Seminary
Pagsasaayos ng mga Gawain at Priyoridad: Ang Halimbawa ng Tagapagligtas ay Makatutulong sa Ating Magkaroon ng Kaayusan sa Ating Buhay


“Pagsasaayos ng mga Gawain at Priyoridad: Ang Halimbawa ng Tagapagligtas ay Makatutulong sa Ating Magkaroon ng Kaayusan sa Ating Buhay,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Pagsasaayos ng mga Gawain at Priyoridad: Ang Halimbawa ng Tagapagligtas ay Makatutulong sa Ating Magkaroon ng Kaayusan sa Ating Buhay,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Magtagumpay sa Paaralan: Lesson 194

Pag-aayos ng mga Gawain at Priyoridad

Ang Halimbawa ng Tagapagligtas ay Makatutulong sa Ating Magkaroon ng Kaayusan sa Ating Buhay

Messy and cluttered desk
Family Life in Brooklyn: Reading Scriptures

Gaano ninyo kahusay na naisasaayos at nabibigyang-priyoridad ang mga gawaing kailangang gawin sa bawat araw? Matutulungan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na magkaroon ng kaayusan sa ating buhay at magamit ang ating oras at resources nang mas mahusay. Kapag sinisikap ng mga estudyante na unahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo, mas maisasagawa nila ang mga gawain sa paaralan kaysa sa pagtatangka nilang gawin ito nang mag-isa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matutuhan ang mga paraan kung paano makatutulong ang halimbawa ng Tagapagligtas na magkaroon ng kaayusan sa kanilang mga gawain sa paaralan.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng listahan ng mga gawain sa paaralan na kailangan nilang tapusin sa linggong ito. Maaaring kabilang dito ang takdang-aralin, mga pagsusulit, proyekto, o nakatalagang babasahin (kabilang ang seminary).

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Man's hand holding corner piece of blue jigsaw puzzle.  (horiz)

Pagdadala ng kaayusan sa kaguluhan

Para simulan ang klase, maaaring magpakita ng isang bagay na nangangailangan ng maraming hakbang upang makumpleto (tulad ng isang recipe, jigsaw puzzle, o do-it-yourself na proyekto). Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng ilan sa iba’t ibang paraan na maaari nilang gawin sa pagkumpleto ng gawaing ito. Halimbawa, upang makumpleto ang puzzle, maaaring ilabas ng isang tao ang lahat ng piraso nang sabay-sabay, ihiwalay muna ang mga gilid na piraso, o isaayos ang mga piraso ayon sa kulay.

  • Bakit maaaring mahirap ayusin at bigyan ng priyoridad ang isang proyekto na may maraming hakbang upang matapos?

  • Paano ito maaaring maging katulad ng pagsasaayos at pagbibigay ng priyoridad sa mga gawain sa paaralan?

Ang mga pagpapala ng pagsasaayos ng mga gawain at priyoridad

Maaaring makatulong na tiyakin sa mga estudyante na alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na abala ang ating buhay at nangangailangan ito ng maraming oras at atensyon. Sa pamamagitan ng Kanilang mga propeta, pinayuhan Nila tayo kung paano haharapin ang maraming bagay na kinakaharap natin.

Basahin ang mga sumusunod na scripture passage, at alamin ang kahalagahan ng pagsisikap na magkaroon ng kaayusan sa ating buhay:

Mga Awit 37:23–24

1 Corinto 14:40

Doktrina at mga Tipan 28:13; 132:8

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga passage na ito tungkol sa kaayusan?

Pagkatapos magkaroon ng pagkakataong sumagot ang mga estudyante, maaaring makatulong na ituro na si Jesucristo ay organisado at maayos sa Kanyang gawain. Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, inaanyayahan Niya tayong gawin din ito (tingnan sa 1 Corinto 14:40; Mosias 4:27).

Mula sa mga talatang ito, tulungan ang mga estudyante na makilala na ang pagkakaroon ng kaayusan sa ating buhay ay tumutulong sa atin na tularan ang halimbawa ni Jesucristo.

