Mga Calling sa Mission
Pag-iingat 4


“Pag-iingat 4,” Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya (2015)

“Pag-iingat 4,” Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya

Pag-iingat 4

Maging Isa

Sinabi na ng Panginoon, “Sinasabi ko sa inyo, maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (Doktrina at mga Tipan 38:27). Tulungan ang inyong mission na magkaroon ng kultura ng pagkakaisa, pagsunod, habag, pagmamalasakit, pagbabantay, at pananagutan upang mapalakas, mahikayat, at masuportahan ninyong lahat ang isa’t isa. Lahat ng missionary ay dapat hikayating sundin ang mga pag-iingat na ito at dapat maging komportable sa paghingi ng tulong kapag kailangan. Ang pagkakaroon ng ganitong kultura ng pagtitiwala ay tutulong sa iyo at sa iba pang mga missionary na maiwasang mapag-isa, magkaroon at magpatatag ng mabubuting gawi, at protektahan ang isa’t isa laban sa tukso.

Habang sinisikap mong bumuo ng mabubuting gawi, humingi ng tulong sa iba pang mga missionary at maghandang tulungan ang mga missionary sa iyong paligid. Bilang magkompanyon at bilang isang district, maging isa sa pagprotekta at pagpapalakas sa isa’t isa: “At kung sinuman sa inyo ang malakas sa Espiritu, isama [nila sila] na mahina, upang [ang mahihina] ay maliwanagan sa buong kaamuan, upang [sila] ay maging malakas din” (Doktrina at mga Tipan 84:106). Alalahanin din na maging kaisa ng Panginoon at umasa sa Kanya sa lahat ng iyong mga pagsisikap na sundin ang mga pag-iingat.

Kausapin ang iyong kompanyon at ang mga miyembro ng inyong district kapag hindi ka sigurado kung tama ang paggamit mo ng teknolohiya. Kung natutukso ka sa anumang dahilan, magpatulong sa iyong kompanyon o sa mission leader. Tandaan, halos lahat ng hamon na may kinalaman sa internet o sa pornograpiya ay nangyayari kapag nag-iisa ka. Samakatwid, huwag mong gamitin ang iyong device kapag nag-iisa ka. Kasama sa gabay na ito ang hindi pagdadala ng iyong device sa banyo at hindi paggamit ng iyong device habang nasa banyo ang iyong kompanyon. Hayaang tulungan ka ng iyong kompanyon at ng iba pang mga missionary na malaman kung saan ka maaaring nangangailangan ng tulong. Ang pagtutulungan ay mabuting paraan upang madagdagan ang iyong espirituwal na lakas, at ito ay pagkakataon upang ipahayag ang iyong pagmamahal.

Dahil maaaring hindi komportable o mahirap ang ganitong mga paghahalubilo ng mga missionary, tandaan ang sumusunod na mga alituntunin habang sinisikap mong tulungan ang iba pang mga missionary o humihingi ka ng tulong sa iba pang mga missionary:

  • “Pinatatatag [ng magkompanyon] ang isa’t isa sa mahihirap na panahon. Sila ay makapagbibigay ng proteksyon laban sa pisikal na panganib, mga maling paratang, at tukso. Mahalin at igalang ang iyong mga kompanyon” (Missionary Handbook [2006],30).

  • Laging isipin ang pinakamabuti. Halimbawa, kung hindi sinusunod ng iyong kompanyon ang isa sa mga pag-iingat, ipalagay na hindi niya alam ang kanyang ginagawa. Huwag ipagpalagay na sadya niyang sinusuway ang mga patakaran.

  • Huwag talakayin ang nagawa mong mga paglabag noon sa iba pang mga missionary. Ang pagtulong sa iba ay hindi nangangahulugan ng pagbanggit ng mga naging karanasan mo noon o pagpapaliwanag kung bakit madali kang matangay ng tukso. Makipag-usap nang sarilinan sa mission president kung mayroon kang mga tanong tungkol sa pagiging marapat. Tandaan, “Ang iyong katapatan ay sa Panginoon muna, at pagkatapos ay sa inyong mission president, at pagkatapos ay sa iyong kompanyon” (Missionary Handbook,32).

  • Kung may malaman o masaksihan kang personal na bagay tungkol sa isa pang missionary, laging panatilihin itong kumpidensyal at huwag itsismis ang missionary na iyon sa iba. Magpakita lamang ng pagmamahal at suporta sa nahihirapang missionary, at huwag na magsiyasat. “Lahat ng missionary—lalo na ang [mga mission leader] at ang mga nasa [mission] office—ay kailangang panatilihin itong kumpidensyal sa pamamagitan ng hindi pagbanggit sa iba tungkol sa mga pribadong bagay” (Mission President’s Handbook [2006],20).

  • Kung mukhang hindi sumusunod ang ilang missionary sa mga pag-iingat, kausapin sila sa paraang hindi nagbabanta at hindi nanghuhusga. Sa isang magiliw at maunawaing paraan, magtanong ng tulad ng, “Puwede mo bang ipaunawa sa akin kung bakit mo ginawa iyon?” Pagkatapos ay magkasamang gumawa ng plano. Itanong, “Ano sa palagay mo ang dapat nating gawin?” at “Paano natin matutulungan ang isa’t isa?”

  • Sundin ang proseso sa pahina 15 ng gabay na ito: (1) magkaroon ng kamalayan at kumilala, (2) piliing kumilos, at (3) matuto at magpakabuti.

  • Kung nahihirapan ang isang missionary na sundin ang mga pag-iingat na ito, isama ang mission president o isa pang angkop na mission leader. Humingi ng payo kung paano ninyo pinakamainam na matutulungan ang nahihirapang missionary.

  • Karaniwan ay alam na ng mga missionary na nahihirapan sa maling paggamit ng teknolohiya na mali ang ginagawa nila. Kapag humingi sila ng tulong, kailangan nilang madama ang habag, suporta, at pagmamahal ninyo, hindi ang kahihiyan o pagkakonsensya. Tumugon nang mahinahon, at hangarin sa tuwina ang patnubay ng Espiritu.

  • Makipagtulungan sa iyong kompanyon at district para magkasundo sa mga paraan ng pagsuporta sa isa’t isa. Kung makita mo na nagsisimula ka nang gumawa ng masama, kausapin ang iyong kompanyon o ang isang mission leader. Sa tulong nila, makakaya mong:

    • Gumawa ng bagong plano.

    • Magtakda ng karagdagang mga pag-iingat.

    • Magpatulong sa kanila na magkaroon ka ng pananagutan.

    • Suriin ang anumang sitwasyon na dapat mong baguhin upang tulungan kang manatiling nakatuon sa iyong layunin.

Larawan
dalawang sister missionary na nakatingin sa mobile phone

Gumawa nang may pagkakaisa bilang magkompanyon tuwing gagamitin ninyo ang inyong mga mobile device.

Tandaan, ang Panginoon ay may tiwala sa iyo at sa bawat missionary na tinawag Niya. Nagbigay Siya ng mga kompanyon at lider para protektahan at suportahan ka. Alam Niya ang mga hamong kinakaharap mo, at handa Siyang tumulong sa iyo sa pagtulong mo sa Kanya sa dakilang gawaing ito. Ang pagkakaisa bilang mga missionary ay hindi lamang nag-aangat sa gawain; ihahanda kayo nito para sa mga responsibilidad sa pamilya at Simbahan pagkatapos ng inyong misyon.

Larawan
dalawang sister missionary na gumagamit ng mga desktop computer