“Pagiging Responsable sa Inyong Pag-aaral: Pag-iwas sa mga Pagdadahilan at Pagkilos sa Edukasyon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Pagiging Responsable sa Inyong Pag-aaral: Pag-iwas sa mga Pagdadahilan at Pagkilos sa Edukasyon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Magtagumpay sa Paaralan: Lesson 193
Pagiging Responsable sa Inyong Pag-aaral
Pag-iwas sa mga Pagdadahilan at Pagkilos sa Edukasyon
Kapag nagiging mahirap ang mga gawain sa paaralan, gumagawa tayo minsan ng mga pagdadahilan at iniiwasan nating kumilos. Habang tinutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at nagiging responsable tayo sa ating pag-aaral, madaragdagan ang ating karunungan na tulad Niya (tingnan sa Lucas 2:52). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang mga pagkilos na makatutulong sa kanila na maging responsable sa kanilang pag-aaral.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang tungkol sa kanilang mga pagsisikap sa pag-aaral sa mga sumusunod na tanong:
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Responsibilidad para sa ating pag-aaral
Anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng sitwasyon tungkol sa isang tinedyer at isang hindi magandang desisyon na ginawa niya tungkol sa kanyang mga gawain sa paaralan. Halimbawa, hindi nag-aral ang tinedyer para sa isang pagsusulit, nahuli siya sa klase, nakalimutan niya ang isang mahalagang assignment, o hindi siya nagsumite ng isang sanaysay. Maaari kang magpadrowing sa isang estudyante ng stick figure sa pisara, bigyan ng pangalan ang tinedyer, at isulat ang kanyang hindi magandang desisyon sa ilalim ng stick figure.
Pagkatapos ay maaari mong isulat ang Mga Pagdadahilan sa itaas ng stick figure. Maaaring anyayahan ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa paligid ng stick figure sa pisara.
-
Ano ang ilang mga pagdadahilan na maaaring gawin ng isang tinedyer para sa hindi magandang desisyong ito?
-
Sa inyong palagay, bakit gumagawa tayo minsan ng mga pagdadahilan para sa mga ganitong uri ng pagpili?
Itinuro nina Pangulong Russell M. Nelson at Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mahahalagang katotohanan na makatutulong na alalahanin kapag natutukso tayong gumawa ng mga pagdadahilan para sa mga maling pagpili sa paaralan.
Kayo ang mag-aaral. Walang ibang mag-aaral para sa inyo. Saanman kayo naroon, magkaroon ng matinding hangaring matuto. Para sa atin na mga Banal sa mga Huling Araw, ang pag-aaral ay hindi lang isang pribilehiyo, ito’y isang banal na responsibilidad. (“Will You Choose to Increase in Learning?,” New Era, Set. 2014, 2)
Sa mga bagay na kapwa temporal at espirituwal, ang pagkakataong tumanggap ng personal na responsibilidad ay isang kaloob na bigay ng Diyos at kung wala ito ay hindi natin makakamit ang ating potensyal bilang mga anak ng Diyos. (“Malaya Magpakailanman, na Kumilos para sa Kanilang Sarili,” Liahona, Nob. 2014, 18)
-
Ano ang tumatak sa inyong isipan mula sa mga pahayag na ito?
-
Bakit mahalagang personal na maging responsable sa ating pag-aaral?
Maaaring tulungan ang mga estudyante na makilala ang sumusunod na katotohanan sa pamamagitan ng pagsulat nito sa tabi ng drowing sa pisara: Ang pagtanggap ng personal na responsibilidad para sa ating pag-aaral ay tumutulong sa atin na maunawaan ang ating buong potensyal bilang mga anak na babae at anak na lalaki ng Diyos.
-
Ano ang ilang partikular na bagay na maaaring gawin ng isang tinedyer para tumanggap ng responsibilidad sa kanilang pag-aaral?
-
Paano makatutulong sa atin ang pagtanggap ng personal na responsibilidad para sa ating pag-aaral upang maging higit na katulad ng Tagapagligtas?
Habang sinasagot ng mga estudyante ang mga tanong sa itaas, maaari mo silang anyayahang magbahagi ng mga katangiang ipinakita ni Jesucristo nang naging responsable Siya sa Kanyang ministeryo at misyon (tulad ng pagsusumigasig, pagpapakumbaba, at pagmamahal).
