Mga Cornerstone na Kurso
Lesson 16 Materyal ng Titser: Si Jesucristo ay Nagministeryo sa Bawat Tao


“Lesson 16 Materyal ng Titser: Si Jesucristo ay Nagministeryo sa Bawat Tao,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 16 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 16 Materyal ng Titser

Si Jesucristo ay Nagministeryo sa Bawat Tao

Ang pagpapakita ni Jesucristo sa mga Nephita at Lamanita ay nagbibigay ng makapangyarihang patotoo tungkol sa Kanyang kabanalan. Sa pagmiministeryo ni Jesus sa bawat tao, nagpakita Siya ng kabaitan at pagkahabag. Sa lesson na ito, aanyayahan ang mga estudyante na tukuyin ang iba’t ibang paraan kung paano sila makalalapit kay Cristo at magkakaroon ng mas malalim na personal na patotoo na Siya ang kanilang Tagapagligtas. Pag-iisipan din ng mga estudyante kung ano ang maaari nilang gawin upang matularan ang paraan ng pagmiministeryo ng Tagapagligtas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang nabuhay na mag-uling Cristo ay nagpakita sa mga Nephita at Lamanita at inanyayahan Niya silang hipuin ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa.

Maaari mong simulan ang lesson sa pagdidispley ng kalakip na larawan at pagpapakuwento sa isang estudyante ng mga kaganapang humantong sa pagpapakita ni Jesucristo sa mga Nephita at Lamanita.

Isa-isa, ni Walter Rane

Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda, at itanong sa kanila kung bakit ang pagpapakita ni Jesucristo sa mga tao ang pinakamahalagang kaganapan sa Aklat ni Mormon.

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang 3 Nephi 11:13–17, at maghanap ng mga aral na maaari nating matutuhan mula sa salaysay na ito tungkol sa pakikipag-ugnayan ni Cristo sa mga tao. Isipin kung alin sa mga sumusunod ang maaari mong itanong upang matulungan ang iyong mga estudyante na maunawaan at maipamuhay ang kanilang mga natututuhan:

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa katangian ni Jesucristo?

  • Ano kaya ang madarama ninyo kung naanyayahan kayong hipuin ang mga sugat sa mga kamay at paa ng Tagapagligtas?

  • Ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang paanyaya sa mga tao na lumapit nang isa-isa upang hipuin ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa? (Kung kinakailangan, ipaalala sa mga estudyante na 2,500 katao ang naroon.)

  • Paano kaya inilalarawan ng karanasang ito kung ano ang ipinagagawa ni Jesucristo sa bawat isa sa atin? (Gamit ang mga sagot ng mga estudyante, tukuyin ang katotohanang tulad ng sumusunod: Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na lumapit sa Kanya at magkaroon ng personal na patotoo na Siya ang ating Tagapagligtas.)

  • Ano ang maaari nating gawin upang makalapit kay Cristo at magkaroon ng personal na patotoo na Siya ang ating Tagapagligtas? (Para sa mga karagdagang ideya, maaaring makatulong sa mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Elder Walter F. González sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang aktibidad na “Isulat ang Iyong mga Naisip” sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante upang marebyu kung ano ang inihanda nila, at pagkatapos ay anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang isinulat nila. Kung may oras pa, maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na magbanggit ng isang talata mula sa himnong pinili nila at ibahagi kung bakit makabuluhan ito sa kanila. Maaari rin ninyong awitin ang himno nang magkakasama.

Maaari mong idispley ang sumusunod na tanong at hikayatin ang mga estudyante na pagnilayan at isulat ang kanilang mga naisip at nadama:

  • Ano ang maaari kong gawin upang mapalakas ang aking patotoo na si Jesucristo ang aking Tagapagligtas?

Si Jesucristo ay nagministeryo sa bawat isa sa mga tao.