Maaari kang magpaabot ng paanyaya tulad ng sumusunod para tulungan ang iyong mga estudyante na maghangad ng personal na paghahayag habang nag-aaral sila.

Mapanalanging pag-isipan kung gaano kayo kaayos at kaorganisado pagdating sa inyong mga gawain at assignment sa paaralan. Anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong makita ang mga estratehiya sa pagsasaayos at pagbibigay ng priyoridad na maaaring makadagdag ng kaayusan sa inyong buhay.

Ang Paglikha: Isang huwaran ng kaayusan

Hubble image of the Bubble Nebula.

Maaaring magpakita ng larawan ng langit at ng ating mundo. Sa ilalim ng direksyon ng Ama sa Langit, ang salaysay tungkol sa paglikha ng Tagapagligtas sa mundo ay makapagtuturo sa atin ng mga estratehiya upang mas maayos ang ating mga gawain at priyoridad.

  • Bakit mahalaga ang pagiging organisado at ang kaayusan habang nililikha ni Jehova (Jesucristo) ang mundo?

Pagkatapos ay ipakita ang mga sumusunod na tagubilin para sa mga estudyante. Maaaring isaayos ang mga estudyante sa maliliit na grupo para sa aktibidad na ito.

Basahin ang Abraham 4:1–25; 5:2–3. Pagnilayan ang mga sumusunod na tanong habang nag-aaral kayo.

  • Ano ang ilang detalyeng natuklasan ninyo na maaaring makatulong kapag nag-aayos tayo ng mga gawain at priyoridad?

  • Ano ang ilang bagay na ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo upang magkaroon ng kaayusan sa proseso ng Paglikha? (Halimbawa: Ano ang una Nilang ginawa? Paano Nila hinarap ang malalaking gawain?)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga para sa Kanila ang maglaan ng oras upang mapagnilayan at madama na ang Kanilang gawain ay “mabuti”? (Tingnan sa Abraham 4:21.)

Paghahalintulad ng Paglikha sa ating buhay

Sa inyong study journal, maglista ng ilang paraan na makatutulong ang salaysay ng Paglikha sa isang tao na ayusin ang kanilang mga gawain sa paaralan.

Kapag inihahalintulad natin ang mga banal na kasulatan sa ating sarili, pinag-aaralan natin ang salaysay na ibinigay upang malaman ang mga detalyeng tila mahalaga, maihambing ang mga ito sa ating mga kalagayan, matuklasan ang mahahalagang lesson, at maipamuhay ang mga ito. Maaaring makita ng mga estudyante ang mga sumusunod na detalye mula sa Abraham 4–5 na maaaring maiangkop sa kanilang mga pagsisikap na ayusin ang mga gawain at priyoridad. Kung kailangan ng mga estudyante ng karagdagang patnubay, maaari mong ituro ang mga sumusunod na talata at parirala.

“Magkaroon ng liwanag” (tingnan sa Abraham 4:1–4). Maaaring makilala ng mga estudyante na mahalagang magkaroon ng liwanag ni Cristo sa kanilang buhay.

“at nagkagayon nga, maging tulad ng kanilang ipinag-utos” (Abraham 4:7). Sa bawat hakbang ng ating gawain, matutukoy natin ang pinakamahahalagang assignment at mabibigyan natin ng priyoridad ang pagkumpleto ng mga ito bago lumipat sa ibang bagay.

“Ihanda natin ang lupa upang sibulan ng damo” (Abraham 4:11). Ang paghahanda ng lupa para sa pagtatanim ay maihahambing sa paghahati-hati ng mas malalaking gawain sa mas maliliit at mas madadaling hakbang na pamamahalaan.

Napansin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo “na mabuti ang kanilang plano” (Abraham 4:21). Gayundin, mapapansin natin ang mga bagay na “mabuti” sa ating buhay (mga bagay na nagawa ninyo) at ipagdiwang natin ang ating mga nagawa.

“[T]ayo ay mamamahinga” (Abraham 5:2). Maaari nating ilaan ang Sabbath bilang araw ng pahinga mula sa ating mga gawain.

