“Lesson 13 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Pagtitipon ng Israel sa mga Huling Araw,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 13 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 13 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Pagtitipon ng Israel sa mga Huling Araw
Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang Panginoon ay binibilisan ang Kanyang gawain na tipunin ang Israel. Ang pagtitipon na ito ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito” (Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], suplemento sa New Era at Liahona, 8, HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org). Sa unit na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong pag-aralan ang mga natatanging turo ng Aklat ni Mormon tungkol sa pagtitipon ng Israel at pag-isipan kung paano dinadala ng mahalagang gawaing ito ang mga tao kay Jesucristo. Habang nag-aaral ka, alamin ang mga responsibilidad at oportunidad na maaaring mapasaiyo kapag nakibahagi ka sa pagtitipon ng Israel.
Bahagi 1
Bakit mahalaga ang pagiging bahagi ng sambahayan ni Israel?
Upang maunawaan ang kahalagahan ng pagiging kabilang sa sambahayan ni Israel, makatutulong na malaman kung paano nagsimula ang sambahayan ni Israel. Ilang panahon pagkatapos ng 2000 BC, si Jesucristo ay nagpakita kay Abraham at gumawa ng walang hanggang tipan sa kanya. Nangako ang Panginoon kina Abraham at Sara na ihahandog sa kanilang mga inapo ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo. Ang mga pangako at pagpapalang ito ay tinatawag na tipang Abraham. (Tingnan sa Abraham 2:6–11; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipang Abraham,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.)
Pinanibago ng Panginoon ang tipang ito sa anak ni Abraham na si Isaac at sa kanyang apo na si Jacob. Pinalitan ng Panginoon ang pangalan ni Jacob at ginawang Israel. Si Israel ay nagkaroon ng 12 anak, na ang mga inapo ay kilala bilang ang sambahayan ni Israel o mga Israelita. (Tingnan sa Genesis 26:24; 28:10–15; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Israel,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.)
Ang sambahayan ni Israel ay mga pinagtipanang tao ng Diyos. Taglay ang awtoridad ng banal na priesthood, sila ay may responsibilidad na dalhin ang ebanghelyo ng Panginoon sa lahat ng tao sa mundo at isagawa ang mahahalagang ordenansa at tipan para sa mga yaong pumanaw na na hindi nagkaroon ng pagkakataon na malaman ang ebanghelyo.
Kapag ang mga literal na inapo ni Israel ay naniwala kay Jesucristo at tinanggap nila ang tipang Abraham, sila ay matitipon sa sambahayan ni Israel at magiging bahagi ng mga pinagtipanang tao ng Panginoon. Ang mga yaong hindi literal na inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob ay maaaring kupkupin sa sambahayan ni Israel sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagtanggap ng mga ordenansa at tipan ng Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkupkop,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Sa mensahe para sa mga miyembro ng Simbahan, itinuro ni Pangulong Nelson:
Tayo ay … mga anak ng tipan. Natanggap natin, tulad nila noong unang panahon, ang banal na priesthood at ang walang hanggang ebanghelyo. Sina Abraham, Isaac, at Jacob ay ating mga ninuno. Tayo ay bahagi ng sambahayan ni Israel. May karapatan tayong tanggapin ang ebanghelyo, ang mga pagpapala ng priesthood, at ang buhay na walang hanggan. Ang mga bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap at ng mga gawain ng ating mga inapo. Ang literal na binhi ni Abraham at ang mga yaong natipon sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagkupkop ay tatanggap ng mga ipinangakong pagpapalang ito—na nakabatay sa pagtanggap sa Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. (“Children of the Covenant,” Ensign, Mayo 1995, 33)
Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase
Paano mo ipaliliwanag sa isang taong hindi miyembro ng Simbahan kung ano ang sambahayan ni Israel at kung bakit ito mahalaga?
Bahagi 2
Bakit dapat akong makibahagi sa pagtitipon ng Israel?
Nang pag-aralan ni Lehi ang mga laminang tanso, marami siyang nalaman tungkol sa kanyang talaangkanan at sa kanyang kaugnayan sa sambahayan ni Israel (tingnan sa 1 Nephi 5:14). Upang matulungan ang kanyang pamilya na maunawaan ang kahalagahan ng pagiging bahagi ng sambahayan ni Israel, ikinumpara ni Lehi ang sambahayan ni Israel sa isang punong olibo. Ipinaliwanag niya na tulad ng isang sanga na maaaring mahiwalay sa isang punong olibo, ang mga tao ng Israel ay ihihiwalay rin at ikakalat sa malalayong lupain. At tulad ng isang sanga ng olibo mula sa isang puno na maaaring ihugpong at maging bahagi ng ibang puno, ang mga nakalat na Israel ay titipunin din nang magkakasama kalaunan at magiging bahagi ng mga pinagtipanang tao ng Panginoon. (Tingnan sa 1 Nephi 10:12–14.)