Ipaalala sa mga estudyante na bago matapos ang Kanyang unang araw kasama ang mga tao, inanyayahan ng Tagapagligtas ang mga tao na magsiuwi sa kanilang mga tahanan at maghanda para sa Kanyang pagbabalik sa susunod na araw (tingnan sa 3 Nephi 17:1–3).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan at tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan, sa mga titser sa seminary at institute, “Nais ng ating mga kabataan na maniwala; nasasabik silang malaman ang iba pa tungkol sa Tagapagligtas” (“A Teacher of God’s Children,” Religious Educator, tomo 12, blg. 3 [2011], 7). Ang isang paraan upang malaman ng mga estudyante ang iba pa tungkol sa Tagapagligtas ay sa pamamagitan ng pagtutuon sa Kanyang perpektong halimbawa. Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang halimbawa ni Jesucristo, anyayahan sila na pag-isipan kung ano ang maaari nilang gawin upang matularan Siya. Ipinahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pagtulad na ito ay tuwirang nagpapatindi ng pagsamba natin kay Jesus” (“Becoming a Disciple,” Ensign, Hunyo 1996, 12).

Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Anyayahan sila na rebyuhin ang 3 Nephi 17:5–9, 20–24 at talakayin kung paano nagministeryo ang Tagapagligtas sa mga tao. Sa kanilang talakayan, hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng iba’t ibang paraan kung paano nila makukumpleto ang sumusunod na pahayag: “Tayo ay nagmi-minister tulad ng Tagapagligtas kapag …”

Matapos magkaroon ng maraming oras ang mga estudyante upang matuto mula sa isa’t isa, ipabahagi sa kanila ang ilan sa mga paraan kung paano nila nakumpleto ang di-kumpletong pahayag. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga pahayag, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod upang makatulong na mapalalim ang kanilang talakayan:

  • Ano ang papel na ginagampanan ng pagmamahal sa ministering? (Maaari ninyong rebyuhin ang pahayag ni President Jean B. Bingham sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

  • Sa inyong palagay, bakit nagdulot ng kagalakan sa Tagapagligtas ang pagmiministeryo? Kailan kayo nakadama ng kagalakan habang naglilingkod sa isang taong nangangailangan?

  • Bakit mahalagang bahagi ng ministering ang pagkahabag? Kailan ninyo nadama ang pagkahabag ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsisikap ng ibang tao na mag-minister? Paano ninyo naipadama ang pagkahabag ni Cristo para sa iba sa pamamagitan ng mga sarili ninyong pagsisikap na mag-minister?

  • Paano natin matutulungan ang isang tao na maranasan ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Panginoon habang nagmi-minister tayo?

Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang natutuhan nila tungkol sa ministering, maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon:

Si Alejandro ay isang young single adult. Nakatanggap siya ng paanyayang mag-minister kina Pablo at José. Ilang beses na niyang nakausap si Pablo sa simbahan ngunit kailanman ay hindi pa niya nakakausap si José. Matapos makipag-usap sa elders quorum president, nalaman ni Alejandro na may problema si Pablo sa kalusugan at na sinabi ni José sa bishop na hindi siya interesadong magsimba sa ngayon. Nais ni Alejandro na gawin ang kanyang tungkulin ngunit hindi niya alam kung saan magsisimula.

Anyayahan ang mga estudyante na magtuon sa halimbawa ng Tagapagligtas at ibahagi kung ano ang maipapayo nila kay Alejandro. Hikayatin din ang mga estudyante na ibahagi ang mga sarili nilang karanasan sa ministering.

Ipaalala sa mga estudyante na sa paghahanda para sa lesson na ito, inanyayahan silang mag-isip ng isang taong maaari nilang i-minister (tingnan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda). Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang sitwasyon ng taong ito. Pagkatapos ay bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante upang pagnilayan at isulat ang kanilang mga impresyon tungkol sa sumusunod na tanong:

  • Ano ang gagawin ninyo upang matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at makapag-minister sa taong ito nang may kabaitan at pagkahabag?

Para sa Susunod

Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga hamon na kinakaharap ng mga miyembro ng Simbahan o investigator kapag nadarama nilang hindi sila tanggap ng iba pang miyembro ng Simbahan. Hikayatin ang iyong mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na klase, at alamin kung paano natin matutulungan ang iba na madamang may lugar para sa ating lahat sa Simbahan ni Jesucristo.