2025
Ang Malilim na Solusyon
Hulyo 2025


Ang Malilim na Solusyon

“Ano kaya kung magtanim tayo ng ilang puno?” tanong ni Cristal.

Isang tunay na kuwento mula sa Argentina.

Isang batang lalaki at batang babae na nakadungaw sa bintana sa isang madamong lugar

“Maaari ba tayong pumunta sa plaza?” tanong ng kapatid ni Ivan na si Cristal.

Tumingin si Ivan sa labas. “Gusto ko,” sabi niya. “Pero siguro dapat hintayin natin na lumubog ang araw. Ang init kasi.”

Ang plaza ay isang malaking damuhan na malapit sa kanilang bahay. Mahilig silang maglaro ng habulan o ng taguan doon kasama ang kanilang mga kaibigan. Pero wala namang malilim na lugar sa plaza para makasilong sila kapag mainit. At ngayong tag-init, malaking problema ito.

Tumahimik sandali si Cristal. Pagkatapos ay sinabi niya, “Ano kaya kung magtanim tayo ng ilang puno? Sa ganoong paraan magkakaroon ng lilim ang plaza. At makakapaglaro tayo kahit mainit!”

ngumiti si Ivan. “Gusto ko ang ideyang iyan!”

Sinabi nina Ivan at Cristal kay Papá ang lahat ng kanilang plano. “Hihingi ako ng permiso sa lungsod,” sabi niya.

Makalipas ang ilang linggo, natanggap na nila ang pahintulot na kailangan nila at handa na silang magsimula! Dinala ni Papá sina Ivan at Cristal sa malaking puno na tumubo sa likod ng kanilang bahay. Sa ilalim ng puno, tumutubo ang isang bungkos ng maliliit na puno.

Isang maliit na puno na tumutubo

“Kapag namumulaklak ang malaking puno, nahuhulog ang mga buto nito sa lupa,” paliwanag ni Papá. “Pagkatapos ay tumutubo ang maliliit na puno mula sa mga ito. Para silang maliliit na himala ng kalikasan!”

Ipinakita sa kanila ni Papá kung paano maingat na huhukayin ang maliliit na puno. Maingat na itinanim nina Ivan at Cristal ang mga ito sa mga paso ng bulaklak.

Isang pamilyang nagtatanim ng mga puno

Pagkatapos, isang Sabado ng hapon nang maharangan ng mga ulap ang sikat ng araw, sina Ivan at Cristal ay nagkarga ng maliliit na puno sa isang kariton. Dahan-dahan nilang itinulak ito papunta sa plaza. Tumulong ang mga nakababatang kapatid ni Ivan sa pagbubuhat ng mga timba ng tubig. Sina Mamá at Papá ay nagdala ng ilang pala.

Sama-sama silang pumili ng lugar para sa bawat puno. Naghukay sila ng mga butas at itinanim ang bawat puno nang may pagmamahal. Ipinakita ni Mamá sa kanila kung paano maghukay ng mga kanal sa paligid ng mga puno para madiligan ang mga ito. “Kailangan ng mga puno ang sikat ng araw, tubig, at maraming sustansiya para lumaking malakas,” sabi niya. “Gaya ng mga bata!”

Naisip ni Ivan ang puno sa likod ng kanilang bahay at naisip niya ang magiging hitsura ng mga puno balang-araw. “Maniniwala ba kayo?” sabi niya. “Balang-araw ang mga punong ito ay magiging mas matataas kaysa sa atin!”

Sa tagsibol, masisiyahan sa mga puno ang mga tao dahil sa kanilang magaganda at matitingkad na kulay rosas na mga bulaklak. Sa tag-init, ang mga ito ay magbibigay ng lilim sa buong plaza. At sa taglagas, matatakpan ng kulay dilaw na mga dahon ang lupa.

Araw-araw, bumibisita sina Ivan at Cristal sa plaza para tingnan ang mga puno. Tinitiyak nila na may sapat na tubig ang bawat puno. At sa tuwing may sisibol na bagong dahon o sanga, talagang tuwang-tuwa sila. Nagbubunga na ang kanilang kasipagan!

Masaya si Ivan sa pag-iisip sa lahat ng mga taong masisiyahan sa lilim sa plaza balang-araw. Nakatulong Siya na gawing mas magandang lugar ang mundo para sa lahat ng mga anak ng Ama sa Langit.

PDF ng pahina

Mga larawang-guhit ni Colleen McKeown