2005
Palakasin ang Inyong mga Kapatid
Mayo 2005


Palakasin ang Inyong mga Kapatid

Dapat ninyong gawin ang lagi nang itinuturo ng ating Tagapagligtas at Kanyang mga propeta … maglingkod, magpalakas ng pananampalataya, at pangalagaan ang mga nangangailangan ng inyong pagmamahal at pagpapala.

Sa tanong na, “Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?” sumagot si Jesus: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.”1

Sa mga sinaunang Israel at hanggang sa paglipas ng mga henerasyon, laging itinuturo ng Kanyang mga Propeta noon at ngayon ang walang hanggang katotohanang ito na saklaw ang lahat—na upang makamana ng buhay na walang hanggan kailangang mapagmahal tayo: mapagmahal sa ating Diyos Amang Walang Hanggan at mapagmahal sa ating kapwa-tao.

Sa katapusan ng Kanyang ministeryo sa mundo, sinabi ni Jesus kay Pedro, “Datapuwa’t ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid”2

May patotoo si Pedro na mula sa Espiritu ng kabanalan ni Jesucristo. Natuto si Pedro, at nagmula ang kanyang kaalaman sa paghahayag. Ngunit ang kanyang pagbabalik-loob, ang ganap na pagbabago sa kanya at ang kanya mismong pagkatao, ay mas napatunayan matapos ang araw ng Pentecostes, matapos ang nakapagpapabago ng pusong kaloob at patotoo ng Espiritu Santo.

Oo mga kapatid, tulad ni Pedro noon, may mga patotoo tayo, ngunit ang pagbabalik-loob ba ay tuluy-tuloy na proseso sa ating buhay? Patuloy ba tayong umuunlad sa mga kamay ng ating Tagapaglikha? Pinagpapala ba ng Diyos ang iba sa pamamagitan ninyo? Ipinagdarasal at tinatanong ba ninyo kung sino ang nais ng Panginoon na pagpalain ninyo sa pamamagitan ng pagpasan ng pasanin ng iba? Minamahal ba ninyo ang iba gaya ng pagmamahal ninyo sa inyong mga sarili?

Nang sabihin ni Jesus sa tagapagtanggol na upang makapagmana ng buhay na walang hanggan dapat niyang mahalin ang kanyang kapuwa gaya ng kanyang sarili, sinabi ng tagapagtanggol kay Jesus: “At sino ang aking kapuwa tao?” Sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang talinghaga ng mabuting Samaritano at pagkatapos ay itinanong: “Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapuwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan: At sinabi niya, Ang nagkawanggawa sa kaniya.”3 Sa talinghagang ito, itinuro ni Jesus na dapat magpakita ang bawat isa sa atin ng tunay na pagmamahal at kabaitan sa bawat isa sa mga anak ng Kanyang Ama.

Tinuruan ni Haring Benjamin ang mga Banal sa Kanyang panahon: “Alang-alang sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa araw-araw, … nais kong ibahagi ninyo ang inyong kabuhayan sa mga maralita, … gaya ng pagpapakain sa nagugutom, … pagdalaw sa may karamdaman, at pangangasiwa sa kanilang ikagiginhawa, kapwa espirituwal at temporal.4 Nagbibigay ba kayo ng espirituwal o temporal na tulong sa mga nangangailangan nito? Kinakalinga ba ninyo at pinalalakas ang pananampalataya ng mga sumasapi sa Simbahan tulad ng ipinagagawa ng mga propeta sa ating panahon?

Ang ibig sabihin ng pagbabalik-loob ay ang ilaan ang inyong buhay sa pagkalinga, at paglilingkod sa iba na nangangailangan ng inyong tulong, at pagbabahagi ng inyong mga kaloob at biyaya. Hindi sinabi ng Panginoon na, “Alagaan ninyo ang aking mga tupa kapag madali para sa inyo; bantayan ninyo ang aking mga tupa kapag hindi kayo abala.” Sabi Niya, “Pakainin ninyo ang aking mga tupa at kordero; tulungan silang makatagal sa mundong ito; panatilihin silang malapit sa inyo, Akayin sila sa kaligtasan—ang kaligtasan ng mabubuting pagpili na maghahanda sa kanila sa buhay na walang hanggan.”5

Bawat pagpaparaya at kabaitan at paglilingkod ay nagdaragdag ng inyong espirituwalidad. Gagamitin kayo ng Diyos para pagpalain ang iba. Ang inyong patuloy na espirituwal na paglago at walang hanggang progreso ay lubos na nakasalalay sa inyong mga pakikipag-ugnayan—sa paraan ng pakikitungo ninyo sa iba. Totoo bang mahal ninyo ang iba at pagpapala kayo sa kanilang buhay? Ang palatandaan ba ng lebel ng pagbabalik-loob ninyo ay ang paraan ng pakikitungo ninyo sa iba? Ang taong ginagawa lang ang mga bagay sa Simbahan na may kinalaman lamang sa kanya ay hindi kailanman makakamit ang mithiin na maging perperkto. Paglilingkod sa iba ang kahulugan ng ebanghelyo at dinakilang buhay.

