2025
Isang Bagong Simbahan para kay Jamesi
Hulyo 2025


Isang Bagong Simbahan para kay Jamesi

Iba ang pakiramdam ni Jamesi dito kumpara sa iba nilang simbahan.

Isang tunay na kuwento mula sa Fiji.

Lumabas si Jamesi sa maliit na binakurang lugar kung saan inaalagaan ng kanyang pamilya ang mga baboy. “Heto ang sa inyo, mga baboy!” Binigyan niya ang mga ito ng kaunting pagkain, at masayang ngumasab ang mga baboy.

Pagkatapos ay nagdala si Jamesi ng malinis na bote ng tubig sa gripo sa labas. Malamig na tubig ang dumaloy sa bote nang binuksan niya ang gripo. Ang pagpapakain sa mga baboy at pag-iigib ng tubig para sa kanyang pamilya ang kanyang paraan ng pagtulong sa araw-araw.

“Jamesi!” ang tawag ni Inay. “Handa ka na bang magsimba?”

Isinara ni Jamesi ang gripo ng tubig at dinala sa loob ang huling mabigat na bote. “Handa na po ako ngayon!”

Tuwing Linggo ay pumupunta ang pamilya ni Jamesi sa isang simbahang Kristiyano sa kanilang bayan. Gustung-gusto niyang natututo tungkol kay Jesucristo.

Hindi nagtagal ay naglakad na sina Jamesi at ang kanyang mga mas batang kapatid na sina Unaisi at Marama, kasama ang iba pa nilang kapamilya papunta sa simbahan. Ilang ligaw na mga manok ang tumitilaok sa kalye.

Pamilyang nakatayo sa harap ng gusali ng simbahan

Pero pagdating nila doon, sarado na ang mga pinto. “Nakalimutan ko na sarado ang simbahan ngayong linggo at sa susunod na linggo dahil wala na ang pastor,” sabi ni Itay.

“May iba pa po bang simbahan na pwede nating puntahan?” tanong ni Jamesi. Malulungkot siya kung hindi siya makakasimba ngayong linggo.

Nag-isip sandali si Tatay. “Oo,” sabi niya. “Parang may alam akong isa.”

Sinundan ni Jamesi at ng kanyang pamilya si Tatay pabalik sa kanilang bahay. Sumakay silang lahat sa kanilang maliit na bangka na gawa sa kahoy na nasa gilid ng ilog. Umupo si Tatay sa likod para patakbuhin ang motor.

Pamilya sa isang maliit na bangka na gawa sa kahoy na gumagaygay sa ilog

Tumutunog ang bangka habang gumagaygay sa ilog. Naghanap si Jamesi ng mga ibon na nakatago sa matataas na berdeng puno. Pagkaraan ng mga 15 minuto, nakita nila ang isang maliit na gusali ng simbahan. May karatula ito na, “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

“Ito ang simbahan na iniisip ko,” sabi ni ITatay. Pinatakbo niya ang bangka papunta sa pampang, at lahat ay umahon. Naririnig nila ang musika na nagmumula sa kapilya.

Sa loob, umupo si Jamesi kasama ang kanyang mga magulang at kapatid. Nakinig sila sa mga nagsasalita at sa mga kanta. Maganda at masaya ang naging pakiramdam ni Jamesi.

Nang matapos ang miting, isang mabait na babae ang lumapit para kausapin sila. “May espesyal na klase kami para sa mga bata,” sabi niya. “Ito ay tinatawag na Primary. Gusto mo bang pumunta?”

Tumingin ni Jamesi sa kanyang mga kapatid na babae. Medyo kinabahan siyang pumasok sa isang klase na wala siyang kakilala! Mabuti at makakapunta din ang mga kapatid niyang babae. Siguro ay magiging masaya iyon.

“Sige po,” sabi niya.

“Tara na!” Mukhang masayang-masaya si Marama.

Sinundan ni Jamesi at ng kanyang mga kapatid ang ginang papunta sa isang silid-aralan. Maraming bata ang nakaupo sa maliliit na upuan, nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Pag-upo ni Jamesi, ngumiti sila sa kanya. Napakabait ng lahat!

Kumanta sila ng mga awitin, at tinulungan ng iba pang mga bata si Jamesi at ang kanyang mga kapatid na matutuhan ang mga salita. Pagkatapos ay nagkaroon sila ng lesson tungkol kay Jesucristo. Iba ang pakiramdam ni Jamesi dito kumpara sa iba nilang simbahan. Maganda ang kaibhan nito.

Masayang pamilya sa harap ng isang simbahan

Nang matapos ang simba, sumakay ulit sa bangka ang pamilya ni Jamesi para umuwi. Muling tiningnan ni Jamesi ang karatula sa labas ng gusali ng simbahan. Nakasulat doon ang pangalan ni Jesucristo. Kaya tiyak na Simbahan ito ni Jesucristo! Gusto ni Jamesi na sundin si Jesus.

“Puwede po ba tayong bumalik dito sa susunod na linggo?” tanong ni Jamesi.

Napangiti sina Nanay at Tatay. “Iyon din ang iniisip namin,” sabi ni Nanay.

“Yehey!” Tuwang-tuwa si Unaisi.

Ngumiti si Jamesi. Alam niyang may natagpuan silang espesyal na bagay. At hindi na siya makapaghintay na matuto pa.

PDF ng pahina

Mga paglalarawan ni Bethany Stancliffe