Isinulat Mo
Ang Aking Unang Ayuno
Pinanonood namin ng pamilya ko si Pangulong Nelson sa TV nang may sinabi siya na pumukaw ng aking pansin. Sinabi niya na may gagawing pag-aayuno sa iba’t ibang panig ng mundo!
Gusto kong mag-ayuno, pero hindi ko pa ito nagagawa noon. Kamakailan ay nagsimula ang pandemyang COVID-19, at hindi kami makalabas ng bahay. Alam ko na kailangan kong makibahagi. Hindi makakapag-ayuno si Inay dahil ilang buwan pa lang nang manganak siya. Ang aking maliliit na kapatid ay napakabata pa para mag-ayuno. Kami lang ni Itay ang puwede.
Nagpasiya akong hindi kumain ng almusal dahil ito ang una kong pag-aayuno, at hindi ko alam kung gaano ako tatagal. Noong Sabado ng gabi masarap ang kinain ko, at pagkatapos ay nagdasal ang aking pamilya para sa amin ni Itay upang simulan namin ang ayuno.
Kinabukasan sa bahay kami nag-sacrament meeting, na siyang ginagawa namin mula noong magsimula ang pandemya. Sinikap kong magtuon sa ibang bagay dahil ang kapatid ko ay kumakain at nagugutom na talaga ako. Pagkatapos ng sacrament meeting, tumugtog ako ng mga himno sa piyano. Maya-maya tumingin ako sa orasan, at magtatanghalian na! Hindi ko namalayan ang oras. Talagang nakalimutan ko na nag-aayuno ako!
Nagpasiya akong manalangin para tapusin ang aking ayuno. Sa aking panalangin, lalo kong nadama ang Espiritu kaysa dati. Nadama ko na magiging OK ang lahat. Napakagandang karanasan nito.
Mula noong unang ayuno ko, nagawa ko ang bawat pag-aayuno na ipinagagawa sa atin ng propeta, at damang-dama ko ang Espiritu sa bawat pagkakataong iyon.