Sa paglalakbay ninyo sa buhay dapat ninyong kalingain at pagpalain ang buhay ng inyong kapwa manlalakbay, ialay ang inyong sarili sa mga nangangailangan sa inyo. “Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay,” sabi ng Panginoon, “ay mawawalan nito; at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin at sa evangelio ay maililigtas yaon.”6

Nagsulat si Santiago para “sa labindalawang angkan na nasa pangangalat.”7 Ang kanyang mga turo ay maaaring angkop sa atin, ang mga tao ng Panginoon, na sa mga huling araw ay tatanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Itinuturo Niya ang mga alituntunin na gagabay sa inyong mga pakikipag-ugnayan sa ibang mga miyembro ng Simbahan. Itinuturing niya na ang kautusang ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili “ay maharlikang batas.”8 Kay Santiago, hindi sapat ang patotoo lang. Dapat ninyong ipamuhay ang ebanghelyo. “At ako sa pamamagitan ng aking mga gawa ay ipa[pa]kita sa iyo ang aking pananampalataya.”9 “Datapuwa’t maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang.”10 Ang depinisyon ni Santiago ng napabalik-loob ay: “Ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao, sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan.”11 Tinapos niya ang kanyang maikling sulat sa mga salitang ito: “Mga kapatid ko, kung ang sinoman sa inyo ay nalilihis sa katotohanan, at siya’y papagbaliking loob ng sinoman; Ay alamin nito na ang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan, mula sa kamalian ng lakad niya ay magliligtas ng isang kaluluwa … at magtatakip ng karamihang kasalanan.”12 Sa pagpapaaktibo ng isang naligaw na kapatid, inililigtas ninyo siya at ang inyong sarili. Ang inyong mga kasalanan ay natatakpan at napapatawad dahil naglingkod kayo para sa kaligtasan ng iba.

Pinagpala ang buhay ko sa pagtira ko sa Latin America at pagsaksi ko mismo sa katuparan ng mga ipinropesiya at ipinangako ng Kanyang mga propeta at ng Panginoon Mismo.

“Aking titipunin, mula sa matagal na nilang pagkakalat, ang aking mga tao, O sambahayan ni Israel, at muling itatatag sa kanila ang aking Sion …

… “Itatatag ko ang aking simbahan sa kanila, at sila ay makikipagtipan at ibibilang sa mga ito na labi ni Jacob, kung kanino aking ibinigay ang lupaing ito bilang kanilang mana.”13

Literal na daan-daang libo ang natipon sa halos bawat bansa sa Latin America. Tinitiyak sa atin ng mga propesiya na magpapatuloy ang paglagong ito. Ang paglago ang ating pinakamalaking hamon, ngunit pinakamalaki ring oportunidad para sa atin.

Sinabi ni Apostol Pablo sa mga bagong miyembro sa kanyang panahon, “Kaya nga hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo’y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios.”14

Tila kahit na sa lugar na mabilis ang pag-unlad ng Simbahan, napakarami pa rin ang nakadarama na sila ay mga taga ibang lupa at dayuhan at binabalewala. Kung gusto nating makita ang mga katuparan ng mga propesiya, dapat nating gawin ang inilarawan ni Moroni, “At matapos na sila ay matanggap sa pagbibinyag, … sila ay napabilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo, at ang kanilang mga pangalan ay kinuha upang sila ay maalaala at mapangalagaan … upang mapanatili sila sa tamang daan”15

Maraming aktibong miyembro ang naniniwalang kakaiba ang ikinikilos ng mga di-gaanong aktibo at bagong miyembro na nangahulog sa tabing daan dahil hindi sila naniniwala sa doktrina ng Simbahan. Sa ginawang pag-aaral, hindi totoo ang haka-hakang ito. Ipinakikita ng mga ito na halos lahat ng di-gaanong aktibong miyembro na nainterbyu, ay naniniwalang may Diyos, si Jesus ang Cristo, si Joseph Smith ay isang propeta, at totoo ang Simbahan.

Sa di mabilang na ward at branch, napakaraming mabubuti, matwid, tapat na kalakihan at kababaihan na hindi lang alam kung paano bumalik sa simbahan. May mabubuting ina at ama sa kanila. Umalis lang sila at wala ni isang nangumusta sa kanila, kaya inakala nilang wala talagang nagmalasakit sa kanila. Kapag binibisita ng matatapat na kalakihan o kababaihan ang mga taong ito at kinaibigan sila, pinalakas sila, nagdasal kasama nila at itinuro sa kanila ang ebanghelyo, babalik sila at ang kanilang pamilya. “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”16 Sino ang pinakamaliit na ito? Tinutukoy ba ng Panginoon ang mga bagong miyembro o yaong mga di gaanong aktibo at magbabalik kung pagmamalasakitan lang nang tapat?

