“Paggawa ng mga Paghahambing: Gumawa ng mga Paghahambing upang Matukoy ang mga Ipinahiwatig na Katotohanan mula sa mga Banal na Kasulatan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Paggawa ng mga Paghahambing: Gumawa ng mga Paghahambing upang Matukoy ang mga Ipinahiwatig na Katotohanan mula sa mga Banal na Kasulatan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan: Lesson 170
Paggawa ng mga Paghahambing
Gumawa ng mga Paghahambing upang Matukoy ang mga Ipinahiwatig na Katotohanan mula sa mga Banal na Kasulatan
Sinabi ng isang anghel kay Nephi na ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga katotohanang “malinaw at pinakamahalaga” (1 Nephi 13:26). Gayunpaman, kung minsan ay mahirap tukuyin ang mga katotohanang ito o madama na makabuluhan ang mga banal na kasulatan. Ang paghahambing ng iba’t ibang kuwento, ideya, at tao sa banal na kasulatan ay isang kasanayang makatutulong sa atin na matukoy ang mahahalagang katotohanan na mula kay Jesucristo at mapagpala mula sa Kanyang mga salita. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na paghambingin ang mga banal na kasulatan upang matukoy ang mga ipinahiwatig na katotohanan.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Moises 4:1–2, at alamin ang mga pagkakatulad at pagkakaiba sa pagitan nina Jesucristo at Satanas. Anyayahan sila na pag-isipan kung bakit maaaring maging kapaki-pakinabang na gumawa ng mga paghahambing sa mga banal na kasulatan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Asukal at asin
Maaari kang magdala ng asukal at asin sa klase at hayaang tumikim nito nang kaunti ang isa o dalawang estudyante. Maaari ka ring magpakita ng larawan ng mga sangkap na ito, tulad ng ipinapakita sa ibaba. Bilang alternatibo, maaari mong gawin ang kaparehong aktibidad sa isang matamis na inumin, tulad ng juice, at isang maasim na sangkap, tulad ng suka.
-
Paano naging magkatulad ang asin at asukal? Paano naging magkaiba ang mga ito?
-
Paano makatutulong ang paghahambing ng asin sa asukal upang mas maunawaan ninyo ang mga ito?
Sa katulad na paraan, kapag gumagawa tayo ng mga paghahambing sa mga banal na kasulatan, mas malinaw nating mauunawaan at mapahahalagahan ang marami sa mahahalagang turo ng Tagapagligtas. Mas makikita natin kung paano Niya mapagpapala ang ating buhay kapag ipinamumuhay natin ang mga turong ito.
Habang natututo kayo tungkol sa kasanayang ito sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, maging bukas sa mga impresyon mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa inyo na makilala kung paano ninyo gagawing mas makabuluhan ang inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Kasanayan: Paggawa ng mga paghahambing
Para matulungan ang mga estudyante na matutuhan ang kasanayang ito sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, isinaayos ang lesson na ito sa mga sumusunod na bahagi: “Ipaliwanag” (pagpapaliwanag sa kasanayan), “Ipakita” (pagbibigay sa mga estudyante ng mga halimbawa at pagtuturo sa kanila ng kasanayan), at “Magsanay“ (pagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon na isagawa ang kasanayan).
Ipaliwanag
Basahin o ibuod ang sumusunod.
Ang ibig sabihin ng paggawa ng paghahambing sa mga banal na kasulatan ay pagbibigay-pansin sa mga pagkakatulad at pagkakaiba sa pagitan ng mga kuwento, ideya, o tao. Ang mga paghahambing na ito ay makatutulong sa atin na matukoy ang mga ipinahiwatig na katotohanan (mga katotohanang maaaring hindi natin makita). Maaari tayong gumawa ng mga paghahambing sa iisang talata, sa mga kabanata, o sa maraming aklat.
Ang pagtatanong sa inyong sarili ng mga sumusunod ay makatutulong sa inyo na gumawa ng mga paghahambing habang pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan:
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong. Babalik-balikan ng mga estudyante ang mga ito sa buong lesson.
-
Paano nagkakatulad ang mga kuwento, ideya, o tao sa salaysay na ito? Paano naging magkaiba ang mga ito?
-
Ano ang matututuhan ko mula sa paggawa ng paghahambing na ito?
-
Paano makatutulong sa akin ngayon ang natutuhan ko mula sa paghahambing na ito?
-
Paano makatutulong sa akin ang natutuhan ko na higit na mahalin o sundin ang Panginoon?
Ipakita
Para maihanda ang iyong mga estudyante na isagawa ang kasanayang ito nang mag-isa, makatutulong na gabayan muna sila gamit ang isang salaysay sa banal na kasulatan. Maaari mo itong gawin sa pamamagitan ng paggamit ng salaysay tungkol sa premortal na Kapulungan sa Langit, at pag-isipan ang mga ginawa ni Jesucristo at ni Satanas. Maaari mong piliing gumamit ng ibang salaysay, gaya ng isa sa mga sumusunod:
-
Ang mga tao sa panahon ni Enoc (Moises 7:17–19) at mga tao sa panahon ni Noe (Moises 8:28–30)
-
Ang pagpili nina Abraham at Lot kung saang lupain sila maninirahan (Genesis 13:8–13)
Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan sa ibaba at sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nalalaman tungkol sa pangyayari.
