Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Sam Beazley
Manggagawang Missionary sa New Zealand
Ang mga awtor ay naninirahan sa Waikato, New Zealand, at Utah, USA.
Alam ni Sam na ginagawa niya ang gawain ng Diyos.
Dinala ni Sam ang napakaraming tabla sa pinagtatayuan ng gusali at inilapag ito. Sa sandaling iyon, mga haliging kahoy pa lamang ang naitatayo. Ngunit hindi magtatagal ang mga tabla at haliging iyon ay magiging isang gusali. Wala nang maisip si Sam na mas mainam na paraan para gugulin ang kanyang Sabado kaysa sa pagtatayo ng isang bagong chapel!
Gustung-gusto ni Sam ang gumawa ng mga bagay-bagay. Kung minsan nga lang ay mahirap ito para sa kanya. Noong bata pa siya, malubhang napinsala ang kanyang mga kamay sa isang aksidente. Kahit ngayon na malaki na si Sam, naninigas pa rin ang kanyang mga daliri. Kung minsan ay mahirap dumampot ng mga bagay o humawak ng mga kagamitan.
Maingat na dinampot ni Sam ang kanyang martilyo. Kinailangan niyang mas magsikap kaysa sa iba pang mga trabahador, ngunit hindi niya ito alintana. Gusto lang niyang tumulong. Alam niya na ginagawa niya ang gawain ng Diyos. At kung ginagawa niya ang gawain ng Diyos, tiyak na tutulungan siya ng Diyos!
Abala si Sam nang marinig niyang may papalapit na tao sa kanyang likuran. “Maganda ‘yang ginagawa mo,” sabi ng tao.
Lumingon si Sam. Si Elder Biesinger! Siya ay isang lider ng Simbahan na tumutulong sa pag-organisa ng mga proyekto sa pagtatayo ng mga gusali sa New Zealand.
“Salamat po,” sabi niya.
Ngumiti si Elder Biesinger. “Gusto mo bang maging manggagawang missionary? Sa ngayon ang mga missionary ay tumutulong sa pagtatayo ng paaralan ng Simbahan para sa mga tinedyer. Kailangan namin ng mas maraming katuwang, at palagay ko mahusay ang trabaho mo.”
“Gusto ko po,” sabi ni Sam. Sabik na siyang maglingkod sa Panginoon bilang missionary!
Pagsapit ng Lunes ng umaga, si Sam ay opisyal nang manggagawang missionary. Tumulong siya sa paghalo ng semento sa pabrika para gumawa ng makakapal na bloke. Ang mga bloke ay ginamit sa pagtatayo ng paaralan. Ang ilan sa mga ito ay ginamit sa pagtatayo ng Hamilton New Zealand Temple!
Araw-araw, taun-taon, masigasig na nagtrabaho si Sam. Palagi niyang ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya. Kalaunan, ipinamahala kay Sam ang pabrika ng laryo. Pinamunuan niya ang iba pang mga manggagawang missionary sa kanilang mga tungkulin at tiniyak niya na maayos nilang nagagawa ang kanilang gawain.
Naglilibang din si Sam! Siya at ang iba pang mga missionary ay nagkakantahan. Kung minsan ay umaawit sila para hikayatin ang iba na pumunta at tumulong. Nagtatayo man ng gusali, o umaawit, o nakikipagkilala sa bagong dating si Sam, tinutulungan siya ng Diyos na gumawa ng mabuti.
Makalipas ang ilang taon, si Sam ay tinawag sa ibang misyon. Ngunit iba ito. Hindi niya gagamitin ang kanyang mga kamay upang gumawa ng mga bagay. Sa halip, gagamitin niya ang mga ito upang tulungan ang mga tao sa loob ng templo—ang templong iyon na tumulong siya sa pagtatayo!
Habang nakatayo si Sam sa loob ng templo na nakasuot ng kanyang puting damit, nakadama siya ng kapayapaan. Nagpapasalamat siya sa lahat ng mabubuting bagay na nagawa ng kanyang mga kamay sa tulong ng Diyos.
Ang New Zealand ay isang bansa na binubuo ng mga pulo sa South Pacific Ocean.
Ang Hamilton New Zealand Temple ang unang templong itinayo sa Southern Hemisphere.
Mahigit 300 manggagawang missionary ang tumulong para itayo ang templo.
Noong bata si Sam, tumutulong siya sa pag-aalaga ng mga kambing ng pamilya.
Nang lumaki na siya, nagtrabaho rin si Sam sa konseho ng lungsod.
Naglingkod rin siya sa family history mission kasama ang kanyang asawang si Irene.