Sa malaking labanang ito para sa mga kaluluwa ng tao, ang mga pamantayang pamamaraan sa gawaing misyonero ay mas malinaw na ipinaliliwanag sa bawat isa sa atin. Kailangang samahan ng mga miyembro ang mga full time na misyonero sa pagtuturo ng mga aralin at pagganap ng mahalagang papel sa proseso ng pagpapabalik-loob sa iba. Ang mga misyonero ay dapat na “mangaral ng aking ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu”17 sa mga salitang nanggagaling sa kanilang mga puso, mga salitang natatamo sa lubos na pagdarasal at pag-aaral. Ang papel ng ating mga misyonero sa pagpapabalik-loob, ay hindi nagtatapos sa binyag. Dapat na patuloy nilang turuan ang mga bagong miyembro at iba pa na nangangailangan ng espirituwal na pangangalaga.

Ipinaaalala sa atin ng mga liham mula sa Unang Panguluhan kamakailan ang ating responsibilidad na palakasin at suportahan ang mga bagong miyembro. “Ang pakikipagkaibigan ay dapat na ipaabot ng buong ward… . Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga home teacher at visiting teacher.” Ang mga bagong miyembro ay dapat bigyan ng “pagkakataong … maglingkod at mag-ambag para sa ikalalakas ng ward.”18

Mga kapatid, kung ang pagpapabalik-loob at pagpapabago ay nais nating magpatuloy sa atin, mga bagong miyembro man o datihan na, dapat nating mahalin, paglingkuran, at espirituwal na kalingain ang iba. Kailangan nating tulungan ang iba na matanggap ang ganap na pagpapala ng Panunumbalik, kabilang na ang mga pagpapala ng templo.

Sumulat si Propetang Joseph Smith sa mga Banal sa kanyang panahon: “Mga kapatid:—Isang tungkulin na dapat igawad ng bawat Banal sa kanyang mga kapatid—ang mahalin at suportahan sila tuwina. Upang mabigyang-katwiran sa harapan ng Diyos dapat nating mahalin ang isa’t isa: … mahalin natin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili at maging tapat sa oras ng paghihirap.”19

Sinabi ng ating propetang si Pangulong Gordon B. Hinckley: “Umaasa ako, idinadalangin ko, na bawat isa sa atin … ay magpapasiyang hanapin ang mga nangangailangan ng tulong … at akayin sila sa diwa ng pagmamahal pabalik sa Simbahan, kung saan ang matatatag at mapagmahal na mga kamay ay papapanatagin sila, aaliwin, palalakasin, at gagawing masaya at makabuluhan ang kanilang buhay.”20

Hindi lamang salita o pahayag ang pagmamahal, kundi ang una at dakilang utos, utos na humihingi ng pagkilos—“Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos,”21 at “Iniibig mo baga ako? … Pakainin mo ang aking mga tupa.”22

Dapat ninyong gawin ang lagi nang itinuturo ng ating Tagapagligtas at Kanyang mga propeta, noon at ngayon: maglingkod, magpalakas ng pananampalataya, at pangalagaan ang mga nangangailangan ng inyong pagmamahal at pagpapala. Nangako sa atin ang Panginoon: “At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay nagpapauna sa inyong harapan … at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso”23

Mga kapatid, sa pagtulong ninyo nang may pagmamahal para mapagpala ang buhay ng iba, kapwa kayo mapagpapala ng Kanyang Espiritu. Itinuturo ng Panginoon na kapwa “[m]auunawaan ang isa’t isa, at kapwa [pagtitibayin] at magkasamang magsasaya.”24

Dalangin ko na biyayaan tayo ng Ama sa Langit ng pagmamahal na iyon sa iba, “na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak”25 Pinatotohanan ko na ang Kanyang Anak, si Jesucristo, ay buhay at na ang Kanyang ebanghelyo ay ebanghelyo ng pagmamahal. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mateo 22:36–40.

  2. Lucas 22:32.

  3. Lucas 10:29, 36–37.

  4. Mosias 4:26, idinagdag ang pagbibigay-diin.

  5. Tingnan sa Juan 21:15–16.

  6. Marcos 8:35.

  7. Santiago 1:1.

  8. Santiago 2:8.

  9. Santiago 2:18.

  10. Santiago 1:22.

  11. Santiago 1:27.

  12. Santiago 5:19–20.

  13. 3 Nephi 21:1, 22.

  14. Mga Taga Efeso 2:19.

  15. Moroni 6:4.

  16. Mateo 25:40.

  17. D at T 50:14.

  18. Liham mula sa Unang Panguluhan na may petsang Dis. 22, 2004; tingnan din sa liham mula sa Unang Panguluhan, Peb. 11, 2005.

  19. History of the Church, 2:229.

  20. “Reach with a Rescuing Hand,” Ensign, Nob. 1996, 86.

  21. Juan 14:15.

  22. Juan 21:17.

  23. D at T 84:88.

  24. D at T 50:22.

  25. Moroni 7:48.