Sa premortal na Kapulungan sa Langit, ipinakita ng Ama sa Langit ang Kanyang plano para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Ang Kanyang plano ay mangangailangan ng isang tagapagligtas.
Maaari kang sumangguni sa apat na tanong na ipinakita kanina at anyayahan ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa study journal habang binabasa nila ang mga sumusunod na talata.
Basahin ang Moises 4:1–2, at alamin kung paano tumugon si Jesucristo at si Satanas sa Diyos.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa bawat tanong.
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila sa paghahambing ng Tagapagligtas kay Satanas, maaari silang magbahagi ng mga katotohanang tulad ng sumusunod:
-
Mapagpakumbabang hinahangad ni Jesucristo na magawa ang kalooban ng Ama sa Langit. Makasariling hinahangad ni Satanas ang kanyang sariling karangalan at kaluwalhatian.
-
Pinili ng Ama sa Langit si Jesus mula sa simula na maging Tagapagligtas ng mundo. Naghimagsik si Satanas laban sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Magsanay
Maaaring gawin ng mga estudyante ang aktibidad sa pagsasanay na ito nang mag-isa, nang magkakapartner, o sa maliliit na grupo.
May mga karagdagang opsiyon sa “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral” sa lesson na ito.
Pumili ng isa sa mga opsiyon sa pag-aaral sa ibaba. Gamitin ang mga ipinapakitang prompt upang matulungan kayong gumawa ng mga paghahambing at matukoy ang mga makabuluhang katotohanan.
Mga opsiyon sa pag-aaral:
-
Ang ulat ng 12 espiya. Nagsugo si Moises ng 12 espiya para suriin ang lupain ng Canaan para malaman kung ano ang hitsura ng lupain at mga tao (tingnan sa Mga Bilang 13:17–20). Noong bumalik sila, 10 espiya ang nagbigay ng ulat na naiiba sa ibinigay nina Caleb at Josue (ang dalawa pang espiya). Basahin ang Mga Bilang 13:26–33; 14:6–9, at paghambingin ang magkaibang ulat.
-
Ang paghahari ni Haring Solomon. Si Haring Solomon ang naging hari pagkamatay ng kanyang ama na si David. Ang mga hangarin ni Solomon at ang mga pangako ng Panginoon sa kanya ay nagbago sa paglipas ng panahon. Basahin ang 1 Mga Hari 3:3, 7–12; 11:4–6, 9–11, at paghambingin ang mga hangarin ni Solomon at ang mga pangako ng Panginoon sa Kanya sa simula at sa huling bahagi ng kanyang paghahari.
-
Mga Pastol ng Israel. Sa pamamagitan ng Kanyang propetang si Ezekiel, pinayuhan ng Panginoon ang mga pinuno ng Israel, at tinawag silang “mga pastol ng Israel” (Ezekiel 34:2). Basahin ang Ezekiel 34:2–6, 11–16, at ihambing ang mga pastol ng Israel sa Panginoon, ang ating Mabuting Pastol.
Pagkatapos kumpletuhin ng mga estudyante ang aktibidad, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga ipinapakitang tanong sa ibang estudyante, sa kapartner, o sa isang grupo na nag-aral ng ibang kuwento. Pagkatapos ay anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi sa klase. Maaari ding isulat ng mga boluntaryo sa pisara ang mga katotohanang nakita nila at ipaliwanag kung bakit makabuluhan sa kanila ang mga ito.
Ang sumusunod ay mga halimbawa ng mga katotohanang maaaring ibahagi ng mga estudyante:
-
Mapapalakas tayo ng Panginoon kapag pinili nating makita ang ating mga hamon nang may pananampalataya sa halip na pag-aalinlangan.
-
Pagpapalain tayo ng Panginoon kapag mahal natin Siya nang higit pa kaysa sa mga bagay ng mundong ito.
-
Mas nagiging katulad tayo ng Panginoon kapag hinahanap at pinangangalagaan natin ang iba.
Kung may oras pa, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na patuloy na magsanay sa paggawa ng mga paghahambing sa pamamagitan ng paggamit ng kuwento o scripture block na kanilang pinili. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi ang natutuhan nila mula sa paggawa ng mga paghahambing na iyon.
Pangwakas
Habang pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan, maghanap ng mga paraan na maaari ninyong isama ang kasanayan sa paggawa ng mga paghahambing. Halimbawa, kapag nag-aaral kayo tungkol sa isang taong gumagawa ng maling pagpili, isipin ang isang tao sa mga banal na kasulatan na gumagawa ng matwid na pagpili. Kung makakikita kayo ng isa sa mga propeta ng Panginoon na tinanggihan, isipin kung maaalala ninyo ang isa pang pagkakataon noong tinanggap ng mga tao ang Kanyang mga propeta.
Maaari ninyong isulat ang inyong mga natuklasan sa inyong mga banal na kasulatan o sa study journal.
-
Paano maaaring makaimpluwensya ang natutuhan ninyo ngayon sa personal na pag-aaral ninyo ng banal na kasulatan?
Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng iyong patotoo sa mga banal na kasulatan at sa mga katotohanang nakapaloob sa mga ito.
Maaaring makatulong na kumustahin sa mga susunod na lesson ang iyong mga estudyante sa pagsasagawa ng kasanayang ito sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.