2005
Ano ang Inyong Hinahanap?
Mayo 2005


Ano ang Inyong Hinahanap?

Ang matatapat maghanap sa katotohanan ay nakakatagpo ng mga sagot sa kanilang mga tanong—natatagpuan nila ang Panginoon sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.

Mahirap talagang sundan ang napakagaling na korong ito. Salamat ulit sa inyo, koro, sa maganda ninyong musika.

“Nang kinabukasan ay muling nakatayo si Juan, at ang dalawa sa kaniyang mga alagad;

“At kaniyang tiningnan si Jesus samantalang siya’y naglalakad, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios!

“At narinig siyang nagsalita ng dalawang alagad, at sila’y nagsisunod kay Jesus.

“At lumingon si Jesus, at nakita silang nagsisisunod, at sinabi sa kanila, Ano ang inyong hinahanap?” (Juan 1:35–38).

Nakikita natin ang daigdig ngayon na naghahanap ng mga sagot sa tanong na, Ano ang inyong hinahanap? sa napakaraming iba’t ibang paraan. Napakaraming gumagawa ng mga bagay na hindi makakabuti sa kanilang kaluluwa.

Ilalarawan ko ang karanasan ng Europe Central Area Presidency habang sakay ng tren papunta sa isang miting. Sinasamantala namin ang pagsasama-sama namin para talakayin ang mga tungkulin namin. Inusisa ng isang lalaking nakaupo sa pasilyo kung ano ang pinag-uusapan namin. Sa huli ay nagtanong siya, “Protestante ba kayo o Katoliko?” Sagot namin, “Hindi. Kami’y mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Inamin niyang narinig na niya ang tungkol sa Simbahan, pero patuloy niyang sinabing, “Hindi kayo magtatagumpay sa bansang ito. Simbahang Katoliko at Protestante lang ang kinikilala ng gobyerno. Sila lang ang tumatanggap ng suportang pinansyal sa gobyerno. Hindi iiral ang isang simbahan nang walang suportang pinansyal sa gobyerno.”

Sinikap naming ipaliwanag na hindi nangangailangan ng tulong ng gobyerno ang ating Simbahan—na ginagamit natin ang sistemang ikapu ng Panginoon. Iginiit niya na hindi magtatagumpay ang ating Simbahan sa kanyang bansa at iminungkahi na dapat siguro naming ilipat sa ibang lugar ang ating gawain. Siyempre pa, nagpatotoo kami na nagtatagumpay ang sistema ng Panginoon at ikinuwento sa kanya ang tungkol sa lahat ng kapilya at templong itinatayo natin sa buong mundo nang hindi nanghihiram para itayo ang mga ito. Parang gulat na gulat siya pero hindi pa rin siya naniwala.

Nang hindi namin siya mapaniwala na kayang umiral ng isang simbahan kahit walang suporta ng gobyerno, sinikap naming baguhin ang usapan. Itinanong ko, “Ano ang mangyayari sa inyong bansa sa mga pagbabagong nagaganap? Sa pagbagsak ng populasyon at pagdami ng mga dayo, masasapawan kayo ng iba sa sarili ninyong lupain.”

May pagmamalaki sa kanyang bansa, sumagot siya, “Hinding-hindi ito mangyayari.”

Sabi ko naman, “Paano mo mapaninindigan ang gayong paniniwala samantalang mas marami ang dayo kaysa ipinanganganak sa inyong bansa?” Panay ang giit niya na hinding-hindi ito mangyayari sa kanyang bansa—“aba, ihihinto nila ang pandarayuhan sa aming lupain bago pa ito mangyari.”

Pamimilit ko, “Paano ninyo ito mapipigilan sa nangyayari ngayon?”

Nagulat ako sa sagot niya: “Ako’y 82 anyos na. Patay na ako bago pa dumating ang problemang iyan.”

