Mga Calling sa Mission
Pambungad


“Pambungad,” Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya (2015)

“Pambungad,” Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya

Pambungad

Sa buong kasaysayan, gumagamit ang Diyos ng mga banal na kasangkapan para isulong ang Kanyang mga layunin. Halimbawa, ang Urim at Tummim ay nakatulong sa pagsasalin ng salita ng Diyos, at ang Liahona ay naging gabay ni Lehi at ng kanyang pamilya nang maglakbay sila patungo sa lupang pangako. Tungkol sa mga banal na kasangkapan sa ating panahon, ipinahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Naniniwala ako na masayang maglalaan ang Panginoon sa atin ng teknolohiya na halos hindi natin maiisip na mga pangkaraniwang tao” (“When the World Will Be Converted,” Ensign, Okt. 1974, 10). Mula nang lumabas ang mensahe ni Pangulong Kimball, marami nang kasangkapan ng teknolohiya ang inihayag upang isulong ang mga layunin ng Panginoon, at nagagamit mo na ngayon ang mga kasangkapang ito sa iyong gawain. Ipinahayag ni Elder L. Tom Perry: “Pinahihintulutan na ang mga missionary na gamitin ang Internet sa kanilang pagtuturo. … Gagamitin ng mga missionary ang mga computer sa mga meetinghouse at iba pang pasilidad ng Simbahan” (“Gawaing Misyonero sa Panahon ng Makabagong Teknolohiya” [pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno, Hunyo 2013]; lds.org/broadcasts).

Larawan
si Lehi at ang kanyang pamilya na dala ang Liahona

Ang teknolohiyang ito na natatanggap mo ngayon ay nilayon para tulungan ka sa iyong paglilingkod sa Panginoon habang pinabibilis Niya ang Kanyang gawain. Bagama’t ang teknolohiyang ito ay nilayong gumawa ng mabuti, sinisikap ni Satanas na gamitin ang teknolohiyang ito upang magdulot ng masama at biguin ang gawain ng Panginoon. Mahalaga na matutuhan mong gamitin ang tools na ito alinsunod sa layunin ng pagkalikha sa mga ito—ang isulong ang gawain ng kaligtasan. Ang buklet na ito ay naglalaman ng mga paraan ng pag-iingat na tutulong sa iyo na gamitin ang tools na ito sa tamang paraan upang magampanan mo ang iyong layunin bilang missionary at isulong ang layunin ng Diyos na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang mga pag-iingat na ito ay magbubukas din ng pintuan sa inspiradong paraan ng paggamit ng teknolohiya na magpapalakas sa iyong pananampalataya kay Jesucristo at sa pananampalataya ng mga pinaglilingkuran mo. Ang mga ito ay parang kandado sa pintuan ng templo, na humaharang sa pagpasok sa iyong isipan ng mga bagay na hindi banal. Itinuro ni Pablo, “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?” (I Mga Taga Corinto 3:16). Ang mga pag-iingat na ito ay poprotekta sa iyo at tutulong sa iyo na iwasan ang nakasasamang impormasyon at karanasang nakakasakit sa Espiritu, kabilang na ang di-angkop na nilalaman na tulad ng pornograpiya. Tutulungan ka rin nitong iwasan ang pag-aaksaya ng oras sa mga aktibidad tulad ng mga laro, balita, sports, video, at hindi angkop na paggamit ng social media. Ang pagsasabuhay sa mga alituntuning ito ay magdaragdag sa iyong kakayahan na tulungan ang iba at magpapala sa iyo habambuhay.

Pag-aralan kung paano gawing likas sa iyo na sundin kaagad ang mga pag-iingat. Tutulungan ka nito sa pagsisikap mong maging higit na katulad ni Cristo. “Ipinakita ng Tagapagligtas ang paraan. Siya ang naging perpektong halimbawa, at inuutos Niya sa atin na maging tulad Niya (tingnan sa 3 Nephi 27:27)” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2018], 131). Ang ginagawa mong mga pagpili tungkol sa kung paano gagamitin ang teknolohiya ay dapat tumulong sa iyo na maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Umasa sa biyaya—sa tulong o lakas na ibinigay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo—sa paghahangad mong maging epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.

Mag-isa ka man, kasama ang kompanyon mo, at kasama ang iba pang mga missionary, matututuhan mo at mangangako kang sundin ang mga pag-iingat na ito. Matututuhan mo rin ang isang proseso na tutulong sa iyo kapag nadarama mong madali kang matangay ng tukso at nanghihina ka. Pag-aralan ang impormasyong ito nang madalas. Pag-aralan, pagnilayan, at ipamuhay ang mga alituntuning ito hanggang sa maging normal na bahagi ito ng paraan ng iyong pag-iisip at pagkilos.

Larawan
magarbong seradura mula sa Salt Lake Temple

“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ang plano kung saan maaaring kahinatnan natin ang nararapat na maging kahinatnan ng mga anak ng Diyos. Ang walang bahid-dungis at ganap na kalagayang ito ay manggagaling sa palagiang pagsunod sa mga tipan, ordenansa, at gawa, patuloy na pagpili ng tama, at mula sa patuloy na pagsisisi” (Dallin H. Oaks, “Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 33).