2023
Lights, Camera, Service!
Enero 2023


Lights, Camera, Service!

Ang pananatili sa bahay ay hindi nakapigil sa kanila na maglingkod.

Larawan
“Lights, Camera, Service” is about two sisters who were sad they couldn’t go to church because of the COVID-19 pandemic – they decided to make videos in Spanish to help other kids. 1. A sad girl looking at the computer. 2. Two sisters talking and looking online for lesson ideas. 3. Two sisters taking turns recording themselves as they talk about stories in the Book of Mormon. 4. Spot of six primary kids on a computer zoom meeting and a text bubble coming up from one of the sisters talking about the stripling warriors story in the Book of Mormon.

Gustung-gustong magsimba nina Antonella at Mariana bawat linggo. Pero ngayo’y hindi sila makapagsimba nang personal dahil sa pandemyang COVID-19. Nagkaroon sila ng klase sa Primary online, pero hindi iyon katulad ng dati.

Na-miss na nina Antonella at Mariana ang pagpunta sa Primary nang personal. Isang taon na ang nakararaan, lumipat sa Canada ang kanilang pamilya mula sa Chile. Naging mahirap magkaroon ng mga bagong kaibigan dahil sa pandemya. Na-miss na nilang mag-aral tungkol sa mga kuwento sa banal na kasulatan na kasama ang iba pang mga bata. At na-miss na nilang magkaroon ng mga lesson sa Español gaya noon sa Chile.

Isang araw, matapos sumamba sa bahay, naghanap sina Antonella at Mariana ng isang bagay online na makakatulong sa kanila na pag-aralan ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.

“Sana’y makakita tayo ng iba pang mga video sa Español,” sabi ni Antonella. Nag-isip siya sandali. Pagkatapos ay may naisip siyang magandang ideya. “Maaari tayong gumawa ng sarili nating mga video para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin linggu-linggo.”

“Tama, at magagawa natin ang mga iyon sa Español!” sabi ni Mariana. “Pagkatapos puwede rin nating ibahagi ang mga iyon sa iba pang mga bata.”

Tutulong daw sina Mamá at Papá. Tuwang-tuwa ang buong pamilya!

Binasa muna ng pamilya ang mga talata sa banal na kasulatan para sa lesson sa linggong iyon. Nagplano ang mga bata kung ano ang pag-uusapan nila. Pagkatapos ay sinimulan nilang gawin ang mga video. Naghalinhinan sina Antonella at Mariana sa pagrerekord sa sarili nila habang pinag-uusapan nila ang mga kuwento sa Aklat ni Mormon. Sa pagtatapos ng bawat video, isa sa kanila ang nagbabahagi ng isang bagay na natutuhan nila mula sa lesson. Pagkatapos ay tinulungan sila nina Mamá at Papá na gawin ang video para i-post online.

Noong una, hindi nila palaging alam kung ano ang sasabihin. Pero nakatulong sa kanila ang pagbabasa ng mga talata at pag-aaral ng iba pa tungkol sa mga lesson.

Isang araw ng Linggo, naupo sina Antonella at Mariana sa harap ng computer para sa klase nila sa Primary. Ang lesson sa linggong ito ay tungkol sa mga kabataang mandirigma sa Aklat ni Mormon. “Bakit nakipaglaban ang mga kabataang mandirigma?” tanong ng guro nila.

Nag-unmute si Mariana ng microphone nila. “Alam ko po!” sabi niya. Nakagawa sila ni Antonella ng isang video noong nakaraang linggo tungkol sa kuwentong iyon. “Nangako ang mga ama nila sa Diyos na hindi sila makikipaglaban, kaya ang mga anak ang nakipaglaban.”

Tumango si Antonella. “At itinuro sa kanila ng mga nanay nila na kung may pananampalataya sila, pananatilihin silang ligtas ng Diyos.” Ngumiti siya kay Mariana. Masayang pag-aralan nang sama-sama ang mga banal na kasulatan.

Nang gabing iyon sa hapunan, nagtanong si Mamá, “Kumusta ang Primary?”

“Mabuti po.” sabi ni Antonella. “Mas natutuhan ko po ang tungkol sa mga banal na kasulatan sa paggawa ng mga video.”

“Ako rin po,” sabi ni Mariana. “Nasasagot ko ang maraming tanong sa Primary. At mas alam na namin ang mga kuwento sa banal na kasulatan.”

“Natutuwa ako na nakatulong sa inyo ang mga video,” sabi ni Papá. “Palagay ko’y nakatulong din ang mga iyon sa ibang tao!”

“Tama,” sabi ni Mamá. “Ang pagbabahagi ng natutuhan at nadarama mo tungkol sa ebanghelyo ay magandang paraan para makapaglingkod!”

Ngumiti si Mariana. “Gusto ko na nakakapaglingkod kami sa ganitong paraan,” sabi niya. Pagkatapos ay bumaling siya kay Antonella. “Simulan na nating magplano para sa video sa susunod na linggo!”