Ang malaking problema natin sa pangangaral ng ebanghelyo sa lugar na ito ng daigdig ay ang karaniwang kawalan ng interes sa relihiyon, sa mga bagay na espirituwal. Kayraming komportable na sa kasalukuyan nilang pamumuhay at wala nang gustong gawin kundi “magsikain, magsiinom, at magsipagsaya” (Lucas 12:19). Hindi sila interesado sa kahit anong bagay maliban sa kanilang sarili—dito at ngayon.

Nagiging makamundo ang mga paniniwala at kilos ng mauunlad na bansa sa mundo at nangangatwiran sila na ganap ang kalayaan ng tao. Hindi na raw kailangang magsulit ang tao kaninuman o ng anuman maliban sa kanyang sarili at, sa limitadong pagkakataon, sa lipunang kanyang ginagalawan.

Malaki ang espirituwal at moral na pananagutan ng mga lipunang pinag-uugatan ng ganitong uri ng sekular na pamumuhay. Ang paghahangad sa tinatawag na kalayaan ng tao, na walang pagpapahalaga sa mga batas na itinatag ng Panginoon para pamahalaan ang Kanyang mga anak sa mundo, ay maghahatid ng sumpa ng matinding kamunduhan at kasakiman, ng pagbagsak ng moralidad ng bansa at ng tao, at pagsuway sa awtoridad.

Ang gayong mga sekular na lipunan ay inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 1:16: “Hindi nila hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang kabutihan, kundi ang bawat tao ay lumakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos, na kung kaninong larawan ay kahalintulad ng daigdig.”

Dahil dito, pinagbilinan ang Simbahan ng Panginoon na sundin ang propeta at hangarin ang bagay na hindi hinahangad ng daigdig. Ituloy natin sa mga talata 17–18 sa unang bahagi:

“Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan;

“At nagbigay rin ng mga kautusan sa iba, na dapat nilang ihayag ang mga bagay na ito sa sanlibutan; at ang lahat ng ito ay upang maisakatuparan, ang yaong isinulat ng mga propeta.”

Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith naipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo sa mundo—“taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (D at T 98:12). Sa tulong ng langit naisalin niya at nailathala ang Aklat ni Mormon. Naigawad sa kanila ni Oliver Cowdery ang Aaronic at Melchizedek Priesthood, at ibinalik ang mga banal na ordenansa para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Matapang naming ipinahahayag na sinasagot ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanong na, Ano ang inyong hinahanap? Ang ating Simbahan ang daan para matagpuan ng kalalakihan at kababaihan ang ating Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo. Kayong mga nagtipon dito sa malaking kongregasyong ito, at sa mas maraming Banal na nanonood sa kumperensyang ito sa buong mundo, ay lubos na pinagpala dahil hinanap ninyo at natagpuan ang ipinanumbalik na Simbahan.

Naitatag ang Simbahan dahil sa panunumbalik at hindi sa repormasyon. Ang mga karanasan ko sa gitnang Europa kamakailan ay talagang nagpatindi sa paggalang ko sa papel na ginampanan ng mga Kristiyanong lider noon na nagpasimula ng repormasyon. Nagsimula ito sa kanilang pagsisikap na itama ang ilang mali sa doktrina sa mahabang panahon ng apostasiya sa Simbahang itinatag ng ating Tagapagligtas noong Kanyang ministeryo sa lupa. Si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, ang tagapagsalita ng Panginoon, at nagpanumbalik sa lahat ng bagay na mahalaga sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos at paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Panginoong Jesucristo. Kapag hinahanap natin ang ating Tagapagligtas, mahalagang hanapin Siya sa Kanyang Simbahan. Sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan natin matatanggap ang lahat ng nakapagliligtas na ordenansang kailangan para makabalik sa Kanya.

