Ang Problema ng Party
Ang awtor ay naninirahan sa Corrientes, Argentina.
May bahagi si Luz na gustong pumunta sa salu-salo. Pero hindi pa rin siya mapakali.
“Pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos … itanong mo sa akin kung ito ay tama” (Doktrina at mga Tipan 9:8). Ang kuwentong ito ay naganap sa Corrientes, Argentina.
Masaya ang pakiramdam ni Luz. Patapos na ang school year, at napakaraming nakatutuwang bagay ang nangyayari. Hindi maglalaon at magtatapos siya sa ikaanim na grado. Sa susunod na taon, nasa high school na siya!
Ikinagulat niya kung gaano ang inilaki niya. Mas matangkad na siya, at hindi na siya isang maliit na bata. Nakakatuwa ang mga pagbabagong iyon, pero medyo kinakabahan din siya.
Nagpasiya siyang sabihin ito sa kanyang mga magulang.
“Napakaganda ng panahong ito sa buhay mo, Luz,” sabi ni Papá. “Ito ang panahon para matuto ka, gawin ang lahat ng makakaya mo, at abutin ang mga mithiing tutulong sa iyo na maging ang tao na alam ng Diyos na maaari mong kahinatnan.”
“Pero ang buhay ay nangyayari nang paisa-isang araw lamang,” sabi ni Mamá. “Lalaki ka at magiging ang taong iyon sa bawat maliit at magandang pasiyang gagawin mo.”
Nakatulong iyon sa pagganda ng pakiramdam ni Luz. Natuwa siya na hindi niya kailangang lumaki kaagad.
Isang araw sa paaralan, sinabi ng mga kaibigan ni Luz sa kanya na magkakaroon sila ng party para sa pagtatapos. Sabik na sabik sila. Magkakaroon ng hapunan, musika, mga ilaw, at maging ng sayawan!
Ngunit habang nakikinig si Luz sa kanyang mga kaibigan na nag-uusap tungkol sa party, nagsimula siyang maging hindi komportable. Tila hindi ito ang party kung saan madarama niya ang Espiritu Santo.
“Pupunta ka, di ba Luz?” tanong ng isa sa mga kaibigan niya.
“Kailangan mong pumunta!” sabi ng isa pang kaibigan. “Sasabihin ko sa mga magulang ko na kausapin ang mga magulang mo. Pagkatapos ay papayagan ka nilang pumunta.”
“Siguro.” Umiikot ang tiyan ni Luz sa kaba. “I- … Ipapaalam ko sa inyo.”
Ginugol ni Luz ang buong Sabado at Linggo sa pag-iisip tungkol sa party. Pinag-isipan niya ito habang nagsasanay siya ng piyano. Naisip niya ito habang nakikipaglaro sa kanyang nakababatang kapatid na lalaki. Kahit ano pa ang gawin niya, nasa kanyang isipan ito.
May bahagi siya na gustong pumunta sa party. Pero hindi pa rin siya mapakali. Ang hindi mapakaling pakiramdam ng kanyang sikmura ay hindi maalis.
“OK ka lang ba, hija?” Tanong ni Mamá isang Linggo ng hapon. Sinuklay ng kanyang mga daliri ang mahaba at maitim na buhok ni Luz.
“Eh …,” sabi ni Luz.
“Iniisip mo pa rin ba ang party?”
“Hindi ko po alam ang gagawin ko,” sabi ni Luz. “Gusto ko pong pumunta. Pero alam ko na hindi maganda ang magiging pakiramdam ko roon.”
Ngumiti si Mamá. “Alam kong pipiliin mo ang mabuti,” sabi niya. “Pag-isipan mo ito, magpasiya ka, at sabihin sa Ama sa Langit ang iyong pinili. Tutulungan ka Niyang malaman kung tama ito. Madarama mo ito sa iyong puso.”
Tumango si Luz. Huminga siya nang malalim at nagpunta sa kanyang silid para manalangin.
“Ama sa Langit,” bulong ni Luz. “Inimbitahan po ako ng mga kaibigan ko sa isang party, pero hindi maganda ang pakiramdam ko rito. Sasabihin ko sa kanila na hindi ako puwedeng pumunta. Ito po ba ang tamang gawin?”
Isang malakas na bugso ng init ang nadama ni Luz. Hindi na siya nalilito. Pakiramdam niya ay puno siya ng liwanag! Alam niyang tama ang pinili niya.
Nang lumabas sa Luz mula sa kanyang silid, niyakap niya si Mamá.
“Nagpasiya po akong huwag nang pumunta,” sabi ni Luz sa Ina.
“Ipinagmamalaki kita,” sabi ni Mamá.
Niyakap din ni Papá si Luz. “May naisip ako,” sabi niya. “Magdaos tayo ng sarili nating party para sa pagtatapos. Maaari tayong bumili ng ice cream at magdiwang bilang isang pamilya!”
Ngumiti si Luz. Mahilig siya sa ice cream! At gustung-gusto niya ang kaalamang magagawa niya ang tama, kahit mahirap pa ito. Sa bawat mumunting, maiinam na pagpiling ginawa niya, maaari siyang lumaki para maging ang taong alam ng Diyos na maaari niyang kahinatnan. ●