  • Paano makatutulong sa inyo ang mga detalyeng natuklasan ninyo na mas masunod ang halimbawa ng Tagapagligtas kapag sinisikap ninyong ayusin ang inyong mga gawain sa paaralan?

Upang tulungan ang mga estudyante na suriin ang mga kalakasan at kahinaan ng pagsasaayos ng kanilang mga gawain sa paaralan, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin. Maaaring panghinaan-ng-loob ang ilan sa iyong mga estudyante habang kinukumpleto nila ang self-assessment na ito. Tiyakin sa kanila na bilang mga anak ng Diyos, mahal Niya tayo, mapagpasensiya Siya sa ating pag-unlad, at sabik Siyang tulungan tayong humusay.

Maglaan ng ilang sandali upang mapanalanging suriin kung gaano kalapit na inilalarawan ng bawat pahayag ang kasalukuyan ninyong paraan ng pagsasaayos ng mga gawain at priyoridad (napakatotoo, medyo totoo, hindi totoo).

  • Inuuna ko ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa aking buhay sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na tulad ng regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at personal na panalangin upang tulungan ako sa buong araw ng aking pag-aaral.

  • Sinusubaybayan ko ang mga assignment sa paaralan at isinusumite ko ang mga ito sa tamang oras.

  • Naghahanda ako nang maaga para sa mga pagsusulit at malalaking proyekto.

  • Maayos at organisado ang aking mga tala sa klase, backpack, libro, at homework.

  • Pakiramdam ko ay kaya kong gawin nang tuluy-tuloy ang malalaking assignment at hindi ko ipagpapaliban ang mga bagay hanggang sa huling minuto.

  • Kumportable akong makipag-usap sa aking titser kapag mayroon akong mga tanong o kapag kailangan ko ng karagdagang tulong.

Maaari kayong pumili ng isang area kung saan alam ninyong nahihirapan kayong magpokus para sa susunod na aktibidad.

Magsanay sa pagsasaayos ng mga gawain at priyoridad

Ang pagsasanay sa pagsasaayos at pagbibigay ng priyoridad sa kanilang mga gawain sa paaralan ay maaaring makatulong sa mga estudyante na maragdagan ang kaayusan sa kanilang buhay.

icon ng seminary Isang paraan para tulungan ang mga estudyante na isagawa ang mga kasanayang ito ay ang pagbibigay sa kanila ng kopya ng handout na “Pagsasaayos at Pagbibigay ng Priyoridad sa Aking Gawain sa Paaralan.”

Anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang ilan sa o ang lahat ng aktibidad sa handout. Maaari itong kumpletuhin sa mas maliit na grupo o nang may kapartner. Pagkatapos ay maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga ideya na nakatulong sa kanila na maging mas organisado kasama ang iba.

Pagkatapos ng sapat na oras, maaari kang mag-anyaya ng tagapagsalita sa bawat grupo na magbabahagi ng ilan sa mga bagay na tinalakay ng grupo sa aktibidad sa handout. Habang gumagawa ng plano ang mga estudyante upang sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagsasaayos [ng mga bagay], maaari mong ituro na ang isa sa mga paraan ng pakikipag-ugnayan sa atin ng Ama sa Langit ay sa pamamagitan ng pagtulong sa atin na makilala ang mga ideya na maaari nating subukan.

Sa inyong study journal, isulat ang isang bagay na gusto ninyong subukan para mas mahusay ninyong maayos at mabigyan ng priyoridad ang inyong mga gawain sa paaralan.

  • Paano ninyo maaanyayahan ang Ama sa Langit at si Jesucristo na pag-ibayuhin ang inyong mga pagsisikap?

Tiyakin sa mga estudyante na ang pagsisikap upang mas mahusay na maayos at mabigyan ng priyoridad ang mga gawain sa paaralan ay maaaring mangailangan ng paulit-ulit na pagtatangka. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo na mahal sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at pagyayamanin Nila ang kanilang mga pagsisikap na gumawa nang mas mahusay.