“Pagtuon kay Jesucristo sa mga Banal na Kasulatan: Paghahanap ng mga Simbolo at Katangian ng Tagapagligtas,“ Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Pagtuon kay Jesucristo sa mga Banal na Kasulatan: Paghahanap ng mga Simbolo at Katangian ng Tagapagligtas,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan: Lesson 166
Pagtuon kay Jesucristo sa mga Banal na Kasulatan
Paghahanap ng mga Simbolo at Katangian ng Tagapagligtas
Ang isa sa mga pangunahing layunin ng mga banal na kasulatan ay tulungan tayong matutuhan ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang pag-aaral tungkol kay Jesucristo ay isang mahalagang paraan kung saan mapag-aaralan din natin ang tungkol sa Ama sa Langit. Kapag mas marami tayong natututuhan tungkol sa Kanila, mas lalong lumalago ang ating pananampalataya sa Kanila. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na tumuon sa Tagapagligtas habang pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na hanapin ang mga kabatirang natutuhan nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang ginagawa nila ang kanilang personal na pag-aaral o kasama ang pamilya sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Anyayahan silang pumasok sa klase na handang ibahagi ang nalaman nila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang Layunin ng mga Banal na Kasulatan
Maaari kang magdrowing ng target sa pisara.
Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na maghagis ng malambot na bagay sa target. Pagkatapos ng mga pagtatangkang ito, burahin ang target. Kung gusto mo, maaari mong hilingin sa isang estudyante na subukang matamaan ang target kahit na wala na ito. (Magreresulta ito sa kalituhan.) Maaari mong itanong kung paano nila gagawin ang aktibidad kapag wala silang target.
-
Bakit magandang magkaroon ng target o layunin sa isang aktibidad?
-
Ano ang target o layunin ng pag-aaral ng banal na kasulatan?
Maaaring magbahagi ng iba’t ibang sagot ang mga estudyante. Kung gusto mo, maaari mong idrowing muli ang target at isulat ang ilan sa mga sagot na ibinahagi ng mga estudyante tungkol sa layunin ng pag-aaral ng banal na kasulatan sa loob ng target o sa tabi nito.
Ipaliwanag na ang pag-unawa sa layunin ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa pag-aaral natin ng mga ito.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at alamin ang pangunahing layunin ng mga banal na kasulatan.
Sa huli, ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo—pananampalataya na Sila ay buhay; pananampalataya sa plano ng Ama para sa ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan; pananampalataya sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, na nagsakatuparan sa planong ito ng kaligayahan; pananampalatayang maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo; at pananampalatayang makilala “ang iisang Dios na tunay, at siyang [Kanyang] sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” (Juan 17:3). (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 34)
-
Paano ninyo ibubuod ang layunin ng mga banal na kasulatan?
Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang pangunahing layunin ng banal na kasulatan ay mapalakas ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari kang magdrowing ng arrow mula sa katotohanang ito sa gitna ng target.
-
Paano makaiimpluwensya ang kaaalaman tungkol sa layuning ito sa paraan ng pag-aaral natin ng ating mga banal na kasulatan?
-
Bakit maaaring mahalaga na patuloy na magsikap na palakasin ang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Pagnilayan ang inyong pinagtutuunan habang pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan. Sa palagay ninyo, gaano kayo nakatuon sa pagpapalakas ng inyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan?
Habang natututo kayo ng mga kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan sa lesson na ito, humingi ng tulong sa Espiritu Santo para malaman kung paano gamitin ang mga kasanayang ito para mapalakas ang inyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Tatalakayin sa lesson na ito ang dalawang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na makatutulong sa mga estudyante na tumuon sa Tagapagligtas. Maaaring maging kapaki-pakinabang na ipaliwanag na dahil ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay lubos na nagkakaisa, habang natututuhan natin ang tungkol sa Tagapagligtas, ang mga parehong katangian ay naaangkop din sa Ama (tingnan sa Juan 6:38; 10:30; 14:7–9). Ang mga kasanayan sa lesson na ito ay makatutulong sa atin na tumuon kay Jesucristo. Ang pagtuon na ito ay nakatutulong din sa atin na matutuhan ang tungkol sa Ama sa Langit.
Para sa bawat kasanayan, tutukuyin mo ang kasanayan, ilalarawan ito, at pagkatapos ay bibigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na isagawa ito.
Kasanayan: Maghanap ng mga simbolo ng Tagapagligtas at pagnilayan ang kahulugan nito
Ipaliwanag
Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga simbolo ng Tagapagligtas. Ang simbolo ng Tagapagligtas ay isang bagay o item na maaaring magpaalala sa atin ng tungkulin ng Tagapagligtas sa ating buhay. Para sa kasanayang ito, gawin ang sumusunod:
Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na hakbang:
-
Maghanap ng mga simbolo na nagpapaalala sa iyo tungkol sa Tagapagligtas.
-
Itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod:
-
Paano maihahalintulad ang Tagapagligtas sa simbolong ito?
-
Paano ako natutulungan ng paghahambing ng Tagapagligtas sa simbolong ito na maunawaan kung paano ako matutulungan ng Tagapagligtas sa aking buhay?
-
Ipakita
Ipakita ang kasanayang ito sa pamamagitan ng pagsasagawa nito nang magkakasama bilang isang klase. Sa pagsasagawa nito, matutulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ito at kung paano ito gawin.
Sa pamamagitan ng propetang si Jeremias, gumamit ang Panginoon ng isang makapangyarihang simbolo para ituro sa atin ang tungkol sa Kanya. Basahin ang Jeremias 2:13; 17:13, at maghanap ng simbolo ng Tagapagligtas.