Maglaan ng ilang sandali upang isipin kung paano makatutulong sa inyo ang pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo para madaig ang mga pagdadahilan at tumanggap ng responsibilidad para sa inyong pag-aaral. Makinig sa mga pahiwatig na mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa inyong matukoy ang mga katangian na maaari ninyong mabuo o mga pagkilos na maaari ninyong gawin upang maging responsable sa inyong mga gawain sa paaralan.
Mga halimbawa sa banal na kasulatan tungkol sa pagiging responsable
Para tulungan ang mga estudyante na matuklasan ang mga katotohanan tungkol sa pagiging responsable sa kanilang pag-aaral, maaari mo silang anyayahan na kumpletuhin ang handout na “Pagiging Responsable.” Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano maiaangkop sa kanila ang mga kuwento sa handout. Maaari mong ayusin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at anyayahan ang ilan sa mga estudyante sa bawat grupo na basahin at sagutin ang mga tanong para sa kuwento ni David habang pinag-aaralan ng iba ang talinghaga ng mga talento.
Paalala: Ang huling bahagi ng handout ay gagamitin kalaunan sa lesson.
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang natutuhan nila.
Pagdaig sa mga pagdadahilan para tumanggap ng responsibilidad sa pag-aaral
Para tulungan ang mga estudyante na maghandang tingnan ang sarili nilang buhay at madaig ang mga pagdadahilan na maaaring ginagawa nila, maaaring makatulong na gawin ang sumusunod na aktibidad bilang isang klase.
Pag-isipan ang tungkol sa tinedyer mula sa simula ng klase. Pagnilayan ang natutuhan ninyo mula sa mga banal na kasulatan at personal na karanasan tungkol sa pagiging responsable sa inyong pag-aaral. Tulungan ang tinedyer na ito sa pamamagitan ng pagmumungkahi ng mga katangian at pagkilos na tulad ng kay Cristo na nagpapakita ng kahandaang tumanggap ng responsibilidad sa pag-aaral na tumutugon sa mga pagdadahilan na nasa pisara.
Bago sila magsimula, maaaring makatulong na bigyan ng halimbawa ang mga estudyante. Ang isang pagdadahilan para sa pagdating nang huli [sa klase] ay maaaring “hindi ako ginising ng nanay ko sa tamang oras.” Maaaring imungkahi ng mga estudyante na “Magiging responsable ako tulad ng Tagapagligtas at magtatakda ng alarm para matiyak na makararating ako sa paaralan sa tamang oras.” Maaari mong isulat ang mga mungkahi ng mga estudyante malapit sa bawat pagdadahilan.
-
Paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas sa ating mga pagsisikap na tumanggap ng responsibilidad sa ating pag-aaral?
Maaaring anyayahan ang mga handang estudyante na ibahagi kung ano ang nagawa nila sa kanilang buhay upang tumanggap ng personal na responsibilidad sa kanilang pag-aaral. Habang nagbabahagi sila, purihin ang mga estudyante para sa mga pagsisikap na ginagawa nila.
Responsibilidad para sa aking pag-aaral
Anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang huling bahagi ng handout. Maaari mong ibahagi sa kanila ang sumusunod habang humihingi sila ng tulong sa Panginoon upang maging responsable sa kanilang pag-aaral.
Habang naghahangad kayo ng paghahayag mula sa Ama sa Langit tungkol sa kung paano huhusay, maaaring magpahiwatig sa inyo ang Espiritu Santo sa mga kinakailangang pagbabago. Matatandaan din natin na hindi natin kailangang gawin ang lahat ng ito nang mag-isa; maaari nating hingin ang tulong ng Tagapagligtas (tingnan sa Isaias 41:10).
Maaaring anyayahan ang ilang handang estudyante na magbahagi ng kung ano ang nadama nila na dapat nilang gawin. Maaari kang magbahagi ng isang halimbawa mula sa iyong buhay tungkol sa pagiging responsable sa iyong pag-aaral. Hikayatin ang mga estudyante na iuwi ang kanilang handout para matulungan silang maalala kung ano ang nahihikayat silang gawin ngayon.