Nais kong malaman ng lahat ng miyembro ng Simbahan na nalaman ko sa tungkulin ko ngayon na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo ay may mga pagsubok na hindi ko naisip kailanman. Subalit araw-araw akong nakakakita ng mga bagong palatandaan ng pag-asa, karamihan ay dahil sa pagpapala ng Panginoon, pero maging sa pagsisikap ng mga lider, miyembro at misyonero sa lugar na iyon ng mundong ito. Ang mga tapat na naghahanap sa katotohanan ay nakatatagpo ng mga sagot sa kanilang mga tanong—natatagpuan nila ang Panginoon sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Sa dami ng halimbawang maibibigay ko, tatlo ang ibibigay ko: isang ama, isang binata, at isang dalaga na nakahanap ng bagong pananampalataya at bagong pag-asa sa kanilang buhay.

Apat na magkakapamilya ang nakontak ng mga misyonera at sa simula pa lang ay madalas nang basahin ng ina at kanyang mga anak ang Aklat ni Mormon, nanalangin araw-araw, at gusto nang magsimba. Gayunma’y ayaw ng ama—hindi tulad ng kanyang asawa, hindi siya Kristiyano, at hindi pa siya handang suriin ang kanyang paniniwala.

Nabigyang-inspirasyon ang mga misyonera na ituon kay Jesucristo ang mga turo nila. Ayon sa kanila:

“Itinuro namin si Joseph Smith, ang pananampalataya niya kay Cristo, at ang natutuhan namin tungkol kay Cristo mula sa Unang Pangitain, at ang patotoo ng Propeta sa ating Tagapagligtas. Lahat ng binasa namin nang sabay o hiniling na basahin ng magpapamilya mula sa Aklat ni Mormon ay nagturo sa kanila ng maraming bagay tungkol sa ating Manunubos. Noon kami nakakita ng progreso. Buong pagmamalaki silang nagsabit ng nakakuwadrong larawan ni Cristo sa sala—regalo namin iyon sa kanila.”

Nagbago ang puso ng ama nang sabihin ng kanyang asawa na nais niyang magpabinyag, at ang kanyang mga anak na lalaki naman ay nagdesisyong magdasal para malaman kung magpapabinyag din sila. Mula noon, regular na siyang nagbabasa sa Aklat ni Mormon at nagdasal tungkol sa pagpapabinyag. Ang tapat niyang hangaring malaman kung totoo ang Simbahan ang nagpabago sa kanya, at naging espirituwal na lider siya sa bahay nila. Bago sila nabinyagan ng kanyang pamilya, humingi ng tithing slip at sobre ang ama. Ayaw niyang ipagpaliban ang pagsunod sa mga utos kahit isang saglit.

Sa isa pang pangyayari, napaaktibo ang isang binata dahil sa inisyatibong pagtulong na pabalikin sa pagkaaktibo ang mga binata’t dalagang edad 18 hanggang 30. Sa unang gabi ng aktibiti sa isa sa mga gusali ng ating Simbahan, ang brother lang na ito ang hindi misyonero, pero sa loob lang ng ilang linggo, nakapagdala siya ng mga 30 katao sa family home evening at iba pang mga aktibiti.

Ang brother na ito ay Web site designer—nagsimula sila ng kanyang kasosyo ng sarili nilang negosyong Web Design. May kasama siyang dalawang hindi miyembro sa bahay, na kapwa nagtatrabaho sa kanyang kompanyang Web design. Ang lakas ng loob niyang magbahagi ng patotoo. Isa sa mga kasamahan niya sa trabaho ang nakapag-aral ng relihiyong Kristiyano, at pinaturuan siya ng brother na ito sa mga misyonerong naglilingkod sa programa ng young single adult. Ngayo’y regular nang dumadalo sa mga aktibiti ang kasamahan niya sa trabaho, at tumutulong ang napaaktibong brother na ito sa mga misyonero sa pagtuturo sa kasamahan niya, sa pagdaragdag ng kanyang patotoo sa patotoo ng mga misyonero tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo.