Ang paghuhugpong ay isang proseso kung saan ang isang sangang pinutol mula sa isang puno ay isinasama sa ibang puno upang maging permanenteng bahagi ng punong iyon.
Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase
Basahin ang 1 Nephi 10:12–14, at maaari mong markahan ang mga katotohanan tungkol sa pagtitipon ng Israel. (Paalala: Sa Aklat ni Mormon, ang katagang mga Gentil ay karaniwang nangangahulugang “mga bayang walang ebanghelyo, kahit na maaaring may dugong Israelita sa mga tao” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Gentil, Mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org].)
Hindi nagtagal matapos ituro ni Lehi ang tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel, nakita ni Nephi na pinagtatalunan ng kanyang mga kapatid kung ano ang itinuro ng kanilang ama. Sinabi nila kay Nephi na hindi nila maunawaan ang mga turo ni Lehi hinggil sa “mga likas na sanga ng punong olibo, at hinggil din sa mga Gentil” (1 Nephi 15:7).
Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase
Basahin ang paliwanag ni Nephi sa 1 Nephi 15:12–15, at maaari mong markahan ang mga katotohanang nakatulong sa iyo na mas maunawaan ang pagtitipon ng Israel.
Tungkol sa pagtitipon ng Israel, sinabi rin ni Pangulong Nelson:
Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon, ang sinasabi natin ay ang katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa [magkabilang] panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. (“Pag-asa ng Israel,” 8)
Kabilang sa magkabilang panig ng tabing ang mga buhay at ang mga pumanaw na.
Isulat ang Iyong mga Naisip
Mag-ukol ng isang minuto upang isulat kung paano napagpala ng pagtitipon ng Israel ang iyong buhay o ang buhay ng mga miyembro ng iyong pamilya. Mag-isip ng isang tao—sa magkabilang panig ng tabing—na maaaring nangangailangang makatanggap ng mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Isulat ang pangalan ng taong ito at kung bakit mahalaga siya sa iyo. Isipin kung ano ang maaari mong gawin upang matulungan ang taong ito na matanggap ang mga pagpapalang iyon.
Bahagi 3
Paano ako makikibahagi sa pagtitipon ng Israel?
Si Jacob, ang nakababatang kapatid ni Nephi, ay nagturo tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel sa pamamagitan ng pagbanggit sa talinghaga ni Zenos tungkol sa mga likas at ligaw na punong olibo. Sa talinghaga, ang Panginoon ng olibohan ay kumakatawan kay Jesucristo, at ang mga tagapagsilbi ay kumakatawan sa Kanyang mga propeta at iba pang mga disipulo na tinawag upang tipunin ang Israel. Ang maraming punong olibo na itinanim sa olibohan ay kumakatawan sa mga grupo ng mga anak ng Diyos, kabilang ang mga miyembro ng sambahayan ni Israel. (Tingnan sa Jacob 5.)
Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase
Basahin ang Jacob 5:61–62, 70–72, at alamin kung ano ang inaasahan ng Panginoon sa mga yaong tinawag upang tipunin ang Israel.
Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson kung gaano kasimpleng tumulong sa pagtitipon ng Israel:
Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag [at mga ordenansa] sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple. (“Pag-asa ng Israel,” 15)
Gumawa ng Plano
Isipin ang tao—sa magkabilang panig ng tabing—na isinulat mo sa bahagi 2. Gumawa ng isang simpleng plano kung ano ang gagawin mo upang matulungan ang taong ito na makagawa ng mga hakbang patungo sa pakikipagtipan sa Diyos. Halimbawa, maaari mong anyayahan ang isang tao sa isang aktibidad sa Simbahan o maaari kang magbahagi ng isang scripture passage sa isang tao, o maaari mong i-download at simulang gamitin ang FamilySearch Family Tree mobile app. Pansinin kung gaano karaming tool sa app na ito ang makatutulong sa iyo na tipunin ang Israel saan ka man naroroon.