Mga Calling sa Mission
Pag-iingat 3


“Pag-iingat 3,” Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya (2015)

“Pag-iingat 3,” Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya

Pag-iingat 3

Maging Disiplinado

Sa 2 Nephi 2:26, itinuro ni Lehi na, “Dahil sa sila ay tinubos mula sa pagkahulog sila ay naging malaya magpakailanman, nakikilala ang mabuti sa masama; kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos.” Gamitin ang iyong kalayaan upang maging disiplinado at gumawa ng mabubuting pasiya kung paano ka gagamit ng teknolohiya. Tungkol sa kaugnayan ng kalayaan at ng disiplina, sinabi ni Elder D. Todd Christofferson, “Ang disiplinang moral ay ang palagiang paggamit ng kalayaan na piliin ang tama dahil ito ay tama, kahit na mahirap” (“Disiplinang Moral,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 105). Dahil malaki ang kaugnayan ng disiplina sa kalayaan, sikaping piliin na maging disiplinado sa paggamit mo ng mga mobile device sa iyong gawaing misyonero.

Magkaroon ng disiplina na gamitin lamang ang iyong mobile device kapag angkop na gawin ito. Kapag ikaw ay nakikipag-usap na kaharap ang mga tao, huwag tingnan ang mga mensahe o sagutin ang mga tawag sa telepono. Kontrolin ang paggamit mo ng tools na ito. Huwag hayaang ang mga ito ang kumontrol sa iyo. Maaaring may kilala kang mga tao na naging adik na sa kanilang mga mobile device. Tila wala silang alam tungkol sa nangyayari sa mga taong nasa paligid nila habang nagpapadala at tumitingin sa mga text message, naglalaro ng video games, o may ginagawang iba pang mga aktibidad sa kanilang mga device.

Bilang missionary, huwag magpagambala sa iyong mobile device. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard na: “Ang mga handheld device, tulad ng mga smartphone, ay isang pagpapala, ngunit maaari rin itong maging dahilan para hindi natin marinig ang ‘marahan at banayad na tinig.’ Sila dapat ang ating mga lingkod, hindi ang ating mga amo” (“Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos” [Church Educational System devotional, Mayo 4, 2014], lds.org/broadcasts).

Larawan
dalawang sister missionary na nag-aaral sa mga mobile phone