang mga babae, na nakapiring. Nakakakilig ang sandaling tinanggal na ang mga piring at luminga sina Adele at kanyang mga anak at nakita ang bagong bahay nila. Talagang namangha sila sa napakagandang proyektong natapos, pati na sa bagong disenyo ng harapan, sa bahaging idinagdag sa bahay mismo at sa bagong bubong. Mukhang bago at napakalinis ng harapan. Hindi nila mapigilang umiyak.

Sinamahan ko si Adele at ang iba pa sa pagpasok sa bahay at namangha kami sa ginawa upang mapaganda at mapalawak ang paligid. Pininturahan ang mga pader, binago ang sapin ng sahig. Bago ang mga gamit, maninipis at makakapal na kurtina. Pinalitan ang paminggalan sa kusina; bago ang mga patungan at kasangkapan. Binago nang husto ang buong kabahayan mula itaas hanggang ibaba, malinis at maganda ang bawat silid. Walang pagsidlan sa tuwa si Adele at ang mga anak niya. Gayunman, nakaaantig din ang nakalarawan sa mukha ng mga lubhang nagpagod para mabago ang bahay. Dumaloy ang luha sa kanilang mga mata nang masaksihan nila ang galak na naidulot nila sa buhay ni Adele at ng kanyang mga anak. Hindi lang napagaan ang pasanin ng isang balo, kundi naantig din nito ang buhay ng marami pang iba. Bumait silang lahat sa pakikibahagi sa gawaing ito.

Binigyan tayo ni Pangulong Harold B. Lee, isa sa magagaling na guro sa Simbahan, ng payo tungkol sa priesthood na madaling unawain. Sabi niya: “Alam ninyo, kapag nagka-priesthood ang isang tao, nagiging kinatawan siya ng Diyos. Dapat niyang isipin na para siyang naglilingkod sa Panginoon sa kanyang tungkulin.”10

Ngayon, ilan sa inyo ay maaaring likas na mahiyain, o siguro akala ninyo’y wala kayong kakayahang gumanap sa tungkulin. Tandaan na ang gawaing ito ay hindi lang sa inyo at sa akin. Gawain ito ng Panginoon, at kapag nasa paglilingkod tayo ng Panginoon, mga kapatid, may karapatan tayo sa tulong Niya. Tandaan na tutulungan tayo ng Panginoon sa mga pasaning iniatang sa atin.

Kahit kung minsan ay nakakakaba sa loob ng klase, ilan sa pinakaepektibong pagtuturo ay sa ibang lugar nagaganap kaysa sa kapilya o sa klase. Tandang-tanda ko pa na noong tagsibol ng nakaraang ilang taon, dinala ng mga miyembro ng aming ward at kalapit na ward ang lahat ng may Aaronic Priesthood na sabik na umasam sa taunang pamamasyal para gunitain ang panunumbalik ng Aaronic Priesthood. At sa partikular na okasyong ito 90 milya pahilaga ang nilakbay namin sakay ng bus patungong sementeryo ng Clarkston, Utah. Doon, sa katahimikan ng magandang tanawing iyon, tinipon namin ang kabataan sa puntod ni Martin Harris, isa sa Tatlong Saksi sa Aklat ni Mormon. Habang nakapaligid kami sa magandang granitong batong tanda sa kanyang puntod, ikinuwento ni Elder Glen L. Rudd, na noo’y bishop ng kabilang ward, ang buhay ni Martin Harris at binasa sa Aklat ni Mormon ang patotoo nito at nina Oliver Cowdery at David Whitmer. Nakinig na mabuti ang mga binatilyo, batid na nakatayo sila sa puntod ng isang taong nakakita ng isang anghel at nakakita mismo sa mga lamina. Mapitagan nilang hinaplos ang granitong palatandaan sa puntod at pinag-isipan ang narinig at nadama nila.

Pagkatapos ay naglakad kami nang kaunti papunta sa puntod ng isang pioneer. Nakalagay sa palatandaan ang pangalan ni John P. Malmberg at nakasulat ang talatang:

Liwanag ay naglaho sa sambahayan.

Tinig na mahal humalili’y katahimikan

Sa aming mga puso puwang na naiwan

Ay di mapupunan magpakailanman.

Kinausap namin ang mga bata tungkol sa sakripisyo, at katapatan sa katotohanan. Tungkulin, dangal, paglilingkod at pagmamahal—lahat ay naituro sa puntod na iyon. Sa isipan ko’y parang nakita kong dinukot ng mga batang lalaki ang kanilang panyo para magpahid ng luha. Narinig din ang mga singhot na nagpatunay na naantig ang mga puso at may mga pangakong ginawa. Naniniwala ako na ipinasiya ng bawat kabataan na maging pioneer—isang taong nauuna, na ipinakikita sa iba ang daang tatahakin.

Pagkaraa’y nagpahinga kaming grupo sa parke doon, at masayang nananghalian. Bago umuwi, huminto kami sa bakuran ng magandang templo sa Logan. Mainit noon. Niyaya kong humiga sa malawak na damuhan ang mga bata at tumingala sa bughaw na langit, na may puti at alun-along ulap na tinatangay ng hangin. Humanga kami sa ganda ng maringal na templo ng mga pioneer. Pinag-usapan namin ang mga sagradong ordenansa at walang-hanggang tipan. May mga aral na natutuhan. Mga puso’y naantig. Naging mas mahalaga ang mga tipan at pangako. Nakintal sa puso ng mga kabataan ang paghahangad na maging karapat-dapat na pumasok sa templo. Nabaling ang mga isipan sa Panginoon; parang naroon Siya. Kahit papaano, ang magiliw Niyang paanyayang “Sumunod kayo sa akin” ay narinig at nadama.

Sa lahat na handang tumugon sa sagradong tawag na maglingkod ay may pangako, “Ako, ang Panginoon, ay maawain at mapagmahal sa mga yaong may takot sa akin, at nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa akin sa kabutihan at sa katotohanan hanggang sa katapusan.

“Dakila ang kanilang gantimpala at walang hanggan ang kanilang kaluwalhatian.”11

Taimtim kong dalangin na lahat tayo’y maging karapat-dapat sa banal na pangakong ito, sa ngalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas, Amen.

Mga Tala

  1. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 140.

  2. Sa Conference Report, Mexico City Mexico Area Conference 1972, 73.

  3. The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball, 497.

  4. Harry Emerson Fosdick, sa Vital Quotations, tinipon ni Emerson Roy West (1968), 38.

  5. Rabindranath Tagore (1861–1941).

  6. Sa Conference Report, Abr. 1942, 14.

  7. Mosias 2:17.

  8. Naomi W. Randall, “Ako ay Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 189.

  9. Conference Report, Abr. 1937, 46.

  10. Sa Conference Report, Mexico City Mexico Area Conference 1972, 77.

  11. D at T 76:5–6.