-
Paano maihahalintulad ang Tagapagligtas sa simbolong ito? (bukal ng tubig na buhay)
Kung nahihirapan ang mga estudyante sa pagsagot, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:
-
Ano ang ilang gamit ng tubig? (Pampawi ng uhaw, tumutulong na mabuhay tayo, naglilinis, at nagpapaginhawa.) Paano natutulad sa tubig ang Tagapagligtas sa ganitong mga paraan?
-
Paano naging kasinghalaga ng tubig ang Tagapagligtas? Bakit maaaring kailanganin natin Siya nang madalas na gaya ng tubig?
-
Bakit kaya inihambing ng Panginoon ang kanyang sarili sa isang bukal ng tubig sa halip na sa isang lawa o ibang source?
-
Paano kayo natutulungan ng paghahambing sa Tagapagligtas sa simbolong ito na maunawaan kung paano Niya kayo matutulungan sa inyong buhay?
-
Magsanay
Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magsanay ng kasanayang ito nang mag-isa o sa maliliit na grupo kung sa palagay mo ay makikinabang sila rito. Maaari mong papiliin ang mga estudyante ng isa sa mga banal na kasulatan sa ibaba o iba pang maaari mong ibigay.
Magbasa ng isa sa mga sumusunod na banal na kasulatan. Maghanap ng simbolo ng Tagapagligtas at itanong sa iyong sarili ang dalawang tanong sa pisara.
2 Samuel 22:2–4
Isaias 25:4 (Tandaan: Ang salitang ikaw ay tumutukoy sa Panginoon.)
Malakias 3:2–3
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maghanap ng mga paraan para pasalamatan at purihin sila sa kanilang pagsisikap. Kung mahihirapan ang mga estudyante, sabihin sa kanila na OK lang iyon; nangangailangan ng pagsasanay ang mga kasanayang ito.
Kasanayan: Alamin kung ano matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang mga kilos at salita
Ipaliwanag
Maaari din tayong magtuon sa Tagapagligtas habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng paghahanap sa Kanyang mga kilos at salita sa mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay maaari nating pagnilayan kung ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa Kanya mula sa Kanyang mga kilos at salita, at kung paano makatutulong sa ating buhay ang natutuhan natin tungkol sa Kanya.
Maaari mong ipakita sa pisara ang mga sumusunod na hakbang para sundin ng mga estudyante.
-
Hanapin ang mga salita at kilos ng Tagapagligtas.
-
Itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod:
-
Ano ang itinuturo sa akin ng mga salita at pariralang ito tungkol sa Tagapagligtas?
-
Paano ako tinutulungan ng mga salita o kilos na ito na maunawaan kung paano ako matutulungan ng Tagapagligtas sa aking buhay?
-
Ipakita
Matututuhan natin ang tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng kuwento nina Shadrac, Meshac, at Abednego. Ang tatlong matwid na lalaking ito ay itinapon sa isang nagniningas na hurno dahil tumanggi silang sambahin ang rebultong ginto na ginawa ng haring si Nebukadnezar (tingnan sa Daniel 3:13–22).
Maaari mong ipaliwanag sa mga estudyante na kung minsan ay dapat silang magbasa nang mabuti, at partikular na hanapin ang sinabi o ginawa ng Panginoon. Ang mga sumusunod na talata ay halimbawa nito.
Basahin ang Daniel 3:23–25, at alamin ang ginawa ng Tagapagligtas sa mga talatang ito.
Maaari mong ipakita ang larawan na “Sina Shadrac, Meshac, at Abednego sa nagniningas na hurno.”
Kung kinakailangan, maaari mong ipaliwanag na maaaring ang Tagapaglitas o ang isang sugo mula sa langit na Kanyang ipinadala ang kasama nina Shadrac, Meshac, at Abednego sa hurno.
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng aksiyong ito tungkol sa Tagapagligtas?
-
Paano ako tinutulungan ng aksiyong ito na maunawaan kung paano ako matutulungan ng Tagapagligtas sa aking buhay?
Mula sa karanasang ito, nalaman natin na susuportahan tayo ng Panginoon sa ating mga pagsubok (tingnan din sa Alma 36:3, 27; Doktrina at mga Tipan 3:8; 24:8).
Magsanay
Para magsanay sa kasanayang ito, basahin ang isa sa mga sumusunod na hanay ng mga talata, at alamin kung ano ang sinabi o ginawa ng Panginoon, pagkatapos ay itanong sa iyong sarili ang dalawang tanong na kasama ng kasanayang ito.
Exodo 14:21–22, 30. Ang mga anak ni Israel ay naipit sa pagitan ng hukbo ng Ehipto at ng Dagat na Pula.
1 Samuel 16:6–7. Sinisikap ni Samuel na tukuyin ang susunod na hari ng Israel.
Isaias 1:16–18. Ang mga tao ng Israel ay nahulog sa kasalanan.
Isaias 53:3–5. Ang propesiya tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Kung kapaki-pakinabang, itanong ang: “Paano makatutulong sa iyo ang kaalaman sa katangiang ito ng Tagapagligtas na manampalataya sa Kanya?”
Pangwakas
-
Paano kayo matutulungan ng mga kasanayang ito sa inyong pag-aaral ng banal na kasulatan?
Tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng saloobin mo tungkol sa Tagapagligtas at sa mga kasanayang ito. Anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga paraan kung paano maisasagawa ang mga kasanayang ito sa kanilang pag-aaral ng banal na kasulatan. Halimbawa, maaari silang magsulat sa study journal tungkol sa natututuhan nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.