2021
Ang Unang Araw ni Jaechan
Enero 2021


Ang Unang Araw ni Jaechan

Ito ba ang tamang daan? Nalilito na si Jaechan.

“Hinanap ko ang Panginoon, at ako’y kanyang sinagot” (Mga Awit 34:4). Ang kuwentong ito ay naganap sa Gyeonggi-do, South Korea.

boy walking into classroom

Tumutugtog ang masayang musika nang tumayo sina Jaechan at Inay mula sa kanilang upuan sa gym ng paaralan. Puno ang mga pader ng mga palumpon ng matitingkad na kulay na lobo habang tuwang-tuwang nag-uusap ang iba pang mga bata at kanilang mga magulang.

Bukas ang unang araw ng klase, at sa South Korea ang mga bagong mag-aaral ay laging nakikilahok sa espesyal na programa upang ipagdiwang ang pagsisimula ng klase. Habang nakikinig siya sa mga awitin at tagapagsalita ay nakadama ng pagkasabik si Jaechan. Nasasabik na siyang magsimulang matuto!

Pagkatapos ng programa, naglakad si Inay at si Jaechan sa mga bulwagan ng paaralan. Pagdating nila sa kanyang silid-aralan, nakilala ni Jaechan ang kanyang guro. Parang napakabait nito.

Pagkatapos ay naglakad palabas sina Inay at Jaechan papunta sa mainit na araw ng tagsibol. Maging ang araw at ang langit ay tila masaya sa pagsisimula ng klase.

Kinaumagahan, hinatid ni Inay si Jaechan sa gate ng paaralan. Niyakap siya nang mahigpit ni Inay. “Mahal kita,” sabi nito. “Maging masaya ka sa unang araw mo.”

“Opo,” sabi ni Jaechan. “Mahal ko rin kayo!” Kumaway siya para magpaalam at naglakad papunta sa kanyang silid-aralan, tulad ng napraktis nila.

Habang naglalakad si Jaechan sa bulwagan, nagsimula siyang mag-alala. Ito ba ang tamang daan? Tumigil si Jaechan at tumingin sa paligid. Pumihit siya at naglakad sa ibang bulwagan. Hindi naglaon ay nakakalito na ang lahat.

Huminga nang malalim si Jaechan. Alam niyang napuntahan na niya ang pasilyong ito kahapon. Patuloy siyang naglakad at pumasok sa malalaking pintuan.

Pero hindi makita ni Jaechan ang silid-aralan niya, na may mga mesa at mga kaibigan at napakabait niyang guro. Nakita niya ang gym. At ngayon ay wala nang tao o mga lobo. Ito ay isang malaking kuwarto na lang na walang laman.

Napuno ng luha ang mga mata ni Jaechan. Sinikap niyang huwag mataranta, pero natatakot siya. Hindi niya alam kung paano hanapin ang kanyang silid-aralan. Lumuhod siya para magdasal. “Ama sa Langit, naliligaw po ako. Tulungan po ninyo si Inay na mahanap ako at tulungan akong makapasok sa klase ko.”

Tumayo si Jaechan. Huminga siya nang malalim nang ilang ulit. Pagkatapos ay naghintay siya.

Makalipas ang ilang minuto, lumiko si Inay sa may kanto. “Jaechan!” Tumakbo ito palapit at niyakap siya. “Ano’ng nangyari?”

Malakas na umiyak si Jaechan. Nakahinga siya nang maluwag nang makita niya si Inay. “Hindi ko po makita ang silid-aralan ko,” sabi niya. “Kaya nagdasal po ako na sana ay makita ninyo ako.”

Pinahid ni Inay ang mga luha sa kanyang pisngi. “Natutuwa ako’t nagdasal ka,” sabi nito. “Pauwi na ako. Pagkatapos ay naramdaman ko na dapat akong bumalik at tiyaking natagpuan mo ang silid-aralan mo. Nang wala ka roon, hinanap kita kung saan-saan. Pagkatapos ay nakita kita!”

Hinawakan ni Jaechan ang kamay ni Inay habang naglalakad sila sa tamang pasilyo. Tumigil na sa pag-iyak si Jaechan. Alam niyang sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin, at OK na ang lahat. Pagdating nila sa silid-aralan, narinig niya ang iba pang mga bata sa loob na tumatawa at nagsasaya.

“Jaechan! Masayang-masaya kaming makita ka,” sabi ng guro ni Jaechan habang papasok siya.

“Salamat po,” sabi ni Jaechan na may kaunting pagyuko. Niyakap niyang muli si Inay. Mukhang magiging magandang unang araw ng pasok nga ito.