Sa isa pang pangyayari, isang dalaga mula sa Hamburg, Germany, ang nagpupunyaging makakita ng espirituwal na kahulugan sa kanyang buhay. Nagsimula siyang manalangin at magtanong sa Diyos kung ano ang dapat niyang gawin. Isang umaga, matapos ang tatlong araw na pag-aayuno at maraming panalangin, naglakad siya mula sa kanila hanggang sa sakayan ng bus. Pagdating niya roon, natanto niya na naiwan niya sa bahay ang ilang susing kailangan niya sa araw na iyon. Umuwi siya, kinuha ang mga susi, at muling naglakad papunta sa sakayan ng bus. Nalungkot siya nang malamang nakaalis na ang bus na lagi niyang nasasakyan.

Samantala, dalawang misyonero ang sakay ng bus malapit sa lungsod ng Hamburg. Habang naglalakbay, bigla nilang naisip na kausapin ang unang taong makita nila pagbaba ng bus. Bumaba ng bus ang dalawang elder at dagling nakita ang dalagang ito. Bahagya nila itong kinausap tungkol sa Simbahan at iniskedyul ang pagtuturo sa kanya. Naramdaman niya agad na kahit paano’y isinugo ang mga elder sa kanya bilang tugon sa kanyang mga dalangin. Sumama sa mga misyonero ang mababait na miyembro ng Simbahan sa pagtuturo sa kanya at tinulungan siyang madama na mahalagang bahagi siya ng kanilang ward. Tinanggap niya ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at nabinyagan. Naglilingkod siya ngayon sa programa ng ward Young Women.

Kinilala ng Panginoon, sa Kanyang ministeryo sa lupa, ang pangangailangang magtayo ng istruktura para mapalakas ang pananampalataya sa puso ng mga miyembro ng Kanyang Simbahan at patuloy silang umunlad sa Kanyang ebanghelyo. Ang pamilyang ito, ang brother at sister na ito ay pawang natagpuan ang Tagapagligtas sa kanilang paghahanap at napalakas ng Kanyang Simbahan.

Pagkamatay ng mga Apostol, dahil walang pamunuang namahala para patnubayan at gabayan ito, unti- unting nag-apostasiya ang Simbahan. Ang partikular na aral na ito sa kasaysayan ay malinaw: Kailangang magkaroon ng sentralisadong pamahalaan ang Simbahan, sa ilalim ng patnubay ng Tagapagligtas, na magbibigay ng mahahalagang doktrina at ordenansa para sa kaligtasan at kadakilaan.

Nagbibigay ang Biblia ng napakaraming patunay na itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan noong ministeryo Niya sa lupa, na may wastong awtoridad at organisasyon. Halimbawa, sabi ni Pablo:

“At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba’y propeta; at ang mga iba’y evangelista; at ang mga iba’y pastor at mga guro:

“Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:

“Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo:

“Upang tayo’y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabi-kabila ng lahat ng hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian;

“Kundi sa pagsasalita ng katotohanan na may pagibig, ay mangagsilaki sa lahat ng mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, sa makatuwid baga’y si Cristo” (Mga Taga Efeso 4:11–15).

Ipinahahayag natin sa ating ikaanim na saligan ng pananampalataya, “Naniniwala kami sa samahan ding yaon na umiral sa Sinaunang Simbahan, alalaong baga’y mga apostol, propeta, pastor, guro, ebanghelista, at iba pa.”

Kaya’t ipinahahayag natin sa mundo na ipinanumbalik na ang priesthood, narito sa lupa ang pamahalaan ng Diyos, naitatag na ang Kanyang huwaran na aakay sa atin pabalik sa Kanyang piling. Naniniwala tayo na nasa atin ang pinakamainam na sagot sa tanong na: Ano ang inyong hinahanap? Tulad ng itinuro ng Tagapagligtas. “Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Mateo 6:33).

Tulad ng gusaling itinayo sa paisa-isang ladrilyo (brick), ang totoong Simbahan ng Tagapagligtas ay itinayo sa paisa-isang pagbabalik-loob, paisa-isang patotoo, paisa-isang pagpapabinyag. Nawa’y hanapin, matagpuan, at maitatag natin ang Kanyang Simbahan saanman tayo naroon, ang aba kong dalangin, sa pangalan Niya na ating hinahanap, maging si Jesucristo, amen.